Nag-iisip ka ba na maaaring lutuin para sa pamilya? Sawa na ba sa karne ng baboy at manok? Subukan ang ginataang tulingan recipe na ito. Narito ang tamang pagluluto ng putahe na ito na mas magpapasarap ng bawat salu-salo.
Ginataang tulingan recipe
Pagdating sa luto ng mga isda na may gata, ang ginataang tulingan ang pinakapaborito ko. Lalo na kung tamang-tama ang timpla ng alat, tamis at anghang nito. Ang sikreto sa putaheng ito ay ang tamang dami ng gata na ilalagay sa isdang tulingan. Maliban dito, para sa kaligtasan ng lahat ng kakain nito, kailangang nalinisan din nang maayos ang gagamiting isda. Kung hindi ay maaari itong magdulot ng allergic reactions sa kakain nito.
Ayon sa website na E Medicine Health, isa ang tulingan o bullet tuna in English sa uri ng isda na nagpo-produce ng scombroid poison. Ito ay isang uri ng toxin na kombinasyon ng histamine at histamine-like chemicals na nagdudulot ng scombroid poisoning. Hindi naman lahat ng makakakain nito ay magre-react sa toxin na taglay ng tulingan. Ngunit para makasigurado, payo ng matatanda ay mabuting alisin ang buntot ng tulingan bago ito lutuin. Sapagkat sa buntot umano nito nagmumula ang naturang lason o toxin.
Payo naman ng mga eksperto, mabuting laging siguraduhin na fresh ang tulingang mabibili. Iwasan ang tulingan na may mapula nang mata at labas na sa tiyan ang bituka. Ganoon din ang mga tulingan o isda na may amoy na. Palatandaan ito na ito’y bilasa at mas mataas ang tiyansa makapagdulot ng allergic reactions sa taong makakain nito.
Kaya naman pagdating sa kahit anong luto ng tulingan ito ang dapat gawin. Tulad na lang sa ginataang tulingan recipe na tampok sa artikulong ito. Para nga masimulan mo na ang pagluluto sa masarap na putaheng ito, narito ang mga ingredients o sangkap na kakailanganin.
Mga ingredients o sangkap ng ginataang tulingan recipe
- 1 kilong isdang tulingan na maayos na hinugasan, nilinisan at inalisan ng buntot
- 1 pirasong luya na mga kasing laki ng hinlalaki, hiwain
- 2 pirasong siling labuyo o siling green
- 1 sibuyas, hiwain
- 2 tasa ng tubig
- 1/4 tasa ng suka o 10 pirasong kamias
- 1 kutsarang patis
- 2 tasa ng gata ng niyog
- 2 pirasong sili
- I pirasong talong, hatiin sa gitna at hiwain kasing laki ng iyong gitnang daliri
- Asin
- Paminta
Procedure o paraan ng pagluluto ng ginataang tulingan
- Hugasang maigi ang isdang tulingan. Saka hiwaan ang magkabilang bahagi nito.
- Hilamusan o kuskusan ng asin ang isda. Saka ito itabi muna sa loob ng 10 hanggang 15 minuto.
- Matapos ang 15 minuto, sa isang kawali ay pagsama-samahin ang isda, luya, suka at tubig. Maari ring gumamit ng bunga ng kamias pamalit sa suka.
- Takpan ang kawali at sindihan sa mahinang apoy. Hayaan itong kumulo sa ibabaw ng mainit na apoy sa loob ng 15-20 minuto.
- Kapag kumukulo na ay ilagay na ang gata ng niyog.
- Idagdag na ang bawang, sibuyas at sili.
- Takpan at hayaan ulit itong kumulo.
- Sunod na ilagay ang hiniwang piraso ng talong. Lutuin ito sa loob ng 5-7 minuto.
- Sunod na timplahan ito ng patis o asin at paminta.
Maliban sa talong maaari ring gumamit ng iba pang gulay. Tulad nalang ng petchay at mustasa. O kaya naman ay timplahin ito ng asukal para maging manamis-namis.
BASAHIN:
Chopsuey Recipe: Ang healthy all-veggie ulam ng pamilyang Pilipino
Dagdag na kaalaman
Kung sakali namang hindi sinasadya ay nakaranas ng allergic reactions o nalason matapos kumain ng isdang tulingan ay narito ang mararanasang sintomas.
- Nausea
- Pagsusuka
- Pamumula ng mukha
- Pananakit ng tiyan
- Pagtatae
- Pananakit ng ulo
- Pangangati ng katawan
- Pamamantal ng katawan
- Burning sensation o mainit na pakiramdam sa bunganga
- Lagnat
Ang malalang sintomas naman na maaaring maidulot ng pagkalason dahil sa isdang tulingan ay ang sumusunod:
- Pagbaba ng blood pressure.
- Mabilis na pagtibok ng puso.
- Wheezing o tila sumisipol na paghinga.
Madalas ang mga sintomas na ito ay mararanasan 30 minuto o isang oras matapos kumain ng may lasong isda. Ang mga sintomas ay madalas na tumatagal ng hanggang sa tatlong oras. Ngunit may mga kaso ring naitala na umaabot ito ng ilang araw.
Sa oras na makaranas ng malala o mas pinatagal na mga sintomas na nabanggit ay mabuting agad na dalhin sa doktor ang pasyente. Lalo na kung hirap na itong huminga o namamaga na ang kaniyang dila at lalamunan.
Food photo created by jcomp – www.freepik.com
Paano ito malulunasan?
Ayon sa mga doktor, ang pagpapasuka sa pasyente ang pangunahing paraan upang maalis ang lason. Lalo na kung nakain niya ang isda sa loob ng 3 oras pa lamang. Kung malala na ang ipinapakitang sintomas o mahigit na sa 3 oras ng makain ang isda ay inirerekumenda sa ospital na i-pump ang tiyan ng biktima para mailabas ang isdang nakain niya. Saka siya bibigyan ng IV fluids para maiwasang ma-dehydrate dahil sa pagsusuka. Sunod siyang bibigyan ng gamot para makatulong sa kondisyon niya.
Para maiwasan ang pagkalason sa isda o scombroid poisoning, dapat ay siguraduhing fresh ang isdang niluluto at kinakain. Kung hindi agad lulutuin at kakainin ang isda ay mabuting ilagay ito sa refrigerator. Sa oras naman na may masangsang o hindi na kaaya-ayang amoy ang isda ay iwasan ng iluto at kainin ito.
Benepisyo ng pagkain ng tulingan at iba pang isda
Syempre mayroon ding health benefits ang pagkain ng anomang uri ng tuna tulad ng tulingan o bullet tuna in English.
Ang tuna ay mayaman sa vitamin B12 na essential vitamin na kailangan ng DNA. Makatutulong din ang vitamin B12 upang makapag-form ng bagong red blood cells at para maiwasan ang development ng anemia.
Iba pang health benefits ng pagkain ng tulingan o bullet tuna:
Mayaman din sa omega-3 fatty acids ang tuna fish tulad ng tulingan. Ang omega-3 fatty acids ay nakatutulong para mabaswasan ang level ng omega-6 fatty acids at LDL cholesterol na nag-aaccumulate sa arteries ng puso. Ayon sa Web MD, mayroong mga pag-aaral na nagpapakita kung saan ang pagkain ng food na mayaman sa omega-3 ay nakapagpapabawas ng rate ng cardiovascular disease tulad ng heart attack.
Bukod pa rito, nakatutulong din ang omega-3 sa eye health. Isa pang pag-aaral ang binanggit sa artikulo ng WebMD kung saan ang mga babaeng kumakain ng tuna kada linggo ay mayroong 68% lower risk na magkaroon ng dry eye. Mahalaga rin ang omega-3 sa overall health ng retina.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan