Ito ay isang liham para sa mga magulang na may anak na may cancer na sa kabila ng lahat ng hirap at sakit ay hindi nawawalan ng pag-asa at nanatiling matapang para sa anak kahit siya ay bibigay na.
Open letter para sa mga magulang na may anak na may cancer
Minamahal na magulang,
Alam kong wala ng mas didilim pa sa mundo na meron kayo ngayon. Isang bangungot na kahit sinong magulang ay hindi nais na masaksihan. Pero nariyan ka, patuloy na lumalaban at naniniwala sa maliwanag na bukas para sa iyong minamahal na anak.
Walang salita ang makakapaglarawan kung gaano kahirap ang pinagdadaanan ninyo bilang magulang ng isang batang may cancer. Ang bawat araw ay isang pagsubok. Bawat araw ay puno ng takot na baka ito ay huli na para sa kaniya. Kaakibat ng pag-aalala at awa sa iyong anak na lubos na nahihirapan, pagod na ang katawan at minsan ay ayaw ng lumaban. Nakakapanghina at alam kong marami kang tanong kung bakit sa inyo pa nangyari ito. Ngunit nais naming ipaalala sa inyo na hindi kayo nag-iisa sa laban na ito.

Kahit mahirap, itago mo sa kaniya ang lungkot sa iyong mga mata
Alam namin na may mga gabing hindi kayo makatulog, iniisip kung paano mapapagaan ang sakit na nararamdaman ng inyong anak. May mga sandaling gusto ninyong huminto ang mundo, upang makahanap ng sagot, ng lunas, ng kahit anong paraan para iligtas sila sa sakit na ito. Napakahirap makita silang nahihirapan, ngunit tandaan ninyo—ang inyong pagmamahal at tapang ang siyang nagbibigay sa kanila ng lakas upang lumaban. Kaya kahit mahirap, itago mo sa kaniya ang lungkot sa iyong mga mata. Alalahanin mo, kayo ang sandigan ng inyong anak. Ang inyong yakap, haplos, at mga salitang puno ng pag-asa ay isang napakalaking lunas sa kanilang puso.
Sa laban na ito, muli tandaan mo hindi kayo nag-iisa. Huwag kayong matakot humingi ng tulong. Marami ang handang umalalay sa inyo—mga doktor, nurse, kaibigan, kapamilya, at mga kapwa magulang na nakakaunawa sa inyong pinagdaraanan. Mga magulang na tulad ninyo ay nagtatatapang-tapangan para sa anak. Ngumingiti kahit mahirap, nagdadasal at nangangarap na ang cancer ng anak ay mawala sa isang iglap.
Hindi ka nag-iisa, lumaban ka para sa kaniya

Sa bawat araw na kasama ninyo sila, iparamdam ninyo ang pagmamahal na hindi kayang talunin ng anumang sakit. Pagmamahal na hindi malilimutan ng distansiya, pagkawala o labis na ligaya. Ipaglaban ninyo hindi lang ang kanilang kalusugan kundi pati na rin ang kanilang saya, mga pangarap, at maliliit na sandaling puno ng pagmamahal. Ilaban ninyo siya araw-araw. Piliin ninyo na maniwala na may pag-asa, may malinawag na bukas at gagaling siya sa karamdamang nagpapahirap sa kaniya. Lumaban ka hindi lang para sa kaniya, kung hindi para sa iyo at sa inyong pamilya.
Hindi natin hawak ang bukas, ngunit sa ngayon, sapat nang hawakan ang kanilang kamay at iparamdam kung gaano sila kahalaga at kamahal. Laban lang, mahal na magulang. Ang inyong pagmamahal ay ang pinakamalakas na sandata sa laban na ito. At higit sa lahat, huwag kang makakalimot na tumawag sa kaniya, sa itaas. Sa poong may kapal na laging may magandang plano sa mga anak niyang naniniwala at nanalig sa kaniya.
Kasama kayo sa aming mga panalangin.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!