Patapos na umano ang matinding init ng panahon dulot ng El Niño. Posible raw kasing makaranas ng thunderstorms ang malaking bahagi ng bansa sa second half ng May, ayon sa PAGASA.
Matinding tag-init dulot ng El Niño phenomenon patapos na!
Maraming nagdurusa sa matinding init ng panahon na dulot ng El Niño phenomenon. Matatandaan ngang ang hottest temperature na naitala ngayong taon ay umabot ng 40.3 degrees Celcius. Naitala ito sa Tarlac.
Inaasahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ito na ang pinakamainit na temperatura na maitatala ngayong taon. Dahil sa inaasahan ngang thunderstorms na mararanasan ng maraming lugar sa bansa.
Pero ayon kay PAGASA Climate and Monitoring Prediction Section chief Liza Solis, maraming area pa rin ang posibleng makaranas ng mataas na heat index o damang init na aabot sa 45 hanggang 48 degrees Celcius.
“The peak of El Niño is in March, April and May. Many areas have already declared a state of calamity and hopefully this will not increase,” saad ni Solis.
Samantala, inaasahan na rin ang pagpasok ng La Niña sa paparating na mga buwan. Mayroon umanong 60% possibility na magkaroon ng La Niña sa Hunyo, Hulyo at Agosto.
Second half pa lamang umano ng Mayo ay inaasahan na ang pagkakaroon ng localized thunderstorms sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Makatutulong umano ito para mabawasan ang mataas na heat index.
“If the localized thunderstorms will persist and there will be big weather systems like low-pressure areas, intertropical convergence zones or typhoons, this can trigger the declaration of the onset of the rainy season,” dagdag pa ni Solis.
Subalit, ipinaalala rin nito na maaari pa ring ma-delay ang tag-ulan dahil sa El Niño.
Tips kung paano maiibsan ang init
Ang El Niño ay isang klimatikong phenomenon na maaaring magdulot ng matinding init at pagkatuyo sa maraming lugar. Narito ang ilang mga tips kung paano maibsan ang init na dulot nito:
Pag-inom ng malamig na tubig
Ang pag-inom ng malamig na tubig ay maaaring magbigay ng instant na ginahawa sa iyong katawan. Siguraduhing lagi kang hydrated dahil uso ang dehydration dulot ng matinding init.
Magsuot ng tamang kasuotan
Pumili ng mga damit na gawa sa light-colored at breathable na tela tulad ng cotton upang hindi magdulot ng sobrang init. Magsuot din ng sombrero o payong upang protektahan ang iyong ulo at balat mula sa direktang sikat ng araw kung ikaw ay lalabas.
Pag-iwas sa matinding aktibidad sa labas
Iwasan ang labis na pag-eehersisyo o paglalaro sa labas tuwing oras ng pinakamainit, partikular sa tanghali at hapon. Abiso ng mga eksperto, mabuting huwag lumabas ng bahay sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Kung kinakailangan mong lumabas, gawin ito sa mga oras kung kailan mas malamig tulad ng umaga o gabi.
Paggamit ng air conditioning o electric fan
Ang paggamit ng air conditioning o electric fan ay maaaring magbigay ng instant na ginhawa mula sa init. Siguraduhing ang iyong kagamitan ay nasa mabuting kondisyon upang magbigay ng epektibong pagpapalamig.
Pagpapahinga sa malamig na lugar
Kung maaari, magpahinga sa mga malamig na lugar tulad ng air-conditioned na mga silid o mga lugar na may malakas na hangin. Ito ay makakatulong na maibsan ang init at magbigay ng panandaliang ginhawa.
Pagsara ng mga bintana at pintuan
Kung ang labas ay mas mainit kaysa sa loob ng iyong tahanan, isara ang mga bintana at pintuan upang mapanatili malamig ang loob ng inyong bahay. Pero kung masyado namang mainit sa loob ng bahay, makabubuting bukas ang pinto at bintana para pumasok ang hangin.
Pagpapalamig sa katawan
Gumamit ng malamig na tuwalya o cold pack at ilagay ito sa mga bahagi ng katawan na madalas pawisin tulad ng noo, leeg, at kilikili upang maibsan ang init.
Maaari mo rin subukan ang pagtampisaw sa malamig na tubig o paghihilamos gamit ang malamig na tubig.
Sa pamamagitan ng mga nabanggit na tips, makatutulong ito para maibsan ang init at mapanatiling komportable ang pakiramdam. Mahalaga rin ito para maiwasan ang heat exhaustion, heat cramps, at heatstroke.
Bilang mga magulang, importante rin na tiyakin natin na naiiwas natin ang ating mga anak sa labis na init ng panahon. Hangga’t maaari ay gumawa tayo ng hakbang upang matiyak ang kaligtasan mula sa mga heat-related illnesses.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!