Folic acid para sa buntis, gaano ito kahalaga para sa growing tummy ni mommy?
Mababasa sa artikulong ito ang:
- Ano ang folic acid?
- Benepisyo ng folic acid sa pagbubuntis
- Folic acid brands na madalas ginagamit ng ating moms
Ano ang folic acid para sa buntis?
Folic acid para sa buntis: Ano ang kadalasang iniinom ng TAP Moms? | Image from Freepik
Ang folic acid ay isang man-made form ng vitamin B na ang tawag ay folate. Ang folate ay responsable sa magandang produksyon ng red blood cell ng buntis. Ito rin ay nakakatulong sa pag-develop ng utak at spinal cord ng sanggol.
Ang prenatal vitamin na ito ay nirerekomenda ng mga doktor na inumin nila para maiwasan na magkaroon ng defect si baby.
Pinapayo ng mga Ob-GYN na magkaroon ng sapat na folate sa katawan ng buntis sa unang tatlo hanggang apat na linggo ng kaniyang pagbubuntis. Sa panahong ito nagsisimulang ma-develop ang utak at spinal cord ni baby. Kaya naman maaaring mangyari ang birth defects dito.
Nakabubuti ang pag-inom ng folic acid para sa buntis ngunit kinakailangang tanungin muna ang iyong doktor kung kailan at ilan ang kailangan mong inumin sa isang araw. Mayroon ding mga inirerekomendang specific brand ng folic acid ang iyong Ob-GYN.
Gaano karami ang kailangan na folic acid ng aking katawan?
Iminumungkahi na magtake ng 400 micrograms ng folic acid araw-araw. Mula ng ikaw ay buntis hanggang sa ikaw ay 12 weeks pregnant na.
Ito ay para maiwasan ang iba’t ibang panganib na pwedeng humadlang sa development ni baby sa mga unang linggo ng iyong pagbubuntis.
Narito inirerekomendang amount ng folic acid bawat araw sa pagbubuntis:
- Habang sinusubukan magbuntis: 400 mcg
- Para sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis: 400 mcg
- Para sa apat hanggang siyam na buwan ng pagbubuntis: 600 mcg
- Habang nagpapasuso: 500 mcg
Nirerekomenda rin ang pag-inom ng Vitamin D supplement araw-araw, kasabay nito. Samantala, hindi naman advisable ang paginom ng cod liver oil o kahit anong supplement na may Vitamin A (retinol) kapag ikaw ay buntis. Nakasasama ang sobrang Vitamin A sa katawan kaya naman, kailangang maging sigurado muna sa mga iinumin na supplements.
Mabuti ring kumonsulta sa iyong doktor para mas sigurado.
May mga pagkain bang may folic acid?
Pwede ka ring makakuha ng folic acid mula sa green leafy vegetables na may folate. Pwede ring makuha ito mula sa breakfast cereals at fat spreads na may idinagdag na folic acid sa kanila.
Ayon sa WebMD, narito ang iba pang mga pagkain na makakatulong sa iyo na makakuha ng mas maraming folic acid sa iyong diyeta ay kinabibilangan ng:
- 400 mcg: Breakfast cereals fortified with 100% of the DV, 3/4 cup
- 215 mcg: Beef liver, cooked, braised, 3 oz
- 179 mcg: Lentils, mature seeds, cooked, boiled, 1/2 cup
- 115 mcg: Spinach, frozen, cooked, boiled, 1/2 cup
- 110 mcg: Egg noodles, enriched, cooked, 1/2 cup
- 100 mcg: Breakfast cereals, fortified with 25% of the DV, 3/4 cup
- 90 mcg: Great Northern beans, boiled, 1/2 cup
Mahirap nga lang malaman kung ano ang recommended na amount ng folate mula sa pagkain para sa pagbubuntis kaya mas mainam pa rin ang magtake ng folic acid supplement.
Mas mataas na dosafe ng folic acid
May mga buntis na nangangailangan ng mas mataas na dosage ng folic acid. Kung ikaw ay may mas mataas na risk sa neural tube defects, maaari kang bigyan ng mas mataas na dosage ng folic acid.
Paano malalaman na at risk si baby sa neural tube defects?
- Ang biological father ni baby ay may neural tube defect
- Ang biological father ni baby ay may family history ng neural tube defect
- May nakaraan kang pregnancy na may history ng neural tube defect
- Ikaw ay may diabetes
- Ikaw ay nagtatake ng anti-epilepsy medication
- Umiinom ka ng anti-retroviral medicine for HIV
Mahalagang maging bukas at transparent sa iyong doktor para maresetahan ka ng angkop at nararapat na gamot.
Para saan ang folic acid?
Ang folic acid para sa buntis ay nakakatulong para sa magandang neural tube. Kung may sapat na folic acid sa katawan ang isang buntis, maiiwasan nito ang magkaroon ng problema ang kaniyang baby.
Humigit-kumulang 3,000 sanggol ang ipinanganak na may mga depekto sa neural tube sa Estados Unidos bawat taon. Karaniwan, ang neural tube ay bubuo sa spinal cord at utak sa 28 araw pagkatapos ng paglilihi. Kung ang neural tube ay hindi magsasara nang maayos, maaaring may neural tube defect na mangyari.
Ang dalawang neural tube defects ay ang Spina bifida kung saan kulang ang development ng kaniyang spinal cord o vertebrae. Habang ang Anencephaly naman ay kakulangan ng development ng pangunahing parte ng utak.
Ayon sa isang 2015 na pagsusuri ng mga pag-aaral, ang maternal folic acid supplementation ay makabuluhang binabawasan ang panganib ng congenital heart defects. Ang mga depektong ito ay nangyayari sa 8 sa bawat 1,000 kapanganakan sa United States.
Ang pag-inom ng folic acid sa buntis ay napapababa ang tiyansa ng:
- Komplikasyon sa pagbubuntis katulad ng preeclampsia.
- Ilang uri ng cancer
- Alzheimer’s disease
- Stroke
- Sakit sa puso
Protektado ang iyong baby dahil sa folic acid laban sa:
- Pagkakaroon ng cleft lip and palate
- Mababang timbang paglabas ng sanggol
- Premature birth
- Miscarriage
Folic acid para sa buntis: Ano ang kadalasang iniinom ng TAP Moms? | Image from Freepik
May risks ba sa pag-inom ng Folic acid?
Sa pangkalahatan kapag iniinom nang naaangkop sa mga dosis, ang folic acid ay safe to use. Kung uminom ka naman ng labis na folic acid, inaalis ng iyong katawan ang anumang labis through your urine.
Ang ilang mga tao ay maaaring makaranas ng minimal effects mula sa pag-inom ng mga suplementong folic acid tulad ng:
- Masamang lasa sa bibig
- Pagduduwal
- Walang gana kumain
- Pagkalito
- Pagkairita
- Pagkagambala sa pattern ng pagtulog
Maaari ka ring magkaroon ng allergic reaction sa folic acid:
- Rashes
- Pangangati
- Pamumula
- Hirap sa paghinga
Kung ikaw ay nakakaramdam ng mga side effects na ito, agad na tumawag at humingi ng tulong sa iyong doktor.
Folic acid para sa buntis: Ano ang kadalasang iniinom ng TAP Moms?
Nagtanong kami sa theAsianparent Philippines community kung ano ang subok at trusted na brand ng folic acid na ginagamit ng ating TAP moms. Narito ang kanilang rekomendasyon:
-
Folart
“Folart, ‘yan ang nireseta ng OB ko.”
“Recommended din ni OB ang Folart. .”
Mabibili ang Folart Folic acid sa mga botika at nagkakahalaga ng 205 pesos para sa isang box. Ito ay nutritional supplement para sa iron deficiency at maituturing na anti-anemic.
-
Hemarate
“Nireseta ng ob ko before Hemarate FA.”
“Hemarate FA. iron with folic recommended ni OB.”
Ang Hemarate FA ay mayroong iron, vitamin B-complex at folic acid. Bukod pa rito, ito’y nagpapababa rin ang plasma homocysteine.
-
Obimin Plus
“Obimin Plus po sa ‘kin lahat ng iniinom ko na vitamins. ‘Yan po reseta sakin ni doc.”
“My OB switched it to Obimin Plus..”
Ang Obimin plus ay isang multivitamins at mayroong minerals, omega-3 fatty acid, DHA at EPA.
-
Iberet
“Iberet sa ‘kin..”
“Ginagamit ko Iberet.”
Ang Iberet Folic-500 ay isa sa trusted brand ng ating moms pagdating sa folic acid. Ito’y isang multivitamins at nakakatulong sa anemia.
-
Folicard-B plus
“Folicard b-plus. Nakakasuka kasi sa ‘kin ‘yong combine ‘yong ferrous tsaka folic kaya pinaghiwalay ko.”
Ang vitamins na ito’y maituturing na anti-anemia rin. Mayroon siyang vitamin B-complex at folic acid.
Folic acid sa buntis: Ano ang kadalasang iniinom ng TAP Moms? | Image from Freepik
Hanggang ilang buwan ang pag-inom ng folic acid ang buntis
Ang mga depekto sa panganganak ay nangyayari sa loob ng unang 3-4 na linggo ng pagbubuntis. Kaya mahalagang magkaroon ng folate sa iyong katawan sa mga unang yugto na iyon dahil ang utak at spinal cord ng iyong sanggol ay kasalukuyang nagdedevelop.
Kung nakipag-usap ka sa iyong doktor noong sinusubukan mong magbuntis, malamang na sinabi nila sa iyo na magsimulang uminom ng prenatal na vitamins na may folic acid.
Ipinakita ng isang pag-aaral na ang mga babaeng umiinom ng folic acid sa loob ng hindi bababa sa isang taon bago magbuntis ay nagbabawas ng kanilang pagkakataong manganak ng maaga ng 50% o higit pa.
Inirerekomenda ng CDC na simulang uminom ng folic acid araw-araw nang hindi bababa sa isang buwan bago ka mabuntis, at araw-araw habang ikaw ay buntis.
Gayunpaman, inirerekomenda din ng CDC na ang lahat ng kababaihan ng edad ng panganganak ay uminom ng folic acid araw-araw. Kaya’t maaari mong simulan ang pagkuha nito kahit na mas maaga.
Ano pa ang ibang vitamins at supplements ang kailangang ng buntis?
Maliban sa folic acid, mahalaga rin ang pagkakaroon ng mga sumusunod na vitamins at supplements habang ikaw ay buntis:
- Vitamin D
- Iron
- Vitamin C
- Calcium
Sumangguni sa doktor
Kung ang pagbubuntis ay nasa iyong mga plano sa lalong madaling panahon, isaalang-alang ang pagdaragdag ng prenatal na bitamina sa iyong pang-araw-araw na gawain.
Ang mga prenatal na bitamina ay makukuha sa mga kapsula, tableta, at mga chewable na anyo. Para maiwasan ang pananakit ng tiyan, uminom ng prenatal vitamins kasama ng pagkain.
Palaging makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa pag-inom ng tamang dosis ng prenatal na bitamina dahil ang pag-inom ng masyadong maraming supplement ay maaaring nakakalason para sa iyong magiging sanggol.
Anuman ang iyong kailangang tulong o gabay sa pagbubuntis, tandaan na mahalagang sumangguni sa isang medical expert o doctor para sa mas angkop at ligtas na medication.
Karagdagang ulat mula kay Margaux Dolores
Source:
NHS UK, Web MD, Queensland Health Government, Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!