Makati, mahapdi, at nakakairita ang sakit sa balat na ito. Alamin ang iba’t ibang treatment o gamot sa skin asthma na kilala rin sa tawag na atopic dermatitis na isang uri ng eczema.
Maraming sakit sa balat ang maaaring maging sanhi ng matinding pangangati. Pero kung madalas mangati at mamula ang balat ng iyong anak, maaaring mayroon siyang skin asthma o ang atopic dermatitis na isang uri ng eczema.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang skin asthma?
Maraming puwedeng maging sanhi ng pangangati ng balat, para malaman kung eczema ba ang kondisyon, mahalagang alamin muna kung ano nga ba ang skin asthma?
Ang atopic dermatitis ay isang uri ng eczema. Ito ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng patse-patseng tuyong balat na sobrang kati, at minsan ay nagtutubig pa (senyales ng impeksiyon).
Karaniwang naaapektuhan ng atopic dermatitis ang mga sanggol at bata, at nadadala ito sa pagtanda. Mayroon din namang nagkakaroon nito na lagpas na sa pagkabata.
Paliwanag ni Dr. Khaycee Reyes, isang aesthetic and cosmetic dermatologist, 50 hanggang 80% ng mga pasyenteng may atopic dermatitis ay maaaring magkaroon ng asthma at allergic rhinitis paglaon. Dahil ang atopic dermatitis, asthma, at allergy ay pare-parehong sakit na may kaugnayan sa inflammation.
Ang skin asthma o eczema ay nakakaapekto sa 15 hanggang 20 porsyento ng mga bata sa buong mundo, at mas kapansin-pansin ang paglala nito sa mga nakatira sa low-income countries gaya ng Pilipinas.
Hindi man ito lubos na mapanganib sa ating kalusugan, kailangan pa rin itong gamutin upang maiwasan na magpabalik-balik at makasagabal sa pamumuhay ng iyong anak. Gayundin, kapag napabayaan, maaari itong magdulot ng mas malalang sakit o infection sa balat.
Para malaman kung ano ang ligtas at mabisang gamot sa skin asthma, alamin muna natin kung ano ang karaniwang sanhi nito.
Sanhi at sintomas ng skin asthma o eczema
Ang skin asthma o atopic dermatitis ay ang inflammation o pamamaga ng balat, paliwanag ni Dr. Ellaine Eusebio-Galvez, isang PDS Certified Dermatologist.
May kinalaman ito sa atopy, o genetic tendency ng isang tao na magkaron ng allergies tulad ng allergic rhinitis at asthma, kaya tinawag na atopic.
Ayon naman kay Dr. Barbara Marcelo, isang pediatric dermatologist, mayroong dalawang pangunahing sanhi ng sakit sa balat – ang genetics at ang ating kapaligiran. Pero sa mga bata, mas maraming kaso kung saan ang sanhi ng eczema ay namamana nila mula sa kanilang magulang.
“With any type of skin condition or any types of disease in general, there are two causes – genetics or genes and the environment.
For eczema, it’s still a combination of the two, but especially in kids, we see a lot of inherited eczema.” aniya.
Kung ang isa sa mga magulang ng bata (mas madalas na ang nanay) ay may atopic dermatitis, may posibilidad na isa sa kanilang mga anak, o lahat ng kanilang mga anak ay magkaroon din ng eczema.
Maaaring mamana ng bata ang defective gene ng fillagrin ng kaniyang magulang, o kaya naman kung ang gene ay masyadong reactive o masyadong sensitibo sa mga pagbabago sa kapaligiran.
Ang atopic dermatitis ay isang genetic skin disorder kung saan ang pasyente ay may problema o depekto sa “barrier” ng balat na siyang nagbibigay ng proteksiyon dito. Ang normal na kondisyon ng balat at may sapat na protinang filaggrin, na nagpapanatili ng tubig sa balat, kaya’t hindi natutuyo.
Kapag may problema sa immune system at naapektuhan ang produksiyon ng filaggrin. Hindi maayos ang panlaban ng balat sa mikrobyo at hindi rin nakakapag-prodyus ng moisture sa balat. At dahil tuyo, nagiging sobrang kati nito.
Walang isang sanhi ang skin asthma, bagamat may mga “triggers” tulad ng:
- panahon, biglaang lamig at init, o pagbabago ng panahon o klima (mula taglamig papuntang tag-init, halimbawa)
- mga uri ng pananamit (synthetic fibers, wool, o kaya ay nilabhan sa sabon na nakakairita sa balat Dahil sa matapang na kemikal nito)
- animal danders o natuyong balat ng alagang hayop na naiiwan sa mga kasangkapan o gamit sa bahay
- Iba pang allergens tulad ng dust mites at pollen
- dumi at pawis
- pagkain
Mga sintomas ng skin asthma
Mabilis mapapansin ang skin asthma dahil kakaiba ito kaysa ordinaryong rashes.
- Sa mga sanggol na 18 buwang gulang pababa, makikita ang rashes o “itchy patches” sa pisngi, sa braso at kamay. Ito na ang unang senyales na posibleng skin asthma ito.
- Namumula, tuyo, magaspang, at sadyang makati ang balat sa mukha at leeg, sa paligid ng mata, braso at balakang, pati paa. Minsan ay makikita din sa ibang bahagi ng katawan tulad ng siko at alak-alakan o likod ng tuhod.
Ano ang gamot sa skin asthma o eczema?
Mayroon bang gamot para sa atopic dermatitis? Ano ang gamot sa skin asthma o eczema? Makabibili ba ng gamot sa eczema sa Mercury Drug Store o iba pang botika?
Ayon kay Doc Barb, walang gamot para sa eczema dahil hindi naman tuluyang nawawala ang kondisyong ito.
“Eczema is a chronic condition and it will not totally go away,” aniya.
May mga bata na nakakaranas ng sintomas ng skin asthma at mawawala ito habang tumatanda sila. Subalit maaari pa rin itong bumalik kapag nairita ang kanilang balat.
Kaya naman para sa doktora, ang pinakamagandang gawin ay ang labanan o iwasan ang pag-flare up ng eczema sa pamamagitan ng pagpapanatili ng moisture sa ating balat.
“As to treatment, like any chronic condition, you can just prevent or control the flares. The periods where the skin is acting up, but it will not really go away so there’s no treatment, really.” paliwanag niya.
“But the mainstay in treating atopic dermatitis is preventing the skin from drying out,” dagdag niya.
Ang mga gamot sa skin asthma ay para maibsan lang pangangati at pamamaga ng balat. May mga gamot na maaaring mabili sa Mercury Drug Store o iba pang botika para maibsan ang ilang sintomas ng skin asthma o eczema.
Tulad na lang ng mga mga oral antihistamines, at topical medications (anti-inflammatory ointment at creams, topical immunomodulators, moisturizing creams at lotion) na mabisang gamot sa sintomas ng eczema.
Para sa mga malubhang kaso, mas makabubuting magpatingin sa isang dermatologist upang masuri ang iyong balat at makapagrekomenda ng partikular na treatment at gamot sa skin asthma o eczema.
Paano maiiwasan ang sintomas ng skin asthma
Lubhang nakakairita kapag umaatake ang sintomas ng eczema kaya naman payo ng mga eksperto, mas makakabuti kung papanatiliin ang moisture ng balat upang maiwasan ang pamumula at pangangati ng balat.
Narito ang mga bagay na dapat at hindi dapat gawin para hindi ma-trigger ang iyong skin asthma.
Iwasan ang …
- paliligo nang madalas
- paggamit ng masyadong mabango at matapang na sabon (tandaan, dapat piliin ang mga produktong fragrance-free, hindi lang basta unscented)
- pagkamot sa balat, lalo kung mahaba ang kuko
- paninigarilyo
Ang pinakamabisang paraan para malabanan ang skin asthma at skin allergies ay ang pag-alam sa kung ano ang “triggers” na nakakapagpalala dito, partikular sa iyo, at iwasan o iwaksi ito ng tuluyan, pagdidiin ni Dr. Eusebio-Galvez.
Mga pagkaing maaaring magpalala ng eczema
Mayroon ring mga pagkain na nakaka-trigger ng T cells na nagdudulot ng pamamaga at nakakapagpalala ng skin asthma. Pero para malaman kung ang iyong kinain ay nagti-trigger ng eczema, kadalasan ay lumalabas na ang mga sintomas sa loob ng 6 hanggang 24 oras. Narito ang ilang pagkain na maaaring magpalala ng iyong skin asthma:
- citrus fruits gaya ng orange o dalandan
- dairy products
- itlog
- gluten o wheat
- soy (gaya ng taho o tokwa)
- mga spices gaya ng vanilla, cloves, at cinnamon
- kamatis
- ilang klase ng nuts
Dapat tandaan na hindi naman lahat ng pagkaing ito ay maaaring magtrigger ng eczema. Kailangan mo lang subukan paunti-unti. Kung makakaranas ka ng matinding sintomas ng eczema pagkatapos mong kainin ito, pwede mo na itong iwasan sa susunod.
Gamot sa skin asthma: Mga dapat tandaan
Samantala, narito naman ang mga bagay na dapat gawin upang makaiwas sa mga sintomas ng skin asthma:
- Gumamit ng natural at organic moisturizer sa maghapon. Sa tuwing mararamdaman na natutuyo na ang balat, magpahid kaagad ng moisturizer na nirekomenda ng iyong dermatologist.
- Gumamit ng hypoallergenic bath soap, creams, bath gels, makeup, cleansers, at pati sabong panlaba. Makakatulong sa regeneration ng dead cells ang mga produktong may natural na moisturisers tulad ng olive oil, cocoa butter at virgin coconut oil.
- Panatiliing malinis ang iyong paligid upang makaiwas sa allergens. Ugaliing magpalit ng beddings at punda ng unan linggo-linggo.
- Makakatulong din pala ang paglagay ng air purifier o air humidifier sa iyong bahay para maiwasan ang panunuyo ng balat na nagdudulot ng eczema.
- Magkaroon ng sapat na pahinga, at umiwas sa stress hangga’t maaari.
- Mag-ehersisyo.
- Kumain ng pagkaing masustansiya, lalo na ang mayaman sa omega 3 (salmon, spinach, at walnuts), vitamin B at zinc, para maging maayos ang immune system at makatulong sa pangangati, iritasyon at pamamaga ng balat.
- Kumain ng mas maraming gulay at prutas, whole grains at essential fatty acids (cold-water fish, mani, at seeds). Makakabuti rin ang dark berries dahil may flavonoids ito na may antioxidant at anti-inflammatory properties, na mabisa sa allergies.
Huling paalala ni Doc Barb para sa mayroong skin asthma:
“Do not let the skin dry out, use the right cleanser, moisturize every day. Then if there are any problems and skin infections, go to the dermatologist right away.
Please avoid self-medicating and applying over the counter products because it can make the skin condition worse.” aniya.
Ang skin asthma ay isang pangmatagalan, at minsan ay panghabang-buhay na kondisyon ng balat, na nangangailangan ng regular na pangangalaga. Kumunsulta sa isang skin specialist at dermatologist para mabigyan ng karampatang payo at lunas para maiwasan ang komplikasyon.
Skin asthma vs eczema
Kung napapatanong ka rin ba kung may pagkakaiba ba ang skin asthma vs eczema, ang sagot ay wala. Subalit, tandaan na hindi lahat ng eczema ay skin asthma. Mayroon kasing iba’t ibang uri ng eczema at isa lang ang skin asthma sa mga ito.
Narito ang iba’t ibang uri ng eczema:
Atopic dermatitis o skin asthma
Ito ang pinakapangkaraniwang uri ng eczema. Nagsisimula itong makaapekto sa balat sa pagkabata at maaaring mawala rin naman pagtanda.
Pero may mga kaso na hindi ito nawawala sa pagtanda bagkus ay nababawasan lamang ang tindi ng mga sintomas. Kadalasan din sa mga mayroong atopic dermatitis ay mayroon ding asthma at hay fever.
Tinatawag kasi ng mga healthcare professional na atopic triad ang asthma, hay fever, at atopic dermatitis. Pare-pareho ang mga ito na inflammatory diseases.
Dyshidrotic eczema
Mas karaniwan ang uri ng eczema na ito sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Nagdudulot ito ng maliliit na pantal sa mga kamay at paa. Ilan sa mga sintomas nito ay blisters o pantal na mayroong fluid sa loob. Namumuo ito sa daliri sa kamay at paa, mga palad, at sa talampakan.
Posibleng masakit o makati ang mga pantal. Dagdag pa rito, pwede ring magkaroon ng tila kaliskis, mag-crack, o magkaroon ng flake ang balat.
Karaniwang sanhi nito ay allergy, stress, at paninigarilyo. Gayundin kung pasmado o madalas na basa ang kamay at paa. Maaari ding magkaroon ng dyshidrotic eczema ang mga taong nagkaroon ng exposure sa nickel, cobalt, o chromium salt.
Neurodermatitis
Para din itong atopic dermatitis na nagdudulot ng makapal at tila kaliskis na pantal sa balat. Karaniwang tumutubo ang pantal sa mga braso, binti, batok, anit, talampakan, genitals, at sa likod ng kamay.
Kadalasang nagsisimula ang neurodermatitis sa iba pang uri ng eczema o kung mayroong psoriasis ang isang tao. Hindi pa man batid ng mga espesyalista ang sanhi nito, pero ayon sa Healthline, posibleng trigger nito ang stress.
Mas madalas ang pangangati ng mga pantal kapag relaxed ang tao lalo na kung natutulog.
Statis dermatitis
Kondisyon ito kung saan ang fluid mula sa mahinang ugat ay nag-leak patungo sa balat. Nagdudulot ito ng pamamaga, pamumula, pangangati at pagsakit ng balat.
Posibleng mamaga ang lower part ng binti lalo na kung ikaw ay palakad-lakad. Maaari ding makaramdam ng pananakit o tila pagbigat ng binti.
Ilan pa sa mga sintomas nito ay ang pagkakaroon ng varicose veins na dry at makati. Pati na rin ang pag-usbong ng open sores sa lowe legs at sa ibabaw ng paa.
Kadalasang naaapektuhan nito ang mga taong may problema sa pagdaloy ng dugo sa kanilang lower legs. Kapag nag malfunction ang mga valve na nagpapadaloy ng dugo sa binti patungo sa puso, posibleng magkaroon ng statis dermatitis ang isang tao.
Nummular eczema
Mula sa salitang latin na nummular, nangangahulugan ito na coin. Ang nummular eczema ay kondisyon kung saan nagkakaroon ng bilog at hugis coin na pantal sa balat. Matinding pangangati rin ang dulot ng uri ng eczema na ito.
Kadalasang dahilan ng pagkakaroon nito ay ang allergic reaction sa metal at kemikal. O kaya naman ay reaksyon ng balat sa kagat ng insekto. Posible ka ring magkaroon ng ganitong uri ng eczema kung ikaw ay mayroong atopic dermatitis o skin asthma.
Hand eczema
Dahil hand eczema nga ang tawag, ang tanging apektado lang sa uri ng eczema na ito ay ang mga kamay. Nagdudulot ito ng pamumula, hyperpigmentation, pangangati, at panunuyo ng balat sa kamay. Posible ring magkaroon ng blisters at pagkabitak ng balat.
Pangkaraniwan ang kondisyon na ito sa mga ang trabaho ay palagiang mayroong exposure ang kamay sa mga kemikal. Tulad na lamang paglilinis, hairdressing, paglalaba at maging sa mga nagtratrabaho sa healthcare.
Contact dermatitis
Nagdudulot ng iritasyon, pamumula ng balat, at makapal na pantal na tila kaliskis ang contact dermatitis. Mayroong dalawang uri ng contact dermatitis. Ang una ay ang irritant contact dermatitis.
Nagkakaroon nito ang isang tao kapag nagkaroon ng contact sa kemikal o substance na nakairita sa balat nito. Samantala, ang ikalawa naman ay ang allergic contact dermatitis na sanhi ng reaksyon ng immune system sa mga irritant tulad ng latex o metal.
Ilan pa sa mga sintomas ng contact dermatitis ay pagkakaroon ng pantal na tinatawag na hives. Gayundin ng blisters na mayroong fluid sa loob na posibleng lumaki at pumutok. Habang tumatagal ay maaaring kumapal ang balat at tila may kaliskis ang pakiramdam.
Ang gamot sa mga sintomas ng eczema na maaaring ibigay ng doktor ay nakadepende sa uri ng eczema na nararanasan. Mahalagang alamin ang sanhi ng pangangati at pamamantal ng balat para malaman ang tamang gamot na dapat ilapat dito.
Muli, tandaan na hindi lahat ng eczema ay skin asthma pero ang skin asthma ay uri ng eczema. Gayundin naman ay may ugnayan ang skin asthma sa lung asthma at allergy dahil ang mga ito ay pare-parehong dulot ng inflammation sa katawan.
Gamot sa skin asthma: Skin care routine para sa eczema-prone skin
Sa event ng Watsons at Cetaphil, nagbahagi si Dr. Vanika Viardo ng ilang paraan para ma-manage ang sintomas ng eczema.
Ayon sa doktor, may tatlong importanteng hakbang para mapanatiling healthy ang skin lalo na kung prone ito sa eczema.
“In general, the skin care routine should include these three basic steps. To cleanse, to moisturize and to protect.”
Una, importanteng linisin ang balat bilang bahagi ito ng hygiene. Mahalagang maalis ang dumi, pawis, at oil sa ating balat. Pero tandaan din na ang hindi tamang paglinis ng balat ay makaka-damage ng skin lalo na sa mga eczema-prone skin. Kaya naman narito ang mga dapat gawin:
- Siguraduhing gumamit ng gentle at ph balanced cleanser
- Lukewarm o maligamgam na tubig ang gamiting panlinis ng balat
- Iwasang kuskusin ang balat
- Huwag magtagal sa paliligo. Sapat na ang 5 hanggang 10 minuto.
- Matapos maligo, gently pat dry lang ang balat at huwag i-rub
Ikalawa, mahalaga rin umanong i-moisturize ang skin. Ani ng doktor, napapanatili ng moisturizer ang tubig sa balat ng tao. Kaya naman recommended na mag-apply ng lotion kapag medyo basa pa ang balat.
“Moisturizers help seal water into the skin. So, it’s always recommended to apply your lotion when skin is lightly damp. The best way it to immediately after bathing and/or every after handwashing. And always remember that the minimum application of lotion is twice a day.”
At panghuli, importanteng protektahan ang balat mula sa init ng araw at iba pang posibleng magdulot ng flare up ng eczema.
“Protect your skin from substances that further cause damage or irritation. So, one example is the UV light. We all know that prolonged UV exposure can cause sunburn, visible signs of aging, as well as it increases the risk of skin cancer. So, it’s really important to protect your skin from the sun.”
Mahalaga umano ang pag-apply ng sunscreen sa balat. Para matiyak na angkop ang mapipiling sunscreen na gagamitin, tingnan muna ang label ng sunscreen at alamin kung mayroong irritants at allergens na ingredients ito na posibleng makaapekto sa iyong eczema. Makabubuti umano ang paggamit ng mineral-based sunscreen. At panghuli, tiyakin na ang sunscreen na pipiliin ay maproprotektahan ang iyong balat mula sa UVA at UVB.
Karagdagang ulat mula kay Camille Eusebio at Jobelle Macayan
MayoClinic, National Health Society UK, Healthline, Medical News Today, 7 types of Eczema by Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.