Naging mabilis at deretso ang sagot ni Matteo Guidicelli pagdating sa ideya ng pagkakaroon ng anak. Sagot ng aktor, matagal na siyang ready na magkaanak sila ng misis na si Sarah Geronimo.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Matteo Guidicelli sa pagkakaroon ng anak sa misis na si Sarah Geronimo.
- Sarah Geronimo at kaniyang mga magulang nagkaayos na nga ba.
Matteo Guidicelli sa pagkakaroon ng anak sa misis na si Sarah Geronimo
“Handang-handa na, dati pa.”
Ito ang mabilis na sagot ni Matteo Guidicelli ng matanong sa isang panayam kung siya ay handa na bang magkaroon ng anak sa misis na si Sarah Geronimo. Bagamat dagdag niya, dahil sa pareho nilang busy na schedule ay hindi nila ito napagtutuunan ng pansin.
Pero kung bibigyan ng pagkakataon, hiling ng aktor sana ngayong taon ay mapagbigyan na sila ni Sarah at makabuo na ng kanilang supling.
“God willing, after all the activities that Sarah wants to do and want to accomplish and, of course, my commitments with hopefully, by the end of the year, sana pag-pray natin lahat na maka-buo.”
Ito ang sabi pa ni Matteo.
Sarah Geronimo at kaniyang mga magulang nagkaayos na nga ba?
Samantala, sa isa sa pinakalatest na IG post ni Sarah ay napatanong ang mga netizens kung nagkaayos na ba sila ng kaniyang mga magulang. Dahil nitong nagdaang Mother’s day ay binati ng singer ang kaniyang ina. Sinabi niyang ito at kaniyang ama ang superheroes ng buhay niya.
“Superheroes ng buhay ko.
I love you nanay at tatay ko.
Happy Mother’s day po mama. Walang hanggan po na pasasalamat para sa walang katumbas na pag-aaruga at pagmamahal.”
Ito ang caption ng post ni Sarah kalakip ang larawan niya kasama ang kaniyang mga magulang.
Marami sa mga netizens ang lalong humanga kay Sarah. Dahil sa kabila ng pinagdaanan nila ng kaniyang mga magulang ay hindi nawala ang pagmamahal at respeto niya sa mga ito.