Bakit nga ba nagsusuka ang baby? Lungad lang ba ito? Kailan nga ba ito normal para sa mga newborn, at paano maiiwasan ang paglungad ng sanggol? Alamin rito.
Ang sanggol na naglalabas ng lungad o spit out milk palagi ay maaaring maging dahilan ng pagkabahala ng mga first-time parents. Iniisip nila na nakakasama ito o maaaring magdulot ng sakit sa kanilang baby.
Subalit kailangan nga bang ipag-alala ang paglungad ng isang sanggol?
Ayon sa WebMD, ang infant reflux, lungad o paglabas ng kaunting gatas pagkatapos magdede ay karaniwan sa mga sanggol sa kanilang unang tatlong buwan.
Mayroon kasing muscle sa pagitan ng ating tiyan at esophagus kung saan unang napupunta ang laman ng tiyan ng sanggol. Habang hindi pa ito nagma-mature, tulad ng kaso sa mga newborn at maliliit na sanggol, mailalabas talaga uli ng esophagus ang gatas, lalo na kung busog na ang baby.
Bagama’t madalas itong makagulat sa mga magulang, hindi naman nakakaapekto ang paglungad sa kalusugan ng iyong sanggol. Hangga’t kumportable ang bata, hindi balisa, dumedede nang maayos at nagdadag ng sapat na timbang, hindi ito dapat ikabahala.
Talaan ng Nilalaman
Bakit nagsusuka ang baby? Ano ang pagkakaiba nito sa lungad?
Para sa mga bagong magulang, maaring mahirap makitang lumulungad ang kanilang newborn dahil iniisip nila na nagsusuka ito.
Subalit ayon kay Dr. Ruth Alejandro, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, mayroong pagkakaiba ang paglungad sa pagsusuka.
“Ang lungad halos lahat ng baby naglulungad at some point, normal siya from 6 weeks old up to 6 months.
Ang difference is ang lungad wala siyang kasamang discomfort, it’s a passive event. Whereas ang pagsusuka mayroong kasamang discomfort, masakit sa tiyan at sa lalamunan ng baby.” aniya.
Ang pagkakaroon ng lungad ay ang pagdaloy ng laman ng tiyan ni baby papunta sa bibig, na kadalasang sinusundan ng pagdighay.
Sa kabilang banda, ang pagsusuka naman ay ang malakas na paglabas ng laman ng tiyan—mas madami ito kaysa lungad. Ito ay dala ng madiing paninigas ng abdominal muscles at ng diaphragm habang naka-relax ang tiyan, at isang reflex action lang.
Ito ang ilang posibleng sanhi ng pagsusuka ng newborn baby:
- Car sickness
- Indigestion
- Labis na pag-iyak
- Pag-ubo
- Sipon
- Ear infection
- Food allergy
- Urine infection
Paano maiiwasan ang paglungad?
Bagamat ang lungad ay natural lang hangga’t hindi pa gaanong mature ang tiyan ng sanggol, mayroon ka namang pwedeng gawin bilang magulang para maiwasan o mabawasan ito.
Narito ang tips para sa baby na mahilig maglungad:
1 – Pagkatapos ng feeding ni baby, kargahin siya ng patayo hanggang 30 minuto, para matulungan siyang mapababa ang ininom na gatas.
2 – Iwasan ang anumang pressure sa tiyan niya pagkatapos ng feeding, kaya’t huwag siyang ilagay sa car seat o padapain pagkatapos ng feeding.
3 – Ang National University Hospital of Singapore (NUH) ay nirerekumenda ang pagpapadighay sa bata pagkatapos ng bawat feeding, sa loob ng 30 minuto.
Minsan kailangan ding sa kalagitnaan ay padighayin, lalo kung madami na siyang nainom, para mailabas ang hangin sa tiyan na pumapasok habang dumedede.
Step 4 – Iwasan ang active play o paglalaro sa loob ng 20 minuto pagkatapos dumede ng sanggol. Kapag masyadong excited si baby, lalo ‘yong tawa ng tawa, nagiging sanhi din ito ng pagsusuka o paglulungad.
Para makaiwas sa paglungad, mas mabuting padedehin si baby bago pa siya magutom nang husto.
Ayon sa mga eksperto, ang pag-iyak ni baby ay tinuturing na huling senyales na ng gutom kaya alamin ang mga hunger cues para malaman kung gutom na ang iyong anak.
Tandaan din na huwag piliting dumede si baby kapag busog na siya. Maliit lang kasi ang tiyan ng sanggol at hindi nito kayang mag-imbak ng masyadong maraming gatas.
Pahayag ni Dr. Alejandro,
“Pagkapanganak, ang stomach capacity ng baby ay maliit lang na kalamansi. So hindi talaga sila kailangan ng sobrang dami ng gatas.”
Para sa mga eksperto, mas mabuting gawin ang feeding on demand o ibase ang pagbibigay ng gatas sa iyong sanggol ayon sa kung gusto ba niyang dumede o hindi.
Kung ikaw ay breastfeeding mom, maaaring ipayo ng doktor na umiwas ka muna sa mga dairy products pansamantala hanggang lumipas ang paglulungad ni baby.
Kung dumedede naman ng formula milk si baby, maaaring suriin ng pediatrician kung mayroong ingredient sa gatas ni baby na nagdudulot sa kaniya ng allergy.
Kailan dapat mag-alala?
Kadalasan ay normal lang ang paglungad sa mga sanggol. Subalit mayroon ding mga kaso na maaari itong senyales ng isang seryosong karamdaman para sa mga bata.
Kumonsulta kaagad sa pediatrician ng iyong anak kung ang paglungad ay sasamahan ng mga sumusunod na sintomas:
- Malalim ang mata
- Hindi nadadagdagan ang kaniyang timbang
- Hindi umaanot sa limang basang diaper sa isang buong araw.
- Panunuyo ng balat, bibig at dila
- Lubog ang fontanelle o bumbunan
- Ayaw uminom o dumede
- Nagsusuka ng paulit-ulit sa loob ng 4 hanggang 6 na oras
- Umiiyak ng halos 3 oras o higit pa sa loob ng isang araw
- Masyadong iritable
- May pagtatae ng mahigit 6 na araw
- Mabilis na paghinga
- Maputla o greyish ang kulat ng balat
- Berde ang suka
- May dugo sa suka o dumi niya
- Mataas na lagnat – higit sa 39°C, ng lagpas sa 12 oras
- Kung ang paglungad ay nagsimula sa ika-6 na buwan na lamang
- Gastroesophageal Reflux Disease (GERD)
Ayon kay Dr. Chua Mei Chien, isang Senior Consultant sa KKH’s Department of Neonatology, kapag nagsusuka at naglulungad si baby at ayaw kumain, hindi mapatahan sa pag-iyak habang pinapadede o pagkatapos ng feeding, lumiliyad kapag pinapadede, at hindi bumibigat ang timbang, maaaring siya ay may Gastroesophageal Reflux Disease (GERD).
Ang mga sanggol na may GERD ay nakakaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Discomfort at pananakit
- Hirap sa paghinga (nabubulunan, choking, pag-ubo, o wheezing)
- Pulmonya dala ng pagkakaroon ng laman ng tiyan niya sa kaniyang baga
- Poor growth, dahil hindi nakukuha ang sapat na nutrients na kailangan ng katawan
Kung napansin ang mga sintomas na ito at sobrang dami lungad sa iyong baby, dalhin agad siya sa pediatrician para malaman kung ito nga ay GERD.
Pagdating ng isang taong gulang ng baby, asahang matitigil na ang paglulungad at pagsusuka na ito, kaya’t huwag masyadong mabahala. Siguruhin lang na mayroon kang lampin sa iyong balikat kapag kinakarga si baby para mapunasan agad ang lungad niya.
Pero kung sinasabi ng iyong parental instinct na hindi na normal ang nakikita sa bata, huwag mag-atubiling kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Kailan tumigil magsuka o maglungad ang iyong baby? Sobrang dami na lungad din ba ang nilalabas niya? Ibahagi ang iyong karanasan tungkol dito sa comment section sa ibaba.
Isinalin ng may permiso mula sa theAsianparent Singapore
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.