Naghahanap ka ba ng mabisang gamot sa ubo? Maaaring subukan ang ilang halamang gamot sa ubo na ito at iba pang home remedies, ngunit tandaan na dapat pa ring kumonsulta sa doktor.
Panahong uso ang ubo
Bago ang lahat, dapat tandaan na bago magbigay ng anumang gamot sa iyong anak, herbal man o nabibili sa botika, dapat ay mayroong payo mula sa kaniyang doktor.
Malamig na naman ang panahon, at madalas ay bigla ring iinit. Simula na ng pag-atake ng nakakainis na pag-ubo. Ayon kay Dr. May Gerolaga , isang pediatric pulmonologist mula sa Makati Medical Center, ang pag-ubo ay ang normal na reaksyon ng katawan sa tuwing may nalalanghap tayong mikrobyo.
Kaya tayo inuubo ay para mailabas ang mga mikrobyong ito tulad ng viruses at bacteria. Pati na rin upang mailabas ang plema na nagdudulot pa ng ubong mas malala.
Subalit dahil sa dami ng nagkakasakit ngayon, hindi pwedeng magpaka-kampante. Dahil maaaring ang ubo na ito ay sintomas ng mas malalang sakit gaya ng Covid-19.
Ubo lang ba o Covid-19 na?
Isa sa una at pinakakaraniwang sintomas ng Covid-19 ay ang ubo, kaya naman hindi dapat balewalain kung mayroon nang inuubo sa pamilya. Pero paano mo nga ba malalaman kung ang ubo ay talagang dala lang ng karaniwang infection, dahil sa allergies o dulot ito ng Covid-19 virus?
Ayon kay Dr. Hector de Leon, isang pediatrician sa Kaiser Permanente sa Colorado, bukod sa pag-ubo, kailangang pansinin rin ang kalusugan ng iyong anak, kung nagpapakita pa siya ng ilang sintomas maliban sa ubo.
“There’s a lot of different reasons why people cough. It’s not always infectious,” ani Dr. de Leon. “We need to consider the big picture when diagnosing coughs.”
Halimbawa, kung ang bata ay umuubo at mayroong pangangati o pamumula ng mata, maaring dahil lang ito sa allergies. Gayundin, kung ang bata ay masigla naman at nakakakilos naman ng maayos, posibleng ito ay ubo na pwedeng magamot sa loob ng bahay.
Paano mo masasabing Covid na? Ayon kay Dr. de Leon, karaniwang ang ubo na kasama ng Covid-19 ay tuyo o dry cough. Kadalasan ay wala itong plema o mucus na kasama. Maaring makaranas ng pangangati ng lalamunan dahil sa pagka-irita ng lung tissues.
Ayon din sa huling ulat ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang isang bagay na maaring magsabi kung mayroong Covid-19 ang isang tao na hindi sintomas ng karaniwang ubo o trangkaso ay ang hirap sa paghinga.
Kapag napansin na medyo hinihingal ang bata o hirap siyang huminga, mas maiging tumawag na sa kaniyang doktor para makasiguro.
Kailan dapat magpunta sa doktor kung inuubo?
Ayon kay Dr. Gerolaga, mahalaga na obserbahan nang maigi ang ating anak kapag siya ay inuubo.
“Ang importante bilang tayo ang nakakatanda ay kailangan nating i-monitor kung ano ang klase ng ubo ng bata. Ito ba ay dry, ito ba ay tuyong ubo o wet o maplemang ubo. Para masabi na lumulubha, iche-check mo kung gaano kadalas o iyong frequency ng ubo. Ito ba ay more than 20 times na in a day roughly o buong araw na bang umuubo, paisa-isa pero sobrang maputok naman. Pero ang pinakaimportante talaga ay tingnan kung hingal ang bata o kung may hirap sa paghinga.”
Payo ni Dr. Geraloga, obserbahanan ang paghinga ng bata ng isang minuto. Tignan umano iyong taas baba ng kaniyang dibdib o tiyan.
Dito malalaman kung hirap huminga ang bata, lalo na kung makikita mong halos ang kaniyang ribs ay malalim kapag siya’y humihinga. Maaari umanong sabihin na baka nagiging malubha na ang sakit ng bata.
Paalala muli ni Dr. Geraloga, kung mapansin ang ubo ay hindi pa rin nawawala pagkatapos ng ilang linggo, lalo na kung ang nakakaranas nito ay bata, dapat na siyang dalhin at patingnan sa isang doktor.
“Tandaan, tingan kung may hingal o hirap sa paghinga o lagnat at ubong hindi nawawala. Kung ganoon ay magpakonsulta na sa doktor.”
Gayundin, huwag nang mag-alinlangan na dalhin ang iyong anak sa ospital kapag napansin ang mga sumusunod na sintomas:
- paglala ng ubo
- hirap sa paghinga
- mataas na lagnat
- sakit ng ulo
- sakit ng tiyan
- masakit o makating lalamunan
- parang nalilito o wala sa sarili
- pananakit ng dibdib
- matinding pananamlay
- pamumutla o kulay blue ang mga labi
Gamot sa ubo at sipon – home remedy
Bilang magulang, ayaw na ayaw nating naririnig ang pag-ubo ng ating mga anak. Kaya naman agad-agad tayong humahanap ng lunas sa ubo para gumaling sila agad. Gaya ng nabanggit, lalo na kung gamot sa matinding ubo ang hanap, dapat ay magpakonsulta na sa doktor para malaman kung ano ang gamot sa ubo na irereseta sa bata.
Dapat tandaan na may mga pag-aaral na nagsasabing hindi dapat binibigyan ng cough syrup ang mga sanggol at maliliit na bata, kaya mahalagang sumangguni muna sa doktor.
Subalit sa panahon ngayon kung saan maraming nagkakasakit at nagkaka-ubusan ng gamot na mabibili sa botika, maari ka ring sumubok ng ilang halamang gamot sa ubo at gamot sa plema na ayaw lumabas.
Pahayag ni Dr. Geraloga,
“May mga home remedies naman. Para sa bata ang karaniwang ubo ay about viruses so kapag virus hindi naman kailangan agad mag-antibiotics. So ang unang gagawin ng magulang, obserbahan, anong klase, o nagiging malubha ang ubo. Ikalawa, tulungan ang bata. May mga home remedies na pinag-aralan.”
Dalawa nga sa mga halamang gamot na sinabi ni Dr. Gerolaga ay ang lagundi at honey.
Halamang gamot sa ubo ng bata at matanda at iba pang home remedy
1. Lagundi: Halamang gamot sa ubo na may plema
Dito sa Pilipinas, kilala ang lagundi bilang gamot sa ubo. Sa katunayan ay may mga cough syrup na nga na gawa dito. Bagamat popular at kilala na ang lagundi bilang mabisang gamot sa ubo ng matanda.
Paalala naman ni Dr. Geraloga, mga pangkaraniwang ubo lang ang maaring magamot nito pati na rin bilang gamot sa ubo na may plema. Subalit hindi mabisa ang halaman na ito bilang gamot sa hika.
Pagpapaliwanag at paalala ni Dr. Geraloga,
“Tulad ng lagundi may mga studies na nagsasabing nakakatulong ito para mapalambot ang plema sa baga. At sinasabing pinaluluwag din nito ang daluyan o daanan ng hangin sa baga. Although lagundi has been in the market since 1997 at established naman na. Pero ang importante kasi is iyong history ng bata. Una kasi baka hikain pala siya. Kung hikain tingnan mo kung ano ang instructions sa inyo ng inyong doktor. Baka naman mayroon ka ng gamot na ready at puwede mo ng i-nebulize ang bata. Kung ito naman ay isang ubo dahil sa virus just increase fluid intake at mag-rest at obserbahan kung ito ay gumagrabe.”
Para naman gamitin ang lagundi bilang gamot sa ubo ay magpakulo ng dahon nito sa dalawang baso ng tubig sa loob ng 15 minuto. Bahagyang palamigin ang pinaglagaan at saka uminom ng 1/2 baso nito ng tatlong beses sa isang araw.
2. Honey
Isa pang sinasabing magandang gamot sa ubo ay ang honey. Ayon kay Dr. Gerolaga,
“Ang honey may mga pag-aaral na nagsasabi na nakaka-reduce ito ng frequency ng pag-ubo ng bata. At dahil nababawasan ang pag-ubo nakakatulog sila ng maayos. And also ay nababawasan rin nito ang secretion ng mucus. Pero ang lahat ng ito ay pinag-aaralan pa.”
Paliwanag ng siyensya, ang honey ay may analgesic properties, o maaaring makatulong sa pagtanggal ng sakit. Dumidikit ito sa naiiritang mucus membranes, tinatakpan ang mga ito at nakakapagpaginhawa ng pakiramdam.
Mayroon rin itong antibacterial properties, na makakatulong kung ang ubo ay sanhi ng bacteria. Kadalasan ay hinahalo ang honey sa maligamgam na gatas para inumin. Tiyak ang ginhawa ng dibdib pagkainom nito, lalo bago matulog sa gabi.
Kaya naman isang kutsarang honey lang ay napalaki ng ginhawa ng maibibigay sa bata o sinumang inuubo.
Kapag may dry cough o ubong walang plema (na masakit sa lalamunan at dibdib), ihalo lang ang honey sa grape juice. Kung umiinom na ng gamot, sabayan rin ng honey at lemon juice sa maligamgam na tubig, tatlong beses sa isang araw para maibsan ang pag-ubo. Kapag napansin nang bumubuti ang ubo, bawasan ang dalas ng pagpapainom.
TANDAAN: Huwag magbigay ng honey sa mga bata na wala pang isang taong gulang.
Delikadong painumin ang sanggol na wala pang isang taon ng honey. Maaari kasi itong magkaroon ng infant botulism. Di man pangkaraniwan ang kondisyon na ito, mahalagang mag-ingat pa rin tayo bilang magulang.
Maaaring magkaroon ng botulism ang bata mula sa clostridium botulinum spores na nakukuha saa lupa at sa pag-inom ng honey o honey products. Ang spores na ito ay nagiging bacteria sa dumi ng bata at nakapagproproduce ng mapanganib na neurotoxins sa katawan.
Seryosong kondisyon ang botulism at hindi dapat na balewalain.
Iba pang home remedies at halamang gamot sa ubo
Ayon naman sa mga matatanda, maraming mga tradisyonal na paraan o halamang gamot sa ubo. Ito ay sinasabing mabisa diumano ayon sa anecdotal evidence o base sa karanasan ng mga sumubok nito. Bagamat karamihan ay kulang pa sa pagsisiyasat upang masabi na tunay ngang mabisa para magamot ang ubo. Ang mga halamang gamot sa ubo na ito ay ang sumusunod na makakatulong para maibsan ang discomfort na dulot ng pag-ubo.
Tandaan na maraming maaaring sanhi ang ubo. Kaya’t iba-iba rin ang pag-gamot dito. Kung hindi bumubuti ang kalagayan at patuloy ang pag-ubo, huwag mag-atubili na magpunta ng duktor upang magpatingin.
Kung ang pag-ubo ay hindi malala, ang mga tradisyonal na paggamot ang puwedeng gawin para lang matigil ang pag-ubo at maibsan ang pananakit nang hindi kinakailangan uminom ng allopathic medication.
3. Halamang gamot sa ubo: Luya para sa ubo
Marami ring matatanda ang naniniwala na makakatulong ang dinikdik na luya bilang gamot sa ubo. Ito raw ay mabisang gamot sa ubo na may plema na ayaw lumabas, at herbal pa ito.
Para sa tuyong ubo, pakuluan lang ang hiniwang luya, at ipainom ng paunti-unti ang pinagtubigan nito. Lagyan ng konting honey para makatulong sa lasa nito na maaaring hindi magustuhan ng bata.
Nakakatulong ang luya sa paglalaway at pagtunaw at paglabas ng plema o mucus mula sa dibdib at sistema.
4. Tubig na may asin
Ang pagmumumog ng tubig na may kalahating kutsaritang asin ay nakakatulong na mailabas ang plema na nasa lalamunan, at nakakatulong na maibsan ang sakit ng lalamunan. Gawin ito 4 hanggang 5 beses isang araw. Nailalabas nito ang bacteria at toxins na nagpapalala sa ubo at plema.
5. Halamang gamot sa ubo: Turmeric o luyang dilaw
Ang turmeric ay may curcumin na nakakagamot sa sore throat at ubo. Ang curcumin ay anti-bacterial at anti-inflammatory properties, na epektibong nakakagamot sa ubo at sipon.
Magpakulo lang ng isang tasang tubig at isang kutsara ng turmeric powder. Maaari ring haluan ng paminta at cinnamon sticks par mas epektibo at magkaron ng mas kaaya-ayang lasa. Pakuluan ito ng 3 hanggang 4 na minuto at ipainom dalawang beses isang araw.
Dagdagan din ng honey para sa lasa at para din maging mas epektibo. Ang iba ay hinahalo ang turmeric sa gatas.
Sa iba naman ay hinahalo ang kaunting turmeric sa isang kutsaritang honey para sa pag-gamot ng tuyong ubo, 3 hanggang 4 na beses isang araw.
Mayroon ding iba ay nagpapakulo ng 4 na tasa ng tubig at hinahaluan ng isang kutsarang turmeric powder, at saka pinipigaan ng lemon at hinahaluan ng honey para ipainom.
6. Paminta
Ayon sa New England folk medicine at traditisyonal na Chinese medicine, paminta ang isang mabisang panlaban sa ubong ma-plema.
Ang paminta raw ay nakakapag-stimulate ng circulation at pagdaloy ng mucus o plema. At dahil ang honey ay sinabi ngang natural na cough suppressant at mild antibiotic, ang pagsasama ng dalawang ito ay sadyang epektibo na panlaban sa ubo.
Ihalo ang isang kutsaritang pamintang durog sa 2 kutsarang honey sa isang tasa. Buhusan ng kumukulong tubig, at iwanan ng 15 minuto. Salain kung kailangan.
Hindi ito mabisa sa tuyong ubo dahil ang pangunahing ginagawa nito ay ang pagpapaluwang ng plema.
7. Almonds
Sa ilang kultura, almonds ang ginagamit kapag may problema sa baga, tulad ng pag-ubo. Dinudurog ang almonds at hinahalo sa orange juice.
8. Thyme
Ang dahon ng herb na thyme ay matagal nang ginagamit para sa panlaban sa mga sakit sa respiratory system, lalo na sa bansang Germany. Nakagagamot daw ito ng upper respiratory infections, bronchitis, at whooping cough, dahil ang thyme ay hitik sa cough-suppressant compounds.
Nakakagamot ito sa short-term bronchitis at walang tigil na pag-ubo. Ang thyme ay may flavonoids na kilalang anti-microbial o panlaban sa mikrobyo sa katawan. Narerelax din nito ang lalamunan na namamaga dahil sa pag-ubo.
Magdikdik ng dahon ng thyme at ihalo sa osang tasang tubig, saka pakuluan. Hayaan muna ng 5 hanggang 10 minuto, saka inumin.
9. Steam Treatment
Epektibo ang pagpapausok para mapaluwag ang naninikit na plema at napapaginhawa ang paghinga.
Maglagay lamang ng bagong kuong tubig sa isang bowl, lagyan ng 3 hanggang 4 na patak ng eucalyptus oil at 3 hanggang 4 na patak ng tea tree oil. Ang iba ay gumagamit ng vaporub sa halip na oil.
Iharap ang batang may-ubo sa usok ng bagong kulong tubig, at magsaklob ng tuwalya para siguradong maamoy ang usok. Siguraduhin ding hindi madaling matatabig ng bata ang lalagyan ng tubig, at hindi nakakapaso ang lalagyan, sakali mang madampi sa balat ng bata.
Kung hindi kampante sa steam bowl, paliguan na lamang ang bata sa maligamgam na tubig. Ang steam ay kalaban ng ubo, kaya’t ito ang kakampi ng mga magulang.
Nakakapagpaluwag kasi ito ng airways o paghinga, at tinatanggal ang plema sa lalamunan at baga. Isang babala lang: ang paraang ito ay hindi mabuti para sa mga may hika.
10. Vaporubs
Ito na siguro ang pinakakilalang paraan ng pagpapaginhawa kapag may ubo. Mabisa ito sa mga batang 2 taong gulang pataas, ayon sa mga pagsusuri sa Penn State College of Medicine, USA. Ito ay may menthol, camphor at eucalyptus na nakakatulong sa pagpapaluwag ng paghinga at namumuong plema na sanhi ng pag-ubo.
Mahirap talaga kapag nakikita nating nahihirapan at nagkakasakit ang ating mga anak. Kaya naman huwag mahiyang lumapit o dalhin sila sa doktor upang mapatawan ng tamang lunas.
11. Probiotics
Hindi man direktang magagamot ng pag-take ng probiotics ang ubo napalalakas naman nito ang immune system. Kung malakas ang immune system mas kakayanin ng katawan na labanan ang sakit tulad ng ubo.
Isa sa mga type ng probiotic ay ang bacteria na tinatawag na Lactobacillus na matatagpuan din sa mga probiotic drink na tulad ng yakult o pagkain tulad ng yogurt.
Ayon sa pag-aaral na nabanggit sa artikulo ng Medical News Today, nakatutulong umano ang probiotics upang maiwasan ang pagkakaroon ng common cold.
Bukod pa rito, mayroon ding pag-aaral kung saan napag-alamanan na nakakatulong din ang probitics upang maiwasan na magkaroon ng respiratory tract infections ang mga bata.
Bukod sa yakult at yogurt mayroon ding mga pagkain na mayaman sa lactobacillus tulad miso soup at kimchi.
Updates by Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.