Dahon ng Bayabas para sa Eczema: Mabisa ba ito?
Maraming nagagawa ang halamang gamot na dahon ng bayabas. Pwede rin kaya ito para sa eczema? Alamin kung dapat gumamit ng dahon ng bayabas para sa eczema
Nasubukan mo na bang maglagay ng dahon ng bayabas para sa makakating balat? Alamin dito kung mabisa bang gamot ang dahon ng bayabas para sa eczema.
Madalas ba mangati at mamula ang balat ng iyong anak? Baka mayroon siyang atopic dermatitis o eczema.
Ayon kay Dr. Barb Marcelo, isang pediatric dermatologist, malaki umano ang itinaas ng kaso ng eczema sa mga bata at matatanda ngayong panahon ng pandemya.
“What I noticed when the pandemic happened, the cases of eczema, especially atopic dermatitis really went up, for both adults and kids. Before it was 20 to 30 percent of my practice, now it’s about 80 percent.”
Ang eczema ay nakakaapekto sa 15 hanggang 20 porsyento ng mga bata sa buong mundo, at mas kapansin-pansin ang paglala nito sa mga nakatira sa low-income countries gaya ng Pilipinas.
Pero ano nga ba ang eczema at ano ang mga posibleng sanhi nito?
Talaan ng Nilalaman
Mga sintomas at sanhi ng eczema
Ang eczema o dermatitis ay isang kondisyon sa balat kung saan pabalik-balik ang pangangati at pamumula nito. Kapag umaatake ang eczema o nagkakaroon ng “flare ups,” maaaring makapansin ng mapupulang patches o rash sa balat. Kapansin-pansin din ang pagiging dry nito.
Nangyayari ang eczema kung mayroong depekto ang ating filaggrin, isang uri ng protein sa balat na pumoprotekta laban sa allergen, mga kemikal sa kapaligiran at dryness.
Maraming klase ng eczema, pero ang pinakakaraniwan ay ang atopic dermatitis o tinatawag ring skin asthma o baby eczema para sa mga sanggol. Ito ang uri ng eczema na kadalasang natatagpuan sa mga bata.
Ayon kay Doc Barb, mayroong dalawang pangunahing sanhi ng sakit sa balat – ang genetics at ang ating kapaligiran. Pero sa mga bata, mas maraming kaso ng eczema ay namamana nila mula sa kanilang magulang.
“With any type of skin condition or any types of disease in general, there are two causes – genetics or genes and the environment. For eczema, it’s still a combination of the two, but especially in kids, we see a lot of inherited eczema.” aniya.
Kung ang isa sa mga magulang ng bata (mas madalas na ang nanay) ay may atopic dermatitis, may posibilidad na isa sa kanilang mga anak, o lahat ng kanilang mga anak ay magkaroon din ng eczema.
Maaaring mamana ng bata ang defective gene ng fillagrin ng kaniyang magulang, o kaya naman kung ang gene ay masyadong reactive o masyadong sensitibo sa mga pagbabago sa kapaligiran.
Narito naman ang mga bagay sa kapaligiran natin na maaaring magpalabas ng mga sintomas ng eczema:
-
pagbabago ng panahon o humidity (kapag masyadong mainit ang panahon o kaya naman kapag ber months kung saan dry ang klima)
-
mga produktong ginagamit, lalo na kung mayroon itong kahalong fragrance o pabango
-
aero-allergens o mga allergens na nasasagap sa hangin gaya ng alikabok, pollen o balahibo ng mga hayop
-
pawis dahil makati ito sa balat
Ayon rin kay Doc Barb, isa pang posibleng sanhi ng paglabas ng mga sintomas ng eczema ay ang stress. Maaari itong mula sa pisikal na stress tulad ng pagkakaroon ng sakit, o kaya mental o emosyonal gaya ng stress sa pag-aaral o trabaho, o pagbabago sa kinasanayang routine.
Nabanggit nga niya na tumaas ang kaso ng eczema maging sa mga bata ngayong pandemic. Dala na rin siguro ng stress sa kanilang nararamdaman sa mga pagbabago ng kanilang routine.
“We’re just staying at home, but it’s been a stressful year. Kids are having a difficult time adjusting to distance learning, staying at home, interacting with family members, they cannot go outside, so that’s stressful to them.” paliwanag niya.
Dahon ng bayabas para sa eczema
Sapagkat limitado ang paglabas at pagpunta sa mga ospital, isa sa mga kadalasang ginagawa ng mga tao ngayon ay ang maghanap ng mga gamot sa sarili nilang bakuran.
Paano umano nakakatulong ang bayabas?
Para sa eczema, isa sa mga sinasabing halamang gamot na epektibo ay ang dahon ng bayabas.
Bagama’t walang sapat na ebidensya na nakakagamot nga ito. Isa ang bayabas sa mga halamang gamot na madalas gamitin ng mga matatanda. Ang prutas nito ay nakakatulong umano para bumaba ang altapresyon. Ginagamit naman ang dahon sa pananakit ng tiyan, diabetes at pagpapagaling ng mga sugat.
May mga bagong panganak din ang pinayuhang maligo sa pinagkuluan ng dahon ng bayabas para mas mabilis gumaling ang kanilang tahi sa panganganak.
Ayon sa website na Eczema Living, mainam umano ang dahon ng bayabas para gamutin ang mga sintomas ng eczema. Naglalaman kasi ito ng vitamin C na isang antioxidant.
Mabisa umano ito para mawala ang pangangati sa balat, pagalingin ang mga rashes o sugat mula sa kamot, at maging paputiin ang mga peklat o rashes.
Ginagamit ito sa pamamagitan ng pagtapal ng mismong dahon sa balat na may eczema, o kaya naman pinapakuluan ang dahon at ginagamit ang tubig o ang katas bilang ointment o ipinapahid ito sa balat.
Panganib ng paggamit ng dahon ng bayabas para sa eczema
Subalit ayon sa Web MD, maaring mas makasama pa ang paggamit ng bayabas bilang gamot sa eczema.
Mayroon kasi itong mga kemikal na maaaring makairita lalo sa balat ng taong may eczema.
Hindi rin sang-ayon ang mga dermatologists sa pamamaraang ito. Kuwento ni Doc Barb, sa kaniyang pagtatrabaho sa infectious diseases ng isang malaking ospital.
Marami na rin siyang nakitang kaso ng mga pasyente na gumamit ng dahon ng bayabas para sa eczema, at mas malala ang epekto nito sa kanilang balat.
“I encountered that a lot. With regards to dahon ng bayabas, traditional belief is that it’s good for skin infections. But what I see is when that method was used to a child with atopic dermatitis. When they come to me, infected na ‘yung rashes. That’s why I don’t really advocate using dahon ng bayabas. It’s not really advisable.”
Bukod sa maaaring lalong mairita ang balat dahil sa dahon ng bayabas. Maaari itong magtaglay ng bacteria ang magdulot ng impeksyon sa balat at mas lumala ito.
Pero kung hindi mainam na gamot ang dahon ng bayabas para eczema, ano kayang pwedeng gawin para malunasan ang pamumula at pangangati?
Mga gamot o lunas para sa sintomas ng eczema
Ayon kay Doc Barb, walang lunas para sa eczema dahil hindi naman nawawala ang kondisyong ito.
“Eczema is a chronic condition and it will not totally go away,” aniya.
Para sa ibang bata, maaaring mawala ang mga sintomas ng eczema habang tumatanda sila. Pero maaari rin itong bumalik kapag nairita ang kanilang balat. Bagamat hindi kasing tindi tulad ng sintomas na nararanasan nila dati.
Ani Doc Barb, ang pinakamagandang gawin ay ang labanan o iwasan ang pag-flare up ng eczema sa pamamagitan ng pagpapanatili ng moisture sa ating balat.
“As to treatment, like any chronic condition, you can just prevent or control the flares. The periods where the skin is acting up, but it will not really go away so there’s no treatment, really.” paliwanag niya. “But the mainstay in treating atopic dermatitis is preventing the skin from drying out.”
Ayon sa kaniya, narito ang ilang paraan para mapanatili ang moisture sa balat at maiwasan ang paglabas ng mga sintomas ng eczema:
-
Gumamit ng tamang produktong akma para sa sensitive skin.
Piliin ang mga mild na sabon o cleanser para sa ‘yong balat o balat ni baby. “It’s important that there’s no masking fragrance. It’s not just unscented, it should be fragrance-free,” payo ni Doc Barb.
Maging sa sabong panlaba, pumili ng mga produkto na mild at walang fragrance.
-
Ugaliing gumamit ng moisturizer sa iyong balat.
Paalala niya, ang paggamit ng moisturizer ay hindi lang kapag lumabas na ang pangangati o pamumula. Kundi gamitin ito ng madalas para maiwasan na mag-dry ang iyong balat. “You have to apply the moisturizer even if your skin is not flaring up. Even if your skin is behaving, you have to use moisturizer.”
-
Para sa mga flare ups, maaaring gumamit ng steroid cream tulad ng mometasone.
Pero bago sumubok ng mga topical cream o ointment gaya ng mometasone, mahalagang kumonsulta muna sa iyong doktor para malaman ang tamang paraan ng paggamit nito dahil mayroon din itong mga side effects. “But if you use it correctly and as prescribed by your dermatologist, there’s nothing to fear about it.” sabi ni Doc Barb.
-
Panatiliin ang moisture sa iyong kwarto.
Makakatulong din pala ang paglagay ng air purifier o air humidifier sa iyong bahay para maiwasan ang panunuyo ng balat na nagdudulot ng eczema.
Huling payo ni Doc Barb para sa mga magulang na may anak na mayroong eczema:
“Do not let the skin dry out, use the right cleanser, moisturize every day. Then if there are any problems and skin infections, go to the dermatologist right away. Please avoid self-medicating and applying over the counter products because it can make the skin condition worse.”
Maaaring nakakairita ang mga sintomas na dulot ng eczema, pero sa tamang pangangalaga ng balat at sa gabay ng iyong doktor, pwede mong labanan ang pangangati at pagsusugat ng iyong balat.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.