Ang Bacolod hindi lamang kilala bilang City of Smiles dahil sa kanilang MassKara Festival, kundi dahil na rin sa kanilang malinamnam at malasang Chicken Inasal recipe.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap sa Chicken Inasal recipe
- Paraan ng pagluluto ng Chicken Inasal sa recipe na ito
- Recipe sa paggawa ng chicken oil
Ang Chicken Inasal ay nahahawig sa chicken barbeque dahil sa paraan ng pagluluto nito gamit ang ihawan na de uling. Ang pinagkaiba lang ay ang distinct na lasa nito dahil sa iba’t ibang sangkap na ginagamit sa pag-marinade dito.
Galing sa salitang Hiligaynon na “asal” na ang inasal na ang ibig sabihin ay tinutuhog. Ayon sa kasaysayan ng putaheng ito, naimbento ito ng mga Negrense noong taong 1970 hanggang 1980 dahil sa krisis na naranasan ng mga asukarera (taniman ng tubo na ginagawang asukal). Nag-isip ang mga Negrense ng alternatibong paraan upang malabanan ang naturang krisis. Sinasabing ang naunang mga nagtinda ng Chicken Inasal sa Bacolod ay matatagpuan lamang sa mga kalye at magkakahilera simula noon ang recipe nito’y naging popular na.
Ngayon, kahit saang parte ng Pilipinas, makakakain ka na rin ng Chicken Inasal dahil sa mga tinayong fastfood chain ng isang pribadong kumpanya. Pumatok sa masa dahil sa unlimited rice at soup nilang offer.
Subukan na ang Chicken Inasal recipe. | Larawan mula sa iStock
Pero dahil sa nararanasang nating pandemya, karamihan sa miyembro ng ating pamilya ang hindi pa rin pinapayagang lumabas ng bahay. Ang malinamnam at malasang Chicken Inasal ay magagawa mo rin sa loob ng inyong pamamahay . Basta sundin lang ang tamang sangkap at paraan ng pagluluto.
Mga sangkap sa pagluluto ng malinamnam at malasang Chicken Inasal:
- 1 kilong manok (anumang parte ang naisin)
- 6 na pirasong kalamansi
- 1 buong ulo ng bawang (tinadtad)
- 2 kutsarang asukal na pula
- 1 katamtamang laki ng luya (tinadtad)
- ¼ cup ng suka
- 1 stalk ng tanglad o lemongrass (tinadtad)
- 3 kutsarang toyo
- ½ kutsarita ng pamintang durog
- Bamboo stick (optional)
Mga sangkap sa paggawa ng Chicken Oil:
- 1 kilong balat at taba ng manok
- 2 kutsarang asuete
- 1 ulo ng bawang (dinikdik)
Paraan sa pagluluto ng malinamnam at malasang Chicken Inasal:
- Hugasang mabuti ang manok at salain ng maigi. Sa isang malaking bowl, pagsamahin ang bawang, luya, tanglad (lemongrass), kamansi, asukal, suka, toyo, at paminta. Haluing mabuti hanggang malusawa ang asukal na inihalo.
- Ilagay ang manok sa marinade at haluin. Siguraduhing lahat ng parte ng manok at nalagyan ng marinade. Takpan at ilagay sa refrigerator sa loob ng isang oras. Pagkalipas ng isang oras, kunin at haluin muli upang magpantay ang lasa ng lahat ng binabad na manok. Takpan ulit at ilagay sa refrigerator sa loob muli ng isa pang oras. Tuhugin ang mga nababad na manok.
- Ihanda ang paglulutuan. Maaring gumamit ng ihawan na ginagamitan ng uling, electric griller, o stove top grill. Pahiran ng chicken oil ang paglulutuan para hindi dumikit ang isasalang na manok.
- Isalang sa ihawan at pahiran chicken oil habang niluluto. Bagtarin kada 3 minuto upang hindi masunog. Ang isang regular size na manok ay umaabot ng 15 minutos bago tuluyang maluto. Kung mas malaking size ang cut ng manok na ginamit, ang pag-iohaw ay inaabot ng 25-30 minuto.
- Kapag luto na, ihain sa plato na pinatungan ng dahon ng saging. Ready to serve na ang inyong Chicken Inasal.
BASAHIN:
Inihaw na liempo recipe: Ang sikreto sa masarap na marinade nito
Chicken Sisig: Healthier version ng ating paboritong sizzling food!
Inihaw na bangus: Pinasarap na version ng classic inihaw recipe
Larawan mula sa iStock
Paraan sa pagluluto ng chicken oil para sa malinamnam at malasang Chicken Inasal:
- Sa isang non stick pan o kawali, ilagay ang balat at taba ng manok.
- Isalang sa katamtamang apoy at takpan.
- Buksan ang takip pagkalipas ng 10 minuto at haluin hanggang sa magrender na ang fats o maluto sa sariling mantika ang balat at taba.
- Kapag purong mantika na ang naiiwan sa kawali. Hanguin ang mga nalutong balat at taba. Itabi para magamit pang panahog sa ginisang gulay.
- Isunod na ilagay ang dinikdik na bawang at asuete. Hinaan ang apoy at iluto.
- Kapag luto na. Palamigin muna bago salain at ilagay sa bote.
Mga Sawsawan na Kapareha ng Malinamnam at Malasang Chicken Inasal:
- Sinamak o tinimplahang suka
- Toyo
- Kamansi
- Sili
May ilang alternatibong paraan upang mapa-healthy ang ating Chicken Inasal. Maaring i-bake ang manok sa oven sa loob ng 40 minuto sa temperatura na 250° Celcius. Pwede ring gumamit ng air fyer kung available ito sa inyong mga kusina.
Larawan mula sa iStock
Ang maaring sangkap na gamitin naman para maging healthy ang Chicken Oil ay paggamit ng Coconut oil sa halip na mantika galing sa pinaglutuan ng balat at taba ng manok.
Sa side dishes naman, maaring partneran ang Chicken Inasal ng inihaw o pritong talong at itlog na maalat. Kaya naman subukan nang iluto ang Chicken Inasal sa pamamagitan ng recipe na ito. Tiyak na magugustuhan ito ng inyong buong pamilya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!