Sa kabila ng usapin sa jeepney phase out na mariing tinututulan ng mga Pilipino, isang jeepney driver ang nag-trending sa social media. Ito ay dahil sa libreng sakay na handog nito sa mga pasahero matapos makapasa ang anak sa board exam.
Jeepney driver napagtapos ang anak sa pamamasada
Kahanga-hanga ang jeepney driver na si Mang Rey Salcedo na nagawang mapagtapos ang kaniyang mga anak sa pamamagitan ng pamamasada.
Nag-viral ang Facebook post ng nursing student na si Mark Cynric Baldesco Beriña tungkol sa jeepney driver na si Mang Rey Salcedo.
Ayon sa post ni Mark, magbabayad na sana siya ng pamasahe bago bumaba ng jeep na byaheng Bato, Camarines Sur nang hindi tanggapin ng tsuper ang kaniyang bayad. Saad umano ng driver,”Huwag na po, Sir. Free po ito. Nakapasa anak ko sa exam.”
Ang nasabing exam ay ang katatapos lang na Mechanical Engineering board exam. Nakapasa nga ang anak ni Mang Rey na si Joseph Salcedo.
Ayon sa report ng PEP.ph, ang ideya ng libreng sakay ay naipangako ni Joseph sa simbahan. Aniya, nangako siya sa simbahan na kapag nakapasa siya sa board exam ay sasabihan niya ang kaniyang tatay na manlibre ng sakay.
Ang hiling niya sa tatay ay isang biyahe lang pero dahil labis ang saya ng ama, isang buong araw na libreng sakay ang inihandog nito sa mga pasahero.
Saad pa ng pasaherong si Mark, “How happy to see a father who is very proud sa success ng isang anak!”
“Sa socmed ko lang ito nakikita, ngayon naranasan ko na. Iba sa feeling, lalo na makita na si Tatay na masaya, galak at proud sa tagumpay ng anak niya. ‘di natin alam ang lahat ng pagsubok pero God really bless one’s life talaga unexpectedly.”
Binati rin ni Mark ang lahat ng mga jeepney driver at nanawagan na huwag ituloy ang jeepney phase out. Aniya, “Mabuhay po ang mga jeepney drivers. #NoToJeepneyPhaseout”
Ikinatuwa ng mga netizen ang nasabing post. Binaha ng papuri at pagbati si Mang Rey sa social media.
“Salute to this driver! Congratulations po. You are the real modern-day hero. We stand along with you. No to jeepney phase out,” saad ng isang netizen.
Nasa 20 years na umanong jeepney driver si Mang Rey at ang pamamasada ang nagpatapos sa kaniyang mga anak sa kolehiyo. Si Joseph ang bunso sa tatlong magkakapatid.
Nagtapos sa kursong Mechanical Engineering si Joseph sa Camarines Sur Polytechnic Colleges. Habang ang dalawang kapatid nito ay kapwa professionals na rin.
Ang isa at nagtapos ng Bachelor of Science in Office Administration habang ang isa naman ay tulad ni Joseph na Mechanical Engineering.
Tips para masuportahan ang anak sa board exam
Magboboard exam din ba ang iyong anak at napapaisip ka kung paano mo siya matutulungan? Mahalaga sa career path ng iyong anak ang pagpasa sa board exam. Kaya naman, bilang mga magulang, importante ang suporta na maibibigay sa mga anak para maging mas madali ang exam experience ng anak.
Narito ang ilang maaaring gawin bilang suporta sa anak sa board exam:
Tulungan ang anak na umiwas sa distractions
Madalas na nakakalimot sa oras ang mga anak tuwing nabababad sa social media o sa panonood ng TV. Bilang magulang, maaaring paalalahanan ang anak kapag napapansing ang focus nito ay nasa ibang bagay imbes na nasa pagre-review.
Bigyan ng mental support ang iyong anak
Matindi rin ang pressure na kaakibat ng pagkuha ng board exam, kaya naman sa difficult time na ito importante ang suporta ng magulang sa kaniyang anak. Maaaring kausapin ang anak, magkwento ng sariling karanasan sa pag-eexam, at i-point out kung saan magaling ang iyong anak. Sa pamamagitan nito mas gaganahan ang iyong anak sa paghahanda para sa board exam.
Alagaan ang iyong mental health
Mahalaga na lumikha ng positibong atmosphere sa tahanan ang mga magulang. Tiyaking hindi makaaapekto sa iyong anak ang ano mang emotional burden. Isantabi muna ang mga topic na maaaring magdulot ng stress. Importante rin na nasa magandang kalagayan ang mental health ng mga magulang para hindi ito makaapekto sa emotional state ng anak.
Tiyaking may maayos na tulog ang anak
Iwasan na magdulot ng anomang distraksyon o pag-iingay kapag natutulog ang anak. Mahalaga na magkaroon ng maayos na tulog ang iyong anak bago ang exam para mas maging maayos ang pag-iisip nito. Kung kulang sa tulog ang iyong anak, makaaapekto ito sa kanilang potensyal na mag-focus sa pag-aaral. Kapag nahirapang mag-focus ang iyong anak, tiyak na mahihirapan din siyang sumagot nang tama sa exam.
Iparamdam na nariyan ka lang
Importanteng maramdaman ng iyong anak na nariyan ka para suportahan siya, hindi lang physically kundi maging emotionally. Makatutulong ito sa oras ng exam preparation kung saan ay tiyak na matindi ang anxiety at pressure na nararamdaman ng anak. Kapag naramdaman ng iyong anak ang iyong suporta, malaking bagay ito para sa kanilang mental wellbeing.