#AskDok: May mga puwede bang gawin upang mabuntis nang mabilis?

Gusto niyo na bang magkaanak ng iyong asawa? Alamin ang mga paraan kung paano mabuntis ng mas mabilis na payo ng isang OB-gynecologist

Gusto niyo na bang magkaanak ng iyong mister? Subukan ang mga paraang ito para mabuntis ng mas mabilis.

Ang pagkakaroon ng anak ay isa sa mga pinakamasayang kaganapan sa buhay ng mag-asawa. Kaya naman mayroong mga mag-asawa na pagkakasal pa lamang ay gusto nang bumuo agad ng pamilya. Mayroon din namang gusto pang maghintay ng ilang taon.

Bagama’t ito ay isang natural na proseso, ang pagkakaroon ng anak o pagbubuntis ay hindi ganun kadali. Maaring umabot ng ilang buwan o maging taon bago kayo magkaanak.

Paano mo masasabi na may problema sa pagbubuntis ang mag-asawa?

Ayon kay Dr. Gergen Marie Lazaro-Dizon o Dr. Gergen, isang OB-gynecologist at Infertility Specialist mula sa Makati Medical Center, hindi lahat ng mag-asawang hindi magkaanak kaagad ay may problema sa pagbubuntis. Kailangan ding isaalang-alang kung magkasama ba sila o lagi ba silang nagtatalik.

 “Actually para sabihin mong hirap ang mag-asawa to conceive, dapat one year of trying o one year na nagta-try. H indi mo pipilitin, hindi mo sasadyain. Dapat one year kayong magkasama at nag-iintercourse kayo ng madalas. Kapag walang pagbubuntis, dun mo iisipin na may problema kayo.”

Mga bagay na nakaka-apekto sa pagbubuntis:

Bukod sa dalas ng pagtatalik ng mag-asawa, meron ring ibang mga bagay na nakakaapekto sa pagkakaroon nila ng anak tulad ng:

  • Edad

Para sa mga lalaki, hindi nakakaapekto ang pagtanda sa kakayahan nilang magka-anak. Pero sa mga babae, humihina ang ating kakayahang mabuntis habang tayo ay nagkaka-edad.

“Wala limit sa lalaki kasi nga ang difference natin, sila constantly producing, may factory sila e. So every 2 months nagre-replenish. So sila walang problema. Tayo, we are born with eggs. Pagkalabas natin set na yung eggs natin, wala ng factory. So every time you menstruate every time in cycle ka nababawasan yun kaya my life span lang yung eggs natin,” paliwanag ni Dr. Gergen.

  • Hormonal imbalance o PCOS

Ang pagkawala sa balanse sa hormones ng iyong katawan ay makakaapekto sa iyong kakayahan na magbuntis. Isa sa mga dahilan ng hormonal imbalance ay ang PCOS.

Ang polycystic ovarian syndrome o PCOS ay isang pangkaraniwang endocrine (hormonal) disorder na nakakaapekto sa mga kababaihan. Tinatayang isa sa sampung babaeng nasa edad na 15 hanggang 44 sa buong mundo ang meron ng kondisyong ito.

Ayon kay Dr. Gen, PCOS ang isa sa dahilan kung bakit nahihirapan magbuntis ang isang babae.  “Kasi ang PCOS parang lazy sila, ayaw nila mag-ovulate. Tamad sila.” aniya.

20 porsyento ng dahilan kung bakit nahihirapan ang mag-asawa na magkaanak ay ang male factor infertility.

Maaring may problema ang iyong asawa sa kakayahang gumawa ng sperm cells sa kanyang semilya, o may ibang kondisyon na nakakaapekto sa kakayahan niyang makabuntis.

Huwag mag-alala dahil maari namang matukoy at masolusyunan ang problemang ito sa pamamagitan ng pagkonsulta sa isang urologist.

  • Iyong timbang

Ang pagkakaroon ng sobrang timbang ay maaring magdulot ng hormonal imbalance at insulin resistance na nakakabawas ng iyong kakayahan para mag-ovulate.

  • Stress

Ayon sa isang pag-aaral, ang mga stress hormones tulad ng cortisol ay nakakagulo sa regular na oras ng isang babae para mag-ovulate.

“Your body is smart, it knows that (periods of stress) aren’t good times to have a baby,” ayon kay Alice Domar, isang infertility researcher sa Boston IVF.

Sumang-ayon rin sa pag-aaral na ito si Dr. Gergen. “Yes, it really happens. Minsan mawala lang ‘yung stress doon nape-pregnant. Minsan matapos mag-workup o kapag napagod na sila doon pa sila mape-pregnant.” 

Ang unang hakbang

Ngayong alam mo na ang mga bagay na makaka-apekto sa inyong kakayahang magkaanak, ano ang unang hakbang na dapat mong gawin?

Ang pinakamabuting gawin ay ang kumonsulta sa doktor. Ito ay para malaman kung merong kailangan ayusin sa inyong mga katawan (hormones, sperm count) at maturuan kayo ng mga ligtas na paraan para mabuntis ng mas mabilis.

“When a couple embarks on a fertility work out, kailangan pareho kayo,” ani Dr. Gergen.

“Kailangan magpapa-checkup ng semilya ‘yong lalaki. ‘Yong babae magpagpapa-ultrasound siya, magpapa-check kung nag-o-ovulate siya. Ipapa-check dun kung ‘yong fallopian tube open. Kasi ang meeting place ng egg and sperm sa fallopian tube kung iyon barado, wala palang meeting place. So ‘yon ang mga dapat i-investigate. Mas mahirap pa nga ‘yong unexplained kasi paano mo gagamutin.”

Kung ikaw ay nasa edad na 35 pataas, mas kailangan mong magpatingin sa doktor para matulungan ka niya sa iyong pag-oovulate.

Paano mabuntis ng mas mabilis?

Kapag kumonsulta na kayo sa doktor at nagamot o nasolusyunan na lahat ng kailangan sa iyong katawan, maari niyo nang subukan ang mga paraang ito:

Panatiliing malusog ang pangangatawan.

Isa sa mga unang pinapayo ni Dr. Gergen sa mga asawang gusto nang magka-anak ay ang maging malusog. Para sa mga mabigat o sobrang timbang, ipinapayo nila na magpapayat.

“Kung medyo on the heavy side, you have to lose 15% of your present weight. May malaking pagbabago ‘yon sa PCOS mo at makakatulong sa pagbubuntis.” aniya.

Nakakatulong rin sa inyong fertility ang pagkain ng masustansyang pagkain, pag-eehersisyo at pag-inom ng maraming tubig.

Larawan mula sa Freepik

Kung gumagamit ka ng birth control, itigil pagkaubos ng isang pack.

Kung kayo ay gumagamit ng birth control at nagdesisyon nang magbuntis, dapat niyo nang itigil ito.

Subalit hindi nirerekomenda ni Dr. Gergen na itigil ang paggamit ng birth control pills sa kalagitnaan ng iyong cycle dahil makakagulo ito sa iyong regular na schedule at mahihirapan kang malaman kung kailan ka mag-oovulate.

 “Of course when you stop the pill in the middle of the cycle, kunyari hindi mo tinapos naisipan mo ayaw mo na siya, magugulo ‘yong cycle mo. Kaya advisable talaga tapusin mo muna ‘yong isang pack kung talagang intensyon mo mag-stop.”

Alamin kung kailan ang iyong ovulation period

Karaniwan, ang ovulation ay nangyayari 14 days bago matapos ang inyong cycle, at mahalagang subaybayan lalo’t ang isang itlog ay nabubuhay lamang sa loob ng 12-24 oras matapos ang ovulation, habang ang semilya ay 48-72 oras matapos ang pakikipagtalik.

Nangangahulugan ito na maiksi lamang ang oras kung saan maaring mabuo ang fetus.

Mahalagang malaman mo kung kailan ka nag-oovulate para masiguro na nakapagtalik kayo ng iyong partner sa mga araw na iyon. 

Gumamit ng ovulation prediction kit

Isang madaling paraan para malaman kung ikaw ay nag-oovulate ay ang paggamit ng ovulation prediction kit. Matutulungan na nito para malaman ang mga magandang araw para makipagtalik sa iyong asawa.

Makipagtalik anim na araw bago ang ovulation

Isang mabuting paraan para masigurong hindi kayo lalampas sa iyong ovulation period? Makipagtalik ng mas madalas!

Ang pakikipagtalik anim na araw bago ang predicted ovulation period ay makakatulong na palakihin ang posibilidad ng inyong pagbubuntis.

Narito naman ang paliwanag ni Dr. Gergen sa pagbase ng pakikipagtalik sa iyong ovulation period:

“Kung 30 days ang cycle mo, nagsisimula yung fertile period mga day 12 to day 18 ng cycle.  Ang first day o ‘yong day 1, ayun ang 1st day of the period.  Kung magbibilang ka day 12 doon magsisimula. Tapos dun kayo mag-i-intercourse ng madalas. Doon sa time frame na iyon.  Hindi natin ma-ieksakto kung kailan ‘yong isang araw na iyon kasi nag move-move every cycle.”

Suriing mabuti ang mga produktong ginagamit

Kung gumamit ng mga produkto bago o habang nakikipagtalik, alamin kung anong nilalaman ng mga produktong ito. Halimbawa, gumamit ng lubricant o pampadulas, suriing mabuti kung ito ay may spermicide o wala. May mga pampadulas na mayroong spermicide na pumapatay sa sperm at nakakabawas ng posibilidad na kayo ay magbuntis.

Umiwas sa masamang bisyo

Larawan mula sa Freepik

Ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay nakakaapekto sa tyansya n’yong magbuntis. Kaya kung kayo ng inyong mister ay may bisyo – paninigarilyo o pag-inom ng alak, kailangan ninyo itong baguhin at ayusin.

Iwasan ang ma-stress!

Isa sa mga palaging pinapayo ni Dr. Gergen sa kanyang mga pasyente na gusto nang magkaanak ay magpahinga. Ito ay dahil nga nakakaapekto ang stress sa kakayahan nating magbuntis.

“Alisin ang mga stress factor,” aniya. “If they can spend more quality time together ng walang stress, isang factor ‘yon.” dagdag pa niya.

Kaya magrelax lang kung hindi man kayo makabuo agad ni mister. Huwag mag-isip ng mga negatibong bagay.

Hindi lahat ay mabilis nanabubuntis at minsan, nangangailangan ito ng tyaga at konting sakripisyo.

Pero sa payo ng iyong doktor at pagsunod sa mga dapat gawin, makakabuo rin kayo at magkakaroon ng anak sa tamang panahon.

Mayroon ka bang ginagawa para mabuntis ng mas mabilis? Ikwento mo sa comments section!

 

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara