Newborn na hinalikan ng bisita, pumanaw nang mahawa sa sakit

Alamin ang maaaring maidulot ng pag-payag sa mga yakap at halik ng ibang tao sa mga sanggol na mahihina pa ang immune system.

Ano ang herpes meningitis at ano ang panganib na maidudulot nito sa isang sanggol?

Mababasa sa artikulong ito:

  • Kuwento ng mga sanggol na nasawi dahil sa herpes meningitis.
  • Ano ang herpes meningitis, ang sintomas nito at paano nakukuha ang sakit.

Yakap at halik, paano ikinamatay ng sanggol?

Para sa mga magulang, normal na ang pagyakap at paghalik sa ating mga sanggol. Ngunit kung mayroong sakit, mas mabuting iwasan munang halikan o yakapin ang iyong anak.

Ito ang naging tugon ng isang ama na nakaranas ng matinding trahedya nang mamatay ang kaniyang anak. At ito daw ay dahil sa halik at yakap ng ibang tao.

Sa kwento ng ama, siya raw mismo ay hindi gustong hawakan o yakapin ng ibang tao ang kaniyang sanggol. Ngunit, siya umano ay paulit-ulit pinagsabihan na dapat ay ipagmalaki niya ang anak.

Ngayon, nagsisisi siya sa kaniyang naging desisyon, at sana umano’y pinanindigan niya ang pagbabawal na hawakan ng iba ang kaniyang anak. Pahayag niya,

“Hayaan niyo lang sila na punahin ka sa hindi pag-papakita sa iyong anak. Huwag niyo nang gayahin ang aking pagkakamali. Ang pinakaimportante ay ang kalusugan ng bata. Ngayon, kapag mayroong gustong yakapin o halikan ang anak ko, tinatanong ko muna sila kung kaya ba nila itong palitan kung sakaling may mangyaring masama dahil sa pagdikit nila dito.”

Hindi na nakuwento ng ama kung ano ang mismong ikinamatay ng kaniyang anak. Ngunit gayunpaman, kanyang ipinaliwanag na kahit mga simpleng germs at bacteria ay posibleng maging mapanganib sa mga sanggol. Ito ay dahil hindi pa ganap na malakas ang immune system ng mga bata, at madali silang dapuan ng iba’t-ibang mga sakit.

Maraming netizen ang sumang-ayon sa ama at nagsabing hindi nila pinapahintulutan ang ibang tao na hawakan ang kanilang mga anak lalo na kung kakatapos lang manigarilyo. Ang kalinisan sa sarili ay napaka-importante para sa kalusugan ng bata.

Photo by Polina Tankilevitch from Pexels

Hindi na ito bagong pangyayari

Nakakalungkot isipin na hindi ito ang unang pangyayari kung saan may sanggol na namatay dahil sa mga yakap at halik. Ganito rin ang nangyari sa sanggol na si Mariana Sifrit ng Iowa, USA. Nabuhay lamang siya ng 18 na araw, dahil siya ay namatay sa sakit na herpes meningitis.

Si Mariana ay ipinanganak na malusog at walang problema. Siya pa nga ay nakadalo sa kasal ng kaniyang mga magulang. Ngunit 2 oras matapos ang kasal ay bigla siyang isinugod sa ospital. Ayon sa mga doktor, ang bata ay mayroong meningitis HSV-1 na dulot ng herpes virus.

Ang herpes meningitis ay maaaring maipasa sa pakikipag-siping o mula sa ina na mayroon nito papunta sa anak. Ngunit, parehong nag-negatibo ang pagsusuri sa mga magulang ni Mariana. Ibig sabihin, nakuha ito ng bata mula sa isang bisita na mayroon nito.

Sa unang 48 oras ng sanggol sa ospital, anim na beses siyang sinalinan ng dugo. Ngunit, ang mga bato at atay ng bata ay tumigil na sa pag-gana.

Sa sumunod na Lunes, napag-alaman ng kaniyang mga magulang na wala nang brain activity ang bata. Dagdag pa rito, ang kanyang baga at puso ay bumibigay na rin. Siya ay namatay kinabukasan.

Ano ang herpes meningitis at herpes simplex virus?

Ang herpes meningitis ay ang pamamaga ng covering ng utak at spinal cord dulot ng herpes simplex virus. Ang kondisyon na ito ay isang medical emergency na maaaring ikamatay ng isang tao kung hindi agad maaagapan. Lalo na ng mga sanggol na may mahina pang immune system at katawan.

Ang herpes ay isang impeksyon na dulot ng HSV o herpes simplex virus. Ito ay maaaring makaapekto sa external genitalia, anal region at sa balat sa iba pang parte ng katawan ng isang tao. Isa itong long-term condition na madalas ay walang nakikitang sintomas.

May dalawang uri ng herpes na tumutukoy rin sa kung papaano nakuha ng taong infected ang virus na ito. Ang dalawang uri ng herpes ay HSV-1, o type 1 herpes at HSV-2, o type 2 herpes.

Ang HSV-1, or type 1 herpes ay ang uri ng herpes na nagdudulot ng mga sores o sugat sa paligid ng bibig at labi na maaari ring magdulot ng genital herpes.

Ito ay napapasa o nakukuha sa pamamagitan ng paghalik o paggamit ng baso o kahit anong bagay na ginagamit sa bibig ng taong infected nito.

Sa ngayon ang type 1 herpes ay itinuturong sanhi ng halos lahat na kaso ng genital herpes na naikalat sa pamamagitan ng oral sex.

Samantalang ang HSV-2, o type 2 herpes ay ang uri ng herpes na nakakapekto naman sa genital area o maselang bahagi ng katawan ng isang tao na maaari ring kumalat hanggang sa hita at puwit.

Ito ay napapasa o nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik o sexual contact at sa pamamagitan din ng pagbibigay silang sa isang sanggol through vaginal delivery.

Sintomas ng herpes

Image from Everyday Health

Dahil sa ang herpes ay maaaring maipasa ng isang ina sa kaniyang sanggol habang ipinapanganak ito, dapat ay agad na ipaalam ng buntis sa kaniyang doktor kung siya’y nakakaranas ng mga sumusunod na sintomas.

Ang isang tao ay maaaring maging infected ng herpes na walang pinapakitang sintomas. Ngunit madalas ang ilan sa mga palatandaan o sintomas ng herpes ay ang sumusunod:

  • Mahapdi at nagsusugat na paltos o singaw sa bibig o sa genitals
  • Pananakit o hapdi sa pag-ihi
  • Pangangati o itching sa genital area o bibig
  • Makapal na vaginal discharge sa mga babae na may mabaho at masangsang na amoy

Maaari ring makaranas ng flu-like symptoms ang isang taong may herpes gaya ng:

  • Lagnat
  • Namamagang kulani
  • Sakit sa ulo
  • Pagkapagod
  • Kawalan ng ganang kumain

Mula sa mga nasabing mga sintomas ay maari ng matukoy kung ang isang tao ay apektado ng herpes virus. Ngunit, kung walang nakikitang palatandaan o sintomas ito ay maaaring ma-diagnose sa pamamagitan ng mga laboratory tests gaya ng DNA, PCR (Polymerase chain reaction) blood test, antibody test at virus cultures.

Para sa mga babaeng nagdadalang-tao napakaimportanteng dumaan sa mga test na ito upang matukoy kung positibo sila sa herpes o hindi.

Dahil ang sakit na ito ay maaaring mailipat sa kanilang sanggol sa pamamagitan ng panganganak o vaginal delivery lalo na sa mga kaso ng may genital herpes.

Sintomas ng herpes sa mga sanggol

Photo by RODNAE Productions from Pexels

Ang mga katawan ng mga bagong silang na sanggol ay mahina pa. Kaya naman hindi nila kakayanin ang virus na dala ng herpes na maaaring magdulot ng banta sa kanilang kalusugan at buhay. Ang mga sintomas ng herpes sa isang sanggol ay ang sumusunod:

  • Pagka-iritable
  • Blister o paltos sa kahit anong parte ng katawan.
  • Jaundice o paninilaw ng balat
  • Madaling pagdurugo ng balat
  • Hirap sa paghinga na maaring mapapansin kung ang sanggol ay nangingitim, mabilis o huminga o maiksi ang paghinga

Ang sanggol na infected ng herpes ay maaaring hindi magpakita ng lahat ng nasabing sintomas. Bagama’t ang ilan sa sintomas ay madalas na mapapansin matapos ang unang linggo ng buhay ng sanggol.

Kung hindi agad na maagapan ang kondisyon ng sanggol, ang impeksyon ay maaring mauwi sa meningitis o encephalitis na nakamamatay.

Mahigpit na pinapayuhan ang mga buntis na sumailalim sa herpes test para matukoy kung sila ay infected ng sakit. Ito ay para imbis na manganak ng vaginal delivery ay maipanganak nila ang kanilang sanggol sa pamamagitan ng cesarean section.

Sa ganitong paraan ay maaaring maiwas ang sanggol mula sa virus na maaring makuha niya sa vagina ng kaniyang ina.

Lunas o gamot sa herpes

Sa ngayon, wala pang gamot sa herpes. Kapag ang isang tao ay nagkaroon nito, mananatili na ito sa kaniyang katawan na pwedeng maging inactive.

Sa mga sanggol ang pagbibigay ng early treatment laban sa sakit ay nakakatulong na mapahina ang long-term effects nito sa kanilang katawan.

Samantala, ang herpes virus ay maaaring maging active at magdulot ng outbreak dahil sa mga sumusunod na kondisyon:

  • Pagkakaroon ng sakit
  • Fatigue o labis na pagkapagod
  • Immunosuppression dahil sa AIDS o iba pang medications gaya ng chemotherapy at paggamit ng steroids
  • Physical o emotional stress
  • Trauma sa affected area na maaaring dulot ng sexual activity
  • Menstruation

Bagama’t wala pang gamot dito ay may mga paraan o treatment naman para maibsan ang mga sintomas ng herpes na applicable sa mga matatanda.

Ang mga gamot na may taglay na contents ng Famvir, Zovirax, and Valtrex ay inireresta ng doktor upang maibsan ang sakit at mapabilis ang paggaling ng mga sintomas ng herpes.

Ito ay maaaring inumin sa pamamagitan ng isang pill o ipahid sa pamamagitan ng cream. Makakatulong din ang warm baths o paliligo sa maligamgam na tubig upang maibsan ang sakit sa genital area.

Iwasan ding magsuot ng masisikip na damit sa paligid ng affected area. At huminto na muna sa pakikipagtalik hanggang sa mawala ang mga sintomas ng herpes.

Paano makakaiwas sa ganitong mga sakit?

Para naman makaiwas ang isang sanggol mula sa peligro ng sakit, narito ang ilang tips na dapat gawin ng mga magulang.

  • Huwag halikan ang mga baby, lalo na kung hindi ka sigurado na wala kang herpes simplex na virus.
  • Palaging maghugas ng kamay bago humawak ng mga sanggol.
  • Huwag hayaang lapitan at halikan ng kung sino-sino ang iyong sanggol dahil baka mahawa sila ng iba’t-ibang sakit.
  • Ilayo ang iyong anak sa mga taong mayroong sipon at upo.
  • Kung maaari, limitahan lamang ang exposure ni baby sa mga tao sa unang tatlong buwan ng kaniyang buhay.
  • Para sa mga mag-asawa at sa mga ina, mabuting magpatest sa herpes simplex virus upang masiguradong hindi mahawa si baby.

 

Sources:

World of Buzz, Dailymail, WebMD, Healthline, CDC, Children Hospital

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.