Inclined baby sleeper safe ba? Narito ang paliwanag ng mga eksperto.
Sanggol na namatay habang nasa inclined baby sleeper
Naging isa sa must-haves na ng mga manganganak na ina ang mga inclined baby sleepers. Dahil sa napalaking tulong nito na mas mapadali ang pag-aalaga kay baby. Kung dati ay kailangan mong kargahin at ihele si baby. Ngayon ay pwede mong ihiga lang siya sa baby sleeper at uguyin ng dahan-dahan hanggang siya ay makatulog. Pero sa kabila nito ay nahaharap sa napalaking kaso at pagkukuwestiyon ang mga baby sleepers (ang mga inclined baby sleepers safe ba?). Dahil ito daw ay mapanganib at maaring maging banta sa buhay ng isang sanggol.
Isang halimbawa nga rito ang nangyari sa 7-week-old baby girl mula sa Knoxville, Tennessee.
Ayon sa Consumer Report, umaga ng March 21, 2018 ay nagising nalang ang ina na si Veronica Goans na wala ng buhay ang 7-week-old niyang baby girl na si Lily. Habang ito ay nakahiga lang umano sa kaniyang Rock n’ Play Sleeper na gawa ng sikat na baby gears and toys manufacturer na Fisher-Price. Ito palang daw ang pangawalang pagkakataon na pinatulog ni Goans ang kaniyang anak na si Lily sa baby sleeper. Ngunit, hindi niya inakala na ito na pala ang pinaka-malaking pagkakamaling magagawa niya sa buhay niya.
Veronica Groan with daughter Baby Lily and son Trenton Goans
Image from Consumer Report
Inclined baby sleeper safe ba?
Matapos ang pagkamatay ni Baby Lily ay may ilang infant deaths pa ang naitala na may kaugnayan sa inclined baby sleeper.
Ayon parin sa Consumer Report ay may hindi bababa sa 73 baby sleeper infant related deaths ang naitala mula noong 2005. Habang mayroong 1,108 reported incident ng serious injuries ang natamo ng mga sanggol dahil dito.
Ilan nga sa nai-report na insidenteng may kaugnayan sa baby sleeper ay ang pagkakahulog ng sanggol mula rito. Pagkakaroon ng flat-head syndrome o plagiocephaly at contortion sa neck muscles o torticollis.
Mula sa mga nasabing kaso, masasabing ligtas pa ba ang paggamit ng inclined baby sleepers?
Paliwanag ng mga eksperto
Hindi baby friendly ang disenyo nito.
Base sa isang 1994 American Academy of Pediatrics o AAP guidelines ang mga sanggol ay ipinapayong patulugin sa firm at flat surface. Ito ay dahil sa ganitong posisyon ay maiiwasang ma-suffocate si baby na isa sa itinuturong dahilan ng Sudden Infant Death Syndrome o SIDS.
Sa disenyo ng inclined baby sleeper, masasabing hindi ito ligtas. Unang-una, dahil ito ay hindi flat kung hindi inclined. At ang surface nito ay hindi firm at gawa sa soft beddings. Dahil may tendency na masubsob ang mukha ni baby sa malambot na beddings nito at maaring maging balakid sa maayos niyang paghinga.
Mas madaling makakagulong pataligid dito si baby.
Ayon naman kay kay Dr. Erin Mannen, isang biomechanics expert at professor sa University of Arkansas for Medical Sciences, ang pagtulog ni baby sa isang inclined baby sleeper ay lubhang mapanganib. Dahil sa inclined position ay mas madali para sa baby na mag-roll over o tumagilid. O kaya ay dumapa na kung saan mahihirapan siyang huminga at bumalik muli sa pagkakahiga sa kaniyang likod.
Maari ring mahulog ang sanggol mula sa inclined baby sleeper kung malimutan mai-lock ang seat belt nito.
Hindi pa kaya ni baby ang kaniyang ulo.
Isang pang panganib ng paggamit ng inclined baby sleeper ay dulot ng mahina pang head control ng isang sanggol. Dahil habang nasa baby sleeper may tendency na mapayuko ang sanggol at mai-stuck sa kaniyang dibdib ang kaniyang ulo. Sa ganitong posisyon ay magsasara ang kaniyang airways at magkakaroon siya ng problema sa paghinga. Ganito ang nangyari sa isang 7-week old baby sa Atlanta na mabuti nalang at naagapan agad ng kaniyang ama. Ngunit napaka-delikado nito kung walang nagbabantay sa sanggol at maibabalik siya sa maayos na posisyon.
Pinaka-safe parin na patulugin si baby sa kaniyang likuran
Hindi rin totoo umano na makakatulong ang inclined position para maibsan ang reflux ng isang sanggol. Ito ay ayon kay kay Dr. Jenifer Lightdale, dating chairman ng AAP. Mas makakatulong parin daw ang flat at firm surface na kung saan walang makakaharang o makakatabon sa kaniya.
Ayon pa sa AAP, hindi rin daw dapat ipag-alala na maaring mabulunan o malunod si baby sa kaniyang suka o laway habang nakahiga sa likod niya. Paliwanag ni Dr. Anthony Porto, isang pediatrician at professor mula sa Yale University, ang mga baby ay may gag reflex. Ang gag reflex na ito ay automatic na nilulunok o inuubo ang fluid na sinuka ni baby. Kaya naman sa tulong nito ay naiiwasang mabulunan o malunod si baby.
Kaya payo ng mga eksperto patulugin ng nakahiga sa kaniyang likod si baby. Iwasang gumamit ng malambot na beddings. At huwag siyang palibutan ng unan, kumot o ibang bagay na maari siyang matabunan. Dahil ito ay maaring magdulot ng problema sa kaniyang paghinga at maging dahilan ng maagang pagkasawi niya.
Source: Healthy Children, Consumer Reports, UH Hospitals
Basahin: Baby namatay dahil sa co-sleeping, hindi inakala ng magulang na mangyayari ito sa kanila
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!