20 Pangunahing gamit na kailangan ni baby

lead image

Maging lubos na handa para sa pagdating ni baby, gamit ang listahang ito

Nung una akong nagbuntis, akala ko ay handang handa ako at ang dami ko nang alam, dahil lang nagmasid ako sa kapatid kong nakatatatanda na may dalawang anak na noon. Sa huling trimester ko, saka pa lang ako pumasok sa isang baby store—at laking mangha at gulat ko sa dami pala ng tinitinda para sa kaliit-liitang sanggol.

Ang tanong ko noon: kailangan ko ba lahat ito? Aba’y wala yata akong budget para bilhin lahat ito? Bakit andaming iba’t ibang klase ng bote? Ng lampin? Ng kuna at stroller?

Wala akong naging gabay noon. Hinulaan ko lang at pinilit kong pagkasyahin sa budget ko. Kaya’t ang kinalabasan, napamahal pa rin ako dahil nagpabalik balik-din ako. Wala kasi akong listahan ng mga bagay na kailangan lamang ni baby.

Pagkaraan ng maraming taon, tatlong anak, maraming pamangkin, ilang apo sa pamangkin at pagiging guro sa isang nursery school, at mariing pagsasaliksik, ito ang listahan na sana ay makatulong sa mga bagong ina at magiging ina at ama, para mabawasan ang kaba at hindi na malito sa pagsa-shopping para sa pinakamamahal ninyong sanggol.

Nakalista ito sa aking suhestiyon na panahon ng pagbubuntis upang hindi malito o magmadali, sakaling malayo pa naman ang due date ng ina.

Sa ikalawang trimester ng pagbubuntis

Ito ang panahon ng pag-aayos ng kuwarto ni baby o nursery. Kung plano ninyong itabi sa baby sa inyong kuwarto sa unang mga buwan, iayos ang lugar o area ni baby sa panahong ng ikalawang trimester pa lang para nakakagalaw ka pa ng hindi delikado, sakaling mag-aayos ng gamit.

Mga gamit sa pagtulog

  • Krib, mattress, kasama na ang beddings, linen at mattress protector
  • Unan ni baby at para sa paligid ng krib (bumper) Sa unang buwan, hindi kailangan ni baby ng unan sa krib. Itabi muna ito. Sa kanyang paglaki ay kakailanganin ito, huwag lang masyadong madami para iwasan ang risk ng suffocation.
  • Kumot na pambalot kay baby
  • Kurtina na medyo makapal o madilim ang kulay. Para hindi masyadong maliwanag sakaling matutulog si baby sa araw.
  • Baby Mobile. Nakakatulong sa sensory development ng isang sanggol ang baby mobile na nakasabit sa krib at may tugtog. Piliing mabuti ang mobile at siguraduhing hindi ito ang tipo na basta masisira at mahuhulog.

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2013/11/Screen Shot 2013 11 20 at 17.15.52.png 20 Pangunahing gamit na kailangan ni baby

 

Gamit sa pagpapalit

Changing table, para hindi ka yuyuko at mas ma-eenjoy ninyo ang pagpapalit ng lampin ni baby, dahil ito ang isa sa magiging madalas na bonding moment ninyong mag-ina, at pati na rin si Daddy.

Lampin

Maghanda ng telang lampin at disposable diapers. Kakailanganin mo ng lalagyan na maaaring isabit o itabi sa changing table. Maghanda ng iba’t ibang size ng diaper para sa inaasahang mabilis na paglaki ng sanggol.

Baby wipes

Mas maganda nga kung organic, at yung unbleached. Magtanong sa pedia at sa mga kapwa ina kung ano ang ligtas na brand.

Changing mat

Kung hindi pasok sa budget o hindi kasya sa kuwarto ang changing table, maaaring ito na lang ang gamitin. Ito rin ang ginamit ko, at inilalagay sa kama, sa sofa, at dala ko lagi sa Baby Bag kung lalabas ng bahay.

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2017/07/changing babys diaper lead 1 664x332.jpg 20 Pangunahing gamit na kailangan ni baby

Diaper cream  

Para maiwasan o gamutin ang diaper rash. Karaniwang may nakahandang cream para kay Baby.

Bulak

Sa unang buwan, may nakababad na akong bulak (cotton balls) sa tubig na nilalagay sa isang tub na may takip. Ito, at hindi komersyal na baby wipes ang gamit ko dahil sensitibo pa ang puwit ni baby. Pinapalitan ko ito kada gamit o palit ng lampin. Maari ding gamitin sa pagpunas ng ilong o bibig ni baby.

Sa ikatlong trimester ng pagbubuntis

Mga gamit sa pagkain

Bote at iba’t ibang tsupon (teats) - Kahit ikaw ay magpapasuso, maghanda na rin ng mga feeding bottles para suporta o pampalit sakaling kailanganin. Sa paglaki din ni baby, kailangan niyang uminom ng tubig.

Sterilizer

Pumili ng pangmatagalan, hindi yung mura nga pero masisira agad.

Isama mo na din sa listahan ang brush na panglinis ng bote at tsupon.

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2017/07/Breastpump670.jpg 20 Pangunahing gamit na kailangan ni baby

Breast pump at breastmilk storage bags

Maaari din namang ilagay sa bote, ngunit mas makakatipid sa lugar sa iyong refrigirator kung bag na takda para sa gata ng ina talaga ang gamit.

Para kay Mommy

Breast pads at Nipple cream

Dahil minsan sadyang biglang tutulo ang gatas ng hindi mo namamalayan, lalo kung lalabas ka ng bahay. Mas mabuting may handang breast pads.

Unan para sa pagpapasuso (Breastfeeding Pillow)  

Gumamit lang ako ng karaniwang unan, pero kung may budget pa, may mga mabibili na sakto talaga para sa siko at braso ni mommy para hindi mangalay.

Nursing cover and bra

Hindi pa ito uso noon, pero maaari mong subukan. Gamit ito para sa mga pampublikong lugar tulad ng restaurant o mall, o kapag may party na pupuntahan. Bumili ka na din ng bra para sa pagpapasuso (nursing bra).

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2017/08/breastfeeding nursing room lead.jpg 20 Pangunahing gamit na kailangan ni baby

Iba pang gamit

Ihanda na rin ang malalaking gamit para sa pagpasyal ni baby: stroller, baby sling, carrier, car seat. Ito ang mga bagay na hindi kailangang bilhin.

Magtanong sa mga kapamilya kung may maipapasa sila sa iyo o mapapahiram.
Baby bath tub

  • Toiletries - kasama ang tuwalya sabon, sponge at ilang laruan, baby oil, lotion o moisturzing cream, akohol, nail clipper (pambata)
  • Baby monitor – Lalo pa’t may sariling kuwarto ang baby.
  • Diaper bag - Ito ang bag na dala-dala mo kahit saan ka magpunta kasama si baby, kaya’t kailangang malaki ngunit hindi mahirap bitbitin
  • Baby Thermometer - para malaman kung nilalagnat si baby.
  • Panyo na pambata o ang tinatawag na Muslin cloth, na maaring gamiting panyo o burp cloth.
  • Musika para kay baby - Maaaring hindi ito gaaanong kahalaga para sa iba, pero dapat malaman na ang musika ay nakakatulong sa brain development ng isang sanggol, kahit na nasa sinapupunan pa ito. Ihanda ang playlist para sa mga panahon ng pagtulog, pagpapasuso, at paglalaro ninyo ni baby. Marami nang mga mahahanap sa internet na klasikal o bersyon ng piano ng mga awit na kagigiliwan panigurado ni baby.

Ayan. Kung naihanda na ang lahat ng ito, handa ka na sa pagdating ni baby. Ito muna ang alalahanin sa unga anim na buwan. Ang paghahandang ito ay para mas mapagtuunan mo ng pansin ang iyong sanggol sa oras na sya’y ipanganak. Hindi ka malilito o magaatubili dahil naihanda mo na ang lahat ng kailangan.

BASAHIN: 4 na yugto ng labor at panganganak – at mga payo para kay mommy

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!