Candy Pangilinan ibinahagi ang kaniyang karanasan habang nakikipaglaban sa sakit na COVID-19 sa pangalawang pagkakataon.
Mababasa sa artikulong ito:
- Karanasan ni Candy Pangilinan sa pagkakaroon ng COVID sa pangalawang pagkakataon.
- Mga sintomas ng COVID na naranasan ni Candy Pangilinan.
Candy Pangilinan nag-positibo sa COVID sa pangalawang pagkakataon
Sa pamamagitan ng kaniyang YouTube channel ay ibinahagi ni Candy Pangilinan ang karanasan niya sa pagkakahawa ng sakit na COVID-19 sa pangalawang pagkakataon.
Kuwento ni Candy, Disyembre noong 2020 siya unang nagpositibo sa sakit. Noon ay kinailangan niya ring mag-isolate. Sa mga video clips nga na ibinahagi ni Candy ay makikitang sa mismong araw ng pasko siya nagkasakit.
Siya ay naka-isolate sa isang kwarto na nakaharap sa kanilang garahe kung saan nag-noche buena ang anak niyang si Quentin kasama ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya.
Noong unang beses niyang magka-COVID makikitang mas maayos ang itsura ni Candy habang naka-isolate. Sapagkat siya noon ay asymptomatic. Pero ngayon sa pangalawang beses niyang magpositibo sa sakit ay talaga namang makikitang nahirapan ang komedyante.
Pagsasalarawan ni Candy sa sintomas ng sakit na kaniyang nararanasan,
“This is the 2nd time na nagkaroon ako ng COVID. The first time was last year December. I was really asymptomatic then.
Ngayon ho napakasakit ng ulo ko, may sipon po ako. Parang mas iba ‘yong nararamdaman ko ngayon saka may ubo, may makati.”
“Sobrang sama ho talaga ng pakiramdam ko ngayon.”
Noong una, kuwento pa ni Candy walang nahawa na iba pang miyembro ng kanilang pamilya nang magpositibo siya sakit. Kaya naman ngayon dasal niya’y sana hindi rin mahawa sa pangalawang pagkakataon na ito ang anak niyang si Quentin at ina niyang senior citizen na.
Pagbabahagi pa ni Candy,
“Noong unang beses akong magka-COVID hindi sila nahawa at all. Wala silang symptoms, negative sila.”
“Ipinagdadasal ko lang na sana hindi mahawa si Quentin saka si Mama. Kasi noong nagkaroon ako tanggap ko na. Pero ang magkaroon si Quentin at si Mama parang hindi po puwedeng mangyari. Kasi siyempre ‘di ba mahihirapan silang dalawa.”
Candy Pangilinan kasama ang kaniyang ina at anak na si Quentin/ Image from Candy Pangilinan’s Facebook account
Pag-aakala ni Candy simpleng sipon lang noong una ang sakit niya
Pagkukuwento niya pa, sipon ang unang sintomas na naranasan niya bago niya malamang positibo siya sa sakit.
“Akala ko dati sipon lang. Kaya po kung meron kayong sipon i-assume ninyo na agad na COVID.”
Ang akala niyang simpleng sipon nadagdagan ng sakit ng ulo na mula sa batok paakyat at hindi siya pinapatulog. At iba pang sintomas na mas nagpapahirap sa kaniya. Tulad na lang ng ubo, masakit na lalamunan at katawan.
“Nahihirapan na ko matulog. Masakit na ‘yong likod ko kahihiga pero nanghihina po ako. Konting kain ko na-CR ako.”
Ito pa umano ang iba pang sintomas ng sakit na nararanasan ng aktres. Bagama’t, mayroon pa rin naman umano siyang panlasa pero pagdating sa pagkain ay wala siyang gana.
Pero maliban sa pahirap ng sakit na nararanasan, mas nasasaktan at nalulungkot si Candy dahil hindi makalapit sa kaniya ang anak na si Quentin.
Naririnig niya itong tumatawag sa kaniya sa labas ng kwarto kung saan siya naka-isolate. Paulit-ulit rin itong nagtatanong kung kailan siya makakalabas.
Walang magawa si Candy dahil kailangan niyang protektahan ang anak na mahawa ng sakit. Lalo pa’t ito ay may special needs na itinuturing na comorbidity ng kumakalat na sakit.
BASAHIN:
Candy Pangilinan, ibinahagi kung paano pinakalma si Quentin bago bakunahan
Candy Pangilinan: “Nanay lang iyong napagpasabay lahat. I think all mothers are like that.”
Matapos na mag-anunsyo na siya ay buntis, Iya Villania nag-positibo sa COVID-19
Candy walang ideya kung saan siya nahawa ng sakit
Hindi alam ni Candy kung saan siya nahawa ng COVID-19 virus. Pero isa sa mga naiisip niyang dahilan ay dahil sa pagod siya sa kakatrabaho kaya madali siyang nahawaan.
“Hindi niyo naman po talaga alam kung saan manggagaling at kung saan kayo mahahawa. But I am quite sure na kapag pagod na pagod ka mas mabilis kang hawaan.”
Kaya mensahe ni Candy sa lahat, “rest” at palakasin ang katawan. Kung maingat ka na noon ay mas mag-doble ingat ka pa ngayon. Hindi rin umano dapat balewalain ang sakit na COVID-19.
“It’s really dangerous, and it’s really out there. And you don’t know when you will get it.”
Ito ang sabi pa ni Candy Pangilinan na kasalukuyang nakikipaglaban sa sakit na COVID-19.
Base sa pinakabagong vlog update ni Candy lumabas na positive si Quentin sa ginawang COVID-antigen test sa kaniya. At sa lahat ng tao sa kanilang bahay, tanging ang ina lang ni Candy ang senior citizen ang lumabas na negative sa sakit.
Ang anak ni Candy na si Quentin ay 17-anyos na mayroong autism spectrum disorder (ASD) at attention deficit hyperactivity disorder (ADHD). Ang mga sakit na ito itinuturing na comorbidity ng sakit na COVID-19.
Image from Candy Pangilinan’s Facebook account
Source:
YouTube
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!