Pananakit ng ulo ng buntis: May mga karadamang lumalabas o nararamdaman kapag ikaw ay nagbubuntis. Karamihan dito ay kusang nawawala pagkapanganak.
Kaya’t walang dapat na ikabahala. Kailangan lang alamin kung paano maiibsan ang sakit upang maiwasan ang stress, lalo’t may dinadala sa sinapupunan.
May mga pagbubuntis na tinatawag na high-risk, dahil may mga sakit ang ina na nasa mas delikadong lebel. Kadalasan, dala ito ng edad, at minsan ay dahil mayroon na talagang sakit bago pa magbuntis.
Mayroon namang nakakaranas lamang ng karaniwang pregnancy conditions. Hindi dapat ikabahala ang mga ito. Kailangan lamang ikunsulta sa doktor at patuloy na makituwang sa kaniya upang mapayuhan kaagad ng mga dapat gawin, o mabigyan ng reseta para sa mga gamot na maaari mong inumin.
Talaan ng Nilalaman
Kalusugan kapag buntis at ibang mga sakit na nakakakomplika sa pagbubuntis ay ang mga sumusunod:
- Sakit sa puso (Heart disease)
- High blood pressure
- Problema sa Kidney
- Autoimmune disorders
- Sexually transmitted diseases
- Diabetes
- Kanser
- Mga Impeksiyon
Hangga’t may mabuting pag-aaruga ang iyong OB-Gynecologist at ang mismong nagbubuntis na ina sa sarili, ay maiiwasan ang paglala o anumang komplikasyon.
Para naman sa mga karaniwang karamdaman o kondisyon sa 40 linggo ng pagbubuntis, narito ang listahan, at ang mga maaaring gawin para makatulong na gumaan ang pakiramdam.
12 na pagbabago sa kalusugan kapag buntis at ilan pang concern kapag buntis
1. Pananakit ng ulo ng buntis at pagkahilo
Ang pananakit ng ulo ng buntis ay isa pinaka-karaniwang karamdaman ng mga nagbubuntis. Umaabot ng hanggang 60-80% ng babaeng buntis ang nakakaranas nito.
Bagama’t mahirap at hindi komportable para sa nagbubuntis, hindi naman ito delikado sa kalusugan ng sanggol na dinadala at ng inang nagdadala.
Hindi alam ang sanhi ng pagkahilo at pagsusuka. Sinasabing ang pagtaas ng hormone levels habang buntis ay isang dahilan nito. Pinapabagal kasi nito ang pagtunaw ng pagkain na sanhi ng heartburn, indigestion, at acid reflux.
Ang isang importanteng dapat alamin ng nagdadalan-tao ay kung simpleng morning sickness lamang ang nararamdama, o sintomas na ng hyperemesis gravidarum.
Ang hyperemesis gravidarum ay ang malalang kondisyon ng pagsusuka at pagkahilo na maaaring magkaroon ng masamang epekto sa pagbubuntis, tulad ng pagbaba ng timbang at low blood pressure.
Ito ang kailangang ikunsulta sa iyong OB-Gynecologist sa lalong madaling panahon.
Paano maiibsan?
May mga nasusuka sa amoy pa lamang ng ilang bagay, tulad ng pabango at pagkain. Iwasan na agad ito para hindi lumala ang pakiramdam.
Kumain ng paunti-unti, ng mas madalas. Iwasan ang pagkain ng sobrang dami. Maghanda ng malilit na portion ng meryenda at tubig para sa tuwing makakaramdam ng gutom ay may maisusubo ka at makakainom din. Kung magsuka man, may laman ang iyong tiyan at hindi ma-dedehydrate.
2. Pagiging emosyunal
Ang pagiging emosyunal ang isa sa pagbabago sa kalusugan kapag buntis. Ito ay dahil na rin sa pagtaas ng hormone levels (progesterone at estrogen), nakakaramdam ng iba’t ibang emosiyon, at mabilis na pagpapalit nito, ang isang nagbubuntis.
Normal lang ang ganito, kaya’t huwag mabahala. Ang iyong katawan ay maraming pagbabagong pinagdadaanan, kaya’t nakakaranas ng paiba-ibang emosiyon, o pagiging moody, ayons sa aklat na Mayo Clinic Complete Book of Pregnancy & Baby’s First Year.
Nariyan ang stress, takot para sa sarili at sa anak, pagbabago sa katawan at timbang, at marami pang iba. Nariyan din ang pagod dahil na nga sa mga pisikal na nararamdaman, pagbigat ng tiyan, at hirap sa pagkilos. Sino nga ba ang hindi magiging emosiyonal? Kaya’t huwag masyadong mag-alala.
Paano maiibsan?
Aliwin ang sarili. Magpaganda, mag-ayos ng sarili at ng iyong bahay, manood ng paboritong palabas sa TV o sinehan, makinig sa masayang tugtugin, maglakad-lakas sa park o sa mall, magbasa-basa ng mga libro o magasin.
Matulog din ng kumpletong 8 oras at uminom ng tubig palagi. Napakaraming positibong dulot ng pagtulog at pag-inom ng tubig, lalo sa nagdadalan-tao. Kumain ng paboritong pagkain ngunit huwag kalimutan ang mayaman sa nutrisyon.
Makipag-usap sa kapwa buntis, kapamilya at mga kaibigan. Mahirap man minsan, subuking maging masaya ang disposisyon palagi, kahit may takot na nararamdaman. Huwag magpatalo sa lungkot. Isipin mong lahat ng ito ay para sa iyo at sa iyong anak.
3. Linea Negra
Ito ang isa sa mga ikinagulat ko nuong una kong pagbubuntis. Bakit ako may maitim na linya sa tiyan? Ito rin ay tinatawag na Pregnancy Line, o Linea Negra.
Mula ito sa pusod papuntang pubic bone. Habang lumalaki ang tiyan ay umiitim ito. Hindi alam kung bakit mayroon nito. Ang isang hinuha ay dala din ito ng hormones, lalo na ng melanocyte-stimulating hormone na likha ng placenta.
Paano maiibsan?
Walang gamot o cream para dito. Kusa itong nawawala o nagiging mas maputi pagkapanganak.
4. Diarrhea o labis na pagdudumi
Natural lang din ang pagbabago ng kalusugan sa pagdumi o LBM o loose bowel movement kapag buntis. Ang mahalaga lang ay huwag ma-dehydrate. Dahil daw ito sa mga kinakain o pag-iiba ng karaniwan mong kinakain, dahil na nga sa pagbubuntis.
Kadalasan din, mas nagiging sensitibo sa kinakain ang iyong tiyan o panunaw. Karaniwan, sanhi din ito ng hormones. isa pang maaaring sanhi ay bacterial o viral infection.
May mga nakakaranas ng diarrhea sa ikatlong trimester na lang. Sinasabing hudyat na ito ng nalalapit na panganganak..
Paano maiibsan?
Uminom ng maramin tubig at iba pang fluids tulad ng sabaw at coconut juice upang ma-rehydrate at mapalitan ang nawalang electrolytes sa iyong katawan. Iwasan ang pag-inom ng tap water o tubig na dirketang galing sa gripo, o tubig na hindi mo alam kung saan kinuha.
5. Pagudurugo ng ilong
Ayon sa aklat na What to Expect When You’re Expecting nina Heidi Murkoff at Sharon Mazel, dumadami ang dugo na ginagawa ng iyong katawan dahil sa pagbubuntis.
Nagiging sanhi ito ng ibang kondisyon, tulad ng nosebleeding. Ang maliliit na blood vessels sa ilong ay pumuputok dahil sa pagdami ng dugo sa iyong sistema. Iwasan ang pagsinga ng malakas.
Paano maiibsan?
Kapag nakaranas ng pagdurugo ng ilong, tumayo o umupo ng diretso at huwag titingala, at baka malulon ang dugo. Diinan ang butas ng ilong at ang gitna nito, hanggang sa tumigil ang pagdurugo.
Hindi dapat ikabahala ang nosebleed, maliban na lamang kung dumugo ang ilong dahil nauntog o nabagok ang ulo, dalhin agad sa ospital at ipaalam sa iyong doktor.
Sintomas din ito ng high blood pressure. Kung sadyang napakarami na ng dugo at hindi tumitigil, kailangan din ipatingin sa doktor.
6. Pagdurugo o Spotting
Karaniwang nagiging problema din ang pagdurugo o spotting. Sinasabing halos 20% ng babaing buntis ay nakakaranas nito sa unang 12 linggo ng pagdadalantao. Normal lang ito at hindi dapat ikabahala, kung ito ay isa o dalawang beses lamang nangyari, o kakaunti lamang—kaya spotting ang tawag. Kung parang regla ang lakas at may buo-buong dugo, ipaalam kaagad sa OB-Gyne upang matulungan kang tiyakin na hindi ito delikado.
Paano maiibsan?
Matulog o umidlip, at magpahinga, kung nakaranas ng spotting. Huwag masyadong pagurin ang sarili, o gumawa ng anumang pisikal na gawain. Itaas ang paa paminsan-minsan. Huwag na huwag magbubuhat ng mabigat na gamit.
7. Anemia
Ito ay sanhi ng kakulangan sa red blood cells ng iyong sistema. Ito kasi ang nagdadala ng oxygen sa iyong buong katawan, kaya’t kung kulang ito o kapos, naaapektuhan ang mga organs ng isang tao. Kailangan itong pagtuunan ng pansin dahil ang isang nagdadalang-tao ay nangangailangan ng sapat na dugo. Kung anemic ang isang ina, maaaring bumaba ang timbang niya at ng dinadalang sanggol, at may peligrong maipanganak ng wala sa oras.
Ang mga babaing nagbubuntis ay nagkaka-anemia dahil dalawa na silang nangangailangan ng dugo. Kung ikaw ay nanghihina palagi, namumutla, nahihilo ng madalas, sumusikip ang dibdib, at walang ganang kumain, maaaring ito ay anemia na.
Paano maiibsan?
Kailangan uminom ng iron at folic acid supplements, at kumain ng mga pagkaing mayaman sa iron at folic acid. Nariyan na ang spinach, atay, itlog, nuts, beans, cereals, saging, gulay na berde, melon, at legumes. bananas, melons, and legumes. Kailangan din ng vitamin B12, upang maiwasan ang anemia.
8. Gestational Diabetes
Kapag palaging matindi ang gutom, palaging uhaw at pagod na pagod ang pakiramdam, maaaring ito ay gestational diabetes. Ito ang diabetes na lumalabas lamang sa mga nagdadalang-tao. Kailangang sumailalim sa mga screening test para malaman kung ito nga ang kondisyon.
Kung may mataas na blood sugar count, may diet plan na ibibigay ang OB-Gyne para sa iyo. Kailangang ingatan na hindi lumala ang kondisyon ito dahil maaaring maging sanhi ito ng pre-term delivery, preeclampsia, at pagkakaroon ng low blood sugar at hirap sa paghinga ng iyong sanggol.
Paano maiibsan?
Kailangang ikunsulta sa iyong doktor ang kalagayan at siguraduhing susundin ang diet plan na ibibigay sa iyo. Iwasan ang pagkain ng matatamis at matatabang pagkain tulad ng tsokolate, cake, hipon, alige, at puting kanin.
9. Mataas na Presyon o High Blood Pressure
Ito ang nagiging sanhi ng preeclampsia. Sa mga pre-natal checkup, palaging kinukuga ng nurse o doktor ang iyong presyon upang ma-monitor ito at masiguradong hindi tumataas.
Ang preeclampsia ay karaniwang nagsisimula sa ika-20 linggo ng pagbubuntis, at nawawala pagkapanganak. Mga sintomas nito ay mataas na presyon, pamamaga ng kamay at mukha, pananakit ng tiyan, protina sa ihi, panlalabo ng paningin. Naaapektuhan nito ang baga at iba pang organs. Kapag umabot sa preeclampsia, kailangan nang ilabas ang sanggol, kahit wala pa sa oras.
Maaaring dulot din ito ng labis na pagbigat ng timbang. Dapat na nakatala ang iyong timbang buwan buwan habang buntis upang makita kung kinakailangan ng interbensiyon o diet plan, sa tulong ng iyong doktor. Hindi ka dapat magbawas ng kakainin. May ibang paraan na ipapaliwanag ang doktor upang matulungan kang hindi magdagdag ng labis na timbang.
Paano maaagapan?
Nasa tamang kinakain ang solusyon. Iwasan ang pagkaing matataba at mataas sa kolesterol tulad ng baboy, taba ng baka, balat ng manok, alige, hipon, alimango at alimasag.
10. Sakit ng likuran (Back pain)
Dahil lumalaki na si baby, bumibigat na rin ito. At dahil nasa harap ang lahat ng bigat, natural lang na sumakit ang likuran dahil ang iyong spine ay nababanat. Karaniwang mararamdaman ito sa ikalawang trimester ng pagbubuntis.
Pansamantala lamang ito, at mawawala din ng unti-unti sa pagbalik ng iyong timbang pagkapanganak.
Paano maiibsan?
Ehersisyo ang isang susi sa pananakit ng likuran. Napapatibay kasi nito ang muscles at natutulungan kang maging flexible. Ligtas na ehersisyo para sa buntis ang paglalakad, paglangoy, at stationary cycling. Itanong sa doktor ang mga ehersisyong maaari mong gawin.
Maghanda palagi ng maiinit at malamig na tubig at bimpo. Maaari ring gumamit ng hot at cold compress para sa masakit na bahagi ng katawan. Pagpalit-palitin ang dalawa: maaaring hot compress muna sa loob ng 20 minuto araw araw, at pagkatapos ng 3 araw, cold compress naman ang idampi. Siguraduhing sa likod lamang ilalagay at hindi sa tiyan o abdomen.
Ayusin din ang posisyon sa pagtayo at pag-upo. Huwag kukuba at huhukot, dahil nakakasama ito sa iyong likuran.
Iwasan ang pagsusuot ng matataas na takong ng sapatos kung may back pain. Huwag matulog ng nakatihaya. Kumunsulta sa iyong doktor bago uminom ng kahit anong gamot para sa sakit.
11. Pamamaga o pamamanas
Ang pamamaga ng iba’t-ibang bahagi ng katawan, o edema ay karaniwang kalagayan tuwing magbubuntis. Ito ay sanhi ng maraming fluids sa katawan na naiipon sa body tissues. Karaniwang sa paa, binti, at kamay ito makikita.
Dahil na din sa lumalaking sanggol sa sinapupunan, nadidiinan ng uterus ang pelvic veins at vena cava (ang malaking ugat na nagdadala ng dugo sa iyong lower limbs at pabalik sa puso). Napipigil ng pressure ang pagdaloy ng dugo kaya’t ang sobrang fluids ang napupunta sa mga paa at binti, at maski sa mga kamay.
Sinasabing mas malala ang edema sa ikatlong trimester, at kung higit sa isang sanggol ang dinadala. Mas malala din daw ito tuwing tag-init, lalo na sa hapon at gabi. Ikunsulta sa doktor kung mas malaki ang pamamaga ng isang paa o binti kaysa sa isa, o kung may kakaiba o sobrang sakit na nararamdaman.
Pagkapanganak ay nawawala din ito. Nailalabas ito sa pag-ihi at pagpapawis, pagkapanganak.
Paano maiibsan?
Subukang matulog ng patagilid, para maibsan ang pagdiin sa iyong ugat. Itaas ang mga paa at binti tuwing mapapahinga, kahit nasa trabaho. Maglakad-lakad din kahit sa loob lang ng kuwarto.
Ipaikot-ikot at igalaw ang mga paa, habang nakataas, o kahit habang nakaupo. Magsuot ng komportableng sapatos, at ipahinga sa sapatos ang mga paa, paminsan minsan sa loob ng isang araw. Iwasan ang pagsusuot ng medyas o stockings.
Ang pag-inom ng tubig ay nakakatulong din dahil mapapaihi ka, na kailangan mo para maibsan ang pamamaga. Ito rin ay nakakatulong sa rehydration.
Mag-ehersisyo, tulad ng paglakad at paglangoy.
Alisin ang junk food at maaalat na pagkain sa listahan ng iyong kakainin dahil puno ito ng sodium. Ugaliin ang pagkain ng masustansiyang pagkain at inumin, lalo na ang pagkaing mayaman sa potassium tulad ng saging. Iwasan ang caffeine na nasa kape at tsaa.
12. Labis na pagkapagod (Fatigue)
Sa unang trimester, nakakaramdam ng labis na pagkapagod ang isang nagdadalang-tao, dahil na rin sa hormonal changes sa katawan.
Mababa ang blood sugar levels at presyon, at marami ang dugong napo-produce ng katawan para makahabol sa nutrisyon na kailangan ng sanggol.
Dahil sa maraming progesterone, inaantok ka at parang laging pagod. Dagdag pa dito ang nabanggit nang labis na pagiging emosiyonal.
Sinasabing mas gagaan ang pakiramdam pagdating ng ikalawang trimester, pero manunumbalik ito sa ikatlong trimester habang napapalapit ang panganganak. Hirap na rin kasing makatulog at bumibigat ang tiyan.
Paano maiibsan?
Magpahinga hangga’t may oras. Huwag indahin ang nararamdamang pagod. Iwasan ang pag-inom ng maraming tubig bago matulog para hindi ka na kailangang bumangon at umihi. Iwasan na ang mabibigat na gawain o mga nakakapagod na aktibidad.
Kumain pa rin ng pagkaing balanse sa nutrisyon. Kailangang mo ng protina galing sa karne, itlog, isda, iron at calories. Siguraduhing ikaw ay hydrated kaya’t uminom ng sapat na tubig sa buong maghapon.
Gumalaw-galaw din, at huwag humiga lang dahil sa pagod. Kailangan mo pa ding maglakad-lakad o kumilos, at magpahinga sa gitna ng mga gawain at paggalaw.
Kalusugan kapag buntis: Mga dapat iwasan
- Paninigarilyo o pagtabi sa mga naninigarilyo. Mariing ipinagbabawal ito sa lahat ng buntis. Sanhi ito ng maraming sakit o kondisyon tulad ng low birth weight, preterm labor, at maging pagkalaglag ng sanggol (miscarriage).
- Pag-inom ng alak.
- Mga gamot (kasama na ang medisinang herbal). Lahat ng gamot na iyong iinumin ay dapat nireseta ng doktor, at hindi ipinayo lamang ng kaibigan, kakilala o nabasa sa Internet. Siguraduhing ipapaalam sa iyong doktor ang anumang gamot bago ito inumin. Huwag na huwag iinom ng pain reliever.
Cunningham, F. Gary, Leveno, Kenneth J., et al (2005). Maternal Physiology in Williams Obstetrics 22nd edition (126). New York, NY: McGraw-Hill.
Harms, R. W. (Ed.). (2004). Mayo Clinic guide to a healthy pregnancy. New York, NY: HarperCollins Publishers Inc.
Johnson, Robert V. (Ed.). (1994). Mayo Clinic complete book of pregnancy & baby’s first year. New York, NY: William Morrow and Company, Inc.
Gibbs, R. (2008). Prenatal Care. In Danforth’s obstetrics and gynecology (10th ed., p. 18). Philadelphia: Lippincott Williams & Wilkins.
What to Expect When You’re Expecting nina Heidi Murkoff at Sharon Mazel
Koren, Gideon & Maltepe, Caroline, How to Survive Morning Sickness Successfully, (2013), Motherrisk, ConsumerHealthDigest.com
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.