Mayroon umanong kaugnayan ang edad ng tao sa kaniyang sleeping pattern. Kung ikaw ay nakararanas ng hirap sa pagtulog posibleng may kinalaman ang iyong edad kung bakit mo ito nararanasan. Gaano nga ba kahalaga ang pagtulog ng maaga? Ano nga ba ang tamang pagtulog na dapat sundin ng bawat edad?
Pattern sa pagtulog nagbabago ayon sa edad
Nabanggit sa artikulo ng Science Daily, ang isang pag-aaral kung saan nalaman na ang mga young adult hanggang sa edad na 33 ay umiikli ang oras ng pagtulog o sila ang madalas na nakararanas ng hirap sa pagtulog.
Ayon sa pag-aaral na pinangunahan ni Professor Hugo Spiers, ang mga participant ay nakatulog ng tinatayang 7.01 oras kada gabi kung saan ang mga babae ay natutulog nang mas mahaba sa mga lalaki nang 7.5 minuto. Napag-alaman din sa nasabing pag-aaral na ang haba ng tulog ng isang tao ay umiikli kapag sila ay nasa edad 20s at early 30s. Pagdating ng edad na 50 ay muling hahaba ang tulog o sleep duration.
Saad ng mga mananaliksik, posibleng ang dahilan ng pag-ikli ng oras ng pagtulog o hirap sa pagtulog ng mga taong nasa edad 20-30 ay dahil sa demand ng pagtratrabaho at pag-aalaga ng mga anak.
“Previous studies have found associations between age and sleep duration, but ours is the first large study to identify these three distinct phases across the life course. We found that across the globe, people sleep less during mid-adulthood, but average sleep duration varies between regions and between countries,” ani Professor Spiers.
Hirap sa pagtulog? Ano ang tamang oras ng pagtulog?
Mahalaga ang pagtulog ng maaga at sapat upang maging malusog ang isipan at pangangatawan. Ngunit ano nga ba ang tamang pagtulog?
Ang tamang oras ng pagtulog ay nakadepende umano sa edad ng isang tao. Ayon sa National Sleep Foundation, inirerekomenda nila na ang mga healthy adults ay matulog nang pito hanggang siyam na oras kada gabi. Habang ang mga baby, young children, at maging mga teenager ay nangangailangan ng higit pa rito.
Para ito sa kanilang maayos growth at development. Samantala, ang mga taong nasa edad 65 taon pataas naman ay kailangang nasa 7 hanggang 8 oras ang tulog kada gabi.
Naglabas naman ng detalyadong impormasyon ang Mayo Clinic tungkol dito. Ayon sa Mayo Clinic, ang mga sanggol na nasa edad 4 months hanggang 12 months ay dapat na matulog nang 12 hanggang 16 na oras kada 24 oras, kabilang na ang mga pag-idlip.
Ang mga batang edad 1 hanggang dalawang taon naman ay kailangang magkaroon ng 11 hanggang 14 na oras na tulog. Kabilang na ang pag-idlip. Kung ang bata naman ay edad 3 hanggang 5 taon, 10 hanggang 13 oras ang dapat na itulog nito sa loob ng 24 oras. Kabilang na rin ang pag-idlip.
Habang ang mga batang edad 6 hanggang 12 ay dapat matulog nang 9 hanggang 12 oras sa 24 oras. Kapag 13 taon naman hanggang 18 taon ay 8 hanggang 10 oras kada 24 oras ang dapat na itulog.
Ang mga adult naman umano ay dapat na matulog nang pitong oras o higit pa sa gabi.
Iba pang dapat tandaan
Dagdag pa ng Mayo Clinic, may mga factor din na nakaapekto kung ilang oras ng pagtulog ang kailangan ng isang tao.
- Ang kalidad ng pagtulog ay mahalaga rin bukod sa quantity o haba ng tulog. Importante na hindi paputol-putol ang tulog sa gabi.
- Kapag naman kulang sa tulog ang isang tao, mangangailangan ito nang mas mahabang oras ng pagbabawi ng tulog.
- Kung ikaw ay buntis, tiyak na makararanas ka rin ng hirap sa pagtulog. Dahil sa pagbabago ng hormones sa iyong katawan.
- Ang pagtanda ay nagiging sanhi rin ng pagbabago sa sleeping patterns ng tao.
- Kapag sapat ang tulog ng isang bata magkakaroon ito ng mas maayos o malusog na isipan at pangangatawan. Magiging maayos din ang behavior, learning, memory, at abilidad nito sa pagkontrol sa emosyon. Bukod pa rito, magiging maganda rin ang kalidad ng buhay ng bata pati na ang mental at physical health nito.
- Kung hindi sapat ang tulog ng adults posibleng maging sanhi ito ng pagtaas ng timbang o weight gain. Gayundin tumataas ang tiyansa na makaranas ito ng high blood pressure, heart disease, stroke, at depression.
- Makatutulong ang tamang pagtulog para lumakas ang immune system ng isang tao. Kapag natutulog kasi ang tao ay nagaganap sa kaniyang katawan ang pagrerepair ng tissues. Sa pagtulog din nababawi ang lakas o energy ng isang tao.
Mommy at daddy, kung hirap ka sa pagtulog o napapansin mong hirap sa pagtulog ang iyong anak. Maaaring kumonsulta sa doktor at hingin ang rekomendasyon nito upang bumuti ng inyong sleeping pattern.
Muli, tandaan na importante na mayroong sapat na tulog bata man o matanda. Mahalaga ito para sa overall health ng isang tao.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!