Laging inuulit-ulit ng mga eksperto o kahit na sinumang matagal ng nasa loob ng relasyon ang kahalagahan ng komunikasyon sa mag asawa. Maliban nga sa trust, love, respect at honestly, kabilang ang communication sa mga mahalaga at dapat taglayin ng isang pagsasama.
Ang kahalagahan ng komunikasyon sa mag-asawa
Image by prostooleh on Freepik
Base nga sa mga pag-aaral, ang hindi pag-uusap ng mag-asawa o kawalan nila ng constant communication ay isa sa mga dahilan ng pagkasira ng relasyon. At kung hindi na maagapan o maayos pa, ito ay magpapatuloy na sa paghihiwalay.
Pero sa pagsasama, hindi natin maalis ang tampuhan o ang minsang magalit ang isa sa magkapareho. May mga mag-asawang idadaan ito sa pagtatalo.
Habang may ilan namang mas pipiliing hindi mamansin o makipag-usap sa kaniyang asawa bilang pagpapakita ng pag-dismaya o galit niya. Sa salitang Ingles ang tawag dito ay stonewalling.
Ito ang pagkakataon na kung saan pinipili ng isa sa magka-relasyon na iiwas ang kaniyang sarili sa pagtatalo. O sa tuwing nagpapanggap ang iyong asawa na hindi naririnig ang mga sinasabi mo para lang maprotektahan ang sarili sa stress o argumento.
Ayon sa relationship researcher at therapist na si John Gottman, Ph.D, dapat ay alam ng bawat mag-asawa kung paano mag-a-adjust o iha-handle ang stonewalling. Dahil kung hindi, maaaring magdulot ito ng relationship meltdown at tuluyang pagkasira ng relasyon.
Ang kahalagahan ng komunikasyon sa mag-asawa at kung paano i-hahandle ang stonewalling narito ayon kay Gottman.
Tips kung paano masosolusyonan ang hindi pag-uusap ng mag-asawa
-
Ipraktis ang self-compassion.
Masakit sa damdamin ang binabalewala. Narito na magagalit ka sa ginagawa sayo ng asawa mo o kaya naman ay tatanungin mo ang sarili mo kung saan ka nagkulang.
Mahirap huluan ang naiisip ng iyong asawang ayaw magsalita o makipag-usap. Lalo na kung biglaan nalang siya hindi namamansin at wala kang ideya kung saan ito nagsimula.
Pero imbis na ma-stress kakaisip ay dapat unahin ang iyong sarili. I-honor ang iyong nararamdamang frustration o disappointment. Pero dapat ay isipin mo rin ang maaring maging epekto sa iyong katawan o kalusugan ng labis na pag-iisip.
Image by Drazen Zigic on Freepik
-
Pumili ng adaptive at healthy ways para i-process ang iyong feelings.
Sa mga oras na hindi tayo pinapansin ng ating asawa ay talaga nga namang nakakagalit o labis na nakakasama ng loob. Pero imbis na sigawan mo siya at bulyawan, mas mabuting mag-isip ng healthy ways para i-process ang iyong nararamdaman.
Sa pamamagitan rin nito ay naiiwasan pang mas lumala ang tension sa pagitan ninyo. Maaring lumabas ka muna mag-jogging o mag-exercise. O kaya naman ay mag-meditate, yoga o breathing exercises.
Makakatulong din ang pag-jojournal o kaya naman ay pakikipag-usap sa malapit na kaibigan. Kung saan maaari mong ilabas ang iyong nararamdaman at mapagaan ang iyong loob.
-
Bigyan muna ng space ang isa’t isa.
Mayroon sa atin sa oras na hindi pinapansin ng ating asawa ay nagdadabog o pinapakita rin sa pamamagitan ng violent actions ang ating frustration.
Kung ganito ang reaksyon mo sa tuwing hindi namamansin ang iyong asawa mas mabuting bigyan ninyo muna ng space ang isa’t isa. Ito ay upang pareho kayong makapag-isip muna. Mapagtanto ang naging pagkukulang at pagkakamali ninyo. At saka mag-usap kapag pareho na kayong relax.
-
Sulatan mo ang iyong asawa.
Kung hindi mo kayang kausapin ang iyong asawa o nahihirapan kang sabihin sa kaniya ang nasa isip mo ng personal ay idaan ito sa pamamagitan ng isang sulat.
Sa sulat ay siguraduhin mong masasabi mo ang iyong mararamdaman sa paraang emotionally intelligent. Hindi dapat ito magtunog galit at magpakumbaba parin. Iwasan rin ang mga “you statements” o mga pahayag na magmumukhang sinisisi mo ang iyong partner.
Hangga’t maari ay dapat puro “I statements” lang o ang mga pahayag na nagsasabi ng iyong nararamdaman, Iwasan rin ang pagiging defensive. Huwag naring ungkatin ang mga nakalipas na alitan ninyong mag-asawa.
Sa halip ay tutukan ang kasalukuyang isyu na inyong kinakaharap. Dahil sa sulat ay limitado lang ang iyong masasabi. Pero mabisang paraan ito para masabi ang iyong nararamdaman sa iyong asawa. At para magsimula ang komunikasyon sa pagitan ninyong dalawa.
Image by master1305 on Freepik
-
I-practice ang empathy.
Para mas maiwasang lumala pa ang tension sa pagitan ninyong mag-asawa ay dapat i-practice ang empathy. Ito ay ang paglalagay sa iyong sarili sa kinalalagyan ng iyong asawa.
Halimbawa, kung ikaw nasa posisyon niya ay ano ang mararamdaman mo o paano ang magiging response o reaksyon mo. Mula doon ay saka mo isipin ang mga salitang nais mong sabihin sa iyong asawa.
Kung ikaw ang nagkamali ay huwag mahiyang umamin sa nagawang pagkakamali at humingi ng tawad sa iyong asawa. Ito ay sa oras lang na ikaw talaga ang nagkamali.
Huwag ugaliing ikaw lang lagi ang humihingi ng tawad sa inyong relasyon. Dahil sa ganitong paraan ay maaring mas lalong lalaki ang ulo ng iyong asawa at mas ma-eenjoy ang stonewalling.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa tips para masigurong mananatili ang komunikasyon o pag-uusap ng mag-asawa sa kabila ng alitan o hindi pagkakaintindhian. Tandaan, napakahalaga na maipaalam sa isa’t-isa ang inyong nararamdaman. Huwag ng patagalin pa ang inyong problema, agad na itong pag-usapan at ayusin.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!