Marami ka bang iniisip at labis na nalulungkot habang nagbubuntis? Alamin kung normal lang ang iyong nararamdaman o sintomas na ito ng depresyon habang buntis.
Ang pagbubuntis ay itinuturing na isa sa mga pinakamaligayang bahagi ng buhay ng isang babae. Inaasahan man ito o hindi, malugod na tinatanggap ng magiging nanay ang balitang ito dahil madaragdagan na ng miyembro ang kaniyang pamilya.
Subalit hindi madaling magbuntis lalo na sa panahon ngayon. Kaya hindi rin maiiwasan na makaramdam ang babae ng pangamba at posibleng kaunting kalungkutan dulot ng mga pagbabago sa kaniyang katawan.
Pero paano mo ba malalaman kung ang iyong nararamdaman ay normal lang na sintomas ng pagbubuntis o kung kailangan mo na ng medikal na atensyon?
Depresyon habang buntis: Prenatal depression
Larawan mula sa Freepik
May mga babae na nakakaranas ng labis na kalungkutan sa panahon ng kanilang pagbubuntis at maging pagkatapos nilang manganak.
Marahil ay narinig mo na ang mga salitang “postpartum depression” na tumutukoy sa depresyon ng isang babae matapos niyang isilang ang kaniyang anak.
Pero marami ring kababaihan ang nakakaranas ng prenatal depression o depresyon habang sila ay nagbubuntis.
Ayon sa American Congress of Obstetricians and Gynecologists (ACOG), 14-23% ng populasyon ng kababaihan ang maaring makaranas ng mga sintomas ng depresyon habang nagbubuntis.
Nabibilang ang depresyon sa iba’t ibang anyo ng mood disorder na nakaaapekto sa isa sa bawat apat na babae sa buong mundo. Kaya hindi na nakagugulat kung ang mga nagbubuntis o magbubuntis ay makakaranas ng depresyon.
Kadalasan, hindi natutukoy ng mga espesyalista ang sakit na ito dahil maging ang babaeng nakakaranas nito ay nag-aakalang bahagi lang ito ng mga sintomas ng pagbubuntis.
Subalit kung hindi masosolusyunan ang depresyon sa lalong madaling panahon, maaari itong makasama sa babaeng nagbubuntis at maging sa sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Mga posibleng sanhi ng depresyon habang buntis
Ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, maraming kababaihan ang nakakaranas ng prenatal depression dahil sa pagbabago ng ating mga hormones, at sabayan pa ng malaking pagbabago sa ating katawan at anyo.
“Marami tayong mga pregnancy hormones. Parang nagkahalo-halo na ‘yong hormones tapos ‘yong physical changes in our body na minsan it can lead to depression,” aniya.
Kung ang isang babae ay mayroon nang depresyon bago pa siya mabuntis, maaaring tumindi ang mga sintomas nito habang siya ay nagdadalang-tao.
Maaari ring makadagdag sa depresyon ng isang babae ang labis na pag-iisip at pamomroblema sa iba’t ibang bagay, lalo na sa mga first-time moms na maaaring nababahala kapag iniisip ang panganganak at pag-aalaga sa kanyang magiging anak.
Ang mga sumusunod ay ilan rin sa mga posibleng maging sanhi ng depresyon sa mga buntis:
Larawan mula sa Freepik
- Pag-aalala sa pinansyal na aspekto ng pagkakaroon ng anak.
- Hindi inaasahang pagbubuntis.
- Kakulangan ng pinansiyal, emosyonal, at ispiritwal na suporta mula sa mga mahal sa buhay.
- Malalim na pag-iisip tungkol sa kaniyang kakayahan na maging ina sa dinadalang anak.
- Problema sa relasyon nilang mag-asawa.
- Epekto ng mga infertility medicines na ininom niya.
- Nakaranas ng pang-aabusong pisikal, emosyonal, mental o sikolohikal.
Mga sintomas ng depresyon habang buntis
Dahil sa may pagkakapareho ito sa mga karaniwang sintomas na idinadaing nga maraming buntis, maaring hindi agad matukoy na nakakaranas pala ng depresyon ang isang babae.
Para masabi mong ito ay depresyon, kadalasan ay natutukoy ito kung labis o kakulangan ng isang bagay na iyong nararanasan. Halimbawa, maaaring sintomas ng isang buntis ang nahihirapan matulog. Pero sa mga babaeng may depresyon, sila ay hindi makatulog o sobra naman sa tulog.
Ayon naman kay Dr. Chex De Leon-Gacrama, isang neurologist at psychiatrist, masasabi na mayroon nang mental health issue o mental health problem gaya ng depression ang isang buntis kung ang sintomas ay tumagal na ng mahigit 2 linggo.
“Kung nakakarinig kayo ng depression during pregnancy o postpartum depression, usually ito ay nagtatagal nang mahigit sa 2 weeks,” aniya.
Narito pa ang ilan sa mga sintomas na pwede mong maranasan:
- Hindi mawala-walang lumbay na hindi maipaliwanag ang pinagmumulan.
- Kawalang konsentrasyon o pokus.
- Hindi makatulog o sobra naman sa tulog.
- Pagbabago sa gana ng pagkain—maaaring sobra o ayaw kumain.
- Pagbaba ng kanyang timbang dahil sa hindi pagkain ng tama.
- Panghihina at pagkatamad.
- Madalas na pag-iyak nang walang tiyak na dahilan.
- Walang ganang gawin ang mga bagay na dating kinagigiliwang gawin.
- Madaling magalit o malungkot nang walang sapat na dahilan.
- Pagkaramdam ng guilt o sinisisi ang sarili.
- Pakiramdam na hindi karapat-dapat ang sariling maging ina.
- Pagsuway sa bilin ng doktor kaugnay sa pangangalaga sa sarili habang buntis.
- Pagsagi sa isip na magpakamatay.
Bagamat napakahirap na tukuyin ng mga senyales ng depresyon sa buntis, dapat pa ring bantayan ang mga ito bago ito makaapekto sa iyong kalusugan at pagbubuntis.
Depresyon habang buntis, nakakasama ba ito kay baby?
Ayon kay Dr. Patricia, ang pagkakaroon ng sobrang stress sa isang buntis ay makakaapekto sa paglaki ng sanggol sa kaniyang sinapupunan.
“Kapag grabe ‘yong stress, severe stress pwedeng masyadong tumaas ang cortisol. Ito ay isang hormone sa katawan ng babae at (nagiging dahilan para) maging maliit ang kanyang baby.
And then kapag masyadong stressed, ang isang babae minsan hindi siya makatulog, hindi na makakain at masyadong nag-iisip ng mga masasamang bagay kaya baka maapektuhan din ‘yong baby.”
Ang kawalan ng sapat na pahinga, tamang nutrisyon at pangangalaga sa sarili dulot ng depresyon ay maaring maging dahilan para magkaroon ng problema ang isang babae sa kanyang pagbubuntis.
Kapag nakakaramdan ng labis na stress ang ating katawan, kusa itong gumagawa ng hormones na cortisol sa ating blood stream. Maaari itong magdulot ng pagbilis ng tibok ng puso at pagtaas rin ng ating blood pressure.
Ayon sa Parentingscience.com, ang pagkakaroon ng mataas na halaga ng cortisol sa katawan ay delikado para sa mga buntis. Maaari itong magdulot ng preeclampsia, premature birth o maagang panganganak, mababang timbang ng sanggol kapag pinanganak at mga problema sa kaniyang paglaki.
“Kung masyado ka ring ma-stress, baka naman magkaroon ka ng hypertension or diabetes and that will lead to a lot of complications on your pregnancy.
Mas malaking chance na maliit ang baby, manganak ka ng premature o magkaroon ng complication during your delivery.” pahayag ni Dr. Patricia.
Gayundin, iniuugnay ang pagkakaroon ng sobrang cortisol sa miscarriage o pagkalaglag ng sanggol sa iyong sinapupunan.
May epekto ba ang sobrang kalungkutan o pagbabago ng emosyon sa bata sa iyong sinapupunan? Ani ni Dr. Patricia,
“Wala talagang mga clinical studies that will prove that when a woman is depressed, made-depress din ang baby although I’m sure meron talagang effect ‘yan dun sa baby niyo.
Siyempre ‘yong blood flow to the placenta, baka may mga hormones or may mga cortisol na as I mentioned na makaka-reach dun sa placenta.
And kahit na hindi ‘yong emotion ang mapi-feel ng fetus, pero ‘yong sleeping pattern, ‘yong eating pattern mo and also baka meron kang mga eating habits na nagagawa din along the way, that can definitely affect the fetus. ”
Hindi lang ito nagtatapos sa panganganak. Sinasabing ang mga babaeng nakakaranas ng prenatal depression ay may mas malaking posibilidad na magkaroon ng postpartum depression.
Kadalasan, nakakaramdam ng kakaibang panghihina ang isang babaeng may depresyon – pakiramdam niya ay wala siyang kakayahan o kagustuhan na alagaan ang kanyang anak.
Gayundin, ayon kay Dr. Chex, kapag tumagal ang mental health issue sa isang buntis, maaring makaapekto ito sa kaniyang sanggol.
“According to studies, kapag prolonged ‘yong ating mental health issue, it can affect the baby physically and mentally.”aniya.
Ayon sa ACOG, napansin na ang mga sanggol na isinilang ng mga babaeng may depression ay hindi kasing aktibo at mas iyakin kaysa sa mga batang ipinanganak ng mga malulusog na ina.
Sa isang pag-aaral naman na isinagawa noong 2018, nakita na mayroong kaugnayan ang pagkakaroon ng nanay na may depression at pagkakaroon ng isang bata ng attention deficit hyperactivity disorder o ADHD.
Paano maaagapan ang depresyon habang buntis?
Ayon kay Dr. Chex, ang unang hakbang para maagapan ang depresyon ay ang humingi ng tulong.
“Ang best talaga ang kumonsulta. Pwedeng sabihin mo muna sa’yong OB, o pwede rin siyang magrefer sa isang psychiatrist,” aniya.
Dagdag pa ni Dr. Chex, kung matindi ang sintomas ng depression na nararamdaman ng buntis, maari rin siyang resetahan ng gamot na ligtas para sa mga buntis.
Aniya, dapat maagapan ang mga sintomas ng depresyon habang buntis sa halip na tiisin lang dahil maaring magkaroon ng panghabang-buhay na epekto ito sa mag-ina.
“Mas importante na i-treat ‘yong depression kumpara sa titiisin mo lang, hindi ka hihingi ng tulong . Kasi ‘yong long-term bad effects niya sa’yo at sa baby ay delikado. So pag ganyan na nakakaranas na tayo, alam nating may mali na, kumonsulta agad. Humingi ng tulong,” ani Dr. Chex.
Dagdag pa niya, kung hindi mo kayang sabihin sa iyong doktor, maari mo munang kausapin ang iyong asawa at partner, para siya ang maglalakas ng loob na humingi ng tulong para sa’yo.
“Ang support system is very important also,” aniya.
Sang-ayon naman si Dr. Patricia na napakahalaga para sa isang buntis ng emotional support mula sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang asawa o partner.
“Para magaang ang kaniyang pagbubuntis at para ma-feel niya na kaya niya ito. Kasi kailangan niya talaga ng emotional support. Pinakamalaking tulong talaga is ‘yong partner supportive and then ‘yong family, pero number 1 talaga is ‘yong partner.”
Paalala pa ni Dr. Chex, kung mayroon ka nang depression bago ka pa man mabuntis, dapat mong ipaalam ito sa iyong OB-GYN para maplano niyo kasama ang payo ng iyong psychiatrist kung anong dapat at hindi dapat gawin.
“Usually kasi kapag talagang depressed ka na, ang problem kasi diyan kapag na-discontinue mo ‘yong gamot mo, mataas ang chance magkaroon ng relapse, kasi aside from hindi mo iinumin ‘yong gamot mo if you choose not to, ‘yong hormonal changes na nangyayar sa isang buntis ay nagko-contribute din.” aniya.
Narito naman ang ilang paraang pwede mong subukan para labanan ang depresyon habang buntis:
- pag-eehersisyo
- sapat na pahinga
- pagkain ng tama (iwasan ang mga pagkaing mayaman sa asukal, caffeine at mga processed food)
- acupuncture
- pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa omega-3 fatty acids
- pagkain o pag-inom ng mga herbal na mayaman sa mga bitaminang tulad ng magnesium at vitamin B6, at mga mainam sa pagsasaayos ng mood at pagpapataas ng level ng serotonin sa katawan ng ina
Paglinaw ni Dr. Chex, bagamat maaring magtuloy ang depression habang buntis sa postpartum depression, maari namang agapan ito.
“Ang depression ay nape-prevent at nagagamot. As long as nagamot siya, at ginagawa mo ‘yong part mo na tulungan ang sarili mo pati ‘yong support system mo, kahit nagkaroon ka ng depression or anxiety noong nagbubuntis ka, pwedeng hindi ka na magkaroon ‘nun.”
Hindi madali ang pinagdadaanan ng isang buntis, lalo na kung nakakaranas siya ng depresyon. Pero ang pinakamabisang paraan para malabanan ito ay ang pakikipag-usap at paghingi ng tulong sa ibang tao.
Huwag kang mahiya dahil para ito sa iyong kalusugan at kapakanan ng iyong baby. Paalala ni Dr. Chex,
“Mental health is very important not only for you but also for the baby. When you are feeling well, happy and content, you are better able to manage stress. But if you have difficulty coping or dealing with stress, ask for help.”
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!