Nitong mga nagdaang taon, naging mas aktibo na ang mga paaralan sa pagtuturo sa mga bata na ugaliin ang pagkain ng masustansiyang pagkain. Healthy choice, ika nga. Ayon sa mga pag-aaral, kung sisimulan ng maaga, maituturo sa mga bata ang pagkain ng prutas at gulay, at ang pagwawaksi sa mga junk food.
Gawing kagiliw-giliw ang baon ng anak—subukan ang mga healthy homemade baon na ito, na napakadaling gawin sa umaga.
1. Cereal Clusters
Puno ng bitamina, calcium at fiber ang mixed whole grain cereals. Ihalo sa plain yogurt ang isa hanggang 2 kutsarang mixed cereals at dagdagan ng strawberries. Gawing kumpol-kumpol o clusters na mistulang biskwit, at kaaya-ayang tingnan—at kainin na rin.
photo by Eric Nepomuceno
2. Egg & Broccoli Keso Toast o Sandwich
Simpleng tinapay, na pwedeng white, brown, o multi-grain, lagyan ng masustansiyang itlog at maibibigay mo na ang 1/3 ng protinang kailangan ng isang bata sa isang araw.
Natutunan ko sa isang pinsan ko ang paglalagay ng maliliit na hiwa ng broccoli sa itlog, upang makapagbigay ng gulay sa kaniyang 2 taong gulang na anak.
Broccoli kasi ang isa sa mga gulay na pinakamayaman sa nutrisyon: bitamina C, bitamina A (bilang beta-carotene), folic acid, calcium, at fiber. Dagdagan pa ng konting keso para masarap sa panlasa ng bata, at hitik din sa calcium, protina at bitamina D. Pwedeng gawing sandwich, at pwede ring ihain ng nakabukas. Painitin sandali sa oven para malutong ng kaunti.
photo by Eric Nepomuceno
3. Apple Cereal Crumble
Mansanas pa din ang isa sa pinakasikat na prutas, dahil na rin sa nutrisyong taglay nito. Mas masarap pa kung gagawing kagiliw-giliw at lalagyan durog na Graham Crackers o Lotus Bites, kaunting mixed cereals o cornflakes at raisins, at mayroon ka nang meryenda na hitik sa bitamina C at fiber. Dagdagan ng blueberries kung gusto ng iyong anak, o peaches para may variety.
photo by Eric Nepomuceno
4. Banana Cream Crumbs
Potassium at fiber ang taglay na yaman ng saging, kaya naman ito ang isa sa pinaka-karaniwang kinakain ng mga Pilipino. Napakadaling gawing kaaya-aya sa bata ang simpleng saging: hiwain ng mga 1-inch na laki, iikot sa yogurt, at pagkatapos ay sa durog na Graham Crackers o biskwit na Lotus. Mas masarap kung malamig, kaya’t ilagay kahit sandali sa refrigerator at ilagay sa baunan na nakakakulong ng lamig.
photo by Eric Nepomuceno
5. Crunchy Fruit Wraps
May kamahalan ang strawberries, pero hindi naman matatawaran ang sustansiya nito. Ang bitamina C ay panlaban sa sakit, lalo na sa sipon at ubo, kaya’t sulit namang ipakain sa anak paminsan-minsan. Mayaman din ito sa protina. Makakagawa ng sariling crepes, o may nabibili ding gawa na sa grocery.
Ang isang alternatibo ay pancake mix, na ninipisan lang. Kahit anong prutas ay pwedeng hiwain ng maliliit at ibalot sa loob ng crepe: strawberries, saging, peaches, mangga.
Kung gusto naman ng anak ng karne paminsan-minsan, bagay ding ibalot sa crepe ang ham, keso (magkasama, o magkahiwalay, ay pwede din), at kung walang allergy, peanut butter. Ibalot lang at hiwain ng maliliit para madaling hawakan at isubo sa eskuwelahan kapag recess na.
6. Celery Boats
Ang celery ay pinagkukunan ng antioxidants at beneficial enzymes, mga bitamina at mineral tulad ng bitamina K, bitamina C, potassium, folate a bitamina B6. Ang raisins o pasas naman ay mayaman sa fiber, potassium at mga bitamina.
Hindi ko alam noon na ng celery pala ay masarap kainin ng hindi niluluto. Sa ibang bansa ko pa natutunan na napakalinamnam ng gulay na ito, lalo pa kung isasawsaw sa cream cheese o light cheese, hummus, sour cream o peanut butter.
Para mukhang katuwa-tuwang kainin, gawing parang bangka at lagyan ng dip o keso (o kahit ano sa nabanggit) sa gitna, dagdagan ng raisins, at ayan—napakasustansiyang meryenda na!
photo by Eric Nepomuceno
Napakaraming pwedeng gawin sa prutas at gulay. Nakakasawa naman kasi talaga kung palagi na lang makikita at kakainin ng pareho lang ang itsura araw-araw. Pero kung gagawing maganda at katuwa-tuwa para sa bata ang presentasyon, at pagsasama-samahin at dadagdagan ng ibang mas appealing at interesanteng sahog para sa mga bata, magiging exciting at masaya ang meryenda niya sa bahay man o eskwela.
BASAHIN: Weaning at solid food: Handa na ba si Baby?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!