Manas sa kamay ng buntis, ano ang ibig sabihin?
Pamamanas ng buntis
Ang pamamanas ay isa sa madalas na nararanasan ng mga buntis lalo na habang mas lumalaki ang kaniyang tiyan. Ito ay ang mapapansing tila pamamaga ng paa o talampakan ng buntis.
Maliban sa tila namamagang itsura ng buntis, mapapansin ding lumalaki ang sukat ng kaniyang paa at magiging masikip na ang mga luma niyang tsinelas o sapatos.
Bakit namamanas ang buntis?
Paliwanag ng mga eksperto, nangyayari ang pamamanas sa buntis dahil sa extra fluid sa kaniyang katawan dulot ng pagdadalang-tao.
Resulta rin ito ng pag-proproduce ng katawan niya ng mas maraming dugo dahil sa dinadalang sanggol. Dadagdagan pa ng pressure na nagmumula sa lumalaking sanggol sa kaniyang tiyan na pinipigilan ang maayos na pagdaloy ng dugo mula sa kaniyang binti pabalik sa kaniyang puso.
Dahil sa hormonal changes na nararanasan ng buntis ay mas lumalambot rin ang kaniyang ugat. Isa rin ito sa nagiging dahilan ng pamamanas ng buntis dahil sa hindi makapag-function ng maayos ang kaniyang ugat na dinadaluyan ng kaniyang dugo.
Ang resulta ng mga pagbabagong nababanggit sa katawan ng buntis, ay naiipon ang dugo sa kaniyang mga binti. May maliit na porsyento ng dugo na ito ang nagleleak sa tissues ng kaniyang binti na nagreresulta ng pamamanas.
Mas nagiging prone pa nga sa pamamanas ang buntis kung siya ay tumatayo o nauupo ng matagal.
Paano maiibsan ang pamamanas ng paa ng buntis?
Image by Freepik
Para maibsan ang discomfort na nararanasan ng buntis dahil sa namamanas niyang binti ay narito ang ilang hakbang na maari niyang gawin.
I-elevate ang paa sa tuwing nauupo o nahihiga.
Para hindi maipon ang dugo sa iyong paa at binti ay bahagyang itaas o i-elevate ang iyong paa sa tuwing ikaw nauupo o nahihiga.
Magsuot ng komportable at maluluwag na damit na pang-ibaba.
Para malayang makadaloy ang dugo sa binti, dapat ay iwasan ng buntis ang pagsusuot ng masisikip na damit pangbababa.
Mula sa kaniyang bewang pababa ay dapat iwasan ng buntis ang pagsusuot ng masisikip para hindi mas lumala ang pamamanas na kaniyang nararanasan.
Mag-suot ng compression stockings mula sa iyong bewang.
Para mapanatili ang maayos na pagdaloy ng dugo sa iyong binti ay dapat gumamit o magsuot ng compression stockings. Ang gagamiting stockings ay dapat mula sa iyong bewang pababa.
Iwasan ang pagsusuot ng stockings o medyas na mula lang sa iyong tuhod. Dahil lalo nitong iipitin ang iyong mga ugat sa nasabing bahagi at hindi mahahayaan itong malayong makadaloy o mag-circulate.
Mag-suot ng komportableng sapatos.
Kung nakaugaliang magsuot ng high heels ay mabuting iwasan na muna ang paggamit nito habang nagdadalang-tao.
Una, dahil para na rin ito sa kaligtasan mo at para makaiwas sa aksidenteng pagkatapilok na maaring maging delikado sa iyong pagbubuntis.
Maliban dito, dahil sa bumibigat mong katawan ay magiging masakit sa iyong paa ang pagsusuot ng sapatos na may mataas na takong. Makakadagdag din ito sa pamamanas na iyong nararanasan.
Panatilihing cool ang pakiramdam.
Maiibsan ang pamamanas na nararamdaman ng buntis kung pananatilihin niyang cool ang kaniyang pakiramdam. Dapat manatili siyang nasa loob ng bahay o cool na lugar sa tuwing mainit ang panahon.
Maglakad-lakad o mag-swimming.
Para ma-improve pa ang circulation ng dugo sa iyong binti at paa, ay mabuting maglakad-lakad ng lima hanggang sampung minuto dalawang beses sa isang araw.
Makakatulong rin ang pagswiswimming o pagsasagawa ng iba pang exercise para maibsan ang pamamanas. Siguraduhin lang na malinis ang tubig para narin maiiwas ka sa bad bacteria o impeksyon.
Pagpapamasahe.
Ang pagmamasahe ng buntis ng paa ay makakatulong rin para maibsan ang pamamanas na nararanasan. Isang paraan rin ito para maging involve ang iyong mister sa iyong pagdadalang-tao. Magpatulong sa kaniya sa pagmamasahe ng iyong paa at maibsan ang pamamanas na iyong nararanasan.
Manas na kamay ng buntis
Image by Racool_studio on Freepik
May isang bagay na dapat maintindihan ang mga buntis pagdating sa pamamanas. Oo, ang pamamanas sa paa at binti ay normal na bahagi ng pagdadalang-tao.
Pero kung ang manas ay nasa kamay, mukha o ibang bahagi ng katawan ng buntis, ito ay palatandaan na hindi niya dapat basta binabalewala.
Ang manas na kamay ng buntis at mukha ay palatandaan ng seryosong komplikasyon ng pagdadalang-tao. Ang mga komplikasyong ito ay ang sumusunod:
Deep vein thrombosis
Tuwing nagbubuntis ang isang babae ay nagproproduce ng mas maraming protein ang kaniyang katawan. Ito ay para maiwasan ang labis na pagdurugo sa kaniyang panganganak.
Pero ang protein na ito kapag sumobra ay maaring magdulot ng blood clots o pamumuo ng dugo. Ang blood clot na ito maaring bumara sa daluyan ng dugo o ugat na nagdudulot ng deep vein thrombosis. Isa ito sa nagiging dahilan ng pamamanas sa buntis.
Ang mas nakakabahala ay kung ang blood clot na ito ay mabuo o mapunta sa bloodstream sa baga o lungs ng buntis. Ito ay maaring magdulot ng pagbabara sa daloy ng dugo sa napakahalagang parte ng katawan na ito ng isang tao. Ito ay maaring mag-resulta sa pulmonary embolism na nakakamatay.
Ang mga buntis na mataas ang risk na makaranas ng deep vein thrombosis ay ang sumusunod:
- Una ng nakaranas ng deep vein thrombosis.
- May namanang blood clotting disorders.
- May injury sa binti na pumipigil sa dugong dumaloy ng normal.
- Pagkakaroon ng sakit sa kidney o puso na nagdudulot ng blood clots.
- Naninigarilyo.
- Obese o labis na katabaan.
- Hindi makagalaw ng maayos o normal dahil sa isang karamdaman o surgery.
Image by wavebreakmedia_micro on Freepik
Preeclampsia
Isa pang nakakabahalang dahilan ng manas na kamay ng buntis at mukha ay ang kondisyon na kung tawagin ay preeclampsia.
Ito ay ang kondisyon sa pagdadalang-tao na kung saan tumataas ang blood pressure at level ng protein sa katawan ng buntis. Dahil sa kondisyon ay maaring mag-accumulate sa kamay, mukha o paa ng buntis ang fluid sa kaniyang katawan.
Kung ang manas na kamay at mukha ng buntis ay sinasabayan ng matinding pananakit ng ulo ay dapat agad na siyang magpakonsulta sa doktor.
Pati na kung sasabayan ito ng pananakit ng tiyan, panlalabo ng paningin at biglaang pagbigat ng kanilang timbang. Ito ay mga sintomas ng preeclampsia na kung hindi maagapan ay maaring magdulot ng damage sa organs ng buntis tulad ng kaniyang utak, kidneys at lungs. Ang kondisyon rin na ito ay nagbibigay ng seryosong banta sa buhay ng ipinagbubuntis na sanggol.
Tumataas ang tiyansa ng isang babae na makaranas ng preeclampsia kung siya ay nagtataglay ng sumusunod na kondisyon:
- Pagkakaroon ng chronic high blood pressure bago magbuntis o sa nauna ng pagbubuntis.
- May kidney disease bago magdalang-tao.
- May history sa pamilya ng pagkakaroon ng preeclampsia.
- Overweight o obese.
- Pagbubuntis ng higit sa isang sanggol.
- Pagbubuntis sa edad na higit sa 40-anyos.
- Buntis sa unang baby.
- Nakakaranas ng pregestational o gestational diabetes.
Peripartum cardiomyopathy
Ang peripartum cardiomyopathy ay isang kondisyon rin na maaring magdulot ng pamamanas sa kamay, mukha at paa ng buntis.
Ang kondisyon na ito ay tumutukoy sa paghina ng heart muscles ng buntis. Ito ay madalas na nararanasan sa huling buwan ng pagdadalang-tao hanggang sa makalipas ang limang buwan ng panganganak ng babae.
Maliban sa pamamanas ang mga sintomas ng kondisyon na maaring maranasan ng buntis ay ang sumusunod:
- Fatigue o labis na pagkapagod.
- Heart palpitation.
- Mas madalas ng pag-ihi sa gabi.
- Hirap sa paghinga sa tuwing may ginagawang activity o nakahiga.
Cellulitis
Ang pamamaga o pamamanas sa kamay o paa ng buntis ay maaring dulot rin ng kondisyon na kung tawagin ay cellulitis. Ito ay isang uri ng impeksyon sa balat at tissues nito.
Maliban sa pamamaga ng balat ng tulad ng pamamanas ay mapapansin ring namumula ito. Madalas itong nararanasan sa binti pero posible ring maranasan sa iba pang bahagi ng katawan.
Kung ang cellulitis ay hindi agad maagapan ay maari itong magdulot ng sersyosong impeksyon sa dugo ng buntis.
Kung nakakaranas ng mga nabanggit na sintomas ay mabuting magpatingin agad sa iyong doktor para matukoy ang tunay na dahilan nito at agad malunasan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!