Broadcaster na si Kara David proud sa pagtatapos ng anak niyang si Julia sa kolehiyo.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Mensahe ni Kara David sa magtatapos na anak sa kolehiyo
- Kara David sa pagiging single mom sa anak na si Julia
Mensahe ni Kara David sa magtatapos na anak sa kolehiyo
Magtatapos na sa kolehiyo ang anak ng broadcaster na si Kara David. Ang magandang balitang ito ay ibinahagi ni Kara sa kaniyang Instagram account kung saan ibinida niya ang larawan ng graduation ng anak noong elementary at ang graduation picture nito ngayon sa kolehiyo.
Si Kara may mensahe rin para sa kaniyang only daughter na si Julia na hindi makapaniwala sa bilis ng panahon. Siya ay very proud sa anak na pinakamagandang nangyari rin sa kaniyang buhay. Syempre ay ipinabatid niya rin dito ang pagmamahal niya at ang pagsuporta niya bilang isang ina.
“Parang kailan lang… ngayon magtatapos ka na ng kolehiyo. So proud of you anak. Masipag, matalino, mapagkumbaba at mapagmalasakit sa kapwa. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa aking buhay.”
“Congratulations Julia Kristiana David Mahal na mahal ka namin at lagi kaming susuporta sa iyo.”
Ito ang sabi pa ni Kara.
Ang anak ni Kara na si Julia ay magtatapos sa kursong Bachelor of Science in Family Life and Child Development sa University of the Philippines Diliman.
Kara sa pagiging single mom kay Julia
Si Kara ay single mom sa anak na si Julia. Pagdating sa academics ay hindi makakailang magkatulad ang mag-ina. Pero nauna ng sinabi ni Julia sa isang panayam na hindi tulad ng kaniyang ina, ay hindi niya papasukin ang mundo ng media.
Dahil siya umano ay mahiyain at hindi gusto na siya ay nakikita sa TV. Magkaganoon man may isang bagay daw siya na nai-enjoy na ginagawa tulad ni Kara. Ito ay pagtulong sa kaniyang kapwa.
“Ever since I was a child, I never liked the feeling of being on TV or being a journalist because I was always shy and reserved. However, even if I don’t see myself becoming a journalist I know for a fact that I yearn to help those in need as much as my mother did.”
Ito ang sabi ni Julia sa isang panayam.
Si Kara ito mismo ang itinuro sa anak habang ito ay lumalaki. At ang values daw na ito ay natutunan niya rin sa kaniyang mga magulang na talagang ninanais niya namang maipasa sa anak.
“Love for country and your fellowmen. Compassion. Striving for excellence. Pursuing your passion and using this God-given talent to help others.”
“Ito rin naman yung mga bagay na itinuro sa amin ng aming magulang. Malaki ang ambag ng aking mga magulang sa aking pagkatao. I’m just passing it on to Julia.”
Pagbabalik-tanaw pa ni Kara, noong maging single mom siya kay Julia akala niya noong una ay hindi niya makakaya. Mabuti na nga lang daw at very supportive ang magulang niya na tinulungan siya sa pagpapalaki sa anak.
Nang dumating si Julia sa buhay niya, pag-amin pa ni Kara may malaking nabago sa pagkatao na. Mula sa pagiging happy-go-lucky siya daw ay mas naging responsable.
“Before I had Julia, I was your happy-go-lucky, live-for-today, free-spirited, daredevil kind of girl. Medyo ganun pa rin naman ako ngayon pero mas maingat na ako. Iniisip ko na mas lalo ang safety ko kasi alam ko may isang umaasa sa akin.”
Maliban pa dito ay mas lumawak daw ang perspective ni Kara sa buhay. Mas lumalim ang kaniyang purpose na gawing mas mabuti at makatao ang mundo para narin sa kinabukasan ng kaniyang anak.
Pag-amin pa ni Kara, dahil sa busy niyang schedule, hindi siya naging present tulad ng ibang regular moms sa paglaki ni Julia. Pero ginawa niya ang lahat para maibigay dito ang pagmamahal niya bilang isang ina at ang makapag-provide sa pangangailangan nito.
Para naman kay Julia, the best pa rin ang kaniyang ina. Dahil sa kabila ng busy na schedule nito ay natutulungan at nagagabayan parin siya nito. Paglalarawan pa nga ni Julia ang inang si Kara ay ang motivational speaker niya.
“Despite being busy all the time, my mom always tried to fix her schedule whenever I needed her help. She’s also my motivational speaker because she constantly reminds me that there is a solution to any problem as long as I am determined enough to solve it.”
Ito ang sabi pa ni Julia sa isang panayam sa kanilang mag-ina sa pahayagang The Philippine Star.
Nitong 2018 si Kara ay ikinasal sa musician na si LM Cancio. Ito ang tumayong pangalawang ama ni Julia mula noon.