Isa sa mga kailangan ding harapin ng mga bagong panganak na ina ay pagpapasuso sa kanilang newborn baby. Pero paano nga ba ang tamang pagpapasuso ng sanggol? Alamin kung paano ito at ang halaga ng breastfeeding para sa development ng iyong anak.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang breastfeeding?
Ang breastfeeding o pagpapasuso sa iyong sanggol, lalo’t eksklusibo ay ang isang sa pinakamagandang desiyon na iyong gagawin o ginawa bilang ina. Napakaraming benepisyo ang makukuha ng isang mag-ina sa umano’y napakasimpleng bagay na ito. Ngunit ano nga ba ang dapat tandaan sa tamang pagpapasuso ng sanggol?
Hindi madali ang pagpapasuso. Minsan, sa kabila ng lahat ng payo na naibigay sa ‘yo ng ibang ina, dagdag pa ang lahat ng impormasyong nabasa mo sa libro, ‘di mo pa rin alam kung ano ang gagawin mo dahil parang mali pa rin. Para sa maraming ina, hindi komportable at walang nangyayari sa kabila ng lahat ng effort nila. Sa pagkakataong ito, hindi mo na kailangan ng sagot sa tanong na ‘paano mawala ang gatas ng ina’ dahil sa bawat problema, may solusyon!
Karaniwang problema sa breastfeeding
May apat na karaniwang problema pagdating sa breastfeeding ng isang bagong ina.
1. Posisyon habang nagpapasuso o breastfeeding position
Pinakamahalaga ang tamang posisyon para sa mag-ina sa breastfeeding. Basta’t tama ang posisyon, at komportable para sa inyong dalawa, mas madaling makakasuso si baby.
Kadalasan, kapag mali ang posisyon, nagiging sanhi ito ng pagkasugat o pagkamaga ng nipple. Payo ni Christine Mesina-Cortes, isang nurse at ina, ang tamang posisyon ang susi sa breastfeeding. “May mga unan na sadyang designed para sa komportableng breastfeeding,” dagdag niya.
Naalala kong nakatulong sa akin noon ang rocking chair. Old school, lumang rocking chair. Komportable ako, at sakto ang posisyon naming mag-ina. Naglalagay lamang ako ng ilang unan para hindi matigas sa likod at braso ko.
Hawakan ang sanggol nang malapit sa suso, at hawakan ang ulo ng isang kamay, at ang iyong suso ng isa pang kamay para mailapit sa kanya. Kilitiin ang labi ng anak para ito ay ibuka niya at mahanap ang nipple. Kailangan niyang maisubo ng buo ang areola.
Mararamdaman mo ang dila niya sa ilalim ng iyong nipple. Ibig sabihin ay ayos na ang latching. Kung kailangan nang ialis ang sanggol, ilagay ang isang daliri sa gilid ng bibig ng sanggol, at saka dahan-dahang ialis ang pagkakasubo.
2. Problema sa nipple/s
Isa ito sa pinakakaraniwang dahilan kung bakit maraming ina ang sumusuko agad sa breastfeeding. Minsan, may inverted nipple, at minsan naman, sa unang subok, nakakaramdam ng sobrang sakit at pagkatapos ay pamamaga. Payo ni Nurse Christine, pahiran ng Lanolin ointment ang maga o nagalusang nipple.
3. Walang gatas
Huwag sumuko kung animo’y wala talagang lumalabas na gatas. Ang supply ng gatas ng ina ay natural na lumalabas habang patuloy na sinususo. Sabi nga ni Christine, ang gatas ng ina ay “by demand”. Ibig sabihin, alam ng katawan mo na kailangan mag-produce ng gatas dahil “may humihingi”.
Mas madalas ang breastfeeding, mas maraming gatas ang lalabas, “and the more natural breast-feeding is likely to feel,” dagdag ni Christine. Maaari ding gumamit ng breast pump para ma-simulate ang pagsuso.
4. Breast engorgement o pamamaga sanhi ng dami ng gatas
Kabaligtaran naman ay ang sobrang dami ng supply ng gatas ng ina, na dahilan na ng pagsakit dahil sobrang bigat. Gumamit ng warm compress at idampi sa paligid ng suso. Maligo din ng maligamgam na tubig, payo ni Christine. Ang temperaturang ito ang makakatulong sa paglabas ng maayos at mas maaliwalas.
Ihanda na ang breast pump at mga lalagyan ng gatas. Minsan pa nga, hindi mo na kakailanganin ng breast pump dahil natural na lalabas na ang gatas sa iyong pagpisil.
TANDAAN. May solusyon sa bawat problema. Siguraduhin lang na gawin ang mga sumusunod
Tamang pag-latch para sa madaling breastfeeding journey
Mahalaga ang tamang pag-latch ng iyong baby para sa matagumpay na pagpapasuso. Narito ang mga hakbang para magkaroon ng tamang pag-latch:
1. Pagposisyon kay baby
Hanapin ang komportableng at tahimik na lugar kung saan mo papadedehin ang iyong baby. Maupo nang nakarelaks at may magandang suporta sa likod. Yakapin ang iyong baby sa iyong mga braso na nakaharap ang ulo at katawan nito sa ‘yo.
2. Nose-to-nipple alignment
Siguraduhing pareho ang taas ng ilong ng iyong baby sa iyong nipple. Ganito sila magtutuon ng ulo pabalik nang kaunti para buksan ang bibig nila nang malawak.
3. Mag-aim para sa wide open mouth
Madahang hawakan ang labi ng iyong baby gamit ang iyong nipple para ma-stimulate ang kanilang rooting reflex. Kapag bukas na ang kanilang bibig ay mabilis na idirekta ito sa iyong dibdib.
4. Chin and nose contact
Ang baba ng iyong baby ay dapat naka-firmly pressed sa iyong dibdib at ang kanilang ilong ay medyo malayo sa iyong dibdib. Sa ganitong posisyon ang iyong baby ang makakahinga ng maayos habang siya ay sumususo.
5. Dapat nasa areola ang bibig ni baby
Siguraduhing ang bibig ng iyong baby ay nakasakop ng malaking bahagi ng areola (ang madilaw na bahagi na bumubuo sa paligid ng iyong nipple) at hindi lamang ang nipple mismo. Ito ay makatutulong para maiwasan ang kirot at masiguro ang epektibong pagkuha ng gatas.
6. Pagsuso at paglunok ni baby
Makinig sa ritmikong tunog ng pagsubo at paglunok habang dumede ang iyong baby. Ito ay nagpapahiwatig na tama ang pag-latch at natatanggap nila ang gatas nang mabuti.
7. Comfort at position adjustment
Hindi dapat masakit ang pagpapasuso. Kung may kirot, maaaring ipasok mo nang maingat ang iyong daliri sa sulok ng bibig ng iyong baby para ma-break ang latch, at subukang muli.
8. Switching sides
Matapos mag-breastfeed si baby sa isang dibdib ay dapat mapa-burp siya at i-offer ang iyong kabilang breast. Siguraduhin na alternate ang pagbibigay ng dibdib sa bawat pagpapasuso upang maisaayos ang milk production at matiyak ang balanseng nutrisyon para sa iyong baby.
9. Practice and Patience
Ang tamang pag-latch ay maaaring mangailangan ng pagsasanay, lalo na sa mga unang araw. Maging pasensyoso sa iyong sarili at sa iyong baby habang pareho ninyong natututunan ang bagong kasanayang ito.
10. Seek Support
Kung may mga hamon sa pag-latch o pagpapasuso, huwag mag-atubiling humingi ng tulong mula sa lactation consultant, breastfeeding support group, o mga healthcare professional na may karanasan sa pagtulong sa pagpapasuso. Makakapagbigay sila ng gabay at tulong na naaangkop sa iyong pangangailangan.
9 tips para sa tamang pagpapasuso ng sanggol: Gabay para sa ina
1. Humingi agad ng tulong o payo
Magbasa at magtanong sa mga eksperto – mga kapwa nanay, breastfeeding coach, doktor, nurse, lactation consultant.
2. Pakiramdaman at obserbahan ang breastfeeding schedule ng sanggol
Pagmasdan at i-rekord ang oras ng pag-inom ng sanggol. Tingnan ang hudyat ng gutom tulad ng pag-iyak, sucking motion o pag-nguso ng bata na parang gustong sumuso, hindi mapakali at iba pa.
Hayaang sumuso sa isa ng 15 hanggang 20 minuto, at saka ilipat sa kabilang suso. Tandaan din kung alin ang huling sinuso ng anak, dahil kailangang magsimula sa kabilang suso sa susunod na pagpapasuso. Huwag kalimutang ang pagdighay (burp) ng bata.
3. Mas mabuting patulugin ang sanggol sa iyong tabi
Ilagay muna ang crib sa tabi ng iyong kama para madaling tugunan ang pangangailangan ng sanggol, sa unang taon nito. Huwag patulugin sa iyong kama dahil baka madaganan.
4. Iwasan ang pagbibigay ng pacifier pampalit sa breastfeeding
Hangga’t maaari ay huwag munang ipakilala ang pacifier o dummy dahil gusto mo munang ikaw ang tanging makilala ng anak.
Ito rin ang sanhi ng nipple confusion para sa bata. Masasanay kasi siya sa pakiramdam ng silicon, at minsan ay mas gugustuhin niya ito. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi magandang bigyan kaagad ng formula bottle ang isang sanggol, dahil na rin sa tsupon na makakasanayan. Kapag mayron na kayong routine ni baby, saka na lang isiping ibigay ang mga alternatibong ito.
5. Alagaan ang iyong nipples
Pagkatapos ng bawat breastfeeding, hindi kailangang punasan ang nipple. Maaaring hayaan matuyo ang gatas, payo ni Christine, dahil soothing ito, ika nga.
Maaari namang dampian ng bulak na basa ng maligamgam na tubig pagkatapos ng ilang minuto. Maglagay ng breast pads kapag hindi nagpapasuso at nararamdamang malakas ang supply.
Sa paliligo, huwag masyadong sabunin ang area ng nipple. Gumamit ng Lanolin kung pakiramdam mo ay tuyo at nagsusugat. Isa din itong moisturizer para sa nipple.
6. Piliin ang healthy lifestyle
Kumakain ka na para sa dalawa, ikaw at si baby, kaya’t kailangang pag-isipang mabuti ang lahat ng bagay na kinakain mo. Prutas, gulay, at whole grains ang kailangan mo.
Sabi ni Christine, “Kumain ng malunggay at sabaw. May mga malunggay supplements na rin na pwede sa pagbubuntis pa lamang. Kumain din ng oatmeal lalo sa umaga.” Nakakatulong ang mga ito sa supply ng gatas ng ina. Rekumendado din nya ang Fenugreek, isang bitamina para din sa mga nagpapasusong ina.
“Hydrate, hydrate and hydrate,” diin pa ng nurse. Tubig, na may lemon cucumber ang subukan. Uminom din ng gatas at juice. Iwasan ang kape, ngunit hindi kailangang tuluyang alisin, lalo’t hilig mo ito. Isa pa, matulog at umidlip habang tulog din ang bata.
7. Huwag manigarilyo
Napupunta sa sistema ng ina ang nicotine, na maaaring makaapekto sa pagtulog ng sanggol. Mag-ingat din sa mga gamot na iniinom. Magtanong palagi sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot.
8. Magpatugtog ng music habang breastfeeding
Gawing kagiliw-giliw ang feeding time sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng paboritong kanta o musika. Masaya, moderno, rock, hip-hop, o classical—paghaluin mo at piliin, depende sa oras. Panigurado ang saya ng bonding moment ninyong mag-ina.
9. Kaya mo ‘yan
Sa aking tatlong anak, ang panganay ko ang hindi ko napasuso, at laking panghihinayang ko. Hindi kasi ako gaanong masigasig noon at nahirapan ako kaya’t sumuko ako agad. Sa ikalawa at katlong anak ko, sinigurado kong pipilitin ko kahit gaano man kahirap dahil noon ko pa lang nalaman ang kabutihan nito para sa bata.
Naging allergic din ang dalawang anak ko sa formula milk, kaya’t wala akong ibang choice kundi magpasuso ng eksklusibo. Sulit ang sakit at puyat, kapag nakita mong malusog at masaya ang iyong sanggol. Nakakapagod, at napakasakit sa unang linggo, lalo na. Ngunit sulit naman ito. Basta’t handa ka at malakas ka o healthy ka, kaya mo ito.
Dapat gawin para mawala ang gatas ng ina: Makabubuti ba?
Ang breastfeeding ay may healthy benefits para kay mommy at baby. Sa unang buwan ng iyong anak, kailangan niya talaga ng natural na gatas na magmumula sa ina. Dahil ang gatas ng ina ay nagtataglay ng importanteng antibodies. Maiiwasan rin ang risk ng iyong anak sa SIDS.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.