Kahalagahan ng paghuhugas ng kamay ang ipinopromote ng isang bagong pag-aaral bilang pangunahing paraan para maiwasan ang sakit na dulot ng antibiotic resistant na E-coli bacteria.
Dahil ayon sa mga scientist na nagsagawa ng pag-aaral, ang bacteriang ito ay mas madaling naikakalat o naihahawa sa pamamagitan rin mismo ng mga tao.
Ano ang E.coli bacteria?
Ang E.coli o Escherichia coli ay ang uri ng bacteria na namamahay sa tiyan ng mga tao pati narin sa mga hayop. Karamihan sa mga ito ay harmless at nakakatulong para panatilihing healthy ang ating tiyan. Pero may ilang strains nito ang maaring magdulot ng pagtatae sa mga tao. Iniuugnay rin ang bacteriang ito sa food poisoning, pati narin sa pagkakaroon ng pneumonia at urinary tract infections o UTI. At ang pinakanakakatakot ay ang kakayahan nitong magdulot ng bloodstream infection.
Nauna ng sinabi ng siyensya na ang bacteriang E.coli ay makukuha sa hindi maayos na paghuhugas at pagluluto ng mga karne ng baboy, baka o manok. Pati narin sa mga untreated milk at contaminated food, beverages at drinks tulad ng tubig. Pero ayon sa bagong pag-aaral, kumpara sa mga nabanggit mas mataas daw ang tiyansa na makuha ng mga tao ang bacteria kung hindi maghuhugas ng kamay pagkatapos dumumi o manggaling sa kubeta.
Napakahalaga nito sapagkat sa nakalipas na 20 taon ay naging antibiotic resistant na ang isang strain ng E.coli bacteria. Ito ay nangangahulugan na hindi na ito kayang puksain ng antibiotics o mahihirapan na ang sinumang nagkasakit dahil dito ang gumaling. Kaya naman mas mabuti ng mag-ingat at iwasan ito.
Ang tinutukoy na strain ng E.coli bacteria ay ang Extended Spectrum Beta-Lactamases o ESBLs na kayang puksain ang antibiotic na penicillin at cephalosporin.
Kahalagahan ng paghuhugas ng kamay
Kaya naman dahil sa natuklasan ay muling ipinapaalala ng mga eksperto ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay. Lalong-lalo na tuwing matapos dumumi na numero unang paraan para makuha at maikalat ang antibiotic resistant na bacteriang ito.
“Infections caused by ESBL-E. coli bacteria are difficult to treat. And they are becoming more common in both the community and hospitals.”
Ito ang pahayag ni Prof. David Livermore, lead researcher ng ginawang pag-aaral na mula sa University of East Anglia’s Norwich Medical School.
Dagdag pa niya ay doble ang bilang ng mga taong naiuulat na namamatay dahil sa superbug bacteria na ito kumpara sa ibang strains ng E. coli. At ito rin daw ang dahilan ng higit 40,000 cases ng blood poisoning sa England taon-taon.
Kaya maliban sa pagsisiguro ng tamang paghuhugas at pagluluto ng mga karne at gulay ay inuulit niyang ugaliing maghugas ng kamay. Lalong-lalo na tuwing pagkatapos dumumi o magbanyo.
Sinuportahan naman ang pahayag na ito ni Prof.Livermore ni Neil Woodford mula sa Public Health England.
“In order to limit serious, antibiotic-resistant E. coli bloodstream infections, we must focus on thorough hand washing and good infection control, as well as the effective management of urinary tract infections,” he said.
Ito ang pahayag ni Woodford sa isang statement.
Paano ang tamang paghuhugas ng kamay?
Pero para naman kay Prof. Sally Bloomfield ng London School of Hygiene and Tropical Medicine, hindi lang dapat basta-basta ang paghuhugas ng kamay. Dapat ito ay ginagawa ng maayos at tama.
Mahalaga daw na sabunin ng maigi ang kamay ng hindi bababa sa 15 segundo saka banlawan. Dahil sa pagsasabon ay naaalis ang microbes sa ating kamay. Habang tuluyan namang tinatanggal ang mga ito sa ating kamay ng pagbabanlaw.
Punasan ng maigi at patuyuin rin ang kamay. At siguraduhing araw-araw na papalitan ang hand towel na ginagamit sa bahay.
Kung hindi naman makakapaghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig ay maaring gumamit ng mga antibacterial gel na nakakapatay rin ng mga microbes at bacteria.
Ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng kalinisan nito ay hindi lamang tayo maililigtas sa E.coli superbug bacteria. Marami pang sakit ang ating maiiwasan kung uugaliing gawin ito palagi. Kaya naman panatilihing malinis ang inyong kamay. At turuan at sanayin rin ang inyong mga anak na gawin ito.
Source: WebMD, CNN Edition, The Guardian
Photo: Freepik
Basahin: STUDY: Paghugas ng hilaw ng manok, maaaring magdulot ng sakit
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!