Lady pills paano inumin? Isa ang lady pills sa mga kilalang contraceptive pills sa Pilipinas. Anu-ano nga ba ang benepisyo at side effects ng pag-inom ng lady pills? Paano ang tamang pag-inom ng lady pills? Alamin dito!
Lady pills paano inumin? Ano ang Lady Pills
Ang Lady pills ay isa sa mga contraceptive pills na ginagamit ng karamihan sa mga babaeng Pilipino. Ito ay dahil maliban sa mura ito sa halagang P50.50 kada pakete ay marami ang babaeng nagsasabing hiyang sila sa paggamit nito. Dagdag pa na mabibili ito sa mga drugstores o botika sa buong bansa.
Kung titingnan at kung pagbabasehan ang presyo ay maihahalintulad ang Lady pills sa Trust pills. Una, dahil pareho ang manufacturer ng dalawang pills.
Pangalawa, tulad ng Trust pills ito ay isang combined oral contraceptive na mayroong 28 piraso ng pill sa isang pakete. Ito ay may 21 active beige tablet pills na may taglay na levonorgestrel 150 mcg at ethinyl estradiol, 30 mcg. Habang ang 7 white tablet pills naman nito ay nagtataglay ng 40 mg na lactose.
Pareho rin ang active ingredient na taglay ng Trust at Lady pills. Sila’y may taglay ng dalawang active ingredient. Ang isa ay ang ethinyl estradiol, isang synthetic version ng estrogen at levonorgestrel na artificial form naman ng hormone na progestin.
May dalawang bagay lang na pinagkaiba ang dalawang pills. Una ang dosage ng hormone na levonorgestrel sa Lady pills ay mas mataas ng 25 microgram sa Trust pills. May taglay ring iron ang Trust pills habang lactose naman ang taglay ng Lady pills.
Ang Lady pills ay ginagamit bilang contraception at panggagamot sa menstrual disorders tulad ng dysmenorrhea, premenstrual syndrome, at menorrhagia.
Tinuturing din itong emergency contraceptive pills kung saan maaari nitong mapigilan ang pagbubuntis kapag nainom sa loob ng 72 hours matapos ang unprotected sex.
Lady pills paano inumin? Ano ang side effect ng lady pills?
Ano ang side effect ng lady pills? Ang oral contraceptive pills ang isa sa mga inaral at sinaliksik mabuti sa kasaysayan ng modern medicine, at matagal nang itinatag ang kaligtasan ng pag-inom nito. Pero tulad ng iba pang oral contraceptive pills, mayroon ding side effects ang pag-inom ng lady pills. Narito ang ilan sa mga lady pills side effects tagalog na posibleng maranasan ng iinom nito.
Lady pills side effects tagalog
Ilan sa mga lady pills side effects na pwedeng maramdaman ng babaeng umiinom nito ay:
- Pananakit ng ulo
- Pananakit ng tiyan
- Pagduduwal
- Pagsusuka
- Pananakit ng puson
- Pagbabago sa appetite
- Breast tenderness
- Pagbabago sa timbang
- Libido o kawalan ng gana sa sex
- Depressive moods
- Problema sa atay
Karamihan ng kababaihan na nagamit nito ay hindi naman nagkakaroon ng problema kahit matagal nang umiinom ng pills. Pero maaari pa ring mag-abiso ang mga doktor para sa kaligtasan at panganib ng matagalang gamit ng birth control ayon sa iyong medical history.
Gayunpaman, karamihan sa long-term birth control methods ay naglalaman ng hormones, at maaaring magdulot ng mga problema sa isang tao.
Depende ito sa medical history, edad, at pangkabuoang kalusugan. Maaaring mag-abiso ang doktor sa ilang pasyente ng mga pills na dapat iwasan.
Kung ang birth control pill ay nagdulot ng mga side effects, magpakonsulta sa doktor at magpalit ng pills hanggang sa mahanap ang pills na hiyang sa’yo.
Benepisyo ng pag-inom ng Lady pills
Lady pills paano inumin? Ang tamang pag inom ng lady pills ay nakapagdudulot ng iba’t ibang mabuting epekto sa katawan ng babae. Bukod sa ito ay birth control pills, mayroon din itong benepisyo sa kalusugan ng babae. Narito ang ilan sa mga benepisyo ng tamang pag inom ng lady pills:
Tulad ng ibang pills ang Lady pills ay ginagamit upang mapigilan ang pagbubuntis. Umeepekto ito sa pamamagitan ng pagpigil sa ovary ng babae na mag-release ng egg cell. Pinapakapal din nito ang vaginal fluid ng babae na hinaharangan at pinipigilan din ang sperm cell ng lalaki na marating at ma-meet ang egg cell ng babae. Binabago rin nito ang lining ng uterus ng babae dahilan upang hindi kumapit dito ang fertilized egg at pagsimulan ng pagbuo ng sanggol.
Iniibsan ang sakit na dulot ng dysmenorrhea
Maliban sa mga ito ay ginagawa rin nitong regular ang monthly period ng isang babae. Iniibsan din nito ang sakit na dulot ng regla o dysmenorrhea.
Pag-iwas na magkaroon ng ovarian cysts
Binabawasan din nito ang tiyansa ng isang babae na magkaroon ng ovarian cysts at nilulunasan ang acne.
Pinakikinis ang balat
Dagdag pa ng users ng Lady pills napansin nilang mas kuminis ang balat nila habang ginagamit ito. At mas lumaki ang kanilang suso.
Gamot sa pcos
Ang ganitong pills ay ginagamit din bilang gamot sa mga sakit tulad ng polycystic ovary syndrome (PCOS) at endometriosis o uterine fibroids. Sinasabing nakakapagpababa rin ito ng risk sa pagkakaroon ng ovarian cancer, uterine cancer, at colon cancer.
Sa mga nabanggit na benepisyo ng pag-inom ng pills na ito, mahalaga rin na tandaan na ang paggamit ng contraceptive na ito ay hindi nagbibigay ng garantiya na maproprotektahan ang isang babae sa pagkakaroon ng sexually transmitted disease.
BASAHIN:
Trust pills: Benepisyo, side effects at presyo
10 na maling paniniwala tungkol sa pag-inom ng contraceptive pills
Contraceptive pills, mabisa bang gamot para hindi mabuntis?
Lady pills paano inumin? Tamang pag-inom ng Lady pills
Ang tamang pag-inom ng Lady pills ay dapat simulan sa unang araw ng regla o menstruation ng isang babae. Saka tuloy-tuloy na inumin ito araw-araw at hanggat maari sa parehong oras.
Ang regla ay maaring dumating dalawang araw matapos inumin ang kulay beige na tablet pills. At kailangang magsimula ng panibagong pakete sa oras na maubos na ang huling puting tablet pill.
Kung sakali namang malimutang uminom ng isang pill sa oras ay agad na inumin ang missed pill kapag ito ay iyong naalala. Dapat ito ay hindi lalagpas ng 12 oras mula sa scheduled time ng iyong pag-inom.
Saka inumin ang sumunod na pill sa parehong oras. Nangangahulugan ito na maaring uminom ng dalawang pill sa isang araw. Siguraduhin lang na ang mga susunod na pill ay iinumin sa parehong oras na araw-araw.
Sa oras naman na makalimutan mong uminom ng dalawang active pills sa una o pangalawang linggo ng pag-inom ng Lady pills ay uminom ng tig-dalawang pills sa isang araw sa loob ng dalawang araw na magkasunod.
Saka ipagpapatuloy ang pag-inom ng mga natirang pills ng isa kada araw sa parehong oras. Mas makakabuti ring gumamit ng back-up birth control method tulad ng condom sa mga susunod na pitong araw para makasigurado.
Kung nakalimot namang uminom ng 3 active beige pills ay agad na komunsulta sa iyong doktor ng dapat gawin. Dahil maaaring ipagpatuloy mo ang pag-inom ng pills sa mga susunod na araw.
O kaya naman ay kailangan mo ng itapon ang tirang pills at magsimula ng panibagong pakete. Ito ay nakadepende sa araw na sinimulan mo ang paggamit ng Lady pills.
Sa ganitong pagkakataon, mas mabuting umiwas munang makipagtalik o gumamit ng back-up contraceptive method tulad ng condom.
Lady pills paano inumin? Sino ang maaaring gumamit nito
Ang paggamit ng levenorgestrel at ethinyl estradiol pills ay nakakapagpataas ng panganib sa pagkakaroon ng blood clots, stroke at heart attack.
Lalo na kung ikaw ay mayroong high blood pressure, diabetes, high cholesterol, o kung overweight. Mataas ang panganib ng stroke o blood clot sa unang taon ng pag-inom ng birth control pills. Mataas din ang panganib nito kapag muling gumamit nito matapos huminto ng apat na lingo o higit pa.
Kaya naman mahalagang kumonsulta muna sa iyong doktor bago uminom nito gayundin bago ihinto ang paggamit nito.
Lady pills paano inumin? Mga dapat tandaan sa pag-inom ng lady pills
Huwag gumamit kapag naninigarilyo.
Mas mataas ang panganib ng pagkakaroon ng blood clots, stroke at heat attack kung ikaw ay naninigarilyo. Mas tumataas ang panganib habang tumatanda at habang lumalakas sa paninigarilyo. Huwag gumamit ng combination birth control pills kung ikaw ay naninigarilyo at nasa higit 35 taomng gulang.
Huwag gumamit kung buntis.
Tigilan ang paggamit ng pills kapag buntis o magsabi agad sa doktor kapag napag-alaman na buntis o hindi dinatnan ng menstruation ng dalawang beses. Kung ikaw naman ay bagong panganak, maghintay muna ng apat na lingo bago ulit gumamit ng pills.
Huwag ding gumamit ng birth control pills kung ikaw ay may:
- Hindi nagamot o nacontrol na high blood pressure;
- Sakit sa puso;
- Circulation problems (lalo na kung dahil sa diabetes);
- History ng hormone-related cancer, o breast cancer, uterus/cervix, o vagina;
- Hindi pangkaraniwan na pagdudugo na hindi pa napapakonsulta sa doktor;
- Sakit sa atay o liver cancer;
- Umiinom ng gamot para sa Hepatitis C na may ombitasvir/paritaprevir/ritonavir (Technivie).
Ang paggamit din ng pills na ito ay nakakapagpababa ng produksyon ng gatas kaya’t huwag magpasuso habang umiinom ng pills na ito.
Lady pills paano inumin? Iba pang dapat tandaan
Ang Lady pills ay maari ring gamitin bilang emergency contraceptive. Ngunit para mas magabayan tungkol dito mas mabuting magtanong muna sa iyong doktor.
Dahil ang pills na ito ay hindi maaaring basta inumin ng isang babae. Lalo na ang mga nagpapasusong ina, may varicose veins at blood clot history sa pamilya. Pati na ang may mga sakit tulad ng diabetes, hypertension, liver disease, breast at cervical cancer.
Kaya bago gumamit ng contraceptive na ito ay makipag-usap muna sa iyong doktor. Dahil siya lang ay may sapat na kaalaman sa tamang paggamit nito na angkop sa katawan at kalusugan mo.
Nakakataba ba ang lady pills
Narinig mo na rin siguro ang ilang sabi-sabi na nakakataba ang pag-inom ng contraceptive pills. Ngunit ayon sa artikulo ng Healthline na may pamagat na “Oral Birth Control and Weight Gain: What You Need To Know,” maraming pag-aaral ang tumataliwas sa kaalaman na ang birth control pills ay nagdudulot ng weight gain o pagtaba.
Ang pagdagdag ng timbang sa mga babaeng umiinom ng hormonal birth control ay temporary o pansamantala lamang at ito ay posibleng dahilan ng water retention sa katawan at hindi actual weight gain.
Nakakataba ba ang lady pills?
Ayon sa mga pag-aaral na nabanggit ng Healthline sa kanilang artikulo, limitado umano ang evidence na may kaugnayan ang birth control pills sa pagdagdag ng timbang. Ano mang weight gain sa unang linggo o buwan mula nang uminom ng birth control pills ay karaniwang dahil lamang sa water retention sa katawan at hindi ito pagtaba o actual fat gain.
Karagdagang ulat mula kay Shena Macapañas
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!