Madaling magalit sa anak mo? Ayon sa psychology, ang reaksyon mong ito ay may kaugnayan sa iyong pagkabata. Ito ay isang phenomenon na tinatawag na “ghosts in the nursery” na kung saan ang ating mga anak ay ini-stimulate o ibinabalik ang intense feelings na naranasan natin noong tayo ay bata pa. Ito ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit dapat ay iwasan nating agad na magalit sa ating mga anak.
People photo created by nakaridore – www.freepik.com
Madaling magalit sa anak mo? Ito ang mga epekto
Ayon kay Laura Markham, isang psychologist, ang mga magulang at mga anak ay may kakayahan na galitin ang bawat isa. Tulad na lang nang pagkainis na idinudulot sa ‘yo ng kakulitan ng anak mo at ang pakikialam ng mga magulang mo sa buhay mo kahit matanda ka na. Ito ay isang phenomenon na natural nating nararanasan na tinatawag ngang “ghosts in the nursery”. Isang metaphor na binuo ng child psychoanalyst na si Selma Fraiberg noong 1975.
Ang konsepto ng “ghosts in the nursery” ay tumutukoy sa relasyon sa pagitan ng negative experience nating mga magulang noong tayo ay bata pa at ang parenting style natin sa ating mga anak ngayon. Ito rin ang ipinupuntong dahilan ni Markham kung bakit dapat matuto tayong kontrolin ang galit sa ating mga anak. Tulad ng nararanasan natin ay maaaring maging ganito din ang maranasan ng ating mga anak kapag sila ay naging magulang na.
Dinadala nila ang negatibong epekto na ito hanggang sa kanilang pagtanda
Dagdag pa ni Markham ang pagpapakita ng galit sa ating mga anak ay labis na nakakatakot para kanila. Lalo pa’t tayo ang itinuturing nilang mundo at nagbibigay ng kailangan nila upang mabuhay. Punto niya pa, ang mga batang nakakaranas ng physical violence tulad ng pamamalo ay nagpapakita ng lasting negative effects hanggang sa kanilang pagtanda. Tulad ng mababang IQ, magulong pakikipag-relasyon at paggamit ng ipinagbabawal na gamot o pagbibisyo.
Habang ayon naman kay Matthew McKay, isa ring psychologist, ang laging pagpapakita ng galit sa iyong anak ay nagbibigay rin ng mensahe sa kaniya na hindi siya safe sa ‘yo o mayroong mali sa kaniya. Isang dahilan din ito kung bakit lumalaking less emphatic ang isang bata. O kaya naman ay mas depress o aggressive siya kumpara sa ibang bata na kasing edad niya.
Photo by Arwan Sutanto on Unsplash
Kaya naman payo ni Markham at McKay hangga’t maaari ay dapat mag-kontrol at iwasang magalit sa anak mo. Para magawa ito ay may mga paraang ibinahagi si Markham na maari mong gawin.
Tips kung paano kontrolin ang iyong galit sa iyong anak
1. Mag-set ng limit sa iyong anak bago ka magalit.
Tulad nalang ng pagsasabi sa kaniya na baka kung puwede ay huwag munang masyadong makulit dahil pagod ka at mabilis uminit ang ulo mo. Ipaliwanag sa kaniya na makakatulong ito upang ikaw ay hindi magalit at hindi mo siya masigawan o masaktan.
2. Pa-kalmahin ang iyong sarili bago gumawa ng aksyon.
Hangga’t maaari ay pigilan ang iyong sarili na kausapin ang iyong anak kapag ikaw ay galit. Kung may nagawa man siyang mali ay pakalmahin mo muna ang iyong sarili bago humarap sa kaniya. Upang maiwasan mong masigawan o masabihan siya ng mga salitang makakasakit sa kaniyang damdamin. Makakatulong ang paghinga ng malalim upang pakalmanhin ang iyong sarili. O kaya naman ay ang pagtawa na makakapagpababa ng mataas na emosyong iyong nararamdaman.
3. Lumayo ka muna sa iyong anak kapag ikaw ay galit.
Sa oras na maramdaman mong nagagalit ka na ay mas mabuting lumayo o iwan mo muna ang iyong anak. Kung kaya niya ng mag-isa, pumunta ka sa banyo at mag-wisik ng tubig sa iyong mukha. Sundan ito ng paghinga ng malalim.Ngunit kung ang iyong anak ay bata pa at umiiyak sa tuwing iiwanan mo ay pumunta ka sa lababo at basain ang iyong kamay ng tubig mula sa gripo. Saka umupo sa tabi ng iyong anak, huminga at magsabi ng maikling mantra. Gaya ng sumusunod:
“Bawal magalit, nakakapangit. Kaya smile lang para maging maganda.”
“ Relax. Hindi ito isang emergency kaya hindi ka dapat magalit o mataranta.”
“Relax lang. Bata iyan at hindi niya alam ang iyong ginagawa.”
“Anak mo siya at bilang magulang ay kailangan mong maintindihan at habaan mo ang pasensiya mo sa kaniya.”
People photo created by fwstudio – www.freepik.com
4. Isipin na bata lang ang anak mo at normal sa kaniya ang magkamali.
Ayon kay Sandra Tomas, professor mula sa University of Tennessee, Knoxville, may isang trick na makakatulong upang makontrol ng isang magulang na masigawan niya ang kaniyang anak. Ito’y ang pagi-imagine sa kaniyang anak noong ito ay baby pa. Kung saan very sensitive pa ito at nangangailangan pa ng maingat na pangangalaga. Sa pamamagitan nito ay maaaring mabago ang iyong mood at mapakalma ang galit na iyong nadarama.
5. Ikanta ang gusto mong sabihin sa iyong anak.
Bagamat kakatwa kung iisipin, ngunit ang pagkanta ng gusto mong sabihin sa iyong anak ay nakakawala ng galit o emosyon na nararamdaman mo. Pupukawin din ng style na ito ang interes ng anak mo. Ang resulta, siya’y makikinig sa bawat sasabihin mo.
6. Paalalahanan ang iyong sarili na tingnan ang sitwasyon sa point of view ng isang bata.
Oo nga’t may maling nagawa ang iyong anak, ngunit hindi niya alam ito at kailangan mo pang ipaintindi sa kaniya. Sa mura niyang edad ay mahalaga ang paggabay mo bilang magulang niya. Kaya sa tuwing pagagalitan siya isipin mo ang maaaring maramdaman niya. Ipaliwanag sa kaniya ang mali na kaniyang nagawa sa paraang maiintindihan niya ito. Upang ito ay hindi niya na maulit pa.
7. Iwasang saktan ang iyong anak anuman ang mangyari.
Maraming pag-aaral na ang nakapagpatunay na may masamang epekto ang pamamalo sa mga bata. Maaaring dalhin nila ito hanggang sila ay tumanda. May mga pag-aaral rin nakapagsabi na ang pamamalo ay nakakaadik para sa mga matatanda. Dahil sa ganitong paraan ay nailalabas nila ang kanilang galit at gumagaan ang kanilang pakiramdam ng pansamantala. Pero magkaganoon man ang epekto nito sa isang bata ay hindi matatawaran. At maaring maging labis na nakaka-trauma sa kanila kahit sila ay tumanda na.
8. Mag-sorry sa iyong anak as oras na hindi mo napigilan ang galit na iyong nadarama.
Sa oras na hindi mo na kontrol ang iyong sarili ay humingi ng tawad sa iyong anak. Ipaliwanag na medyo masama lang ang araw mo kaya hindi mo napigilan na siya ay sigawan. Hindi dapat sinisigawan ang sinuman kahit mali ang nagawa nito ng tulad sa kaniya. Ngunit, dapat mo ring ingatan na huwag sumobra sa paghingi ng tawad sa iyong anak. Dahil maaaring isipin niya na siya ay tama at sa nangyayaring pagkakamali ay siya ang biktima.
9. Magkaroon ng oras o break para sa iyong sarili.
Para mabawasan ang iyong iniisip ay dapat bigyan mo ng oras o break ang iyong sarili. Ito’y upang mas maging maaliwalas ang iyong pag-iisip at maiwasan na ikaw ay agad na nagagalit.
10. Magkaroon ng sapat na tulog at kumain sa tamang oras.
Ayon sa mga eksperto, isa sa madalas na dahilan kung bakit nagiging mainitin ang ulo o maikli ang pasensya ng isang tao ay dahil sa pagod, puyat o gutom. Kaya naman panatalihing kalmado ang isip mo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na tulog o pahinga at pagkain ng mga masusustansiya.
11. Humingi ng tulong sa iba kung kinakailangan.
Makakatulong rin ang paghingi ng tulong o pakikipag-usap sa iba upang mas humaba ang iyong pasensya. Mas mainam kung ang mga kakausapin mo ay mga magulang na nakaranas rin ng parehong sitwasyon sayo ngunit ito ay nalampasan at may maayos na pakikitungo na sa kanilang anak.
Source:
Psychology Today
BASAHIN:
30 manners na kailangan matutunan ng iyong anak
5 paraan para lumaking strong at independent ang anak na babae
Ito ang epekto sa bata kapag nakikita niyang nag-aaway ang magulang
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!