Kombulsyon kapag nilalagnat: Ano ang dapat gawin?

Kung ang batang walang neurological o developmental na problema ay may mataas na lagnat at biglang nag kombulsyon, ito ay kinokonsiderang febrile seizure.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Paano maiiwasan ang kombulsyon ng bata? Isa rin ba ito sa gumugulo sa isip mo bilang isang magulang? Kung oo, dapat mong basahin ang artikulong ito.

Ano ang kombulsyon?

Ang kombulsyon ay isang episode na kung saan nakakaranas ng paninigas at uncontrolled muscle spasm ang isang tao mayroon o wala man itong malay. Ang muscle spasm na ito ay nagdudulot ng pabigla-bigla at mabilis na paggalaw sa katawan na maaaring magtagal ng isa o dalawang minuto.

Madalas, ang kombulsyon ay nangyayari o naiiuugnay sa epileptic seizures. Subalit maaaring maranasan din ito ng isang tao kahit siya ay walang epilepsy.

Naiuugnay nga rin ito bilang sintomas ng ilang health conditions tulad ng biglang pagtaas ng lagnat, tetanus at napakababang blood sugar.

Bagaman ang kombulsyon ng bata ay nakakabahala para sa magulang, posible itong mawala ng hindi kinakailangan ng anumang gamot para malunasan ito. Hindi rin ito nagdudulot ng iba pang kondisyong may kaugnayan sa kalusugan.

Sa ibang kaso naman, ang bata na kombulsyon ay maaaring makaramdam ng pagkaantok, samantalang ang iba ay walang nararamdamang lingering effect.

Kombulsyon ng mga bata

Sa mga magulang, ang kombulsyon ng bata ay nakakatakot na pangyayari lalo na kung maliliit na bata ang nakakaranas nito.

Subalit maaaring dala lamang ang kombulsyon ng mga bata ng biglaang pagtaas ng temperatura ng kanilang katawan. Ito ay tinatawag na benign febrile convulsions na nararanasan ng isang bata sa tuwing may mataas na lagnat.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ayon kay Dr. Nicole Perreras, isang pediatrician at eksperto sa infectious diseases mula sa Makati Medical Center, ang kombulsyon ay isang reaksyon ng katawan ng bata kapag mataas ang kaniyang lagnat, subalit itinuturing itong emergency at dapat ipaalam agad sa doktor kapag nangyari ito.

“May mga emergency situations na kailangan talagang dalhin ang bata sa ospital, isa na dun kapag kino-kombulsyon kapag nilalaganat.” aniya.

Naapektuhan ng febrile seizure ang mga batang wala pang anim na taong gulang at may temperatura na hindi bababa sa 38°C.

Madalas ito ay nangyayari sa mga batang nasa pagitan ng anim na buwan hanggang limang taong gulang.

Image from Freepik

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sino ang maaaring mag kombulsyon?

Maaaring mangyari ang kombulsyon ng bata kapag sila ay nasa edad 6 na buwan hanggang 5 taong gulang. Karaniwan, may mga sanhi itong genetical at mas prone at di pa kaya ng katawan nila ang biglang pagtaas ng lagnat.

Pinaka karaniwang nangyayari ang kombulsyon ng mga bata sa edad na 15 hanggang 18 buwang gulang (1 hanggang 1 kalahating taon).

Mas madalas magka kombulsyon ng bata kapag:

  • meron ng nakaranas ng kombulsyon sa pamilya o may family history ng febrile convulsion
  • kapag nakaranas na ng isang beses ng pagka kombulsyon ng bata (karaniwan nangyayaring umulit ito sa edad na 1 hanggang 2 taon)
  • kapag kinombulsyon ang bata noong 15 buwan taong gulang pa lamang

Ayon sa Kids Health, ‘di nangangahulugang epilepsy ang kombulsyon ng bata. May kakaunting tiyansa lamang na maging epileptic ang bata dahil sa kombulsyon, o walang direktang kaugnayan ang febrile convulsion sa epilepsy.

Mga uri ng febrile seizure

May dalawang uri ang febrile na kombulsyon, ito ay ang simple febrile seizure at complex febrile seizure.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Simple febrile seizure

Ito ay kombulsyon na hindi tumatagal nang 15 minuto at hindi na uulit pa hanggang sa pag-galing ng impeksiyon.

Ayon sa mga pag-aaral, ito ay nararanasan ng 25 out of 100,000 na bata matapos mabakunahan ng MMR vaccine. Ngunit ito naman ay hindi dapat ikabahala.

Sapagkat ang febrile seizure ay hindi dulot ng bakuna kung hindi ng lagnat na itinuturing na normal na reaksyon ng katawan matapos mabakunahan.

Complex febrile seizure

Ang complex febrile seizure naman ay ang kombulsyon na maaring umulit habang hindi pa gumagaling ang impeksiyon at magtagal nang lagpas 15 minuto.

Para matukoy ang dahilan kung bakit nakakaranas nito ang isang bata ay inirerekumenda ng doktor na sumailalim siya sa electroencephalogram o EEG.

Sanhi ng febrile na kombulsyon

Ang febrile na kombulsyon ay madalas na nangyayari sa mga batang biglaang tumataas ang temperatura. Kadalasan itong nangyayari sa unang araw ng lagnat.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ayon rin kay Dr. Perreras, mayroon talagang mga batang kinokombulsyon kapag nilalagnat, lalo na kung mayroon silang lahi nito o mayroon talagang mga kinokombulsyon sa kanilang pamilya.

Dala ng lagnat ang kombulsyon, at sa mga bata, ang pinakakaraniwang sanhi ng lagnat ay mga viral infections.

Gayunpaman, pinapayo ng doktora na dalhin pa rin sa doktor ang iyong anak kapag kinokombulsyon ito, para matukoy kung ano ang mismong sanhi nito.

“Minsan, benign lang ‘yon o reaksyon lang ng fever, lalo na kung may lahi. Pero syempre, kapag first time seizure o nagkokombulsyon ang bata, maaari ring dahil sa bacterial infection. So emergency ‘yon, hindi pwedeng sa bahay lang. Lalo na kung unang beses na nagkaroon ng kombulsyon ang bata.” 

Dagdaga pa rito, walang tiyak na sanhi ang kombulsyon ng bata. Pero ayon sa mga pag-aaral, naiuugnay ito sa alinmang virus at sa kung paano ang developing brain ng bata ay mag react sa biglang pagtaas ng lagnat.

Bakuna at kombulsyon

Ang febrile seizure na nangyayari matapos tumanggap ng bakuna ay dahil sa mataas na lagnat at hindi sa gamot. Sadyang tumataas ang temperature ng bata matapos bakunahan dahil nilalabanan pa ng katawan ang gamot.

Ayon sa mga pagsasaliksik, mababa ang panganib ng kombulsyon sa isang bata matapos bakunahan.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Hinihikayat ng mga doktor ang mga magulang na kumpletuhin ang bakuna ng isang bata kahit pa magkaroon ito ng febrile seizure matapos ang mga naunang bakuna. Ito ay dahil sa ang panganib na dulot ng mga sakit tulad ng tigdas ay mas malala.

Sintomas ng kombulsyon sa mga bata

May mga panahon na nangyayari ang febrile seizure bago pa malaman ng mga magulang na may sakit ang bata. Ito ang ilan sa mga sintomas na mapapansin kung ang bata ay nakararanas ng febrile seizure:

  • Tumitigas ang katawan
  • Kumikibot o nanginginig ang mga braso at binti
  • Maaaring mahirapan huminga
  • Nawawalan ng malay
  • Hindi makontrol ang pag-ihi at pagdumi
  • Pagsusuka o pagbula ng bibig
  • Maaaring umikot o tumirik ang mga mata
  • Nakatingin lang sa itaas o hindi makatingin ng diretso sa kumakausap
  • Maaaring maiyak o humalinghing

Kadalasan na tumatagal ang kombulsyon nang ilang minuto lamang. At maaaring makakaramdam ng pagkaantok ang bata hanggang isang oras.

Samantala, sa complex febrile seizure, mas tumatagal ang kombulsyon at isang bahagi lamang ng braso at binti ang kumikibot o kusang gumagalaw.

Ayon kay Dr. Perreras, magkakaiba rin ang senyales ng kombulsyon sa mga bata. Maaring mapansin sa kaniya ang isa lang sa mga sintomas ng nabanggit. Payo niya, para makasiguro, mas mabuting kumonsulta sa doktor kapag napansin ang mga sintomas na ito.

“When in doubt, I suggest you take a video and send it to your pediatrician,” aniya.

Anong dapat gawin kung nagkokombulsyon ang bata

Kusang nawawala ang febrile seizure matapos ang ilang minuto. Ngunit may mga hakbang na maaring gawin ang mga magulang upang masiguro ang kaligtasan ng anak habang nakakaranas nito.

Ito ang mga kailangang gawin ng magulang habang nangyayari ito:

  • Itagilid ang bata nang hindi malunod sa suka. Pinapaluwag din ng posisyon na ito ang paghinga at iniiwas sa mas malalang pinsala.
  • Orasan kung gaano katagal ang seizure.
  • Luwagan ang damit ng bata.
  • Huwag pigilan ang pagtigas o panginginig ng katawan nito.
  • Nais ipaalala ng mga eksperto na huwag maglalagay ng kahit ano sa bibig ng bata. Maaari kasing mabasag ang ngipin nito at mapunta sa baga ang basag na ngipin. Hindi rin posible na malunok ang dila.

Dagdag pa dito, hindi man delikado ang kombulsyon ng bata ay maaari pa ring itakbo sa ospital ang inyong anak kapag naranasan niya ito.

First aid sa kombulsyon ng bata

Habang hinihintay ang tinawag na ambulansya sakaling mangyari ang kombulsyon, narito ang mga dapat gawin at first aid sa kombulsyon ng bata:

  • Ihiga sa sahig na may sapin, sa recovery position, ang inyong anak. Alisin lahat ng alinmang bagay na malapit sa kanya.
  • Luwagan ang anomang suot na damit sa area ng leeg at ulo.
  • Huwag subuking lagyan ng anomang bagay ang bibig ng inyong anak tulad ng gamot. Huwag ring pigilan ang pagka kombulsyon ng bata. Unless, ito ang ipayo sa inyo ng pediatrician.
  • Kapag sumuka ang bata, ihiga sila ng patagilid at linisin ang bibig.
  • Huwag subukang hawakan o pigilan ang paggalaw ng katawan habang nangyayari ang kombulsyon.

Laging tandaan, huwag mataranta kapag inaatake ng kombulsyon ang inyong anak. Tiyakin na magawa agad ang first aid sa kombulsyon ng bata habang hinihintay ang paghahatid sa ospital.

Pabalik-balik na febrile seizure

Image from Freepik

Isa sa tatlong bata ang nagkakaroon ng febrile seizure wala pang isang taon matapos ang kombulsyon. Madalas itong nangyayari kung:

  • Ang unang febrile seizure ay nangyari bago mag 18 buwan na gulang ang bata
  • Ang unang febrile seizure ay nangyari nang mababa ang lagnat
  • Nagkaroon na ang bata ng complex febrile seizure
  • Ang bata ay maaaring nakikihalubilo sa ibang bata na may impeksiyon
  • May family history ng kombulsyon
  • May family history ng epilepsy

Ang komplikasyon at pangmatagalan na epekto ay bihirang nangyayari. Ang simple febrile seizure ay hindi nagiging dahilan ng pinsala sa utak, problema sa pagaaral o iba pang sakit.

Febrile seizure at epilepsy

Ang febrile seizure at epilepsy seizure ay magkaiba. Nangyayari ang kombulsyon ng epilepsy kahit walang lagnat. Ang posibilidad na magkaroon ng epilepsy dahil sa febrile seizure ay mababa.

Maaaring epilepsy ang nararanasan kung:

  • Nakakaranas ng neurological abnormalities ang bata.
  • May developmental delay bago pa magka-febrile seizure.
  • May family history ng epilepsy.
  • Ang kombulsyon ay kakaiba.
  • Ang kombulsyon ay nangyari bago ang isang oras na may lagnat.

Paano maiiwasan ang pagka kombulsyon ng bata

Hindi inirerekumenda ng mga doktor ang pagpapa-inom ng anti-seizure na gamot para sa febrile seizure. Ito ay dahil walang panganib na dulot ang ferbile seizure kumpara sa maaaring epekto na dulot ng gamot.

Ang dapat lang tandaan ng mga magulang kung paano maiiwasan ang pagkakombulsyon ng bata ay i-manage ng maayos ang mataas na lagnat. Sundin ang mga payo ng pediatrician hinggil sa pagma-manage ng mataas na lagnat ng bata.

Maaaring ito ay sa pamamagitan ng pagpapainom ng gamot sa lagnat, pagpupunas sa katawan ng bata at paglalagay sa kaniya sa well-ventilated na lugar. Sikaping nakakahinga ng maayos ang bata kapag nilalagnat.

Subalit kapag nakaranas ng kombulsyon ang bata, huwag mag-atubiling dalhin agad siya sa doktor, lalo na kung unang beses mangyari ito sa iyong anak.

Kung mayroon kang napapansing kakaiba sa ikinikilos ng iyong anak habang siya ay nilalagnat o may sakit, huwag mahiyang tumawag sa inyong doktor. Makinig at i-take note ang mga dapat gawin kung paano maiiwasan ang susunod na pagka kombulsyon ng bata.

Nakakamatay ba ang kombulsyon?

Ang kombulsyon ay naiiugnay sa epilepsy. Ang epilepsy ay maaaring makamatay sa sinomang may malalang kondisyon na ito. Pero, tandaan pa rin na maliit lamang ang tiyansa ng pagiging epileptic ng bata kapag nakakaranas ng paulit-ulit na kombulsyon.

Dahil dito, maaaring HINDI ang sagot kung nakakamatay ba ang kombulsyon.

Ayon sa NIH, karamihan ng kaso ng kombulsyon ng bata ay maikli lamang at hindi nagdudulot ng matagalang damage sa bata. Ngunit, may mga kaso ng biglaang pagkabagok ng ulo at serious head injuries na nagiging sanhi ng kamatayan. Ito ang naiuugnay na haka kung nakakamatay ba ang kombulsyon.

 

Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.