Maling pag inom ng pills at iba pang maling paniniwala tungkol sa paggamit ng contraceptives, alamin rito.
Para sa mga mag-asawa na hindi pa handang magka-anak o wala pang balak sundan ang kanilang anak, mahalaga na magkaroon ng contraceptive o birth control method para masigurong hindi magbubuntis si misis.
Dito sa Pilipinas, isa sa mga pinakakaraniwang paraan ng para makaiwas ang isang babae na mabuntis ay ang pag-inom ng contraceptive pills.
Subalit napakaraming sabi-sabi at paniniwala tungkol rito na maaring magdala ng pangamba ng takot o pangamba sa mga gagamit nito.
Nakakataba raw ito, o kaya naman nagdudulot ng malulubhang sakit. Subalit mayroon bang katotohanan ang mga haka-hakang ito?
Sa article na ito, tatalakayin natin ang mga myths o maling paniniwala tungkol sa pag inom ng contraceptive pills. Pero bago ‘yan, alamin muna natin kung ano ang contraceptive pills.
Ano ang contraceptive pills?
Ayon sa isang naunang article, ang contraceptive pills o birth control pills ay mga gamot na naglalaman ng mga hormones na tumutulong para mapigilan ang pagbubuntis.
Dito sa Pilipinas, mayroong dalawang klase ng contraceptive pills na pwedeng gamitin – ang mga pills na naglalaman ng mga hormones na estrogen at progesterone o tinatawag na combination pills, o iyong progestin only pills.
Ang pangunahing trabaho ng pills ay ang pigilan ang fertilization, o ang makarating ang sperm ng lalaki sa itlog ng babae.
Pinipigilan rin ng mga hormones na nasa loob ng pills na mag-ovulate ang babae at pinapalapot ang mucus sa cervix para mahirapang makadaan ang sperm papunta sa fallopian tube ng babae.
Ayon sa website ng Planned Parenthood, kung gagamitin ng tama at hindi magmimintis sa pag-inom, may 99 porsiyento na mabisa ang contraceptive pills sa pag-iwas sa pagbubuntis.
Pero ano nga ba ang tamang pag-inom ng contraceptive pills? Malalaman natin ‘yan habang inaalam natin ang mga maling paniniwala tungkol sa contraceptive pills.
Misconceptions tungkol sa pag inom ng contraceptive pills
Larawan mula sa Unsplash
1. Nakaka-cancer ang pag-inom ng pills.
Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit maraming babae ang natatakot na gumamit ng contraceptive pills ay dahil natatakot silang magka-cancer o magkaroon ng malubhang sakit dahil dito.
Totoo naman na maaring mapataas ng paggamit ng birth control pills ang posibilidad ng ilang uri ng cancer gaya ng breast cancer at cervical cancer.
Sa isang pag-aaral noong 2010, natuklasan na mas mataas ang posibilidad ng mga babaeng gumagamit ng oral contraceptives sa pagkakaroon ng breast cancer.
Subalit karamihan sa mga nakitaan ng increased risk ay ang mga babaeng gumamit ng triphasic pill, na mayroong tatlong magkakaibang hormones sa isang gamot, sa loob ng isang ovulation cycle. Maaring mas mababa ang posibilidad nito sa ibang pills na dalawang hormones
Gayunpaman, nakakatulong rin naman ang birth control pills na mabawasan ang posibilidad ng ibang cancer. Mayroon ring mga pag-aaral na nagsasabing ang pag-inom ng oral contraceptives ay nakakatulong para maiwasan ang:
2. Makakaiwas ka sa STI kapag uminom ka ng pills.
Ang mga contraceptives na barrier method ay maaring makatulong para makaiwas sa sexually transmitted infections (STI). Isang halimbawa nito ay ang condoms. Subalit hindi pa rin nito tuluyang inaalis ang posibilidad na magkaroon ka ng STI.
Anumang birth control method na hindi naglalagay ng harang sa pagitan ng ari ng mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan laban sa STI. Ang pinakamabisang paraan para hindi magkaroon ng sexually transmitted infections ay iwasang makipag-talik sa isang taong may STI.
3. Ang paggamit ng pills ay nagdudulot ng abortion.
Dito sa Pilipinas, isang krimen ang abortion o boluntaryong paglaglag ng sanggol sa sinapupunan.
Paniniwala ng ibang anti-abortion groups, ang paggamit ng oral contraceptives, lalo na ang hormonal birth control, ay nagdudulot ng abortion. Pero walang katotohanan ang claim na ito.
Upang mas maintindihan ng mabuti, dapat tandaan na nabubuo laman ang fetus kapag mayroon nang implantation, o ang embryo ay pumupunta na sa uterus. Dito pa lang nagsisimula ang pagbubuntis.
Lahat ng klase ng hormonal birth control ay gumagana sa pamamagitan ng pagpigil sa ovulation. At ang ovulation naman ay pumipigil sa pagkakaroon ng ovulation.
Larawan mula sa Pexels
4. Nakakataba ang pag-inom ng pills.
Isa sa madalas nating marinig tungkol sa paggamit ng birth control pills ay nakakataba raw ito.
Sa iilang kaso, maaring may katotohanan ang paniniwalang ito. May mga babae na nadadagdagan ang timbang kapag nagsimula silang uminom ng pills. Subalit ito ay isang panandaliang side effect lamang na sanhi ng fluid retention, at hindi karagdagang fat sa katawan.
Ayon sa review ng 44 na pag-aaral, wala namang nakitang matibay na ebidensya sa claim na nagdudulot ng pagtaba o pagbigat ng timbang ang paggamit ng birth control pills. At gaya ng ibang side effects na inaasahan sa paggamit ng oral contraceptives, hindi naman malaki ang pagdagdag ng timbang at nawawala rin ito sa loob ng 2 hanggang 3 buwan.
Kung isa ka sa mga babaeng nakapansin ng pagtaba pagkatapos o habang gumagamit ng pills, kumonsulta sa iyong doktor. Maari siyang magbigay ng ibang klase ng birth control pills na may mas mababang dose at mas hiyang para sa’yo.
5. Ang pag-inom ng pills ay nakakasira ng fertility ng isang babae
Ayon kay Dr. Gergen Marie Lazaro-Dizon o Dr. Gergen, isang OB-gynecologist at Infertility Specialist mula sa Makati Medical Center, maaring umabot ng ilang buwan para bumalik sa normal ang menstrual cycle ng isang babae pagkatapos niyang gumamit ng oral contraceptives.
Subalit wala namang ebidensya na nagsasabing nagdudulot ang pag-inom nito ng problema kapag gusto na niyang magbuntis.
Ang infertility o kakulangan ng kakayahan para mabuntis ay karaniwan sa mga babae, lalo na habang tumatanda sila. Tinatayang 12 hanggang 13 porsyento ng mag-asawa ang nahihirapang magkaanak.
Paano mo nga ba masasabing mayroong problema sa pagbubuntis ang isang babae, o ang mag-asawa? Pahayag ni Dr. Gergen,
“Actually para sabihin mong hirap ang mag-asawa to conceive, dapat one year of trying o one year na nagta-try. Hindi mo pipilitin, hindi mo sasadyain.
Dapat one year kayong magkasama at nag-iintercourse kayo ng madalas. Kapag walang pagbubuntis, dun mo iisipin na may problema kayo.”
Sa isang isinagawang pag-aaral noong 2011, ikinumpara ang pregnancy rates ng mga babaeng gumamit ng birth control pills at mga babaeng hindi pa nakakagamit nito. Lumabas sa pag-aaral na halos pareho lang ang pregnancy rates ng dalawang group.
Kaya naman hindi totoo ang paniniwala na may kinalaman ang pag inom ng pills sa pagkakaroon ng infertility.
6. Pwede kang huminto at magsimulang gumamit ng pills anumang oras.
Taliwas sa akala ng marami, hindi basta-basta ang paggamit ng birth control pills. Ang maling pag inom ng pills ay maaring magdulot ng mga side effects, komplikasyon sa iyong kalusugan, at nababawasan ang bisa ng gamot.
Tamang paraan ng paggamit ng oral contraceptives
Ayon kay Dr. Arlene Ricarte-Bravo, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, makakabuti na kumonsulta muna sa doktor para maireseta sa’yo ang birth control pills na babagay sa ‘yo.
“‘Yong mga OB-Gyne na kokonsultahin mo, tine-tailor fit ‘yan based on ano ba yung edad mo, ano ‘yong mga acitivity mo, at ano ang mga comorbidities mo, like may hypertension ka ba o diabetes ka ba,” aniya.
Payo ng doktora, mas makakabuti kung aantayin mo muna ang unang araw ng iyong monthly period bago ka magsimulang gumamit ng pills.
“When we are talking about combination pills, as long as sigurado ka na hindi ka buntis pwede mag-start anytime.
Pero kung hindi ka sigurado o pwede kang maging buntis o meron kang sexual activity 2 weeks before tapos hindi ka pa nagkakaroon ng menstruation, ang mas maganda hintayin mo muna ‘yung buwanang dalaw mo tapos doon ka magsimula.
During the period, hindi mo na hihintayin na matapos ang period mo.”
Kung gusto mo namang magbuntis, hindi rin pinapayo na ihinto mo na lang basta-basta ang paggamit ng pills. Ito ay dahil magugulo ang iyong cycle at mas mahihirapan kang malaman kung kailan ka nag-oovulate. Ani Dr. Gergen,
“First of all, kailangan mong i-document kung kailan ka naging pregnant. Iyong aging ng pregnancy kailangang malaman ‘yon. So magugulo kung sa middle i-stop mo ang pagte-take ng pills.”
Ayon sa doktora, mas mabuting tapusin mo muna ang isang pack o isang cycle ng pills bago ka magdesisyon na tumigil at subukang magbuntis.
7. Hindi pwedeng gumamit ng pills ang breastfeeding moms.
Bagamat ang pagpapadede (exclusively breastfeeding, ibig sabihin ay sa’yo lang nagdedede si baby sa loob ng anim na buwan) ay isang epektibong natural contraceptive sa unang anim na buwan, nababawasan ang bisa nito kapag nagsimula nang kumain ng solid food si baby o kaya uminom na siya ng formula milk.
Kung ganoon, pwede bang gumamit ng pills ang nagpapadedeng ina?
Oo. Pero dapat ay kumonsulta muna siya sa kaniyang OB-GYN para mabigyan siya ng tamang birth control pills na pwede niyang inumin kahit nagpapadede siya.
Bagamat hindi naman nakakasama sa sanggol ang estrogen na nasa combination pills, maari itong maka-apekto sa iyong milk supply. Ito ang dahilan kaya mas inirerekomenda sa mga breastfeeding moms ang progestin-only pills.
Tinanong rin namin si Dr. Maureen Laranang, isang OB-Gynecologist kung kailan dapat magsimulang uminom ng pills ang isang babae pagkatapos manganak. Narito ang pahayag niya:
“Depende kasi ‘yong pag-start ng contraceptive sa choice na gagamitin. Kung ang choice ni mommy iyong nagcocontain ng progestin like progestin-only pills and nagbrebreastfeed sila, puwedeng immediately after giving birth and pwede rin any time after birth.
Kapag naman combined oral contraceptive o combination siya ng estrogen at progesterone, kung hindi nagbrebreastfeed puwede ito ibigay at least 3 to 4 weeks after giving birth. Kung nagbrebreastfeed naman siya puwedeng after 6 months ibigay kung saan ang main food niya ay hindi na milk.
Kapag partially nagbrebreastfeed like alternate iyong breastfeed at bottlefeed, pwede nang ibigay 6 weeks after birth.”
8. Nakakahina ng sex drive ang pag-inom ng pills.
Larawan mula sa iStock
Mayroon ring mga nagsasabi na nakakakapagpababa raw ng libido o sex drive, pati na rin ng sexual pleasure sa mga babae ang pag-inom ng oral contraceptives.
May mga ulat mula sa mga gumagamit ng pills na nakakaranas sila ng pagbaba ng kanilang sex drive, pero mayroon ring nakapansin na tumaas lalo ito.
Gayunpaman, wala namang sapat na ebidensya ang nagpapatunay na may epekto ang paggamit ng birth control pills sa sex drive o libido ng isang babae.
9. Ang pag-inom ng pills ay nagdudulot ng blood clot, stroke at iba pang sakit.
Mayroong talagang kakabit na risks ang paggamit ng hormonal birth control, pero hindi naman ito nag-a-apply sa lahat. May mga tao na nagtataglay ng risk factors na nagdudulot ng komplikasyon sa paggamit.
Halimbawa, ang mga taong edad 35 pataas, naninigarilyo at may history ng sakit sa puso ay may mataas na posibilidad na magkaroon ng blood clot o stroke kapag gumamit sila ng pills. Gayundin sa mga taong obese at madalas makaranas ng migraines.
Ito ang dahilan kung bakit dapat munang kumonsulta sa iyong doktor bago magsimulang gumamit ng birth control pills.
Minsan maaring makaranas ang babae ng pagnipis ng buhok at pananakit ng ulo kapag umiinom ng pills. Pero gaya ng pagtaas ng timbang, ito ay mga panandaliang side effects lamang at nawawala rin sa loob ng 2 o 3 buwan.
Kapag nakaranas ng mga hindi kanais-nais na epekto habang gumagamit ng oral contraceptives, ipagbigay-alam agad ito sa iyong OB-GYN.
10. Kapag tumatanda na, hindi na kailangan ng birth control pills.
Maraming nag-aakala na hindi na sila mabubuntis kapag nagkaka-edad na sila ay nagiging irregular na ang kanilang period. Maaring nababawasan nga ang tiyansa ng pagbubuntis ng isang babae pagdating ng edad na 35. Subalit hanggang naranasan na nila ang menopause at umabot na ng 12 buwan na walang monthly period, posible pa rin silang magbuntis.
Maraming tao ang natatakot gumamit ng birth control pills dahil sa mga naririnig nilang masamang epekto nito. Subalit bagamat tulad ng ibang gamot, mayroon talagang risks ang paggamit nito, pero karamihan sa mga sinasabing panganib ay wala namang sapat na basehan.
Kaya naman kung iniisip mong gumamit ng oral contraceptives, huwag gawin ito nang walang payo at pahintulot ng iyong OB-GYN. Kumonsulta muna sa iyong doktor upang malaman ang uri ng contraceptive na bagay sa’yo.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!