Isa sa mga paraan para malaman kung buntis o mayroong malusog na sexual health ang isang babae ay sa pamamagitan ng pagsuri ng ating discharge. Alamin dito iba’t ibang uri ng discharge sa ari ng babae.
Bagamat hindi kadalasang pinag-uusapan, ang pagkakaroon ng vaginal discharge ay normal sa ating mga babae. Hindi ito nakakadiri at walang dapat ikahiya tungkol rito.
Bakit nagkakaroon ng discharge ang babae?
Mayroong iba’t ibang uri ng discharge sa ari ng babae. Bakit nga ba nagkakaroon ng discharge ang babae?
Ang discharge ng babae ay binubuo ng vaginal secretions at cervical mucus. Ito ay normal na ginagawa ng katawan at pinapanatili ang kalusugan ng iyong ari para makaiwas sa mga impeksyon.
Ang paglalabas ng iba’t ibang uri ng discharge sa ari ng babae ay paraan ng katawan para i-expel ang mga fluid at cell na kailangang ilabas sa katawan.
Naiiba ang kulay, lapot at amoy ng vaginal discharge, depende sa kalusugan ng isang babae. Ang normal na vaginal discharge ng buntis ay iba sa karaniwang vaginal discharge ng mga babaeng nag-o-ovulate at maging sa mga babaeng nagpapadede.
Ang iba’t ibang uri ng discharge sa ari ng babae ay nagsisilbi ring palatandaan kung mayroong hindi maganda sa kaniyang hygiene o mayroon siyang sexually transmitted infection.
Vaginal discharge chart: ano ang itsura ng iba pang vaginal discharge? Image source: File photo
Kailan nagsisimulang magkaroon ng discharge sa ari ng babae?
Karaniwang nagsisimula ang pagkakaroon ng vaginal discharge kapag nagsimula ang unang pagreregla ng babae. Puwede itong magsimula anim na buwan bago ang menstruation period.
Maaaring magbago ang uri ng vaginal discharge sa panahon ng iyong menstrual cycle. Iba’t iba ang uri ng discharge depende sa lagay ng kalusugan ng babae.
Ang discharge sa ari ng babae ay binubuo ng fluids mula sa uterus, cervix at vagina. Kapag nag-release ng egg cell ang iyong ovary, mapupuna ang pagkapal ng vaginal discharge. Senyales ito na ikaw ay fertile at maaaring mabuntis kung makikipagtalik.
Samantala, kadalasang mas marami ang vaginal discharge ng mga buntis. Kapag naman menopause na ay maaaring mas konti na o dumalang ang pagkakaroon ng discharge sa ari.
Ano ang normal na vaginal discharge?
Maraming iba’t ibang uri ng vaginal discharge sa babae ngunit paano ba malalaman kung ito ay normal o hindi?
Kadalasan, ang normal na vaginal discharge ay malinaw o kulay puti at walang mabahong amoy. Ang texture ay maaaring mag-iba. Maaaring maging malabnaw o malapot. Depende ito sa iyong ovulation cycle.
Ang dami ng vaginal discharge ay maaari ring mag-iba. Halimbawa, maaaring konti lang ito nang ilang araw, madami sa iba pang araw at wala naman sa iba pa.
Samakatuwid, ang ‘normal’ ay maaaring mag-iba kaya mahalaga na alam mo ang normal para sa iyo. Ngunit paano ito gagawin? Maaari itong gawin sa pagsuri sa kulay, lapot at amoy ng discharge.
Iba-ibang uri ng discharge sa ari ng babae
Mayroong iba’t ibang kulay ang bawat uri ng discharge sa babae. Ang normal na vaginal discharge ay maaaring magkulay puti hanggang dilaw at malapot hanggang malabnaw. Depende ito sa kondisyon ng iyong kalusugan at panahon ng iyong cycle sa buwan na iyon.
Ang cervix ang gumagawa ng 4 na uri ng mucus sa ari base sa panahon ng ovulation.
1. Dry discharge
Vaginal discharge chart: Ganito ang itsura ng dry discharge. Image: YouTube screengrab.
Tulad ng pangalan nito, ang uri ng discharge na ito ay tuyo, malagkit kaya nagpapahirap ito sa penetration. Maaaring maramdaman na nanunuyo ang vulva at kadalasan itong nangyayari sa infertile na panahon ng buwan, pitong araw bago at matapos ang menstrual cycle.
Kapag ganito ang iyong vaginal discharge, mababa ang posibilidad na mabuntis sa mga araw kahit pa magtalik nang walang gamit na proteksyon dahil napipigilan nito ang sperm na makapasok ng uterus.
2. Creamy discharge
Vaginal discharge chart: Ganito ang itsura ng creamy discharge. Image: YouTube screengrab.
Sa pagtaas ng estrogen levels ng iyong katawan, ang cervix ay naglalabas ng mas malabnaw na uri ng discharge. Sa panahon na ito, ang iyong vulva ay tila malagkit at basa.
Maaaring mapansin ang malagkit at basang discharge sa iyong labia sa mga araw sa pagitan ng ovulation at dry days. Kaya halimbawa, kung mayroong 28 na araw ang isang cycle, makikita ang ganitong uri ng normal na discharge sa pagitan ng ika-7 at ika-11 araw.
Kadalasan, ang ganitong uri ng discharge ay manipis at nafi-filter ang mababang kalidad o abnormal na sperm bago pumasok ng uterus.
3. Egg-white discharge
Vaginal discharge chart: Nangyayari ang egg-white discharge kung ikaw ay fertile. Image: YouTube screengrab
Habang lumalapit sa ovulation days, mapapansin ang parang stretchy at madulas na uri ng discharge. Ito ay kadalasang tinatawag na egg-white vaginal discharge.
Pakiramdam nito ay parang basa sa iyong vulva na may strings ng discharge na tila egg-white. Ilan pa ay maaaring may buo-buo.
Ang ganitong uri ng discharge sa ari ng babae ay magandang senyales ng ovulation. Kung ang iyong menstrual cycle ay 28 araw, maaaging makita ang uri ng discharge na ito sa pagitan ng ika-12 at ika-16 na araw.
Kaya kung nagpaplano kang magbuntis at napansin ang ganitong uri ng discharge, ito ang magandang panahon para sumubok.
Ang uri ng discharge na ito ay gumagawa ng daanan para sperm papasok ng uterus.
4. Lubricating discharge
Vaginal discharge chart: Ito ang itsura ng lubricating discharge. Image: YouTube screengrab.
Ilang araw lamang bago ang ovulation, ang iyong discharge ay magiging mas madulas. Nawawala ang pagiging stretchy ng cervical mucus.
Nakatuwang kaalaman: ang huling araw na mapansin ang ganitong uri ng discharge ay ang pinaka-fertile na araw sa iyong cycle.
Ito ay dahil ito ang huling araw bago ilabas ang egg. Mayaman din sa potassium ang discharge na ito.
5. White discharge
Vaginal discharge chart: Ito ang itsura ng normal na creamy discharge. Image: File photo.
Bakit may white discharge ang babae? Ito kadalasan ang normal na vaginal discharge. Maaaring makapansin ng kaunting white discharge sa simula o dulo ng menstrual cycle.
Subalit, kung mapansin ang makapal at slimy na discharge na may texture na tila cottage cheese na may kasamang pangangati, posibleng mayroon kang yeast infection.
Malalaman din kung mayroong impeksiyon kung ang white discharge ay may mabahong amoy, pananakit ng balakang at matinding pangangati o kawalan ng ginhawa sa iyong ari.
Kapag naranasan ang mga ganitong sintomas, magpakonsulta sa doktor para malaman kung ano ang underlying condition. Karaniwang normal lang kung bakit may white discharge ang babae pero kung may kasama itong ibang pakiramdam at amoy ay maaaring mas seryosong kondisyon na kailangan ng paggamot.
6. Clear and watery discharge
Vaginal discharge chart: ang malinaw at madulas na vaginal discharge ay normal lamang. Image: YouTube screengrab
Bukod sa mga nabanggit na uri ng vaginal discharge, maaaring makapansin ng malinaw ay tila tubig na discharge. Maaari itong makita ano mang panahon ng cycle.
Hindi ito abnormal. Sa katunayan, ito ay normal at kadalasan itong mapapansin matapos ang nakakapagod na ehersisyo.
7. Brown o madugong discharge sa ari ng babae
Vaginal discharge chart: Ang madugong mucus ay maaaring mangyari bago o pagkatapos ng iyong period. Subalit, kung maamoy ito o may kasamang pananakit, dapat magpasuri sa duktor. Image: YouTube screengrab
Bago matapos ang iyong period, maaaring may mapansin na kulay brown na discharge. Huwag mag-alala, normal na discharge ito. Ito ang paraan ng katawan para linisin ang uterus pagkatapos ng period.
Subalit kung nag-unprotected sex at may napansin na brown o madugong discharge, maaaring indikasyon ito ng pagbubuntis. Gayunpaman, ang matinding pagdurugo ay maaari ring indikasyon ng isang miscarriage. Alin man ito sa dalawa, kailangang pumunta sa iyong doktor para sa tamang checkup.
Sa mga babaeng nag-menopause na, maaaring senyales ito ng cervical cancer. Para makasiguro, ugaliin ang routine na pap smear o pelvic examination.
8. Yellow discharge
Vaginal discharge chart: Kung may dilaw na discharge, magpasuri sa duktor. Image: YouTube screengrab
Bakit may yellow discharge ang babae? Ang dilaw na discharge ay maaaring indikasyon ng isang impeksiyon. Kadalasan, ang ganitong discharge ay malapot at kung may ‘di magandang amoy, ito ay malinaw na indikasyon ng infection.
Maaaring indikasyon din ito ng trichomoniasis, isang sexually transmitted infection. Tandaan na kahit maraming may chlamydia o gonorrhea na walang sintomas, ang dilaw na discharge posibleng indikasyon ng mga sakit na ito.
Bantayan ang ganitong uri ng vaginal discharge dahil hindi ito normal. Posibleng may underlying condition kung bakit may yellow discharge ang babae. Magpakonsulta sa doktor para malaman ang kondisyon at akmang paggamot dito.
9. Green discharge
Vaginal discharge chart: Ang berdeng discharge ay hindi normal. Image: YouTube screengrab.
Ang ganitong uri ng discharge ay abnormal at kadalasang senyales ng seryosong impeksiyon. Kung may kasamang hindi magandang amoy, indikasyon din ito ng trichomoniasis. Kung may mapansin na ganitong uri ng discharge, kumonsulta agad sa iyong doktor.
Ngayon na napagusapan na natin ang mga normal na discharge at ilang abnormal, ating intindihin kung paano nagiging abnormal ang discharge.
Ano ang abnormal na discharge?
Ang paggamit ng scented na sabon o lotion, o maging pagkakaroon ng regular na bubble bath o pelvic infection ay maaaring maging dahilan ng pagiging abnormal ng iyong discharge. | Image source: File photo.
Ang pagbabago sa hormones ay maaring maka-apekto sa kulay, amoy at lapot ng vaginal discharge. Kapag nagbago ito, maaring senyales ito ng pagbubuntis, infection o iba pang sakit.
Ayon sa WebMD, narito ang ilang posibleng dahilan kung bakit nagiging abnormal ang discharge sa ari ng babae:
- Paggamit ng antibiotic o steroids
- Bacterial vaginosis, isang bacterial infection na karaniwan sa mga buntis
- Kung maraming sexual partners and isang babae
- Paggamit ng Birth control pills
- Cervical cancer
- Chlamydia o gonorrhea (STDs), mga sexually transmitted infections
- Vaginal douches
- Paggamit ng scented soaps o lotions, o bubble bath
- Pelvic infection
- Pelvic inflammatory disease (PID)
- Trichomoniasis, isang parasitic infection na nakukuha sa unprotected sex
- Vaginal atrophy, ang panunuyo o pagnipis ng vaginal walls dahil sa menopause
- Vaginitis, ito ay ang irritation sa loob o paligid ng ari
- Yeast infections
- Diabetes
- Pagbubuntis
Paano masasabi kung normal ang discharge?
Para masabi kung ang iyong discharge ay normal o abnormal, sinusuri ng mga doktor ang ilang bagay gaya ng iyong medical history, history ng pagbubuntis, menopause, at lagnat sa ilang kaso.
Maaari rin niyang tanungin kung mayroon ka bang napansing kakaibang amoy, rashes o bukol sa iyong ari, at kung nakipagtalik ka nang walang gamit na proteksyon. Susuriin rin niya ang kulay at lapot ng iyong discharge.
Sa ilang kaso, kahit puti ang kulay ng iyong discharge, maaari pa rin ito maging abnormal kung mayroong underlying medical condition.
Para makasiguro, maaring irekomenda ng iyong doktor na sumailalim ka sa isang pap smear test o kumuha ng sample ng iyong vaginal discharge.
Paano ginagamot ang abnormal na discharge?
Laging panatilihin na malinis ang ari sa pamamagitan ng paghugas nito gamit ang maligamgam na tubig at mild na sabon. | Image source: File photo
Kapag natukoy na ng doktor ang sanhi ng abnormality sa discharge, maibibigay na ang tamang lunas sa iyong sakit.
Halimbawa, kung may yeast infection, reresetahan ka ng anti-fungal na gamot na maaaring inumin o ipasok sa ari. Maaaring bigyan ng pills o creams para sa bacterial vaginosis. At para sa trichomoniasis, maaaring resetahan ng metronidazole o tindazole.
Tamang pangangalaga sa iyong ari
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng abnormal vaginal discharge sa babae?
Narito ang mga bagay na dapat mong tandaan:
- Panatilihin ang kalinisan ng ari sa pamamagitan ng paglinis nito gamit ang maligamgam na tubig at mild soap.
- Gumamit ng 100% na mga cotton panty at huwag magsuot ng mga sobrang sikip na salawal.
- Tiyaking ligtas ang brands ng panty liner at maternity pads na gamit.
- Iwasang gumamit ng mga scented na sabon, douche o feminine soap kapag nililinis ang iyong ari.
- Matapos dumumi, magpunas mula harap pa-likod. Ito ay para maiwasan ang pagpasok ng impeksiyon sa ari.
Tandaan, ang vaginal discharge ay isang mabuting basehan kung mayroon kang impeksyon. Kaya naman kung may napapansin kang kakaiba sa iyong inilalabas na discharge, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Isa ang vaginal yeast infection sa mga posibleng dahilan ng pagbabago sa discharge sa ari ng babae. Ang vaginal yeast infection ay kondisyon na nagdudulot ng pamamaga ng ari ng babae at paglalabas ng makapal na discharge. Kung minsan ay nagdudulot din ito ng pananakit ng ari.
Nagkakaroon ng yeast infection ang babae dahil sa imbalance ng good at bad bacteria sa ari. Dahil sa pagkawala ng chemical balance sa ari ng babae, posibleng dumami ang candida bacteria at magdulot ng impeksyon.
Ilan sa mga sintomas nito ay:
- Pangangati ng vagina at vulva
- Pamumula ng ari
- Maliit na sugat sa bahagi ng vulva
- Burning sensation kapag umiihi
- Makapal at puting vaginal discharge na tila cottage cheese
May mga pagkakataon din na nagdudulot ng pagsakit ng ari sa tuwing makikipagtalik ang vagina yeast infection. Subalit hindi naman tinuturing na sexually transmitted infection (STI) ang yeast infection.
Ilan sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng vaginal yeast infections:
- Pag-inom ng antibiotics
- Pagbabago sa hormones sanhi ng pagbubuntis
- Diabetes
- Mahinang immune system
- Stress
Mahalagang magpakonsulta sa doktor kung nakararanas man ng ano mang sintomas ng yeast infection para malapatan ng tamang paggamot.
Paano gamutin ang yeast infection?
Mayroong iba’t ibang uri ng yeast na maaaring magdulot ng infection sa ari ng babae. Dahil dito, aalamin muna ng doktor kung anong klase ng yeast ang nakaapekto sa iyo para makapag-prescribe ng tamang gamot.
Maaaring gamutin ang vaginal yeast infection sa pamamagitan ng antifungal medication. Puwedeng ito ay oral o iniinom o kaya naman ay topical o pinapahid.
Ilan sa mga topical medication na maaaring irekomenda sa’yo ay:
- Boric acid
- Miconazole
- Clotrimazole
- Nystatin
Ano mang gamot ang irekomenda ng doktor sa iyo, mahalagang sundin ang instructions ng iyong healthcare provider kung paano ito gamitin.
Tiyaking sapat ang amount o dosage ng ano mang gamot na gagamitin o iinumin. Importante ito para matiyak ang kaligtasan at hindi na bumalik ang impeksyon.
Paano maiiwasang magkaroon ng yeast infection?
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cliff Booth
Makakatulong ang lifestyle changes para maiwasan na magkaroon o bumalik ang yeast infections.
Iwasan ang vaginal douching dahil maaari nitong mapatay ang mga good bacteria na nakatutulong para maiwasan ang pagdami ng fungi. Huwag ding gumamit ng mga feminine pads at tampons na may fragrance.
Bukod pa rito, makabubuti rin kung iiwasan ang paggamit ng feminine deodorant. Tiyakin na lamang na palaging malinis ang ari ng babae.
Kung ikaw naman ay magsu-swimming, iwasang magbabad nang matagal sa basang damit. Magpalit agad ng tuyong damit upang maiwasan ang pagdami ng fungi.
Dagdag pa rito, kung makikipagtalik at kailangang gumamit ng lubricant, piliin ang water-based lubricant.
Maraming mga kondisyon na may sintomas na tulad ng sa yeast infection. Kaya naman, mahalagang magpatingin sa doktor para malaman kung yeast infection ba ang dahilan kung bakit may pagbabago sa discharge sa ari ng babae. Tandaan din na walang amoy ang thick white discharge na dulot ng yeast infection. Kung mabaho o matapang ang amoy ng iyong discharge posibleng ibang uri ng infection ang nakaaapekto sa iyo.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!