Mahalagang panatilihin ang kaligtasan sa loob ng bahay lalo na kung may kasamang bata. Ngunit paano kung panahon na para magkaroon ng sariling kwarto ang bata? Paano sila mapapanatiling ligtas lalo na sa gabi na wala ka sa tabi nila? Ito ang ilang mga dapat gawin.
Mababang kama
Masmabuting gumamit ng mababang kama o kahit kutson sa sahig nalang bilang tulugan ng bata. Ito ay para masigurado na hindi masyadong masasaktan ang bata kapag mahulog siya dito. Maaari siyang mahulog mula sa kama dahil sa paglalaro o sa kanyang pag-tulog. Maaari rin gumamit ng kama na may harang sa gilid.
Window guards
Kailangang masigurado na ligtas ang mga bata at na hindi sila mahuhulog mula sa mga bintana. Panatilihing malayo ang mga maaari niyang akyatan mula sa mga bintana. Gumamit din ng mga window guards upang hindi mabuksan ang mga ito. Huwag umasa sa mga screen dahil madali itong nasisira kapag tinulak ng bata.
Drawer stops
Gumamit ng mga drawer stops para hindi mabuksan ang mga drawer sa loob ng kwarto. Mabisa itong paraan para masiguradong hindi maiipit ang kanyang mga daliri at na hindi magagamit ang mga drawer para akyatan. Maaari rin itong maging paraan para matago ang kanyang mga laruan kapag oras na para matulog.
Walang floor lamps
Iwasan ang paglalagay ng floor lamps sa kwarto ng mga bata. Ang mga floor lamps ay maaaring maitumba ng mga bata at maaari silang matumbahan. Dagdag pa sa panganib ng pagtumba nito ay ang mga bubog na madudulot ng pagbasag ng bumbilya.
Cabinet lock
Mahalaga ang mga cabinet lock para mailayo ang mga bagay na hindi ligtas sa mga bata. Kabilang sa mga ito ang mga ointment, lotion, o iba pang maaaring gamitin bilang toiletries. Napapanatili rin nitong maayos ang mga damit ng bata na maaari nilang guluhin kapag nabuksan ang cabinet.
Tanggalin ang TV
Isa ring paraan para mabawasan ang screen time ng bata ay ang hindi paglagay ng TV sa kwarto ng bata. Maiiwasan ang hirap matulog kapag walang TV o anumang screen sa kwarto. Tulad din ng mga floor lamps, ang mga TV na nakapatong sa mga TV console ay madaling maitumba.
Toy bins
Kapag tapos na ang oras ng paglalaro, makakabuting itabi ang mga laruan ng bata sa isang toy bin. Magsisilbi itong lalagyan ng kanyang mga laruan upang hindi kumalat at hindi maging rason ng kanyang pagtumba. Makakabuti rin ito para mabawasan ang stimulation ng bata kapag oras na para matulog.
Smoke detectors
Mahalaga ang pagkakaroon ng smoke detectors para madaling makaresponde kapag nagkasunog. Sa panahon ngayon ng maraming electronics, marami na ang mga maaaring pagmulan ng sunog. Regular na suriin ang mga ito upang masigurado na mayroon pang baterya o kaya naman ay gumagana pa.
Outlet covers
Ang mga outlet ay isa sa mga madalas pinaglalaruan ng bata kapag hindi nabantayan. Maaari silang makuryente mula sa mga ito. Gumamit ng mga outlet covers para maiwasan ang hindi magandang pangyayari.
Fire Escape
Siguraduhin na may fire escape ang kwarto ng bata. Mahalaga ito lalo na pagdating sa emergency na mga pangyayari. Magkaroon ng fire escape plan para alam ng lahat ang gagawin sa oras ng sakuna. Makakabuti rin na bawat kwarto sa bahay ay may fire escape.
CCTV
Mag-install ng CCTV sa kwarto ng bata para matignan kung sino sino ang pumapasok dito. Nakakatulong din ito para masilip ang bata kapag gabi o kaya naman ay wala ka sa bahay.
Maaaring kailanganin ng kaunting effort ngunit, maliit na bagay lamang ito para masigurado ang kaligtasan ng mga mahal sa buhay sa mga panahon na mas nagiging independent na sila.
Source: Psychology Today
Basahin: Mga Magulang, Alisin Ang In-Bed Sleepers Para Sa Safe Na Tulugan Ng Baby
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!