Mommies, narito ang mga paraan para mapangalagaan ang mental health ng buntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit nagiging mas emosyonal kapag nabubuntis?
- May epekto ba ang mental state ni mommy sa kaniyang ipinagbubuntis?
- Tips para maging healthy ang mental health ng buntis
Ang pagbubuntis ko sa tatlong anak ko ay ilan sa mga pinakamasayang sandali ng pagiging ina. Mayroong kaunting mood swings na inaasahan kapag buntis. Pero alam ko sa sarili ko na handa ako at malusog ang aking mental state noong mga panahong iyon.
Bukod sa naging magaang ang aking pagbubuntis at hindi ako nakaranas ng matitinding komplikasyon. Naramdaman ko na masaya ang aking disposisyon, dahil pinaghandaan ko ang pagbubuntis. Pati na rin sa suporta na aking partner, pamilya at mga kaibigan.
Sa kasamaang palad, hindi lahat ng buntis ay nasa ganoong posisyon. May mga babae na hindi pa handa nang malaman nilang buntis sila, o kaya naman hindi nakakatanggap ng suporta mula sa iba.
Nariyan din ang mga bagay na maaaring makadagdag ng stress, tulad ng pag-iisip tungkol sa panganganak o mga gagastusin para sa baby.
Tulad ng pangangalaga sa ating pisikal na kalusugan, mahalaga rin na ingatan ang mental health ng buntis. Pero bago natin malaman kung anong dapat gawin, alamin muna natin kung bakit nagiging mas emosyonal ang isang babae habang nagbubuntis.
Bakit nagiging moody kapag buntis?
Kapansin-pansin na nagiging mas moody o emosyonal ang isang babae kapag siya ay nabubuntis, kaya naman isa ito sa mga senyales ng pagdadalang-tao na unang napapansin ng mga tao sa paligid niya.
Maaaring sa umpisa, siya ay masaya at maganang kumain. Tapos biglang manghihina at tatamarin, o kaya naman bigla na lang maiirita kapag mayroon siyang naamoy na hindi niya nagustuhan.
Pero hindi ito “pag-iinarte lang,” dahil hindi naman nila ito sinasadya kundi bahagi ng pagbabago ng hormones sa kanyang katawan.
Kapag nabubuntis ang isang babae, gumagawa ang katawan ng mas maraming estrogen (hormone na may kinalaman sa nerbyos, pagiging iritable o emosyonal) at progesterone (hormone na nagdudulot nang pakiramdam na pagod, katamaran at kalungkutan). Ito ang pangunahing dahilan ng kaniyang mood swings.
Dahil rin sa mga pagbabago sa kaniyang katawan na nakakaapekto sa kaniyang tulog at pahinga tulad ng hirap na dala ng morning sickness, kaya mas mabilis siyang maging emosyonal o iritable.
Kung sila ay first-time moms, maaari silang makaramdam ng kaba at pag-aalala kapag naiisip nila ang hirap ng panganganak at pag-aalaga sa isang baby.
Pwede ring makadagdag sa stress ng buntis ang pag-iisip tungkol sa gagastusin sa panganganak at sa bata, pag-leave mula sa trabaho o kaya problema sa kaniyang mga relasyon.
Prenatal depression
Bagama’t normal ang pagiging emosyonal kapag buntis, may mga kaso rin na nakakaramdam sila ng matinding lungkot na isa na palang senyales ng isang mental health disorder.
Ayon sa American Congress of Obstetricians and Gynecologists (ACOG), 14-23% ng populasyon ng kababaihan ay maaaring makaranas ng mga sintomas ng depresyon habang nagbubuntis o prenatal depression.
Kadalasan, hindi natutukoy ng mga espesyalista ang sakit na ito dahil maging ang babaeng nakakaranas nito ay nag-aakalang bahagi lang ito ng mga sintomas ng pagbubuntis.
Kapag masama ang loob, may epekto ba kay baby?
Ayon kay Dr. Chex Gacrama, isang psychiatrist, maaring magkaroon ng epekto sa sanggol kapag hindi malusog ang mental health ng buntis. Pagbabahagi niya,
“Iyong pagkakaroon ng sama ng loob o lungkot during pregnancy, it is a common thing. Parang normal lang siya.
Pero ito ay nakakasama at makaka-apekto kay baby kung ito ay madalas, nagpatuloy at wala tayong ginawa about it.”
Paliwanag ng doktora, kapag masyadong masama ang loob ng isang ina. Maaaring maging dahilan ito para hindi niya maalagaan ang sarili habang siya ay nagbubuntis. Pwede rin itong magdulot ng komplikasyon sa kaniya at sa bata sa kaniyang sinapupunan.
“Pwede ‘yang mag-cause ng low birth weight sa baby, preterm delivery and may long-term effects yan.
Kahit nasa tiyan pa lang siya, kapag palaging negative o masama ang loob, pwede ‘yang magkaroon ng effect sa physical ang mental development ng ating anak,” dagdag ni Dr. Chex.
BASAHIN:
Depresyon habang buntis: Paano mo malalaman na mayroon ka nito?
Iba’t ibang uri ng mental health conditions na maari mong maranasan habang buntis
Tips para mapangalagaan ang mental health ng buntis
Pero paano mo nga ba masisiguradong malusog ang ating mental health habang nagbubuntis?
Ayon kay Dr. Dawn Kingston, Ph.D, isang perinatal mental health specialist sa Alberta, Canada, mayroong mga paraan para matulungan natin ang ating mga sarili na maging masaya at malagpasan ang matitinding emosyon na maaari nating maranasan habang nagdadalang-tao.
Narito ang ilang bagay na maaari mong subukan:
1. Subukan ang mindfulness.
Ito ay ang kakayahan natin na maging aware o bukas ang ating mga senses para pansinin ang mga bagay na nangyayari sa ating paligid. Ayon sa mga pag-aaral, nakakatulong ito para makabawas ng stress habang nagbubuntis.
Kung alam mo at napapansin mo ang mga pagbabago sa iyong katawan at mga bagay na nakakapagdulot sa iyo ng stress, lungkot at kaba, maaari mo ring turuan ang iyong isip para malagpasan ang mga iyon at mag-focus sa mga bagay na kaaya-aya.
2. Gumamit ng mga meditation app.
May mga pag-aaral na nagsasabi na nakakabuti ang meditation sa pagbubuntis. Pero paano saan at paano nga ba magsisimula?
Sa panahon ngayon, lahat halos ng kailangan natin ay mahahanap na sa internet. Bakit hindi mo subukang humanap ng mga app sa iyong phone makakatulong para makapag-meditate at makapag-relax?
3. Makipag-date kay hubby.
Isa sa mga bagay na nagdadala ng malaking stress sa mga buntis ay ang pagbabago ng kanilang relasyon sa kanilang asawa o partner.
Kaya naman mahalaga na mapalakas at mapagtibay niyo ang inyong pagsasama bago pa dumating ang inyong anak. Ip agpatuloy niyo pa rin ang pagkakaroon ng regular na date night habang ikaw ay nagbubuntis.
Hindi naman kailangang maging magarbo, at hindi rin kailangang lumabas para mag-date. Kahit isang oras lang para makapag-bonding at makapag-usap habang kumakain ng inyong paboritong pagkain ay makakatulong na para mabawasan ang iyong stress.
4. Bigyan ng oras ang iyong sarili.
“Lubusin mo na habang wala pa si baby.” Iyan ang isa sa mga karaniwang payo sa mga buntis. Pero nakakatulong talaga ito para maalala ng mga babae na dapat nilang i-prioritize ang self-care at pagbibigay ng oras para sa sarili kapag sila ay naging magulang na.
Bukod sa pagkain ng tama, pag-eehersisyo at pagkakaroon ng sapat na pahinga. Gumawa ng mga bagay na nakakapagpasaya sa ‘yo araw-araw.
Kahit ito lang ay 20 minuto para magbasa ng iyong magazine habang nakataas ang iyong mga paa sa sofa at umiinom ng malamig na juice, o kaya naman panonood ng paborito mong Kdrama. Basta alalahaning maglaan ng oras sa sarili para maiwasan ang stress.
5. Humingi ng tulong kung kailangan.
Isa sa mga bagay na nakakapagdulot ng depresyon sa isang buntis ay kapag hindi siya nakakatanggap ng sapat na suporta mula sa ibang tao.
Kaya naman para hindi ka masyadong mabigatan sa iyong bagong papel bilang isang ina, huwag mahiyang humingi ng tulong. Maging ito man ay sa gawaing bahay, sa trabaho, o kahit kung kailangan mo lang ng taong makakausap.
Kakailanganin mo ng suporta ng iyong partner at ibang tao sa iyong paligid. Lalo na kapag naipanganak mo na ang iyong baby.
Tulad ng pangangalaga natin sa ating katawan at pisikal na kalusugan. Dapat ay pangalagaan rin natin ang ating mental health kapag nagbubuntis. Kaya naman kung mayroon kang napapansin na kakaiba sa iyong katawan at maging sa iyong pag-iisip, huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor.
Source: