Magandang car seat para sa baby ba ang hanap mo? Narito ang mga dapat mong isaalang-alang sa pagpili ng car seat para sa kaniya.
Mababasa sa artikulong ito:
- Child car seat law sa Pilipinas
- Mga dapat malaman sa pagpili ng car seat para sa iyong anak
Child car seat law sa Pilipinas
Noong Pebrero 2 ay nagsisimula nang ipatupad ang child car seat law in the Philippines. Ito’y ang Republic Act No. 11229 o tinatawag na Child Safety in Motor Vehicles Act.
Ang batas na ito naglalayong protektahan at panatilihing ligtas ang mga bata habang nasa loob ng sasakyan. Sapagkat ayon sa isang pag-aaral, ang mga aksidenteng may kaugnayan sa mga sasakyan ang isa sa mga leading cause of death at injury sa mga bata.
Ayon sa bagong batas, ang mga driver na magsasakay sa mga pribadong sasakyan ng mga batang edad 12-anyos pababa na hindi nakaupo sa car seat ay maaring pagmultahin at masuspende ang lisensya kung lalabag sa bagong panuntuning ito.
Maliban na lang kung ang batang pasok sa nasabing edad ay nasa 4 feet 11 inches na ang height o higit pa. O kaya naman ay mayroon siyang mental, psychological at developmental condition.
Kaya naman, tulad mo ay maraming magulang ngayon ang naghahanap ng magandang car seat para sa baby o sa mga bata na swak para sa kanilang pangangailangan at higit sa lahat ang magsisiguro ng kaligtasan ng kanilang anak. Kung hindi pa nakakapag-desisyon sa kung anong car seat ang bibilhin mo para sa iyong anak. Narito ang iyong mga dapat isaalang-alang.
Mga dapat isaalang-aalang sa pagpili ng magandang car seat para sa baby o iyong anak
Ano ang age at height ng iyong anak?
Sa pagpili ng magandang car seat para sa bata ang unang dapat isaalang-alang ang edad at height niya. Sapagkat may iba’t ibang klase ng car seat na nakadepende sa pangangailangan, bigat at laki ng isang bata. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Magandang car seat para sa baby
Image from Flickr by Sheri Gurock
Para sa mga baby ang uri ng car seat na maaaring pagpiliang bilhin, ang mga tinatawag na infant car seat. Perfect ito para sa mga newborn at maliliit na babies na hanggang sa 6 months old. Ang mga infant car seat ay rear-facing car seat na makakatulong para maiwasang magtamo ng seryosong injury ang ulo at leeg ng sanggol sa oras ng car crash o aksidente.
Makakatulong din ito upang makasigurado na kahit hindi mo siya karga ay safe siya at hindi malaglag sa backseat habang nag-dridrive ka. Maari rin itong matanggal at maisama sa papaba sa sasakyan habang safe and sound paring nakaupo rito si baby.
Sa oras naman na lumaki na ang bata at wala na sa isang pulgada ang layo ng ulo niya sa crown o pinakaulo ng infant car seat na nangangahulugan na malaki na siya para dito ay maari na siyang gumamit ng forward-facing car seat.
Sa pamamagitan ng forward-facing car seat ay mas magkakaroon ka ng maayos na view sa iyong anak habang nagdridrive. Ang mga forward-facing car seat ay maaring ipagamit sa mga batang lagpas 6 months old hanggang apat na taong gulang.
Magandang car seat para sa bata
Image from Flickr by Dennis
May mga car seat din na kung tawagin ay convertible. Ito’y mga infant car seat na maaaring i-convert sa forward-facing car seat sa oras na kaya na ni baby na maupo. Maaari itong gamitin sa ganitong paraan hanggang malaki na ang bata at puwede na sa booster seat.
Ang booster seat ay dapat gamitin sa oras na lumagpas na ang inirerekumendang bigat at height ng isang bata sa mga forward-facing seat o kapag sila’y nasa 8-12 taong gulang. Hindi katulad ng infant at convertible seat, sa booster seat ay ang seat belt na ng sasakyan ang ginagamit para maalayan o masiguradong ligtas ang batang nakaupo dito.
BASAHIN:
10 tips sa tamang pag-gamit ng baby car seat
19 bagay na dapat mong malaman tungkol sa car seat law
Best car seat: Top 7 baby car seats para masiguradong safe si baby when traveling
Image from Flickr by St. David’s HealthCare
May mga toddler booster seat rin na mabibili para sa mga batang may bigat na 30-120 lbs. Mas mura ito kumpara sa mga convertible car seat.
May mga car seat na tinatawag na all-in-one. Magagamit ito ng iyong anak mula ng siya ay maipanganak hanggang siya ay ready na sa booster seat. Perfect itong gamitin bilang rear-facing car seat para sa mga bata na may bigat na 4-50 lbs. Maaari namang itong gamiting forward-facing car seat kapag may bigat ng 20-65 lbs ang isang bata. Ilagay sa booster mode sa oras na siya ay may bigat ng 30-120 lbs.
Sapagkat all-in-one na ito, ang ganitong uri ng car seat ay mas malaki at mas mabigat kumpara sa naunang uri ng mga car seat.
Ano ang iyong sasakyan na pagagamitan ng car seat?
Sa oras na makapili ng car seat na perfect sa needs ng iyong anak, ang sunod mong dapat isaalang-alang ay kung kakasya ba ito sa iyong sasakyan. Kailangang masiguro ang size ng car seat na bibilhin ay sakto sa iyong sasakyan at maipapasok sa pintuan nito.
Magkano ang budget mo?
The more na maraming gamit o safety features car seat na iyong gagamitin tulad ng convertible at all-in-one car seat ay mas mahal ito. Kaya naman sa pagpili ng bibilihing car seat ay dapat isaalang-alang din ang budget o magiging gastos mo. Ayon sa Autodeal.ph, ang mga infant car seat ay nagkakahalaga ng P3,000 hanggang P5,000. Habang ang mga booster seats naman ay maaaring umabot ng halagang P30,000.
Brand o uri ng car seat na bibilhin
Para makasigurado sa car seat na bibilhin para sa iyong anak ay mabuting magtanong-tanong o mag-research sa pinaka-durable at reliable na car seat na mabibili at available dito sa bansa. Pinakaimportante na siyempre ay isaalang-alang ang quality dahil nakasalalay rito ang buhay ng iyong anak sa oras na may aksidente.
Business photo created by senivpetro – www.freepik.com
Sa pagpili ng magandang car seat para sa bata, mas mainam kung personal itong makikita at masusubukan. Ito’y para makasiguro na sasakto ito sa laki at pangangailangan ng iyong anak. Sa pagpili at pagbili ng car seat, ay narito ang 5 bagay na dapat mong tingnan.
5 dapat tingnan sa oras na bibili o pipili na ng car seat para sa iyong anak
- Ang height at weight limit ng upuan ng car seat ay dapat angkop para sa iyong anak. Dapat sakto ang laki niya dito at magiging komportable ang kaniyang pagkakaupo.
- Sa oras na na-install na ito sa sasakyan ay dapat mahigpit itong nakakabit o hindi basta-basta nagagalaw. Ito’y hindi dapat nagagalaw ng higit sa isang pulgada sa magkabilang side, pati na sa harap at likod nito.
- Dapat isaalang-alang ang tamang taas ng harness ng car seat na bibilhin para sa iyong anak. Ang mga rear-facing car seat ay dapat may harness strap na pantay o mababa ng bahagya sa balikat ng iyong anak. Kung forward-facing car seat naman ang harness dapat ay lagpas o nasa ibabaw ng kaniyang balikat.
- Dapat i-check din kung tama ang higpit ng harness ng car seat sa iyong anak. Hindi ito dapat maluwag lalo na sa bandang balikat ng iyong anak.
- I-check kung maayos na nare-recline ang car seat. Dapat hindi nahuhulog paharap o nayuyuko ang ulo ni baby habang nakaupo dito. Dahil maaari siyang hindi makahinga sa ganitong posisyon. Ganoon din sa mga forward-facing car seat, dapat ay maayos ang puwesto nito para maiwasan ang forward movement ni baby na maaring magdulot ng head injury.
Source:
The Asianparent, Consumer Reports, Autodeal
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!