Ang blood clot ay ang pamumuo ng dugo mula sa mala-tubig na estado nito patungo sa semisolid o gel-like state. Normal na nagkakaroon ng blood clot ang tao lalo na tuwing tayo ay nasusugatan.
Natural na paraan ito ng katawan para maiwasan ang labis na pagkawala ng dugo. Subalit, kapag ang blood clot ay namuo sa loob ng iyong veins at hindi natunaw o na-dissolve nang kusa ay delikado ito. Ano nga ba ang sintomas ng blood clot sa ulo? Delikado bang magkaroon ng blood clot sa ulo?
Ano ang blood clot?
Ito ay tumutukoy sa pamumuo ng dugo sa mga ugat o veins at arteries ng tao. Kapag nagkaroon ng sugat ang isang tao, naghahalo ang platelets at fibrin upang bumuo ng platelet plug napipigil sa pagkawala ng dugo at magpapagaling sa sugat.
Normal na proseso ito ng katawan. Kaya lamang, may mga pagkakataong nabubuo ang blood clot kung saan hindi ito dapat na tumubo.
May dalawang uri ng blood clot. Ang blood clot na nananatili lamang sa puwesto kung saan ito nabuo ay tinatawag na thrombosis. Embolism o thromboembolism naman ang tawag sa blood clot na dumadaloy o gumagalaw sa loob ng katawan. Delikado ang gumagalaw na blood clot dahil maaari itong magdulot ng pinsala sa katawan.
Kapag napunta sa veins ng puso o baga ang blood clot na gumagalaw ay posible itong ma-stuck doon at mapigilan ang maayos na daloy ng dugo at oxygen sa katawan ng tao. Tinuturing na medical emergency ang ganitong kondisyon.
Iba’t ibang uri ng blood clot
Mayroong iba’t ibang uri ng blood clot na pwedeng danasin ng isang tao. Ang blood clot sa binti at braso ay tinatawag na deep vein thrombosis (DVT).
Tinatawag namang Pulmonary Embolism (PE) ang blood clot sa baga o lungs. Heart attack naman ang tawag sa blood clot sa puso. Habang ang blood clot sa ulo o utak ay tinatawag na stroke.
Larawan mula sa macrovector / Freepik
Sintomas ng blood clot sa ulo (stroke)
Paano nga ba malalaman kung may blood clot sa ulo? Ano ba ang sintomas ng may blood clot sa ulo?
Ang stroke ay posibleng magsimula sa blood clot mula sa ibang bahagi ng katawan na gumapang patungo sa utak o ulo. Puwede rin naman na direktang namuo ang dugo o nagkaroon ng blood clot sa utak.
Nagdudulot ng hypoxia ang blood clot sa ulo. Dahil sa pagbara ng blood clot sa daluyan ng dugo, mahihirapang makapagdala ng sapat na oxygen ang dugo sa utak ng tao.
Hindi makaka-survive ang mga tissue ng utak nang walang sapat na supply ng oxygen. Bukod sa hypoxia, maaaring magdulot ng pagkamatay ang stroke.
Narito ang mga sintomas ng may blood clot sa ulo:
- Pagkaparalisa o paralysis
- Hirap sa pagsasalita
- Pagkalito, disorientation, at kawalan ng kakayahang tumugon
- Kawalan ng pakiramdam o panghihina ng braso, mukha, at binti lalo na sa isang bahagi ng katawan.
- Hirap sa paglalakad
- Seizures
- Pagduwal at pagsusuka
- Pagkahilo
- Kawalan ng balanse o coordination ng katawan
- Problema sa paningin tulad ng hirap na makakita ang isa o parehong mata dahil sa pagdilim ng paningin o panlalabo ng mga mata. Maaari ring tila naduduling.
- Biglaan at matinding pananakit ng ulo nang walang malinaw na dahilan
- Behavioral changes tulad ng pagtaas ng level ng agitation
Kapag nakaramdam ng mga nabanggit na sintomas ng blood clot sa ulo, mahalagang magpakonsulta agad sa doktor. Kahit na agad ding nawala ang mga sintomas ng blood clot sa ulo o stroke, importante pa rin na mag-seek ng emergency care. Ang sintomas ng blood clot sa ulo na bigla ding nawala ay maaaring senyales ng transient ischemic attack o ministroke.
Uri ng stroke
Hindi lahat ng stroke ay dulot ng blood clot sa ulo. Mayroon kasing iba’t iba uri ng stroke. Ang una ay ang ischemic strokes. Nangyayari ito kapag nabarahan ng blood clot ang daloy ng dugo sa ulo.
Arterial ischemic ang tawag kapag sa artery bumara ang blood clot. Habang cerebral sinus venous thrombosis (CSVT) naman ang tawag kapag sa large vein spaces sa pagitan ng outer layers ng utak nagkaroon ng blood clot.
Samantala, ang ikalawang uri ng stroke ay tinatawag naman na hemorrhagic strokes. Nangyayari ito kapag ang weak spot o aneurysm o injury sa blood vessel wall ay tumagas o pumutok. Bukod pa rito ay may tinatawag ding atheroclerosis strokes.
Larawan mula sa macrovector / Freepik
Sintomas ng blood clot sa ulo ng bata
Madalas na inaakala ng marami na ang stroke ay nangyayari lang sa mga nakatatanda. Pero, mahalagang malaman na maaari ding danasin ng isang bata ang pagkakaroon ng blood clot sa ulo. Importante ito para mailigtas ang iyong anak sa banta ng stroke.
Ano nga ba ang mga sintomas ng blood clot sa ulo ng bata? Narito ang mga sintomas ng stroke sa bata na mahalagang bantayan:
- Facial droop o pagbagsak ng isang bahagi ng kaniyang mukha. Puwede ring buong mukha niya ang makaranas ng facial droop
- Panghihina ng mga braso. Posibleng mahirapan siyang igalaw ang kalahating katawan o kaya naman ay makaramdam ng pamamanhid ng katawan. Pwedeng maranasan ito sa braso, binti, at mukha o sa isa lamang sa mga ito.
- Hirap sa pagsasalita. Kapag pautal-utal ang pagsasalita ng iyong anak na tila nahihirapan siyang magsalita at hindi maunawaan ang sinasabi.
Kapag ganito ang naranasan ng bata ay agad nang dalahin ito sa emergency room. Ang iba pang sintomas ng blood clot sa ulo ng bata ay seizure, kawalan ng balanse, hindi makaunawa sa mga simpleng instructions, hirap sa paglalakad, nalilito, kawalan ng lakas, pananakit ng ulo, pagkahilo, at hirap sa paglunok.
Ang sintomas ng blood clot sa ulo ng sanggol at young children ay maaaring hindi agad lumabas o maging kapuna-puna. Samantala, ang mga older children naman ay biglaan tulad din ng sintomas ng stroke sa matatanda.
Larawan mula sa macrovector / Freepik
Gamot sa blood clot sa ulo
Kung ang stroke ay dulot ng blood clot sa ulo, ang gamot para dito ay mai-restore agad ng doktor ang maayos na daloy ng dugo sa utak.
Narito ang ilang gamot sa blood clot sa ulo:
-
Emergency endovascular procedures
Uri ito ng paggamot sa stroke kung saan ay direktang ginagamot ang loob ng baradong blood vessel sa pamamagitan ng paglalagay ng gamot nang direkta sa utak. Bukod pa rito, tatanggalin din ang blood clot sa pamamagitan ng stent retriever.
Mahalagang ibigay agad sa pasyente ang medication na ito sa loob ng apat at kalahating oras mula nang maranasan ang sintomas ng blood clot sa ulo.
Kung mas maagap na mabigyan ng IV injection ang nakaranas ng stroke ay mas mataas ang tiyansa ng survival at mabawasan ang komplikasyon ng blood clot.
Tinatawag na tissue plasminogen activator (TPA) ang IV injection na gamot na ibinibigay sa may blood clot sa ulo. Itinuturok ito sa ugat sa braso sa loob ng unang tatlong oras o kaya naman ay apat at kalahating oras matapos makaranas ng stroke.
Makatutulong ang gamot na ito upang ma-restore ang daloy ng dugo. Tinutunaw nito ang blood clot na nagdudulot ng stroke. Nakadepende naman kung mayroong potensyal na pagdurugo sa utak kung angkop ba sa iyo ang TPA. Titingnan muna ng doktor ang iyong kondisyon bago magdesisyong ibigay sa iyo ang ganitong uri ng paggamot.
Mahalagang sumugod agad sa ospital kapag nakaranas ng mga sintomas ng blood clot sa ulo. Gayundin kapag napuna ang mga sintomas na ito sa iyong anak. Ang maagap na pagpunta sa doktor ay maaaring makapagsalba ng inyong buhay at makaiwas sa mas malalang komplikasyon.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.