Minsan ay ‘di maipaliwanag kung bakit bigla na lang may amoy ang iyong ari, bagamat lagi mo naman itong hinuhugasan at nililinis. Bakit nga ba nangyayari ito at ano ang gamot sa mabahong pepe?
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga karaniwang sanhi ng mabahong amoy ng ari
- 12 paraan at gamot sa mabahong pepe
Normal ba ang pangangamoy ng iyong vagina? Maraming babae ang magsasabing, “Oo, nangyari na ito sa ‘kin!”
Ang totoo pa nga, ordinaryo ang sitwasyon na ito. May karaniwan naman talagang amoy ang ari ng babae, pero kailangang malaman ang pagkakaiba ng amoy na dapat ipag-alala. Ayon sa The V Book: A Doctor’s Guide to Complete Vulvovaginal Health nina
Elizabeth Gunther Stewart, MD at Paula Spencer, may amoy ang healthy vagina, at may amoy na mabaho at dapat pagtuunan ng pansin.
Karaniwan naman talagang may amoy na lumalabas sa pepe ng babae, at komplikado ang iba’t ibang amoy nito. Pero kapag ang amoy ay masangsang na, kailangang bigyang pansin at gamutin para hindi lumala.
Image from Freepik
Mga karaniwang sanhi ng mabahong amoy ng ari
1. Pawis
Madalas ay pagpapawis ang dahilan kung bakit nangangamoy ang ari. Kapag mabigat ang timbang o di kaya ay masikip palagi ang pantalon o suot na pang-ibaba, naiipon ag pawis at bacteria sa mga singit-singit at ari, at nangangamoy ito.
2. Impeksiyon
Pinakamadalas na dahilan ng mabahong amoy ay ang bacterial vaginosis. Ito ay impeksiyon na sanhi ng malansang amoy, na may kasamang hapdi at pananakit kapag umiihi o nakikipagtalik, at puting discharge.
Ang impeksiyon na ito ay maaaring sexually transmitted, at nakahahawa. Antibiotic ang karaniwang gamot dito, bagamat kailangang kumunsulta sa doktor bago uminom ng anumang gamot.
Nariyan din ang trichomoniasis, isang STI, na sanhi ng protozoan parasite; at yeast infection, na parehong sanhi ng mabahong amoy at paghapdi ng ari. Antibiotics at antifungal medication ang gamot gamot sa mabahong pepe.
3. Hormonal changes
May mga vaginal secretions kapag may buwanang dalaw o regla ang babae na mas maamoy o mabaho sa pagitan ng ovulation at regla. Ganito din ang nangyayari kapag nag-menopause na, dahil ang pagbaba ng estrogen levels ay sanhi ng pagnipis ng vaginal tissue at nababawasan ang acidity nito—kaya’t nagkakaron ng mabahong vaginal discharge.
May mga gamot sa mabahong pepe katulad ng topical estrogen cream o wash ang irerekumenda ng mga doktor, kaya’t mabuting ikunsulta ito kung hindi na matiis ang mabahong amoy.
4. Hindi madalas na pagpapalit ng sanitary napkin o tampon
Minsan nakakaligtaan na magpalit ng napkin o tampon kapag may regla, kaya’t nabababad ang ari sa menstrual blood at nababahayan ng bacteria. Ito ang nagiging sanhi ng mabahong amoy.
5. Sa pagkain
May mga ekspertong nagsasabi na nakakaapekto ang pagkain sa pagbaho ng ari, kasama na ang pagbaho ng kili kili, anit, bibig, at paa.
Ayon sa mga pagsasaliksik, ang mga pagkain na may matapang na amoy tulad ng sili, bawang, sibuyas, blue cheese, isda, broccoli, paminta, ay may malaking epekto sa amoy. Umiwas muna sa mga pagkaing ito, kung napapansin na ang patuloy na mabahong amoy ng ari.
Mga sakit na maaaring mayroon ka kung may mabahong pepe
Ilan sa mga karaniwang sanhi ng pagkakaroon ng mabahong amoy ng pepe o vagina at baka maaaring mayroon ka nang impeksyon. Ilan sa mga maaaring impeksyon na mayroon ang isang babae ay ang mga sumusunod:
- Bacterial Vaginosis – isa itong overgrowth ng vaginal bacteria na nagdudulot ng mabahong amoy.
- Trichomoniasis – isang sexually transmitted infection na maaari ring maging sanhi ng pagkakaroon ng amoy sa ari ng babae.
- Vaginitis – isa itong inflammation sa vagina na nagreresulta ng discharge, pangangati, pananakit, at pagkakaroon ng mabahong vagina.
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang sanhi ng mabahong vaginal discharge ko?
6 na nangyayari sa vagina after manganak
Ang inaakalang pigsa sa pepe, may laman palang itlog ng insekto!
12 paraan at gamot sa mabahong pepe
Maraming paraan para unti-unting mawala ang masangsang na amoy ng ari ng babae:
1. Pananamit.
Magsuot ng maluwag na damit lalo na pantalon at shorts, at ng cotton underwear para mas “makahinga” ang ari at hindi pamahayan ng bacteria.
2. Magpalit ng panty palagi.
Lalo kapag nagsisimula nang mangamoy (mapapansin itong mas madalas kapag mainit ang panahon), at maghugas gamit ang vaginal wash sa tuwing iihi.
3. Umihi at maghugas ng pepe pagkatapos makipagtalik.
May mga nakakapansin ng malansang amoy ng pepe pagkatapos makipagtalik, na isang senyales ng bacterial vaginosis. Ang paghalo kasi ng semen at vaginal fluids ay nagiging sanhi ng amoy ng ari ng babae.
4. Maghugas nang mula harap papunta sa likod, at hindi baligtad.
Maiiwasan ang pag punta ng fecal matter sa ari kapag ganito ang pagpunas.
5. Kumain ng yogurt.
May taglay itong probiotics na nakakatulong sa PH balance at nakakaalis ng mabahong amoy sa ari.
6. Uminom ng cranberry juice palagi.
Ang acidity at taglay nitong antioxidants, pati ibang mga prutas na citrus ay nakakatulong na maalis ang mabahong amoy, habang pinapatay nito ang mga masasamang bacteria.
7. Ugaliing maligo pagkatapos mag-ehersisyo o magpawis sa pagtakbo, halimbawa.
8. Mahalagang uminom ng maraming tubig.
Lalo na kapag nangangamoy ang ari, para manatiling well-hydrated ang sistema, at maiwasan ang bacterial overgrowth.
9. Gumamit ng essential oils.
Suhestiyon ng ilang nakaranas na nito, nakakatulong ang tea tree oil, dahil ito ay may natural antimicrobial at antifungal properties, na lumalaban bacteria. Ihalo ang ilang patak ng tea tree oil sa tubig at ipunas sa paligid ng ari, tatlo hanggang 5 beses sa isang araw.
10. Hugasan ng suka o apple cider vinegar na may tubig ang ari.
Pwede ring ilagay ang suka sa bath tub at magbabad dito ng hanggang 20 minuto. Mabisa ang suka o apple cider vinegar sa pagpatay ng bacteria.
11. Iwasang gumamit ng scented products.
Tulad ng scented na sabon at feminine products dahil maaaring may taglay itong kemikal na nakakairita sa ari at nakakaapekto sa PH balance.
12. Iwasan ang paggamit ng douche.
Sapagkat hinuhugas nito ang mga healthy bacteria mula sa vagina, na lumalaban sa mga impeksyion. Mag-ingat sa paggamit ng “feminine sprays” nang hindi kumukunsulta sa OB GYN.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Ang pagkakaroon ng mabahong amoy sa pepe o vagina ng babae ay kinakailangan na matignan agad ng isang doktor. Lalo na kung may kasama itong mabahong amoy at may mga kasama rin itong mga iba pang sintomas.
Katulad na lamang ng mga sumusunod:
- pangangati ng vagina o ari ng babae
- paghapdi ng vagina
- may kasama ng discharge o lumalabas sa ari ng babae
- Iritasyon at pananakit
Dagdag pa nito, kung nakakaamoy na na matinding amoy o mabahong amoy sa iyong vagina. Maaaring mayroon kang impeksyon sa vagina katulad ng mga sinabi kanina na, trichomoniasis at bacterial vaginosis.
Agad na magpa-schedule ng appointment sa iyong doktor kapag nakakaranas na nito. Subalit tandaan maiiwasan ang pagkakaroon ng mabahong amoy kung magiging malinis lagi at pangangalagaan ang inyong vagina. Sapagkat mahirap din ang magkasakit kaya naman laging sinasabi ng mga doktor at eksperto na, “prevention is better than cure.”
Source:
The V Book: A Doctor’s Guide to Complete Vulvovaginal Health nina Elizabeth Gunther Stewart, MD at Paula Spencer, WebMD, MayoClinic, Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!