Ang pagkain ng chicharon ay tipikal na sa ating mga Pilipino. Nakagisnan na natin at talaga namang pasok na pasok sa panlasa ng lahat. Mapabata man o matanda, hindi papahuli sa pagkain nito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap sa paggawa ng chicharon bulaklak
- Paraan ng pagluluto sa chicharon bulaklak
Ang chicharon ay pagkain na bukod sa mura, napakarami pang pwedeng paggamitan. Maaring isahog sa munggo, ginisang gulay, palabok, etc. May iba’t ibang variety ng chicharon na naimbento dahil sa pagiging malikhain nating mga Pinoy tulad na lamang ng Chicharon Bulaklak.
Nilalako, nabibili sa kanto, tindahan, grocery, o inihahain sa mga karinderya at sikat na restaurant ang Chicharon Bulaklak. Sinasawsaw sa sukang may bawang o sa pinakurat.
Larawan mula sa iStock
Ang chicharon ay hango sa salitang “chicharrón” ng mga Kastila na ibig sabihin ay fried pork rind. Kalaunan, hindi lamang balat o taba ng baboy ang naisipang gawing ng mga Pilipino. Mayroong chicharon bituka, chicharon kulani, backfat chicharon, at chicharon bulaklak. Ang chicharon bulaklak ay parte ng lamang loob ng baboy na tinatawag na “mesentery”. Ito ang matatagpuan na nakadikit sa intestine o bituka ng baboy. Mas malinamnam ito kumpara sa ibang variety ng chicharon. Kapag naprito, nagmumukha itong bulaklak kung kaya’t dito inihango ang tawag dito.
May iba’t iba rin na paraan ang pagluluto nito. Mayroon pinapalambot muna sa pamamagitan ng paglaga at ipiprito. May iba ring niluluto sa sariling mantika hanggang sa maluto at lumutong. Mayroon ding pinapagulong sa flour bago iprito upang makuha ang extra crispy na lutong. Narito ang dalawang paraan ng pagluluto ng Chicharon Bulaklak na talaga namang magugustuhan maski ng mga bata.
Mga sangkap sa pagluluto ng extra crispy Chicharon Bulaklak:
Larawan mula sa iStock
- 1 kilo ng mesentery o parte ng baboy na ginagawang Chicharon Bulaklak
- Pamintang buo
- 1 ulo ng bawang
- Asin
- 1 tasa ng sukang puti
- 3 dahon ng laurel
- Mantika (deep frying)
- Optional:
- 1 tasa ng all purpose flour
- Pamintang durog
- Asin
- Sangkap para sa sawsawan:
- Suka
- Asin
- Paminta
- Sili
BASAHIN:
Chicken Inasal o Inasal na Manok: Sikreto sa malinamnam at malasang marinade
Chopsuey Recipe: Ang healthy all-veggie ulam ng pamilyang Pilipino
Crispy Pata Recipe: Ang crunchy crispy pork knuckle na love ng mga Pinoy!
Unang paraan sa pagluluto ng extra crispy Chicharon Bulaklak:
Larawan mula sa iStock
- Hugasang mabuti ang lamang loob (mesentery) sa malinis na tubig. Tatlong beses hugasan upang masigurong malinis. Ilagay sa isang bowl, lagyan ng 2 kutsarang asin at ½ tasa ng sukang puti. Lamasin upang mawala ang natural na amoy ng lamang loob. Banlawan ulit ng dalawang beses at patuluin sa salaan sa loob ng 10 minuto.
- Sa isang kaserola, maglagay ng 2 tasang tubig, ½ kutsarang asin, paminta, dinikdik na bawang, ½ tasang suka, at dahon ng laurel. Isalang sa katamtamang apoy sa loob ng 25-30 minuto.
- Kapag luto na, salaing mabuti at hayaang tumulo at matanggal ang natitirang tubig na galing sa pinagkuluan sa loob ng 1 oras.
- Sa isang malaking kawali, maglagay ng maraming mantika. Isalang sa katamtamang apoy. Pagsamahin ang all purpose flour, paminta, at asin uoang makagawa ng breading. I-coat ang nalagang mesentery sa breading. Siguraduhing nabalutan lahat ng parte ng breading. Itatak ng bahagya at isalang sa mantika. (May mga pagkakataong matalsik ang pagluluto nito kaya ingatan matalsikan ng mainit na mantika.)
- Lutuin ng 10 minuto o hanggang maging golden brown. Salain at ilagay sa platong may paper napkin upang maabsorb ang natitirang mantika.
- Gumawa ng sawsawang nais. (suka, bawang, asin, paminta, at sili)
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!