Basahin rito ang mga kwento at aral na natutunan ni Buboy Villar bilang batang ama.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano nakilala si Buboy Villar sa showbiz
- Mga karanasan at aral bilang batang ama
- Paano nagbago ang relasyon ni Buboy sa kaniyang tatay
Totoo nga ang sinasabi ng matatanda, na kapag naging magulang ka na, mas makikilala mo ang iyong sarili at mas maiintindihan mo ang iyong mga magulang.
Ito ang natuklasan ng aktor na si Buboy Villar nang siya ay maging isang ama sa edad na 17.
Sa pinakahuling YouTube talk show ni Toni Gonzaga na Toni Talks, si Buboy ang naging guest kung saan nagkuwento ito ng kaniyang mga pakikipagsapalaran sa buhay at ang kaniyang responsibilidad bilang batang ama.
Kabataan ni Buboy Villar
Maagang namulat sa katotohanan ng buhay si Buboy. Sa edad na 4, tumutulong na siya sa kaniyang ama na mangolekta ng mga basura sa mga kalsada sa Cebu. Mahirap ang buhay na kinagisnan niya kaya hindi sumagi sa isip niya na siya ay magiging isang artista.
Pagbabahagi niya,
“Galing akong Cebu. Sino bang aakalain na magiging artista ang isang basurero?”
Noong 5 taong gulang na si Buboy, lumipat ang kanilang buong pamilya sa Maynila upang hanapin ang kanilang suwerte rito. Nakita niya ang pagsasakripisyo ng kaniyang ina para lang may maipakain sa mga anak.
Dahil may talento sa pagkanta, naisipan ng nanay ni Buboy na isali siya sa isang singing competition sa TV. Natatandaan pa niya na nagmamakaawa ang kaniyang ina sa guard ng TV station para payagan si Buboy na mag-audition.
Kwento ni Buboy, walang hindi gagawin ang kaniyang ina, basta mapakain lang ang mga anak.
Nagbunga naman ito dahil nanalo si Buboy sa Little Big Star at naiuwi ang grand prize na 250,000 pesos na lubhang nakatulong sa kanilang pamilya, at mayroon pang kasamang scholarship.
Mula sa pagiging singer, unti-unti ring nakilala si Buboy bilang isang child actor. At noong 2015, nakuha niya ang titulong Best Actor sa Guam International Film Festival para sa kaniyang pagganap bilang batang Manny Pacquiao sa pelikulang Kid Kulafu.
Maagang pag-ibig at pagiging batang ama
Larawan mula sa Instagram account ni Buboy Villar
Inamin naman ni Buboy na ang pagiging isang batang ama ay biglaang nangyari sa kaniyang buhay.
Taong 2015 nang makilala niya si Angiellyn Gorens, ang kaniyang naging long-time partner at nanay ng kaniyang dalawang anak na sina Vlanz Karollyn at George Michael.
Kwento ni Buboy,
“Love at first sight, tapos gusto ko talaga siya. Hindi namin talagang plano mag-anak noon. Plano lang namin was mag live-in kasi partners kami.”
Aniya, si Angiellyn ang kaniyang first true love. At noong bumalik si Angiellyn sa Amerika, nahirapan ang batang aktor kaya inaya niya ang kasintahan na mag-live in.
“Nilakasan ko ‘yong loob ko. Sabi ko, ‘Uwi ka na lang kaya dito sa Pilipinas, magsama na lang tayo.’”
Batid naman ng dalawa na mali ang kanilang ginawang pagsuway sa kanilang magulang.
“Alam namin na mali ‘yon. Ginawa namin ‘yong gusto lang namin. Hindi namin pinakinggan ‘yong mas nakakatanda sa amin,” ani Buboy.
Larawan mula sa Instagram account ni Buboy Villar
Subalit naging mali man ang simula ng kanilang pagkakaroon ng pamilya, hindi ito pinagsisisihan ng aktor dahil nagbunga naman ang kanilang pagmamahalan ng dalawang anak.
“Sa lahat ng laban ko sa buhay na ito, isa lang ang masasabi ko: Isa ‘yon sa pinakamagandang nangyari sa buhay ko, ‘yong mga anak ko.”
Inamin ni Buboy na hiwalay na sila ni Angiellyn, subalit nananatili naman silang may maayos na pakikitungo sa isa’t isa para sa kanilang mga anak.
Sa kasalukuyan, sa mga magulang ni Angiellyn nakatira ang dalawang bata habang nasa America si Angiellyn at si Buboy naman ay abala sa kaniyang taping at kaniyang negosyo.
BASAHIN:
Teen actor Buboy Villar and American girlfriend are expecting their first baby
STUDY: Ilang dahilan kung bakit hindi pa handang maging tatay ang ilang lalaki
10 na bagay na ginagawa ng mabuting tatay para sa kaniyang mga anak
Mga aral sa pagiging ama
Dahil sa pagiging batang ama, mas maraming nadiskubre si Buboy sa kaniyang sarili. Aniya, kung hindi siya naging isang ama sa maagang edad, hindi siguro niya alam kung saan siya pupulutin ngayon.
Natutunan din niyang mas alagaan ang sarili para sa kaniyang dalawang anak.
“Kapag hindi natin iningatan ang sarili natin, paano na ‘yong mga anak natin? Paano na ‘yong future nila?”
Pag-amin din ng aktor, ayaw niyang maranasan ng kaniyang mga anak ang kaniyang naranasan kung saan hindi siya naging malapit sa kaniyang ama.
“Mahilig uminom ang tatay ko. Tapos kada gabi, nagugulpi kami, pati nanay ko,” kuwento ni Buboy. Kaya naman nagkaroon ng panahon na talagang masama ang loob niya sa kaniyang ama.“Dati galit ako sa Tatay ko. Sinumpa ko pa tatay ko dati,” dagdag niya.
Larawan mula sa Instagram account ni Buboy Villar
Pero nang naranasan niya ang maging isang ama, natuto niyang pasalamatan ang ama para sa mga naging sakripisyo nito para sa kanilang pamilya, at unti-unti ay natutunan niyang patawarin ito.
“Noong naging tatay ako, naramdaman ko na kahit anong sama ng tatay mo, mapapatawad mo pa rin ‘yon.” aniya.
At sa halip na magtanim ng sama ng loob, pinatira pa rin ni Buboy ang kaniyang ama sa kaniyang bahay, at naging aral para sa kaniya ang mga naging kamalian ng ama.
“Gusto ko lang na nandiyan ako para sa mga anak ko kahit anong mangyari,”
Nang tanungin siya kung ano ang aral na gusto niyang matutunan ng mga anak, ito ang sagot ng aktor:
“Kailangan nilang tibayan ang loob nila at huwag masyadong magpapadala sa problema. Lagi lang sila ngingiti dahil doon sila maganda at gwapo. Lagi nilang titignan yung positive side. Huwag natin tambayan yung mga negative.”
Tulad ng ibang ama, wala namang ibang pangarap si Buboy sa kaniyang mga anak kundi ang maging masaya sila.
Source:
YouTube
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!