Tulad ng pagiging magulang, isa ring responsibilidad ang pagiging mabuting asawa. Hindi na kakaiba sa atin na makaranas ng problema sa buhay mag asawa. Nariyang nagdudulot ng stress sa asawa ang isa. Pwede rin naman na may mga problemang kapwa nagdudulot ng bigat sa inyong dalawa.
Stress management mahalaga sa relasyon
Ayon sa Psychology Today, ang stress awareness at stress management ay mahalaga sa pagpapanatili ng long-term relationship. Sa pag-aaral na nabanggit sa artikulo, napag-alaman na importanteng matutunan ng mag-asawa na suportahan ang isa’t isa at alamin kung kailan nakararanas ng stress ang bawat isa. Mahalaga ito para maging kasiya-siya ang pagsasama.
Kung maayos umanong naha-handle ng mag-asawa ang stress makatutulong ito para maging maayos ang komunikasyon ng mag-asawa. Bukod pa rito mas lumalalim umano ang intimacy at napapabuti ang physical health ng mag-asawa.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Pedro Figueras
Payo sa mag asawa: Maayos na komunikasyon
Natural na nagdudulot ng negatibong epekto sa kung paano mag-usap ang mag-asawa kapag stress ang mga ito. Kapag stress kasi ang tao mas nagiging iritable, anxious, at emotionally exhausted ito. Kung stress ang mag-asawa mataas din ang posibilidad na palagi itong magtalo o mag-away.
Matindi ang epekto ng stress sa emotional state ng tao, kaya naman mahalaga ang stress management sa mag-asawa para maging maayos ang komunikasyon sa kanilang pagsasama.
Intimacy
Ayon sa Psychology Today, kapag ang tao ay sumasailalim sa psychological pressure, mas kakaunti ang oras at energy na nailalaan nito sa mga gawain o activities ng mag-asawa.
Bagkus ang pokus ay napupunta sa kinakaharap na stress. Nakaaapekto rin sa emotional state ng isang tao ang stress na maaaring magdulot ng kawalan ng gana sa intimacy.
Importante na makahanap ang mag-asawa ng paraan paano ma-manage ang kanilang stress at masuportahan ang isa’t isa sa mga panahong nahihirapan sa pressure at stress. Mahalaga ito para maging malusog ang pagsasama.
Pisikal na kalusugan
Pinababagsak ng labis na stress ang immune system ng taong nakararanas nito. Kaya naman mas nagiging sakitin ang taong stress. Posible din na humantong sa palagiang pananakit ng ulo, pananakit ng tiyan, problema sa puso, hirap sa pagtulog, at pagtaba o pagpayat ang labis na stress.
Kung stress sa asawa ang isang tao posible itong humantong sa pagkakaroon ng physical health problem.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Tim Gouw
Payo sa mag-asawa: Ano ang dapat gawin kapag stressed ang asawa?
Mahalaga sa buhay mag asawa ang suporta sa isa’t isa. Kaya naman narito ang ilang maaaring gawin kung stressed ang iyong asawa:
1. I-validate ang kanilang nararamdaman
Hindi advise ang kailangan ng taong stressed. Karaniwan na ang pinakakailangan nito ay taong makikinig nang walang halong panghuhusga. Importanteng iparamdam mo sa iyong asawa na nariyan ka, nakikinig ka, at valid ang kaniyang nararamdaman.
2. Tulungan ang iyong asawa
Isa sa mga ayo ng talkspace.com sa mga mag-asawa, kapag stressed ang asawa at ayaw nitong pag-usapan ang rason ng stress, may iba ka pang maaaring gawin para makatulong.
Halimbawa, tulungan mo siya sa mga gawaing bahay o iba pang gawain na kaya mo namang gawin. Sa pamamagitan nito maipaparamdam mo sa kaniya na nariyan ka lang at naghihintay kung kailan handa na siyang pag-usapan ang problema.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Ketut Subiyanto
3. Alamin ang senyales ng stress
Importanteng kilalanin natin ang ating mga asawa. May mga tao kasing hindi direktang ipinaalam sa iba na sila ay stressed o nahihirapan.
Kaya naman, mahalagang mas kilalanin ang iyong asawa para malaman mo kung kailan siya nakakaranas ng stress at kailan niya kailangan ang iyong pagdamay.
4. Magkaibang coping mechanism
Tandaan din na magkakaiba ang coping mechanism ng bawat tao. Maaaring magkaiba ang response sa stress ng babae kompara sa lalaki. Mahalagang kilalanin ang pagkakaiba na ito upang maiwasan na maguluhan sa ikinikilos ng iyong asawa.
Ayon pa nga sa artikulo ng Talk Space, ang pagkakaiba sa reaksyon ng babae at lalaki sa stress ay dahil sa hormones. Ang mga babae umano ay mas open sa comfort at pagmamahal sa pamamagitan ng physical touch at emotional support. Habang ang mga lalaki naman ay mas bukas na makatanggap ng pagtulong sa mga aktibidad at iba pang physical outlets.
5. Self-care
Mahalaga rin na alagaan ang sarili. Kung magiging malakas ka sa pagharap sa mga stress ng sarili mong buhay, mas magiging handa ka rin na tulungan ang iyong asawa na harapin ang nagdudulot sa kaniya ng stress at problema.
Mommy at daddy, tandaan na sa isang relasyon, mahalaga na kapwa nagkakaintindihan ang magkapareha. Importante ang maayos na komunikasyon para hindi humantong sa hindi pagkakaunawaan ang nararanasang stress sa buhay mag asawa. Pag-usapan ang problema at suportahan ang isa’t isa upang mas tumatag ang relasyon ng pamilya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!