Tag-ulan na naman. Dumarami na naman ang mga insekto at mga peste sa paligid. Alamin rito kung anong dapat gawin sa kagat ng ipis at daga.
Isa sa mga pangunahing peste sa mga bahay ang mga ipis at daga. Gumagapang ang mga ito sa mga pagkain, kagamitan at maging sa mga naninirahan sa mga bahay. Ang masama pa ay nangangagat ang mga ito na maaaring magdulot ng impeksiyon at sakit.
Alamin natin ang mga maaaring idulot na panganib, mga maaaring lunas at mga paraan ng pag-iwas mula sa mga kagat ng ipis at daga.
Kagat ng ipis
Ang mag-inang sila Rochelle at Frank ay magkatabing natutulog sa isang manipis na kutson na nasa lapag. Dahil dito, madalas silang nagagapangan ng mga ipis sa kanilang pagtulog.
Sa kwento ni Rochelle, may isang gabi na siya ay nakaramdam na tila may gumagapang sa kanilang kama. Sa kanyang paggising, naramdaman niyang may kagat na siya ng ipis sa kanyang siko.
Maya-maya pa ay biglang umiyak ang kanyang anak na si Frank dahil napasok na pala ng ipis ang kanyang pajama. Mula dito ay nakakuha ang bata ng dalawang kagat sa kanyang hita.
Ang kagat ng ipis ay mapulang
pantal sa balat tulad ng kagat ng lamok pero mas malaki nga lang ng kaunti. May kasama rin itong pananakit at maaring mamaga.
Madalas kaysa hindi, hindi alam ng biktima na ipis ang naka-kagat sa kanya. Kadalasang kumakagat ang ipis kapag natutulog ang biktima.
Larawan mula sa Freepik
Posibleng mauwi sa matinding komplikasyon ang mapabayaang kagat ng ipis. Ayon kay Dr. Fresco Yapindon, isang specialist sa infectious disease, maraming taglay na mikobyo ang mga ipis.
Ang mga mikrobyong ito ay nakukuha nila mula sa mga pinamamahayang tambak ng basura at mag kanal. Sa pagkagat sa tao, naililipat ang mga mikrobyo sa balat ng tao.
Dahil dito, maaaring kumalat sa dugo ang kagat ng ipis at maging sanhi ng impeksiyon sa dugo na tinatawag na sepsis.
Ang sepsis ay maaaring maging sanhi ng pinsala sa ilang mga organs. Kung mapabayaan at humantong sa septic shock, maaaring bumagsak ang blood pressure at magdulot ng kamatayan.
Anong dapat gawin sa kagat ng ipis?
Ayon kay Dr. Angelica Tomas, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, depende ang gamot at lunas na ibibigay sa kung saang parte ng katawan kinagat ang bata at kung ano ang kaniyang reaksyon rito.
“Minsan ‘pag nakagat sila swelling talaga. It really depends on the child. You can put creams, to help decrease the swelling. Kapag itchy, antihistamine. Unless, ‘pag secondary infection. ‘Di ba kasi kapag kamot nang kamot, tapos nagsugat.
Kapag nagkasugat naman antimicrobial naman ang ilalagay. ‘Pag nagnana naman, they should seek medical help kasi need ng antibiotics.” aniya.
Narito naman ang dapat gawin kung sakaling nakagat ka o ang iyong anak ng ipis:
- Hugasan ang parteng may kagat ng tubig at sabon. Puwede rin itong pahiran ng isopropyl alcohol na inilagay sa gauze.
- Kapag namamaga ang kagat, maglagay ng cold compress, o yelo na ibinalot sa tela sa bahagi ng sugat (patagalin ito ng 10 minuto) sa loob ng 2 araw. Kapag hindi naman ito namamaga, pwedeng maglagay ng warm compress.
- Pwede ring itong pahiran ng povidone iodine solution sa bulak (pwera lang kung malapit ito sa mata).
- Huwag hawakan o kutkutin ang sugat para maiwasan ang impeksyon.
- Kumonsulta sa iyong doktor (lalo na kung ang kagat ng ipis ay malapit sa bahagi ng mata o bibig) para malaman kung kailangan mong uminom ng antibiotic.
Kagat ng daga
Isa rin sa mga pangunahing peste sa mga bahay at lansangan ang mga daga. Lalo na ngayong tag-ulan, maraming mga daga ang naglalabasan mula sa mga kanal dahil tumataas ang mga tubig dito.
Sa kwento ni Miriam Silva, may mga dagang nagpupunta sa bahay nila para kainin ang mga pagkain ng manok na nahuhulog sa mga sahig. Ngunit, may isang beses na tila hindi ito nakuntento at nakagat pa si Lola Miriam.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang maliliit na hayop gaya ng rabbit, hamster o maging daga ay wala namang dalang rabies gaya ng aso at pusa. Subalit mapanganib pa rin ang kagat ng daga dahil sa dumi at bacteria na taglay nila.
Ayon pa kay Dr. Yapindon, mas mapanganib ang mga kagat nito dahil sa kanilang mga laway. Ang laway ng daga ay may clostridium tetani, ang bacteria na nagdudulot ng tetano.
Sa pagpasok ng bacteriang ito sa katawan ng tao dahil sa kagat ng daga, maaari itong magdulot ng tetanus sa tao tatlong araw matapos makagat. Maaaring makaramdam ang nakagat ng paninigas ng panga o kaya naman ng buong katawan sa mga kritikal na kundisyon.
Larawan mula sa Freepik
Rat-bite fever
Kung nakapansin ka naman ng rashes na kulay pula o purple at parang pasa sa bahagi ng kagat ng daga, maaring mayroon kang spirillary rat-bite fever. Narito ang mga iba pang sintomas nito:
- pananakit ng ulo
- lagnat at panginginig
- pananakit ng katawan
- pananakit ng lalamunan at pagsusuka
- pamamaga ng lymph nodes
- butas sa sugat
- rashes sa balat
Anong dapat gawin sa kagat ng daga?
Narito naman ang paunang lunas sa kagat ng daga:
- Kapag nakagat ng daga, ang pangunahing gagawin ay kontrolin ang pagdurugo at linisan ang sugat gamit ang tubig at sabon.
- Maaari itong pahiran ng Agua Oxinada bago takpan ng malinis at tuyong tela.
- Iwasan rin ang pagkamot at paghawak sa sugat para hindi kumalat ang impeksyon.
Maliit at malalim man ang sugat na natamo mula sa kagat ng daga, kailangan pa ring kumonsulta sa doktor para masigurong walang impeksyon. Baka ipayo rin ng iyong doktor na kumuha ka ng tetanus shot.
Habang gumagaling ang sugat, kailangan mo pa ring bantayan kung nakakaranas ka ng sintomas ng rat bite fever. Para makasiguro, reresetahan ka ng iyong doktor ng antibiotics para makaiwas sa mga seryosong komplikasyon na dala ng kagat ng daga.
Pag-iwas mula sa mga kagat ng ipis at daga
Larawan mula sa Freepik
Para makaiwas ang buong pamilya sa kagat ng ipis at daga, narito ang mga bagay na kailangan mong tandaan:
- Panatiliing malinis ang mga kapaligiran. Huwag hayaang nakatiwangwang ang mga basura upang hindi pamahayan ng mga ipis at daga.
- Siguruhing malinis ang katawan bago matulog para hindi lapitan ng ipis o daga. Huwag ring maglalagay ng pagkain sa iyong kama at kwarto para hindi puntahan ng ipis at daga.
- Iwasang mag-iwan ng mga pagkaing nakabukas para hindi pamahayan o tirahan ng ipis at daga ang iyong tahanan.
- Maaaring gumamit ng mga insect spray sa paligid upang makasiguradong patay ang mga ipis (siguruhin lang na susundin ang instructions ng paggamit nito para hindi magkaroon ng masamang epekto).
- Kung napansin na may infestation o namumuhay na daga o ipis sa iyong tahanan, pwede kang tumawag ng mga eksperto sa pest control para tulungan kang paalisin ang mga peste sa iyong bahay.
- Iwasang apakan ang mga ipis para patayin dahil maaari nitong lalong mapakalat ang mga mikrobyong dala ng ipis.
- Maaaring gumamit ng mouse trap na may pandikit upang mahuli ang mga bubwit na maaaring makita sa mga kabahayan.
Larawan mula sa Freepik
Bagamat karaniwan ang magkaroon ng mga peste sa tahanan, mas makakabuti pa rin na panatiliing malinis ang paligid para hindi makaiwas sa mga bacteria at sakit ang iyong pamilya.
Subalit kung may napansin kang kagat ng insekto o daga sa iyo o sa iyong anak, hugasan agad ito ng maigi, at kumonsulta sa doktor para maagapan ito.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!