Mahilig ka ba sa mga kakanin? Subukan na itong bibingka recipe na ituturo namin sa’yo.
Narinig mo na ba ang bugtong na ito? “Apoy sa itaas, apoy sa ibaba; Salamangkero sa gitna.” Ang sagot? Bibingka!
Dito sa Pilipinas, ang pagkain na kadalasang naiuugnay sa panahon ng Kapaskuhan ay ang Bibingka (kasama na rin ang puto bumbong). Sa aming lugar, unang araw pa lang ng Setyembre, isa-isa nang nagsusulputan ang mga nagtitinda ng tradisyunal na bibingka, lalo na sa mga kalyeng malapit sa simbahan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang tradisyunal na paraan ng paggawa ng Bibingka
- Mga sangkap na kailangan sa paggawa ng Bibingka
- Bibingka recipe na pinasimple at pinasarap
Paano niluluto ang tradisyunal na bibingka
Marahil ay nakakita ka na ng karaniwang lutuan ng bibingka. May nagbabagang uling sa loob ng kalan na yari sa terra cotta at sa ibabaw nito ay may maliit na palayok o plato na gawa rin sa terra cotta. Sasapinan ito ng dahon ng saging kung saan ibubuhos ang timpladong galapong. Sa papatungan pa ito ng manipis na yero na naglalaman ng nagbabagang uling at may alambreng hawakan.
Isa sa pangunahing sangkap sa paggawa ng bibingka ay ang galapong. Binababad buong gabi ang bigas sa tubig, pagkatapos ay pinapagiling ito sa palengke. Hahayaan itong maburo at saka titimplahan ng asukal at lalagyan ng binating itlog.
Larawan mula sa iStock
Ang sikreto sa bibingka recipe ng nanay ko, hinahaluan niya ng kanin (lutong bigas) ang bigas na iginigiling niya para mas malambot. Para medyo fluffy ang bibingka, nilalagyan niya rin ng konting baking powder ‘yung halo o mixture bago ilagay sa kalan.
Hindi lang pang-Pasko ang Bibingka
Iba-iba na ring klase ng Bibingka ang naimbento ng mga Pinoy. Ang pinakakaraniwan at pinakamurang bibingka ay pinapahiran lang ng mantikilya at binubudburan ng asukal. Mas espesyal naman (at syempre, mas mahal) kapag meron itong kasamang itlog na maalat. Masarap rin itong budburan ng keso o kinayod na sariwang niyog sa ibabaw, at kainin ng mainit.
Lumalakas talaga ang benta ng bibingka tuwing ber-months (buwan ng Setyembre hanggang Disyembre) at dumarami rin ang nagbebenta nito. Pero ngayon, marami na ring mga kainan at restaurant ang nagtitinda ng paboritong meryendang ito ng mga Pinoy. Masarap ito ipares sa mainit na kape o tsokolate.
Bagamat meron pa ring gumagawa ng tradisyunal na pagluluto nito sa mga palengke at restaurant, marami na rin ang natututo ng mas mabilis at simpleng paraan ng paggawa ng bibingka. Kadalasan, niluluto na ito gamit ang oven. Pero hindi pa rin naman naaalis ang malinamnam na lasa na hinahanap-hanap nating mga Pinoy.
Bihira na rin sa mga tahanan ang merong mga palayok at lutuan na yari sa terra cotta. Kaya para mas mapadali ang paggawa niyo ng bibingka, itinatampok namin ngayon ang isang bibingka recipe na gumagamit lamang ng oven.
Bibingka recipe na pinadali
Larawan mula sa iStock
BASAHIN RIN:
Ginataang mais recipe: Ang perfect pang-breakfast o meryenda ng buong pamilya!
Special Pichi-pichi: Pantanggal Umay sa Nakasanayang Meryenda
Pancit Palabok recipe sa handaan o pati pang-meryenda
Mga sangkap sa paggawa ng Bibingka:
- 1 tasang arina o rice flour
- 1 kurot ng asin
- 2 ½ kutsaritang baking powder
- 3 kutsarang mantikilya o butter
- 1 tasang asukal na puti
- 2 itlog (malaki)
- 1 tasang gata (coconut milk)
- ¼ tasang gatas (evaporated milk o whole milk)
- 1 itlog na pula o itlog na maalat, binalatan at hiniwa ng maliliit
- ½ tasang kinayod na keso
- 1 tasang kinayod na sariwang niyog
Tandaan:
Kailangan mo rin ng sariwang dahon ng saging. Ilagay ang dahon ng saging sa apoy ng isa o dalawang minuto para lumambot. Gupitin pabilog ng mas malaki sa iyong baking pan tapos itabi.
Larawan mula sa iStock
Mga hakbang sa paggawa ng bibingka:
- I-preheat o painitin ang oven sa 375*F
- Sa isang mangkok, paghaluin ang rice flour, baking powder at asin. Iisantabi muna.
- Gamit ang whisk, batihin ang butter at unti-unting ibuhos ang asukal habang patuloy na hinahalo.
- Isa-isang ilagay ang itlog habang patuloy ang pagbati.
- Unti-unting ilagay ang hinalong arina, baking powder at asin. Haluin mabuti. Ibuhos ang gata at evaporated milk. Haluin pa ng ilang minuto.
- Ilagay ang ginupit na dahon sa baking pan. Siguraduhing nakalapat ito ng maayos sa ilalim.
- Dahan-dahang ilagay ang mixture into the baking pan.
- Ilagay ang baking pan sa oven at i-bake sa loob ng 18 minuto.
- Pagkatapos ng 25 minuto, alisin ang baking pan sa oven, pero huwag munang patayin ito.
- Hinaan ang temperature ng oven, at ilagay sa 350*F. Ilagay sa ibabaw ng bibingka ang itlog na maalat at kinayod na keso.
- Ibalik sa oven ang bibingka at i-bake sa loob ng 15 hanggang 20 minuto o hanggang golden brown na ang ibabaw nito.
- Hanguin sa oven at pahiran ng butter.
- Budburan ng kinayod na sariwang niyog bago kainin.
Madali lang diba? Balitaan mo kami, mommy, kung ayos ba ang bibingka recipe na tinuro namin sa’yo. Siguradong matutuwa ang buong pamilya!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!