Gamot sa high blood ba ang hanap mo? May mga pagkaing makakatulong para natural na malunasan at makontrol ito. Alamin ang mga pagkaing pampababa ng dugo.
Isa sa mga paborito nating gawing mga Pilipino ay ang kumain. Bahagi na ito ng ating kultura at ating buhay. Hindi kumpleto ang mga pagdiriwang kapag walang pagkain.
Subalit alam mo ba na ang pagkain ng labis ay nakakasama asa ating kalusugan? Hindi mo namamalayan, baka mayroon ka nang hypertension o high blood pressure.
Ano ang High blood o hypertension?
Ayon sa DOH, 30 hanggang 35% ng adult population sa bansa ay maituturing na hypertensive o may mataas na blood pressure.
Ito ay ang sinumang may blood pressure reading na 130/80 (systolic/diastolic) ayon sa American Heart Society. Habang ang 120/80 ay kinukunsidera ng elevated hypertension.
Dagdag pa ni Dr. Amal Makhloufi, country lead ng Sanofi Philippines, ayon sa pag-aaral, 4 sa 10 Pilipino ay high-risk para magkaroon ng hypertension. Isa tayo sa mga bansang may pinakamalaking bilang ng mga taong may high blood o hypertension sa buong mundo.
Itinuturing itong silent killer dahil maliban sa mataas na blood pressure reading, walang pinapakitang sintomas ang hypertension, subalit maaring mauwi sa heart attack, kidney disease, stroke at iba pang problemang pangkalusugan.
Ayon kay Dr. Eduardo Tin Hay, isang cardiologist at eksperto sa internal medicine, ang mga karaniwang sanhi ng hypertension ay genetics o namamana, stress, pagkain ng mga pagkaing maaalat at sedentary lifestyle o kakulangan sa pisikal na gawain.
Isa marahil sa pinakakaraniwang sanhi ng high blood dito sa bansa ay ang pagkain ng maaalat o kaya naman mga pagkaing mayaman sa fat.
Mga pagkaing dapat iwasan ng may highblood
Napansin ni Dr. Amal, isang Algerian na kasalukuyang nasa Pilipinas, na masyadong mahilig kumain ang mga Pinoy, at malakas rin tayo sa kanin at mamantikang pagkain.
“Filipinos love eating many times in the day, and all meals are with rice, and everything is cooked with oil.”
Subalit taliwas ito sa tamang pagkain na dapat sundin para mapanatili nating malusog ang ating mga katawan. Bukod dito, karamihan ng nga Pinoy ay ayaw namang uminom ng napakaraming gamot sa high blood o hypertension.
Kung ayaw uminom ng gamot, ipinapayo na lang ni Dr. Tin Hay sa kaniyang mga pasyente na baguhin ang kanilang lifestyle at kumain ng tama.
“Iba-iba ang pag-manage for every patient, but most of my patients would prefer diet and lifestyle (modification),” aniya.
Para mabawasan ang posibilidad na magkaroon tayo ng high blood o hypertension, narito ang mga pagkaing dapat iwasan o bawasan sa ating diet:
1. Maalat na pagkain
Ang mga maaalat na pagkain ang biggest dietary source ng sodium, ang mineral na kapag nasobrahan ng intake ng katawan ay maaring mag-resulta sa high blood pressure.
Kapag masyadong maraming asin sa ating kinakain, nagkakaroon ng water retention sa ating katawan. Kapag masyadong maraming tubig sa ating katawan, tumataas ang ating blood pressure na nakakasama sa ating blood vessels, puso at kidneys.
Ito ang dahilan kung bakit maraming may hypertension ang nagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.
Kaya naman payo ng mga health authorities, limitahan ang pagkain ng maalat. Sa isang araw, dapat ay hindi lalagpas sa 2,300mg ang sodium intake ng isang tao. Ito ay katumbas ng 1 kutsarita ng asin sa isang araw.
Ayon naman sa Food and Drug Administration o FDA, pinamakataas na source ng sodium ay ang mga processed o packaged foods. Ilan nga sa mga ito ay ang sumusunod:
- deli meat
- frozen pizza
- vegetable juices
- canned soup
- canned o bottled tomato products
Dagdag pa ni Dr. Tin Hay, iwasan ang paglalagay ng asin sa hapag-kainan para hindi rin magdagdag nito sa mga pagkaing natimpla o naluto na.
“Huwag na lang tayo mag-add ng salt sa pagkain natin kapag natimpla na. No added salt. Kung anong niluto, tanggapin mo na.”
2. Matatamis na pagkain
Ang sobrang pagkain ng matatamis ay maari ring mauwi sa pagkakaroon ng high blood pressure. Dahil sa ito ay nagdudulot ng pagdagdag ng timbang at obesity na isa ring dahilan sa pagkakaroon ng high blood.
Ayon sa Americal Heart Association, ang isang babae ay dapat limatahan sa 24 grams o 6 teaspoons ang kaniyang sugar intake sa isang araw. Habang ang mga lalaki naman ay dapat 36 grams o 9 teaspoons a day lang ng sugar ang nakokonsumo sa isang araw.
3. Pagkaing may saturated fats o trans fats
Maliban sa mataas na level ng salt, ang mga pagkaing pre-packaged ay may mataas din na level ng trans fats. Ito ang mga uri ng fats na kapag sumobra ang pagkonsumo ay nagpapataas ng LDL o bad cholesterol sa katawan.
Kung mapabayaan ang mga bad cholesterol na ito, hindi lang maaaring mauwi sa high blood pressure kundi pati na rin sa coronary heart disease.
Ganito rin ang epekto ng sobrang pagkonsumo ng saturated fats, kaya naman maliban sa pagkain ng mga packaged prepared foods ay dapat umiwas din ang isang taong may high blood sa sumusunod na pagkain:
- chicken skin
- full-fat dairy
- red meat
- butter
- coconut oil
- palm oil
Ang pag-inom ng kaunting alak raw ay nakakapagpababa ng blood pressure ng isang tao. Pero ang sobrang pag-inom nito ay maaaring magdulot din ng biglaang pataas ng blood pressure na sadyang delikado.
Ayon nga sa Mayo Clinic, ang pag-inom ng tatlong baso ng alcohol sa isang upuan ay makakapagtaas na ng blood pressure at maaaring magdulot na ng long-term blood pressure problems kung uulit-ulitin.
Maliban dito, ang alcohol o alak ay puno rin ng calories na maaaring magdulot ng weight gain o obesity, kaya payo ni Dr. Tin Hay, iwasan na rin ang pag-inom ng alak.
8 pagkaing pampababa ng dugo o high blood
Para naman maiwasan ang pagkakaroon ng mataas na blood pressure o makontrol ito, may mga pagkain at halamang gamot ang maaaring kainin o inumin upang gamutin ang high blood.
Ito ang ipinapayong kainin upang labanan ang hypertension at ang masamang epekto nito sa katawan. Narito ang ilan sa kanila:
1. Leafy greens o maberdeng gulay
Ang mga maberdeng pagkain o gulay ay may mataas na level ng potassium ay maaaring halamang gamot sa high blood. Isa ito sa mga pagkaing pampababa ng dugo. Ito ay may mineral na nakakatulong na maalis ang sobrang sodium sa katawan, kaya nakakapagbaba ito ng blood pressure.
Ilang halimbawa ng leafy green vegetables na maari mong kainin ay talbos ng kamote, spinach, kangkong at iba pa.
2. Berries
Isa pang pagkaing pampababa ng dugo ay ang berries, isa ring halamang gamot na mayaman naman sa natural compounds na flavonoids. Ito ay nakakatulong na maiwasan ang hypertension at nakakapagbaba ng blood pressure.
Ilan sa uri ng berries na maaaring idagdag sa iyong diet ay ang blueberries, raspberries at strawberries.
3. Skim milk at yogurt
Ang skim milk ay magandang source ng calcium at may mababang level ng fats – dalawang mahalagang bagay sa pagpapababa ng blood pressure.
Kung ayaw mo ng lasa ng skim milk, maaari mong subukan ang yogurt na may parehong epekto rin sa katawan. Ngunit siguruhin na mababa ang sugar quantity nito.
4. Oatmeal
Ang oatmeal naman ay high-fiber, low-fat, at low-sodium na perfect para magkaroon ng mababang blood pressure.
Pagkaing pampababa ng dugo. | Larawan mula sa Freepik
5. Saging
Ang mga saging ay mayaman sa potassium. Sa halip na uminom ng maraming supplements na may potassium, mas mabuting kumain na lang nito.
Maaari itong ihalo sa iyong oatmel o cereal sa umaga. O kaya naman ay gawing snack o dessert matapos mong mananghalian o hapunan.
6. Salmon, mackerel, at iba pang isda na mayaman sa omega-3s
Ang mga isda ay magandang source ng lean protein. Habang ang mga fatty fish tulad ng mackerel at salmon ay may mataas naman na level ng omega-3 fatty acids. Ito ay nakakatulong na magpababa ng blood pressure at triglycerides. Pati na ang pagbabawas ng inflammation sa katawan.
7. Seeds
Ang mga butong nakakain tulad ng sunflower o squash seed ay mayaman sa potassium, magnesium, at iba pang minerals na nakakatulong magpababa ng blood pressure.
Ang pagkain ng ¼ cup ng mga seeds na ito in between meals ay makakatulong na mapanatili ang mababang blood pressure.
8. Bawang at iba pang herbs
Halamang gamot sa high blood. | Image from Freepik
Isa ang bawang sa mga pagkaing pampababa ng dugo. Ang bawang ay nakakapagpataas ng nitric oxide ng katawan. Pinapababa nito ang blood pressure sa pamamagitan ng pag-promote ng vasodilation o pagluwag ng arteries na dinadaluyan ng ating dugo.
Ang pagdadagdag naman ng mga flavorful herbs sa iyong diet ay nakakapagbawas ng iyong salt intake. Halimbawa ng herbs at spices na ito ay basil, cinnamon, thyme, rosemary, at marami pang iba.
Ang mga pagkaing nabanggit ay ilan lamang sa mga natural na gamot sa high blood. Sa kabuuan ay kailangan lang tandaan na para makaiwas sa mataas na blood pressure ay dapat kumain ng prutas at gulay. Iwasan din ang mga pagkaing matataba, maaalat, at matatamis na maaring magdulot ng high blood o hypertension.
Malaking bahagi ng paggamot at pag-iwas sa high blood pressure ang nutrisyon at active lifestyle. Subalit kung mayroon ka nang high blood pressure at ipinapayo ng iyong doktor na kailangang uminom ng gamot, huwag magdalawang-isip na sundin ito.
Kahit walang nararamdaman, ugaliin pa ring magpatingin sa doktor dalawang beses sa loob ng isang taon para malaman kung ikaw ay at-risk sa hypertension. Tandaan, mas mabuti nang maagapan ang sakit bago pa ito humantong sa mga komplikasyon.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!