Paano nahahawa sa coronavirus? Maari bang makuha ang sakit mula sa mga package o imported goods mula sa China? Narito ang paliwanag ng US public health institute na CDC o Centers for Disease Control and Prevention.
Paano nahahawa sa coronavirus
Karamihan sa atin ngayon ay nahihilig sa online shopping. At karamihan din ng mga produktong ibinebenta sa mga online shopping sites ay ini-import mula sa China. Kaya naman dahil sa mabilis na pagkalat ng sakit na novel coronavirus o 2019-nCov ay ito ang naging isang malaking tanong ng mga online shoppers – puwede ko bang makuha ang virus sa pamamagitan ng mga package o imported goods mula China?
Sa isang pahayag ay sinagot ni CDC Immunization and Respiratory Diseases Director Dr. Nancy Messonnier ang tanong na ito.
“In general, because of poor survivability of these coronaviruses on surfaces, there is likely very very low risk of spread from products or packaging that are shipped over a period of days or weeks at ambient temperatures.”
Mababa ang posibilidad na makuha ang virus mula sa mga imported goods
Dagdag na paliwanag pa mula sa website ng CDC, bagama’t limitado pa sa ngayon ang impormasyon tungkol sa 2019-nCov ay natuklasang halos magkasingtulad ang betacoronavirus na taglay ng bagong sakit at SARS. Kaya naman tulad ng SARS ay pinaniniwalaang nagmula rin ang 2019-nCov sa mga paniki o bats. At sa kanilang analysis kung ang 2019-nCov ay halos kapareho lang ng SARS ay maaring pagbasehan ang mga impormasyon tungkol sa naunang sakit.
Ayon nga sa CDC, ang mga coronaviruses ay may poor survivability sa mga surfaces o kagamitan. Kaya naman napakababa ng posibilidad na ang sakit ay maikakalat mula sa mga produkto o packages na nagmula sa China. Lalo pa’t bago makarating dito sa bansa ay aabutin ng ilang araw o linggo ang shipping time ng produkto. Dahil base naman sa pag-aaral ng WHO tungkol sa sakit na SARS ay tumatagal lang ang virus nito sa surface ng isang gamit o object ng dalawang araw.
Sa ngayon ay wala pang kasiguraduhan kung mag-bebehave ba ang 2019-nCov tulad ng sakit na SARS. Pero ayon pa rin kay CDC Director Messonnier ay wala pa silang natutuklasang kaso sa US ng coronavirus na mula sa imported goods.
“We don’t know if this virus will behave in exactly the same way. But there is no evidence to support transmissibility and there are no cases in the U.S. from imported goods.”
Ito ang kanyang dagdag na pahayag.
Naihahawa sa pamamagitan ng close contact sa taong infected ng virus
Paliwanag pa rin ng CDC sa kung paano nahahawa sa coronavirus ang isang tao ay sa pamamagitan ng close contact sa taong infected nito. Dahil ang virus ay mabilis na kumakalat sa pamamagitan ng respiratory droplets mula sa bahing o ubo ng taong infected ng virus.
Kaya naman payo ng CDC na sa oras na makaranas ng sintomas ng 2019-nCov tulad ng pag-ubo, lagnat, at hirap sa paghinga ay magpakonsulta na sa doktor. Lalo na kung nanggaling sa China sa loob ng nakalipas na 14 na araw o kaya naman ay nagkaroon ng contact sa sinumang nagmula sa bansa.
Dagdag pa nila, dahil sa ang virus ay nagmula sa hayop ay mabuting iwasan munang lumapit o humawak sa mga hayop partikular na kung ito ay nagmula rin sa China. Dahil maaring taglay din ng hayop ang sakit.
Paano natutukoy ang 2019-nCov
Sa ngayon, dito sa Pilipinas, ang 2019-nCov ay hindi madaling matukoy sa isang tao. Kinakailangan munang kuhanan ng specimen ang sinumang suspected case nito. Saka ito dadalhin at pag-aaralan sa RITM o Research Institute of Tropical Medicine para matukoy kung ito nga ay kaso ng coronavirus. At para kumpirmahin kung ito nga ay positibo sa novel coronavirus ay kailangan pang dalhin ang specimen sa ibang bansa. Dahil sa wala pa tayong uri ng technology na makakatukoy sa pinakabagong uri ng coronavirus na ito.
Ayon sa mga ginagawang pag-aaral tungkol sa sakit, ito ay tulad ng kapatid nitong coronaviruses na SARS at MERS. Ito ay nagdudulot ng pneumonia o infection sa isa o dalawang baga.
Epekto ng 2019-nCov sa katawan
Sa unang mga araw o linggo ng pagkakaroon ng sakit ay aakalin mong isa lang itong trangkaso. Dahil ang mga sintomas nito ay lagnat, sore throat, dry cough, muscle pain at fatigue. Hanggang sa lumala ito sa pangalawang linggo na kung saan magdudulot na ng hirap sa paghinga sa taong infected ng sakit.
Kaya naman payo ng mga eksperto ay magpakonsulta agad sa doktor kapag nakaramdam ng pangunahing sintomas ng sakit. At mag-observe ng proper hygiene sa lahat ng oras upang makaiwas ma-infect nito. Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. O kaya naman ay gumamit ng hand sanitizer na may 60% alcohol. Takpan din ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing. At magsuot ng mask kung magpupunta sa mga matataong lugar.
SOURCES: University of Minnesota, Mercury News, CDC, Foreign Policy
PHOTO: NBC News
BASAHIN: Coronavirus: Sanhi, sintomas at paano ito iiwasan
Confirmed case ng Coronavirus sa Pilipinas, wala pa rin ayon sa DOH
Coronavirus: Sanhi, sintomas at paano ito iiwasan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!