Nakalabas na si baby at handa ka na ulit maging fit and active. Gusto mo nang simulan ang iyong balik-alindog program at magpaka-healthy para mas maalagaan si baby. Kaya lamang, ikaw ay cesarean mommy at ang malaking tanong mo: kailan pwede mag exercise ang na cs?
Hindi madali ang magdaan sa isang cesarean section delivery. Hindi nagtatapos sa operasyon ang mga posibleng komplikasyon at panganib sa kalusugan ng ina.
Ngunit sa tamang pangangalaga ng katawan at sugat, tuloy-tuloy ang magiging recovery. Muling makapanunumbalik sa normal ang iyong kalusugan basta’t huwag lamang mamadaliin ang proseso.
Kailan pwede mag exercise ang CS?
Isa sa mga bagay na gustong-gustong balikan ng mommies pagkaraan ng cesarean delivery ay ang page-ehersisyo. Ngunit kailan nga ba pwede mag exercise ang mommy na dumanas ng cs delivery?
Anu-anong mga activities ang pwede habang ikaw ay nasa recovery stage mula sa operasyon? Alamin dito ang mga tips sa iyong pagbabalik ehersisyo paglabas ni baby sa iyong tummy.
Maituturing na isang major surgery ang cesarean section. Kadalasang humihilom din naman nang walang komplikasyon ang tahi ng cesarean. Ngunit kailangan pa rin ang masusing pag-iingat at pangangalaga ng iyong katawan bago, habang at matapos ang prosesong ito ng panganganak.
Dahil ang c-section ay isang uri ng operasyon, mananatili ka sa ospital sa loob ng isa hanggang tatlong araw pagkaraan ng iyong cs upang maobserbahan. Pagkatapos nito, maaaari ka nang magpatuloy sa pagpapagaling sa loob inyong tahanan. Nakadepende rin ito sa rekomendasyon ng iyong doctor.
Larawan mula sa Freepik
Kadalasang ipinapayo ng doktor ang pagpapahinga at pananatili lamang sa iyong bahay. Karaniwang tumatagal ng anim na linggo o higit pa, bago ka payagang unti-unting muling bumalik sa iyong mga normal routine.
Sa loob ng recovery period na ito, mahigpit ang magiging pagbabantay sa iyong sugat upang hindi na ito bumuka o maimpeksyon. Kasabay nito ay ang pagpapanumbalik din ng iyong sigla at kakayahang kumilos.
Pag-usapan natin ang iba’t ibang physical activities at ehersisyo na maaari mong gawin kung kailan pwede ka nang mag exercise matapos ang cs.
Mga physical activity na pwedeng gawin pagkatapos ng CS
Dahil ang C-section ay isang operasyon, limitado lamang ang mga bagay na pwedeng gawin habang nag papahilom ng tahi ng cesarean. Iniiwasan kasi na magkaroon ng stress o ‘di inaasahang pagbuka ng sugat sa bahaging naoperahan.
Sa kabila nito, kinakailangan pa rin ng katawan natin na kumilos. Kahit bahagya at mga maliliit na kilos ay sapat na upang mapadaloy natin ang dugo sa katawan. Mahalaga ito para manatiling malusog ang pangangatawan.
May ilang physical activities na pwedeng gawin matapos magpa-cesarean habang ikaw ay nag papagaling. Ilan dito ay ang mga sumusunod:
- Walking o paglalakad ng hanggang 15 o 20 minuto kada araw. Makakatulong ito upang maibsan ang gas sa iyong tiyan at upang ikaw rin ay mapagpawisan.
- Stretching o marahan at bahagayang pag-unat ng iyong mga braso. Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng pagtaas ng iyong braso hanggang lampas ng iyong ulo. Gawin ito nang marahan sa loob ng limang segundo at magpahinga. Pwede mo itong gawin ng hanggang 10 ulit sa loob ng isang araw upang mabanat ang iyong muscle sa paligid ng tiyan. Makatutulong ito upang maging flexible ang palibot ng iyong tahi.
- Breathing o malalim na paghinga. Makatutulong ito na i-decongest ang iyong baga mula sa matagal mong pagkakahiga. Maari kang huminga nang marahan at malalim, dalawa hanggang tatlong beses kada kalahating oras.
Isa sa mainam gawin sa panahong limitado pa ang exercise na pwede sa ‘yo ay ang pagbuhat sa iyong sanggol. Nakatutulong ang bonding ng mag-ina sa pag-release ng mental at physical stress.
Nakapagdudulot ito ng relaxation at napapalalim nito ang ugnayan ng mag-ina sa isa’t isa. Isa itong malaking factor sa mas mabilis na recovery.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Isaac Hermar
Mga dapat iwasan habang nagpapagaling sa CS
- Hangga’t maaari ay iwasan muna ang paggawa ng mga gawaing bahay. Ipaubaya mo muna ito kay mister.
- Huwag munang magbubuhat lalo na ng mga mabibigat na bagay.
- Kumilos palagi nang dahan-dahan at may pag-iingat. Iwasan ang mga biglaan at nagmamadaling kilos dahil maaaring makasama sa ito sa iyong tahi.
Maaaring abutin ng hanggang dalawang linggo bago ka muli makapagmaneho. Bibilang ng tatlong linggo o higit pa makaraang tuluyan na humilom ang iyong sugat, bago ka maaaring payagan na makapag-swimming.
Laging obserbahan ang iyong katawan at kumonsulta muna sa iyong doktor bago magsimula o magbalik sa isang physical activity pagkatapos mong ma-cesarean.
Mahalagang tanungin ang iyong doktor kung kailan pwede mag exercise ang CS. Ito ay upang matiyak ang iyong kaligtasan at lubusang paggaling.
6 exercise na pwedeng gawin ng na-cesarean
Bagama’t inirerekomenda ng doktor na ikaw ay magpahinga, kinakailangan parin ng iyong katawan ang ehersisyo. Malaking bagay ang exercise sa iyong recovery. Ngunit tandaan din na ito ay hindi dapat gawin nang biglaan. Kung payagan na ng doktor na mag-ehersisyo, narito ang ilan sa mga maaaring gawin.
Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga pwedeng exercise sa CS na maaari mong umpisahan paunti-unti:
- Belly breathing. Makakatulong upang muling masanay ang mga core muscles mo sa mga pang araw-araw na gawain. Helpful din ito upang ikaw ay marelax. Gawin ito ng lima hanggang 10 ulit, tatlong beses sa loob ng isang araw.
- Cesarean delivery scar massage. Gawin lamang ito kung tuluyan nang naghilom ang sugat ng iyong tahi at kung payagan ka na ng iyong doktor. Makatutulong ito sa maayos na paggaling at pagpapanumbalik ng mga malulusog na tissues sa iyong tiyan. Kung ikaw ay komportable rito at hindi na sumasakit ang sugat, maaari mo itong gawin isang beses sa isang araw.
- Wall sit. Ang ehersisyong ito ay isang epektibong exercise para sa mga na-cesarean. Makatutulong ito na sanayin muli ang muscle coordination. Gawin ito nang dahan-dahan habang ikaw ay nakasandal sa dingding.
- Glute bridge exercise. Isa sa mga epektibong ehersiyo para maging flat muli ang iyong tiyan. Ligtas ito at walang damage na maidudulot sa iyong hiwa o tahi basta’t tama at maingat mo itong gagawin.
- Seated kegels. Makakatulong ang ehersisyong ito upang mabawasan ang stress incontinence matapos ang iyong panganganak. Makatutulong din ito sayo matapos na matanggal ang iyong catheter pagkaraan ng c-section. Gawin ito ng walo hanggang 12 beses na may pahinga ng dalawang minuto kada contractions, dalawang beses sa loob ng isang araw.
- Wall push up. Isa sa mga pinakamadaling gawing ehersisyo na pwede sa cs. Tumayo lamang paharap sa dingding, dalawang talampakan ang layo at gawin ang push up.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Vidal Balielo Jr.
Kailan uli pwedeng mag exercise ang CS mommies?
Kadalasang umaabot sa anim hanggang walong linggo ang recovery period ng cesarean section delivery. Sa loob ng mga panahong ito, mahalagang maging maingat sa mga kinakain at ginagawa. Nais ng doktor na sa muli mong pagbalik para sa iyong postpartum evaluation ay wala nang magiging problema.
Hangga’t maaari ay pinaiiwas ang mommy na na-cs sa mga mabibigat na gawain upang hindi makaranas ng komplikasyon sa sugat dulot ng cesarean. N
gunit hindi rin madali at mabuti para sa mga mommies ang hindi pagkilos sa loob ng maghapon. Lalo na ang mga first-time mom na sanay sa active lifestyle bago dumating si baby.
Ngunit pangunahing prayoridad dapat ng mga cesarean mommy ang paggaling ng kanilang sugat at pag-recover mula sa operasyon. Kung talagang nais mag ehersisyo dahil bahagi ito ng iyong pang araw-araw na routine, maiging ikonsulta ito sa doktor. Nakadepende sa iyong kondisyon kung kailan pwede mag-exercise ang cs mommy.
Karaniwang inirerekomenda ng mga espesyalista na pwede lang mag-exercise ang na CS pagkatapos ng anim na linggo. Lalo na kung may pahintulot na doktor.
Maghintay ng hanggang 12 linggo bago magsimulang magbuhat. Dahan-dahan mula sa mga bagay na kasing bigat ni baby, hanggang sa mga may bigat na lalampas na sa timbang ng bata.
Sa unang apat hanggang anim na buwan matapos kang ma-cesarean, maari kang magsimula ng mge exercise pwede na sa cs. Mga low ipact cardio exercises tulad ng walking, swimming cycling at iba pa.
Simulan ang mga ito sa mababang intensity, pataas hanggang sa makakaya ng iyong katawan. Mahalaga ito para hindi mabigla ang iyong sarili. Lahat ng sosobra ay may masamang epekto. Mag-exercise lang kung kailan pwede na sa tulad mong dumanas ng cs delivery.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!