Ano ang ETEEAP Program? Alamin dito ang detalye tungkol sa batas na magbibigay sayo ng college degree base sa work experience mo.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Puwede ng magkaroon ng college degree base sa work experience mo.
- Ano ang ETEEAP Program?
Puwede ng magkaroon ng college degree base sa work experience mo

Isa sa nagiging hadlang para magkaroon ng magandang trabaho dito sa Pilipinas ay ang hindi pag-graduate sa kolehiyo. Ito ay tila pangarap lang para sa marami. Dahil maliban sa gastos sa pag-aaral, marami ang pinipiling magtrabaho agad para makatulong sa pamilya.
Kaya naman ng maisulong ang ETEEAP Act o Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program ay marami ang natuwa. Dahil sa pamamagitan ng programang ito ay maaring magkaroon ng college diploma ang hindi nakapag-aral sa kolehiyo. At ito ay magiging posible gamit ang work experience o karanasan mo sa pagtratrabaho sa iyong napiling propesyon.
Ano ang ETEEAP Program?
Sa pamamagitan ng ETEEAP Act o Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program ay may pag-asa ka ng makahawak ng hinahangad mong college diploma. Ang kailangan lang ay magkaroon ng hindi bababa na 5 years work experience na may kinalaman sa kursong nais mong makakuha ng diploma. At ikaw ay dapat 23-anyos o pataas para mag-qualify sa ETEEAP.
Ang unang hakbang para maging beneficiary ng programa ay ang pagpunta sa mga school o university na nag-ooffer nito. Hindi lahat ng colleges at universities sa Pilipinas ay nag-ooffer ng ETEEAP. Bagamat sa ngayon ay nasa higit isang daang authorized school na ang nag-ooffer nito sa pangunguna ng Commission on Higher Education.
“Dahil dito binigyan ng kapangyarihan ang Commission on Higher Education o CHED bilang lead agency mas magpapatatag ng standards, monitoring, at implementasyon ng ETEEAP program sa buong bansa.”
Ito ang sabi Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa isang panayam.

Para malaman ang lista ng authorized school na nag-ooffer ng ETEEAP ay bumisita lamang sa CHED website.
Hindi ito ang unang pagkakataon na inooffer ang ETEEAP program sa bansa. Sa katunayan ay nagsimula ito noong 1996 sa panahon pa ng dating pangulong Fidel V. Ramos. Ayon sa isang report, ay nasa higit 40,000 Pilipino na ang naka-graduate sa kolehiyo sa tulong ng programa.
Larawan mula sa Facebook account ni Neri Naig-Miranda
Ano ang mga qualifications at requirements para sa ETEEAP?
Upang maging kwalipikado sa programa, ang aplikante ay dapat:
- Hindi bababa sa 23 taong gulang.
- May hindi bababa sa limang (5) taong karanasan sa trabaho na kaugnay ng kursong nais kunin.
- Nakapagtapos ng high school o may katumbas na kwalipikasyon sa edukasyon.
- May mahusay na kasanayan sa pagsulat at pagsasalita.
- Kasalukuyang nagtatrabaho o may dating trabaho na may kaugnayan sa kursong nais pag-aralan.
Ang mga dapat ihanda at i-submit na requirements ng mga aplikante ay ang mga sumusunod:
- Letter of intent – Pormal na liham na nagpapahayag ng interes sa pag-enroll sa ETEEAP.
- Resume/CV – Buod ng karanasan sa trabaho, edukasyon, at kasanayan.
- Service Record/Certificate of Employment – Katibayan ng trabaho mula sa kasalukuyang o dating employer.
- Job Description – Detalye ng mga tungkulin at responsibilidad sa trabaho.
- Performance Evaluation – Pinakabagong pagsusuri o pagtatasa mula sa employer
- Certificates ng Training, Seminar, at Workshop – Katibayan ng mga natamong kasanayan at kaalaman.
- Diploma at Transcript of Records (kung mayroon) – Mga dokumentong pang-akademiko mula sa dating paaralan.
- Portfolio ng Trabaho (kung kinakailangan) – Mga halimbawa ng proyekto o nagawang trabaho.
- Birth Certificate (PSA/NSO Copy) – Katibayan ng edad at pagkakakilanlan.
- Liham ng Rekomendasyon (kung hinihingi ng paaralan) – Sulat mula sa employer o propesyonal na reference.
Ang mga karagdagang requirements ay maaaring mag-iba depende sa CHED-accredited na paaralan. Pinakamainam na makipag-ugnayan sa napiling unibersidad para sa tiyak na mga panuntunan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!