Ano ang panghalip? Ang panghalip ay tumutukoy sa bahagi ng pananalita na pumapalit o humahalili sa ngalan ng tao, bagay, pook, o pangyayari. Tinatawag ang panghalip na pronoun sa English. Anu-ano nga ba ang panghalip halimbawa at paano ito gamitin sa pangungusap?
Limang uri ng panghalip at halimbawa nito
Ngayong alam mo na kung ano ang panghalip, mahalagang malaman ang iba’t ibang uri ng panghalip at paano ito gagamitin sa pangungusap. Narito ang mga panghalip halimbawa at paano ito ituturo sa iyong anak.
Larawan mula sa Pexels kuha ng Cotton Bro
1. Panghalip panao
Tumutukoy ito sa panghalip na humahalili sa ngalan ng tao. Tinatawag itong personal pronoun sa English. Mayroong tatlong anyo ang panghalip panao, ito ay ang isahan, dalawahan, at maramihang anyo. Narito ang ilang panghalip panao halimbawa:
Panghalip panao halimbawa
|
Isahan |
Dalawahan |
Maramihan |
ako
ikaw
ka
siya
ko
mo
niya
akin
iyo
kanya |
tayo
natin
kayo
ninyo
inyo
sila
nila
kanila |
kami
naming
amin
sila
nila
kanila
kayo
inyo
ninyo |
2. Panghalip pananong
Tumutukoy ito sa panghalip na ginagamit sa pagtatanong. Nagsisilbi itong panghalili sa pangngalang itinatanong. Tinatawag itong Interrogative pronoun in English.
Halimbawa ng panghalip pananong ay ang mga sumusunod:
- Saan – para sa pagtatanong na ang sagot ay lugar
- Sino, kanino, nino – para sa pagtatanong na ang sagot ay tao
- Ano – para sa pagtatanong na ang sagot ay bagay
- Alin – para sa pagtatanong na ang sagot ay bagay na pagpipilian
Mayroon ding dalawang uri ang panghalip pananong, ito ay ang isahan at maramihan. Nagiging pang-maramihan ang panghalip pananong sa pamamagitan ng pag-ulit ng salita o unang dalawang pantig ng panghalip.
|
Isahan |
Maramihan |
Ano |
Ano-ano |
Sino |
Sino-sino |
Ilan |
Ilan-Ilan |
Alin |
Alin-alin |
Kanino |
Kani-kanino |
Nakadepende sa maaaring sagot ang paggamit ng panghalip pananong kung ito ay maramihan o isahan.
3. Panghalip pamatlig
Tumutukoy ito sa panghalip na ginagamit para ituro ang hayop, bagay, lugar, o pangyayari. Demonstrative pronoun ang tawag dito sa English.
May tatlong panauhan ang panghalip pamatlig. Ang unang panauhan ay ginagamit kung ang pangngalang tinutukoy ay hawak o malapit sa taong nagsasalita.
Ang ikalawang panauhan naman ay kung ang pangngalang tinuturo ay malapit o hawak ng taong kinakausap ng nagsasalita. Samantala, kung ang pangngalang tinutukoy au malayo sa nagsasalita at sa kausap nito, ito ay ikatlong panauhan.
Narito ang mga halimbawa ng panghalip pamatlig:
|
Unang panauhan |
Ikalawang panauhan |
Ikatlong panauhan |
Ito, ire, nito, ganito, nire, dito, rito, dine, heto |
Iyan, diyan, hayan, niyan, riyan, ganyan |
Iyon, doon, ganoon, niyon, roon, gayon, hayon |
4. Panghalip panaklaw
Uri ng panghalip na may sinasaklaw na dami, kaisahan sa bilang, o kalahatan. Maaari itong tumukoy sa mga pangngalang walang katiyakan o hindi tiyak. Tinatawag naman itong indefinite pronoun sa English.
- Halimbawa ng panghalip panaklaw na nagsasaad ng kaisahan: isa, bawat, bawat isa, balang
- Halimbawa ng panghalip panaklaw na nagsasaad ng dami o kalahatan: panay, kaunti, ilan, madla, iba, pulos, tanan, marami, pawang
Samantala, ang mga panghalip panaklaw na tumutukoy sa mga pangngalang walang katiyakan ay tila panghalip pananong na dinugtungan lang ng salitang “man” na ang ibig sabihin ay ‘di tiyak. Ang mga halimbawa ng panghalip na ito ay:
- sino man o sinuman
- anuman o ano man
- kailanman
- magkano man
- kanino man
- nino man o ninuman
5. Panghalip pamanggit
Ang panghalip pamanggit o relative pronoun sa Ingles, ay ginagamit na pang-ugnay sa dalawang pananalita. Ang halimbawa nito ay na at ng.
BASAHIN:
Parents’ Guide: 12 educational shows your child should definitely watch
11 common Filipino words and phrase we incorrectly use
Thinking about homeschooling? 3 benefits of the Charlotte Mason method
Halimbawa ng Panghalip sa Pangungusap
Larawan mula sa Pexels kuha ni Annusha Ahuja
Narito ang mga halimbawa ng iba’t ibang uri ng panghalip at paano ito ginagamit sa pangungusap. Maaari itong gawing gabay sa pagtuturo ng panghalip sa iyong anak.
-
Halimbawa ng panghalip panao sa Pangungusap
- Pumunta si Angela sa library para magbasa. Siya ay pumunta sa library para magbasa.
- Kumain si Gardo at ang kaniyang pamilya sa restaurant. Kumain sila sa restaurant o Sila ay kumain sa restaurant.
-
Halimbawa ng panghalip pananong sa pangungusap
- Kanino ang librong hawak mo?
- Ano-ano ang mga kailangang dalhin sa paaralan?
- Saan papunta ang iyong nanay?
-
Halimbawa ng panghalip panaklaw sa pangungusap
- Sino man ang kumuha ng nawawalang pitaka ay mananagot.
- Marami ang natuwa nang marinig siyang umawit.
- Bawat isa ay tumayo at pinalakpakan si Berta.
-
Halimbawa ng panghalip pamatlig sa pangungusap
- Sa mesa ko lang ipinatong ang bag ko. Doon ko lang ipinatong ang bag ko.
- Hawak ko ang librong hinahanap mo. Ito ang librong hinahanap mo.
-
Halimbawa ng panghalip pamanggit sa pangungusap
- Ang mga mangga na dala ni nanay ay hinog na.
- Ang mga bunga ng bayabas ay naglaglagan.
5 Tips paano turuan ang iyong anak ng panghalip
Larawan mula sa Pexels kuha ni Ketut Subiyanto
Narito ang ilang bagay na maaaring gawin para matandaan ng iyong anak ang aralin tungkol sa panghalip:
- Gamitin nang madalas sa inyong pag-uusap ang panghalip. Magbigay din ng iba pang halimbawa ng panghalip at madalas na gamitin ito sa usapan sa bahay, sa pagmamasyal, at sa paglalaro.
- Pansinin ang paggamit mo ng panghalip at itama rin ang sarili upang hindi magaya ng bata kung sakaling mali ang gamit mo rito. Halimbawa, kapag nagbabasa ng kwento sa iyong anak, pansinin kung tama ang pagtukoy mo sa mga tauhan o iba pang pangngalan sa kwento.
- Gumawa ng kwento kasama ang iyong anak. Maaaring makatulong ang creative activities tulad ng storytelling and story making para ma-engage ang iyong anak sa educational activities. Ikonekta ang kwento sa paggamit ng mga iba’t ibang panghalip.
- Magsagawa ng family game kung saan ay may mga picture na maaari nilang i-describe gamit ang iba’t ibang panghalip. Pwedeng ilarawan ng iyong anak ang itsura o kulay ng suot ng mga tao sa picture gamit ang pangungusap na may panghalip.
- Makakatulong din ang paglalaro ng pretend play upang magamit nang madalas at mas maunawaan ng iyong anak ang gamit ng panghalip. Halimbawa ay maglalaro siya bilang doktor, maaari niyang gamitin ang mga panghalip sa pangungusap tulad ng: Ano ang masakit sa’yo?
Mahalagang maturuan ang iyong anak ng tamang gamit ng mga bahagi ng pananalita upang mas maging epektibo ang kanilang pakiki-ugnay at pakikipagkomunika sa kapwa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!