Ano ang kaso laban sa kabit?
Kasong kriminal ang adultery at concubinage, ayon sa Philippine Law. May habol ba si misis ( o si mister) na kinaliwa ng kaniyang kabiyak? At ano ang puwedeng kaso laban sa kabit?
“Pagkatapos ng 15 taon, sa kabila ng mga sakripisyo ko, nambabae pa rin ang asawa ko. Gusto kong kasuhan ang kabit niya. Paano ako magsisimula? Ano ang kaso laban sa mga kabit na pwede kong isampa?”
Ito ang hinagpis ng isang misis na gustong ipaglaban ang karapatan niya at ng kaniyang mga anak, at maparusahan ng batas ang sumira ng pamilya niya. Ano nga ba ang kasong pwedeng isampa sa panlolokong ginawa ng iyong mister—o misis?
Ang adultery at concubinage ay mga kasong kriminal na sinasabing “crimes against chastity” sa ilalim ng Revised Penal Code of the Philippines. Ang dalawang ito ay pawang itinuturing na sexual infidelity ayon sa Family Code.
Ayon kay Atty. Ariel Magno, attorney-at-law, may pagkakaiba ang adultery at concubinage. Sa ilalim ng Revised Penal Code, Article 333, ang adultery ay ang pagkakaron ng seksuwal na relasyon ng isang babaeng may asawa, sa isang lalaki na hindi niya asawa. Habang sa ilalim ng naman ng Article 334, concubinage ang kaso na maaaring isampa sa pakikiapid, at pagsasama sa iisang tirahan ng isang lalaking may asawa sa isang babaing hindi niya asawa. Sa batas, concubine ang tawag sa kabit ni mister.
Kaso laban sa kabit ni mister
Ayon kay Atty. Magno, ang asawang babae ay puwedeng idemanda ang kabit ng kaniyang mister (at ang kaniyang mister) sa grounds na concubinage. Paliwanag pa ni Atty. Magno, “Puwede lang ito sa ilalim ng mga sumusunod na kalagayan o circumstances,”:
1. Itinira ni mister sa bahay nilang mag-asawa ang kabit
2. Ibinahay ni mister ang kaniyang kabit; at
3. May “sex under scandalous circumstances” tulad ng nahuli ni misis sa akto na nagtatalik ang mister at ang kabit nito.
Maaari ding mag-demanda si misis para sa damages (moral, at iba pa.) lalo na kapag iniwan ng lalaki ang misis at mga anak niya.
Pagkakaiba ng Adultery at Concubinage
- Ang adultery ay kaso laban sa isang babaing may asawa at sa kaniyang kabit na lalaki. Ang concubinage ay kaso laban sa kabit ng lalaki o concubine, at sa lalaking nagtaksil sa kaniyang asawa.
- Sa adultery, kakailanganin ng ebidensiya ng sexual intercourse at sapat na ito para makapagsampa ng kaso. Sa concubinage, kailangang mapatunayang ang pakikipagtalik ay mapapatunayang nakapag-eskandalo.
- Ang concubinage ay may mas mababang parusa kaysa adultery. Ang parusa sa kabit na babae (concubine) ay destierro, o pagpapalayas mula sa tinitirhan nito kung saan sila nagsasama ng lalaki. Sa adultery, ang parusa para sa lalaking kabit ay pareho ng parusa para sa ‘guilty wife’.
Kaso laban sa kabit
Ang pakikiapid o pangangaliwa ay isa sa mga pinaka-karaniwang dahilan ng pagsasampa ng kaso sa mga mag-asawa, bagamat hindi ito tinuturing na ground for annulment. Ang infidelity ay maaari lamang maging basehan ng legal separation o pagsasampa ng kasong concubinage o adultery. Hindi rin ito pwedeng maging tanging basehan sa usaping kustodiya ng anak o mga anak.
Ang mga batas na nabanggit sa itaas ay sinasabing discriminating para sa mga asawang babae. Para sa adultery, ang babaing nangaliwa at ang kaniyang kabit na lalaki ay maaaring makulong ng hanggang 6 na taon. Para sa concubinage, ang asawang lalaki ay maaaring makulong ng hanggang 4 na taon at isang araw, at ang kaniyang kabit ay pwedeng hindi makulong, at pwede lang mapaalis sa tinitirhan nila ng lalaki.
Kung ang asawang nag-demanda ay nagpatawad sa kaniyang mister na nangaliwa pati sa kabit nito, hindi na pwedeng ituloy ang kaso. Maaaring gumawa ng kasulatan o affidavit na nagsasalaysay ng kapatawaran.
SOURCE:
Atty. Ariel Magno, attorney-at-law
BASAHIN:
Galit na misis, binugbog ng takong ang kabit ni mister!
Mister: “Bakit ko kailangan bigyan ng allowance ang misis ko? E, ako naman gumagastos sa lahat!”
Papatawarin ko ba ang asawa ko kahit sinasaktan niya ako physically?