Alam niyo ba mommy at daddy na mayroong masamang epekto ang pamamalo sa bata? Alamin kung ano ang mga ito at ang kwento ng isang batang namatay dahil sa pamamalo ng kaniyang ina.
Mababasa sa artikulong ito:
- Batang namatay dahil sa pamamalo
- Masamang epekto ng pamamalo sa bata
- 5 tips na dapat tandaan kapag naiinis at nagagalit ka na sa iyong anak.
Batang namatay dahil sa pamamalo
Isang inang 18-anyos ang napabalita na napatay niya ang kaniyang 1-taong gulang na anak dahil sa matinding pamamalo nito.
Ayon sa report ng GMA News, ibinahagi ng lola ng bata ang insidente. Pinagpapalo umano ang bata ng patpat ng kaniyang ina. Nagulat na lamang umano siya nang may tumawag mula sa center ng kanilang barangay at sinabing patay na umano ang kaniyang apo.
“Doon po sir sa taas nangyari ‘yon. Hindi ko po alam (ang ugat) kasi hindi naman nagsasalita ‘yong anak ko sa akin. Bigla na lang po akong nagulat may tumawag na pong taga-center na sabi wala na po ‘yong apo ko,”
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nairita umano ang ina sa kaniyang anak dahil sa walang tigil na pag-iyak nito. Kaya naman umano napalo niya ang kaniyang anak.
Wala umanong trabaho ang ina ng bata, hindi niya kasama ang Tatay ng kaniyang anak sapagkat hiwalay sila kaya naman problemado umano ang Ina.
Dagdag pa ng awtoridad na dahil sa problema sa buhay ay tila napagbuntungan niya ang kaniyang anak. Sa hindi nga inaasahan na pangyayari ay namatay ang bata.
Masamang epekto ng pamamalo sa bata
Isa nga sa mga pinakamasamang epekto ng pamamalo sa bata ay pagkamatay niya. Hindi pa kasi ganun katibay ang pangangatawan niya.
Kaya naman talaga may malaki itong epekto sa kaniyang kalusugan. Hindi lamang sa pisikal kundi na rin sa kaniyang mental health.
Ayon sa American psychological association, narito ang mga maaaring masamang epekto ng pamamalo sa bata.
1. Physical injury
Sapagkat bata pa ang iyong anak lalo na kung nasa edad 1-4 na taong gulang, ay talagang makukulit sila. Sa stage kasi na ito ay nagde-develop ang kanilang social skills at curiosity. Nagde-develop din sa stage na ito ang kanilang mga buto at pangangatawan.
Kaya naman ang isa sa mga magiging epekto ng pamamalo mo sa iyong anak ay magkaroon siya ng mga pisikal na sugat o injuries. Maaaring siya’y mapilayan o magkapasa. Sa kaso nga kanina sa kuwento ay napatay niya ang anak niya.
2.Magiging agresibo ang pag-uugali ng isang bata.
Isa rin sa masamang epekto ng pamamalo sa bata ay maaari siyang maging agresibo. Mas magiging suwail siyang bata at hindi na makiking o papakinggan ang utos o mga payo mo.
Ang masama pa rito ay maaari rin siyang maging agresibo sa kaniyang kapatid o kalaro. Maaaring manakit na rin siya ng iba.
Isa pa sa mga agressive na ugali na maaaring magkaroon ang iyong anak ay pagdadabog, pagbalibag, o paghahagis niya ng mga bagay-bagay.
3. Maaaring magkaroon siya ng antisocial behavior
Isa pa sa masamang epekto ng pamamalo sa bata ay maaari siyang maging antisocial. Hindi na siya nakikipaghalubilo sa ibang tao. Masama ito para sa pagde-develop niya ng kaniyang social skills na magagamit niya paglaki niya.
Halimbawa na lamang sa paaralan o trabaho sa mga susunod na panahon. Maaari ring lumayo sa ‘yo ang loob ng iyong anak kapag pinapalo mo siya.
BASAHIN:
Ito ang epekto sa bata kapag mabilis mo siyang nakakagalitan
4. Trauma
Ang masamang epekto rin ng pamamalo sa bata ay maaari siyang magkaroon ng trauma. Ang trauma na ito ay puwedeng makaapekto at madala niya hanggang siya’y lumaki.
Lalo na kung hindi ito masusulusyunan. Kaya naman bago paluin ang iyong anak ay isipin din ang magiging epekto nito sa kaniya.
5. Long term effect sa kaniyang mental health
Ang pamamalo sa bata ay mayroon masamang epekto sa kaniyang mental health. Katulad nga ng mga nabanggit kanina maaari ito magdulot ng trauma, antisocial behavior, at agressive behavior.
Sanhi ng mga ito maaari itong magdulot ng depression, at anxiety sa inyong mga anak kapag sila’y lumaki na. Lalo na kung hindi ito ma-aaddress ng maaga.
3 tips na dapat tandaan kapag naiinis at nagagalit ka na sa iyong anak.
Hindi talaga maiiwasan na minsan ay naiinis o nagagalit tayo sa ating mga anak. Lalo na kapag makukulit sila o nakagawa sila ng mga bagay na ayaw natin o mali.
Subalit mommy at daddy bago ka manigaw o mamalo laging tandaan ang mga bagay na ito. Makakatulong ito para maiwasan at hindi mo mapalo ang iyong anak.
1. Huminga ng malalim
Bago pagalitan, sigawan o mapalo ang iyong anak kapag siya’y nakagawa ng mali huminga ng malalim. Huwag basta magalit agad sa iyong anak. Tandaan na bata pa lamang siya. Kung may nagawa man siyang mali ay baka hindi pa niya ito alam.
Ipaunawa sa kaniya ang kaniyang kasalanan, at pagsabihan lamang siya ng malumanay. Sapagkat ang paninigaw rin sa bata ay mayroong masamang epekto.
2. Unawain ang iyong anak
Bilang magulang niya at nakakatanda sa kaniya ay dapat mas maging maintindihin sa kaniya. Intindihin din ang mararamdaman ng iyong anak kapag napalo mo siya.
Imbis na paluin siya dahil sa kaniyang maling nagawa ay pagsibihan lamang siya ng malumanay. Sa paraang ito mas lalo kang susunduin ng iyong anak sa susunod dahil mas nauunawaan niya ang dahilan kung bakit hindi maganda ang kaniyang ginawa.
3. Lumipat muna ng kwarto
Kapag may nagawang mali o hindi mo gusto ang anak mo imbis na paluin o pagalitan siya. Mabuting lumipat ka muna ng kuwarto upang mahimasmasan ka.
Sa ganitong paraan mas makakapag-isip ka at hindi agad magpapadala sa iyong emosyon. Maiiwasan mo rin ang pamamalo sa iyong anak kapag ginagawa mo ito. Huwag din ibunton ang galit sa anak o frustration parents.
Tandaan mommy at daddy hindi talaga madaling magpalaki ng mga anak. Pero bilang mga magulang dapat nating tandaan na kapag sila’y nakakagawa ng mali ay gabayan natin sila upang maitama ito.
Tayong mga magulang kasi ang gabay nila sa kanilang paglaki. Saka laging tandaan ang maaaring masamang epekto ng pamamalo sa bata upang maiwasan ito.
Source:
PsychologyToday, American Psychological Association, GMA News