UPDATE: Coronavirus philippines confirmed case as of January 30, 2020
Unang coronavirus Philippines confirmed case, inanunsyo na ng Department of Health.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang 38-year old na Chinese galing Hongkong ay kumpirmadong infected na ng Coronavirus. Ang 38-year-old na Chinese patient ay sinasabing residente sa Wuhan, China at dumating sa Maynila galing Hongkong noong January 21.
Narito ang mga sintomas ng coronavirus na dapat bantayan at mga paraan kung paano ito maiiwasan.
Coronavirus
Usap-usapan ngayon ang mabilis na pagkalat ng sakit sa China na unang tinawag na misteryoso dahil sa hindi matukoy na dahilan ng pagkakaroon nito. Ayon sa mga mananaliksik, ito ay isang uri ng coronavirus. Ngunit ito ay bago at ngayon palang naranasan ng mga tao. Kaya naman tinawag itong novel coronavirus o 2019-nCoV.
Ngunit, ano nga ba ang coronavirus at dapat bang magdulot ng panic ang pagkalat nito?
Uri at sintomas ng coronavirus
Ang coronavirus ay isang malaking pamilya ng mga viruses na common sa mga mammals, mapa-hayop man o tao. Tinatawag ng mga scientist na “zoonotic” ang virus na ito. Dahil sa maari itong ma-transmit o maihawa mula sa hayop papunta sa tao.
Noong una ay may anim lang na uri ang coronavirus. Ang apat sa mga ito ay nagdudulot ng mild to moderate effect sa katawan ng tao. Ito ay ang 229E, NL63, OC43, at HKU1. Ang mga uri ng coronavirus na ito ang nagiging sanhi ng common colds o sipon na sinasabayan ng mga sumusunod pang sintomas ng coronavirus:
- runny nose
- sakit ng ulo
- ubo
- sore throat
- lagnat
- masamang pakiramdam
Kung mapabayaan ang mga sintomas na ito ay maaring lumala at maaring mauwi sa pneumonia at bronchitis.
Samantala, ang dalawa pang uri ng coronavirus ay ang itinuturing na pinaka-seryoso at delikadong uri nito. Dahil sa mabilis nitong pagkalat at sa dami ng taong nasawi ng magkaroon nito. Ito ay ang MERS-Cov o MERS at SARS-Cov o SARS.
MERS o Middle East Respiratory Syndrome
Ang MERS o Middle East Respiratory Syndrome ang ang uri ng coronavirus na unang naiulat na kumalat sa Middle East noong 2012. Nagpapakita rin ito ng sintomas ng coronavirus ng tulad sa mga naunang uri ng sakit. Ngunit, mas severe o nagiging malala ang sintomas nito. Dahil ang lagnat at ubo ay sasabayan ng hirap sa paghinga na mabilis na nauuwi sa pneumonia.
Ayon sa CDC, may tatlo hanggang apat sa kada sampung pasyente ng MERS ang namamatay dahil sa lala ng sakit na ito. At tinatayang mula ng matuklasan ang sakit noong 2012 ay kumitil na ito ng buhay ng higit sa 475 na tao.
SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome
Ang SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome naman ay isa pang nakakatakot na uri ng coronavirus. Dahil tulad ng MERS ay nagdudulot rin ito ng severe o malalang sintomas ng coronavirus. Maliban sa mga naunang nabanggit na sintomas ng sakit, ang SARS ay nagdudulot rin ng pangangatog at sakit ng katawan sa taong apektado nito. Maari rin itong sabayan ng diarrhea, fatigue, hirap sa paghinga na maaring mauwi sa respiratory distress, kidney failure at pneumonia.
Unang natuklasan ang sakit na SARS sa Guangdong province sa China noong 2002. Ngunit mabilis itong kumalat sa halos 37 bansa sa buong mundo. At ayon sa mga report ay kumitil ng higit sa 750 na buhay ng tao noong 2003.
Novel Coronavirus o 2019-nCov
Ang pang-pito at pinaka-bagong uri naman ng coronavirus ay ang 2019 novel coronavirus o 2019-nCov.
Ayon sa mga report, ang 2019-nCov ay nagsimula sa Wuhan, China at unang nadiskubre Disyembre nitong 2019. Tulad ng mga naunang uri ng coronavirus ay pareho rin ang ipinapakitang sintomas ng sakit na ito. Ngunit mabilis itong kumakalat na sa loob lamang ng ilang linggo ay nakaapekto na ng halos 440 na tao. Karamihan sa mga biktima ng sakit ay nagmula sa Wuhan, China. Pero may kumpirmadong biktima narin nito sa Beijing, Shanghai, Shenzhen, Chongqing at Tianjin, China. May mga kaso narin nito sa Japan, Thailand, Taiwan at South Korea. At kahapon, na-kumpirmang mayroon naring infected ng sakit na nasa United States.
Sa ngayon ay mayroon ng 9 na tao ang naiulat na nasawi dahil sa sakit at patuloy paring pinag-aaralan ang lala nito.
Sanhi ng coronavirus
Ayon sa mga scientist, ang coronavirus ay nagmula sa mga hayop. Tulad ng MERS na pinaniniwalaang nagmula sa mga camels. At SARS na pinaniniwalaan namang nanggaling sa civet cats. Habang ang 2019-nCov naman ay pinaniniwalaang nagmula sa seafood na buhay na ibinebenta sa isang palengke sa Wuhan, China.
Ang virus ay naipapasa sa mga tao sa oras na magkaroon ng close contact sa mga hayop na nagtataglay nito. Naikakalat naman ito ng tao at naihahawa sa mga sumusunod na paraan:
- Pag-ubo o pag-atsing na walang takip ang bibig na kung saan kumakalat ang droplets na may virus sa hangin.
- Paghawak o pagkamay sa taong may taglay ng virus.
- Paghawak sa bagay na taglay ang virus na mapapasok sa katawan kapag agad na hinawak ang kamay sa ilong, bibig at mata.
- Maari rin itong maihawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng contact sa duming may taglay ng virus.
Lunas sa sakit na dulot ng coronavirus
Ang sakit na dulot ng coronavirus sa ngayon ay walang specific na lunas. Dahil sa ito ay isang virus ay hindi ito malulunasan ng antibiotics o antiviral drug. Ang tanging paraan lang para malunasan ang sakit ay maibsan ang mga sintomas ng coronavirus at iwasan itong lumala. Ilan sa mga paraan upang gawin ito ay ang sumusunod:
- Pag-inom ng maraming tubig.
- Umiwas sa paninigarilyo at sa mga mauusok na lugar.
- Pag-inom ng acetaminophen, ibuprofen o naproxen para sa lagnat at sakit.
- Paggamit ng humidifier o cool most vaporizer pati ang pagligo sa maligamgam na tubig para makatulong maibsan ang ubo at sore throat.
Pero para makasiguradong maiiwasang lumala ang mga sintomas ng coronavirus ay mabuting magpa-konsulta agad sa doktor. Lalo pa’t matutukoy lang kung positibong infected ng virus ang isang tao sa pamamagitan ng pagsusuri sa respiratory fluids ng katawan tulad ng plema at dugo.
Paano makakaiwas sa coronavirus
Sa ngayon ay wala pang vaccine o bakuna bilang proteksyon laban sa coronavirus. Pero may mga paraang maaring gawin para maiwasan ang pagkakaroon nito. Lalo na ng mga may mahinang immune system tulad ng mga bata at matatanda na mas mabilis madapuan ng sakit.
Ayon sa DOH at WHO, ito ang mga paraan upang maiwasang maihawa at maikalat ang coronavirus:
- Pag-praktis ng proper hygiene tulad ng palaging paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig na hindi bababa sa 20 segundo.
- Pagtakip sa ilong at bibig kapag umuubo.
- Pag-disinfect sa mga gamit o lugar sa bahay na nahawakan ng taong may sakit.
- Pagsusuot ng N95 mask kung lalabas sa matataong lugar.
- Pagluluto ng pagkain ng maayos lalo na ng mga karne ng hayop na pinaniniwalaang pinagmulan ng sakit.
- Pag-iwas sa unprotected contact sa mga farm o wild animals.
- Hindi muna pagpunta o pagbisita sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng sakit.
- Pagpapanatili ng malusog na katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masustansya at pagtulog ng tama.
Maliban sa mga nabanggit na paraan ng pag-iwas, mahalagang sa oras na makaramdam ng sintomas ng coronavirus ay magpakonsulta na agad sa iyong doktor. Upang ito ay agad na matukoy at maibsan ang mga sintomas na maaring lumala. At maging sanhi ng mas malalang sakit at pagkasawi kung hindi maagapan.
Sources: CDC, CNN Edition, The Guardian, Medical News Today, WebMD , ABS-CBN
Photo: Freepik
Basahin: Coronavirus: Kumpirmadong maaaring mahawa sa taong may sakit na ito Coronavirus: Makukuha ba sa online shopping?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!