Isa ang Bangus sa kilalang isda sa Pilipinas, at isa sa pinakapaboritong luto rito ng mga Pilipino ay ang inihaw na Bangus. Alamin ang recipe ng inihaw na bangus na madaling-madali lamang.
Inihaw na Bangus
Inihaw na bangus recipe tagalog: Naghahanap ka ba ng inihaw na bagus recipe in Tagalog? Narito na ang hinahanap mo!
Ang malaman ngunit matinik nitong laman ang isa sa trademark ng isdang Bangus. Kung paramihan lang ng putaheng gawa sa isda, hindi nagpapahuli ang Bangus. Bukod sa prito, paksiw, sinigang, pesa, daing, bisktek na bangus, shanghai na bangus, at iba pa, isa sa pinakasikat na luto rito ang Inihaw na Bangus.
Pangkaraniwang mabibili sa mga kainan o malalaking restaurant na nag-ooffer ng seafood sa kanilang menu ang putaheng ito. Kalimitang nilalagyan ito ng side dish tulad ng kamatis, pilipino, itlog na maalat, bagoong alamang at iba pa. Hindi rin mawawala ang natatanging sawsawan nito na lalong nagpapasarap dito, ito’y gawa sa pinagsamang toyo, kalamansi, at sili.
Sa Dagupan, Pangasinan, ang pinakamalaking fish farming ng bangus. Kilala ang Bangus Dagupan dahil sa natatangi nitong lasa at matabang tiyan na siyang paboritong parte ng Pinoy sa bangus. Dito ang perpektong lugar na magparami ng bangus dahil ang sa nakapalibot nitong tubig tabang at tubig alat. Ang pagpapalaki at pag-aani ng bangus ay inaabot ng apat hanggang anim na buwan.
Sa paggawa ng inihaw na bangus, maraming Pilipino ang mas prefer na may palaman sa gitna ang bangus bago ihawin. Ito ang nagbibigay ng lasa at aroma sa putahe na ito.
Mga sangkap na sa pagluluto ng mas pinasarap na inihaw na bangus:
- 2 malalaking piraso ng Bangus (1 kilo)
- 12 pirasong kalamansi
- 1 malaking sibuyas
- 1 katamtamang laki ng luya
- 5 pirasong kamatis
- ½ tasang toyo
- 2 kutsarang oyster sauce
- ½ kutsaritang paminta
- Keso
- Itlog na maalat
- Foil
- Butter
BASAHIN:
Chicken Inasal o Inasal na Manok: Sikreto sa malinamnam at malasang marinade
Inihaw na tilapia: Sangkap at recipe
Lumpiang Togue Recipe: Ang healthy spring rolls na masarap sa merienda
Inihaw na bangus recipe: Paraan ng pagluluto
- Hugasang mabuti ang bangus. Hiwain ng padaing (butterfly cut). Alisin ang lamang loob at hugasang mabuti hanggang matanggal ang natitirang dugo sa loob ng tiyan. Salain at itabi. *maari ring gumamit ng boneless bangus
- Hiwain ang sibuyas , luya, at kamatis ng maliliit na hiwa. Isunod ang kamansi at pigain. Sa isang bowl, ilagay ang mga nahiwang sangkap, isunod ang katas ng kalamansi, toyo, oyster sauce, at paminta. Haluin ng maigi. Ito ang magsisilbing palaman ng Bangus.
- Sa isang plato ilagay ang isang bangus, buksan at ipalaman ang pinaghaling sangkap. Para sumarap pa ito, lagyan ng hiniwang itlog na maalat at ginadgad na keso. Ulitin ang sa ikalawang bangus.
- Ang natirang palaman ang magsisilbing marinade ng Inihaw na Bangus. Ibabad ang dalawang bangus dito. Takpan at ilagay sa refrigerator sa loob ng apat na oras o higit pa para mas manuot ang lasa ng palaman at marinade.
- Kapag ready to cook na ang Bangus, kumuha ng foil, pahirang maigi ng butter, at ilagay ang isang bagus. Baluting maigi. Gawin muli para sa isang pang bangus.
- Ihanda ang ihawan, magparingas ng uling. Kapag stable na ang baga, ihawin na ang bangus. Baligtarin kada 10 minuto upang pumantay ang luto. Ang isang malaking bangus ay umaabot ng 30 hanggang 40 minuto bago maluto. Maaari ring iluto ang mas pinasarap na Inihaw na Bangus sa electric griller, stove top griller, o sa improviser griller.
- Palamigin muna ng sampung minuto ang nalutong mas pinasarap na Inihaw na Bangus para mas manuot ang lasa at maging juicy.
- Ihain ito kasabay ang paboritong sawsawan at side dishes.
Para sa maanghang na bersyon ng mas pinasarap na Inihaw na Bangus, maglagay ng 4-5 siling berde o 3 pirasong siling labuyo.
Mga sawsawan na bagay sa putaheng ito:
- Toyo, kalamansi, at sili
- Bagoong isda, kalamansi, at sili
- Bagoong alamang at kamatis
- Suka, bawang, at patis
Mga side dish para sa putaheng ito:
- Ensaladang talong
- Ensaladang pipino
- Mangga hilaw at bagoong alamang
- Nilagang okra
- Nilagang talbos ng kamote
- Burong isda ng mga kapampangan
Health benefits ng pagkain ng bangus
Nakasaad sa artikulo ng National Nutrition Council na may pamagat na Is Bangus Belly Good for the Heart?, ang mga health benefits ng pagkain ng bangus.
Mayaman ang tiyan ng bangus sa omega-3 fatty acids na nakapagpapalakas ng puso o ng cardiovascular health. Ayon sa National Institutes of Health, ang pagkain ng isdang tulad ng bangus at iba pang seafood na mayaman sa omega-3 fatty acids ay naiuugnay sa pagbaba ng risk ng chronic diseases.
Bukod sa pagpapalakas ng cardiovascular health, makatutulong din ang nutrients mula sa bangus sa kalusugan at brain development ng sanggol. Para sa mga buntis at nagpapasusong ina, ang pagkain ng 8-12 ounce ng isda at seafood kada linggo ay nagbibigay ng omega-3 na kailangan para sa maayos na brain development ng sanggol sa sinapupunan.
Dagdag pa rito, narito ang iba pang benepisyo ng pagkain ng bangus:
- Makatutulong sa pag-prevent ng cancer
- Pinabababa ang panganib na magkaroon ng alzheimer’s disease, dementia, at iba pang problema sa cognitive functions.
- Nakababawas sa pamamaga ng Rheumatoid arthritis.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!