Epekto ng alak ang ikinamatay ng isang kaawa-awang sanggol sa Beijing, China. Ito ay nangyari sa mismong 1-month birthday celebration niya.
Epekto ng alak sa baby ikinamatay nito
Nagsama-sama ang mga kamag-anak at kaibigan ng pamilya Wang para ma-celebrate ang unang buwang kaarawan ng kanilang baby boy sa pamilya. Ngunit ang imbis na masayang selebrasyon ay nauwi sa isang trahedya.
Ayon sa report ng Sin Chew Daily, masayang nagkakainan, nag-uusap at nag-iinuman ang mga bisita ng nasabing selebrasyon. Masayang-masaya din daw ang lolo ng bata na nag-propose ng isang toast para sa kaniyang bagong apo.
Sa gitna ng kasiyahan ay may isa sa mga bisita ang nagbiro na: “Kung hindi puwedeng uminom ang baby, hindi rin puwedeng uminom ang lolo!”
Para hindi mapahiya sa kaniyang mga bisita ay kumuha ang nakainom ng lolo ng isang maliit na cup ng alak at ipinainom ang ilang patak nito sa kaniyang isang-buwang-gulang na apo.
Matapos ang nangyari ay narinig ng ina ng sanggol ang pag-iyak ng anak at naamoy ang alcohol sa bibig nito. Agad niyang dinala ang sanggol sa kaniyang kuwarto pero ito na pala ang huling beses na makikita niyang buhay ang kaniyang anak.
Matapos ang 30 minuto ay nalagutan ng hininga ang sanggol. Dinala pa sa ospital ang sanggol ngunit wala nang nagawa ang mga doktor.
Ayon sa mga doktor, epekto ng alak o pagkalason dito ang naging sanhi ng pagkamatay ng isang buwang bata.
Dahil sa natuklasan ay nakatanggap ng malalakas na sampal ang lolo ng bata mula sa kaniyang daughter-in-law. Ngunit kahit ano pang gawin ng ina ng bata ay hindi na nito mababalik ang buhay ng kaniyang anak.
Alcohol-poisoning sa mga baby
Ayon sa Poision Control Organization, ang epekto ng alak sa mga baby o bata ay napakadelikado kumpara sa mga matatanda.
Nagdudulot daw ito ng depression sa kanilang central nervous system at nagpapababa ng kanilang blood glucose o sugar sa katawan. Ito ay maaring mauwi sa seizures, coma o kaya naman ay pagkamatay.
Kapag nakainom ng alak ang isang bata ay malalasing ito ng tulad ng epekto ng alak sa matatanda. Susuray-suray maglakad at magsasalita ng kung ano-ano.
Maari rin silang magsuka dahil maiirita ang kanilang tiyan sa alcohol. Mahihirapan rin silang huminga at babagal ang tibok ng kanilang puso.
Bababa din ang kanilang blood pressure na maaring bumaba hanggang sa pinakadelikadong level. Kaya ang resulta nito ay maaring mahimatay o tuluyang mawalan ng buhay ang isang sanggol o bata.
Source: Poision Org, World of Buzz
Photo: Freepik
Basahin: Ina, pina-inom ng beer at hinayaan mag-yosi ang 2-anyos na anak
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!